-
Paglalang o Ebolusyon?—Bahagi 1: Bakit Dapat Maniwala sa Diyos?Tanong ng mga Kabataan
-
-
TANONG NG MGA KABATAAN
Paglalang o Ebolusyon?—Bahagi 1: Bakit Dapat Maniwala sa Diyos?
Paglalang o ebolusyon?
Naniniwala ka bang Diyos ang lumalang ng lahat ng bagay? Kung oo, hindi ka nag-iisa; ganiyan din ang paniniwala ng maraming kabataan (at adulto). Pero may mga nagsasabing ang buhay at ang uniberso ay kusang nag-evolve nang walang kinalaman ang isang “Kataas-taasang Persona.”
Alam mo ba? Kadalasan, agad sinasabi ng magkabilang panig sa usaping ito kung ano ang pinaniniwalaan nila, pero hindi naman talaga nila alam kung bakit nila iyon pinaniniwalaan.
May mga taong naniniwala sa paglalang dahil iyon ang itinuro sa kanila sa simbahan.
Maraming tao ang naniniwala sa ebolusyon dahil iyon ang itinuro sa kanila sa paaralan.
Ang serye ng mga artikulong ito ay tutulong sa iyo na mapatibay at maipaliwanag ang iyong paniniwala tungkol sa paglalang. Pero kailangan mo munang tanungin ang iyong sarili:
Bakit ako naniniwalang may Diyos?
Bakit mahalaga ang tanong na iyan? Dahil pinasisigla ka ng Bibliya na gamitin ang iyong pag-iisip, ang iyong “kakayahan sa pangangatuwiran.” (Roma 12:1) Ibig sabihin, ang paniniwala mo sa Diyos ay hindi lang dahil sa
emosyon (Basta nararamdaman kong may makapangyarihang persona)
impluwensiya ng iba (Relihiyoso ang mga tao sa lugar namin)
panggigipit (Pinalaki ako ng mga magulang ko na maniwala sa Diyos—dahil kung hindi . . .)
Sa halip, dapat na kumbinsido ka mismo na may Diyos at dapat na mayroon kang matitibay na dahilan.
Kung gayon, ano ang nakakumbinsi sa iyo na may Diyos? Ang worksheet na “Bakit Ako Naniniwalang May Diyos?” ay magpapatibay sa iyong paniniwala. Baka makatulong din sa iyo ang sagot ng ibang kabataan sa tanong na iyan.
“Kapag pinakikinggan ko ang paliwanag ng titser namin kung paano gumagana ang ating katawan, wala akong kaduda-duda na talagang may Diyos. Bawat parte ng katawan ay may papel na ginagampanan, hanggang sa kaliit-liitang detalye, at kadalasan nang hindi natin namamalayan kung paano nagagampanan ang mga papel na iyon. Talagang kamangha-mangha ang katawan ng tao!”—Teresa.
“Kapag nakakakita ako ng mataas na building, barko, o kotse, tinatanong ko sa sarili ko, ‘Sino kaya ang gumawa nito?’ Kailangan ang matatalinong tao para makagawa ng, halimbawa, kotse, dahil ang dami-daming piyesa na kailangan para umandar ito. Kaya kung ang mga kotse ay nangangailangan ng disenyador, gayon din ang mga tao.”—Richard.
“Kapag inisip mong daan-daang taon ang kinailangan ng pinakamatatalinong tao para maunawaan ang kahit katiting lang na bahagi ng uniberso, napakalaking kamangmangan na isiping hindi kailangan ng talino para umiral ang uniberso!”—Karen.
“Habang pinag-aaralan ko ang siyensiya, lalo akong nahihirapang maniwala sa ebolusyon. Halimbawa, pinag-isipan ko ang napakahusay na pagkakaayos ng kalikasan at ang pagiging natatangi ng tao, pati na ang pangangailangan nating malaman kung sino tayo, kung saan tayo galing, at kung saan tayo patungo. Pinipilit itong ipaliwanag ng ebolusyon gamit ang mga terminong may kinalaman sa hayop, pero hindi nito maipaliwanag kung bakit natatangi ang tao. Para sa ’kin, mas mahirap maniwala sa ebolusyon kaysa sa isang Maylalang.”—Anthony.
Kung paano ipaliliwanag ang aking paniniwala
Paano kung tinutukso ka ng mga kaklase mo dahil naniniwala ka sa isang bagay na hindi mo naman nakikita? Paano kung sabihin nilang “napatunayan” na ng siyensiya ang ebolusyon?
Una, manindigan sa iyong paniniwala. Huwag kang matakot o mahiya. (Roma 1:16) Tandaan:
Hindi ka nag-iisa; marami pa rin ang naniniwala sa Diyos. Kasama riyan ang matatalino at edukadong tao. Halimbawa, may mga siyentipiko na naniniwalang may Diyos.
Kapag sinasabi ng mga tao na hindi sila naniniwala sa Diyos, kung minsan ang ibig lang nilang sabihin ay hindi nila naiintindihan ang Diyos. Sa halip na patunayan ang paniniwala nila, itinatanong nila ang gaya ng, “Kung may Diyos, bakit niya pinapayagang magdusa ang mga tao?” Sa diwa, pinaiiral nila ang emosyon sa halip na maging makatuwiran.
Ang mga tao ay may “espirituwal na pangangailangan.” (Mateo 5:3) Kasama rito ang pangangailangang maniwala sa Diyos. Kaya kung may nagsasabing walang Diyos, ang taong iyon—hindi ikaw—ang dapat magpaliwanag kung bakit niya nasabi iyon.—Roma 1:18-20.
Talagang makatuwiran ang maniwala sa Diyos. Kaayon ito ng katotohanan na imposibleng basta na lang umiral ang buhay. Walang ebidensiyang sumusuporta sa ideya na ang buhay ay nanggaling sa mga bagay na walang buhay.
Kung gayon, ano ang puwede mong sabihin kapag may kumuwestiyon sa iyong paniniwala sa Diyos? Pansinin ang ilang posibilidad.
Kung may magsasabi: “Mga walang pinag-aralan lang ang naniniwala sa Diyos.”
Puwede mong isagot: “Talaga bang naniniwala ka d’yan? Ako, hindi. Ang totoo, sa isang surbey sa mahigit 1,600 propesor sa siyensiya mula sa iba’t ibang mahuhusay na unibersidad, sangkatlo ang hindi nagsabing ateista o agnostiko sila.a Sasabihin mo bang hindi matalino ang mga propesor na iyon dahil naniniwala sila sa Diyos?”
Kung may magsasabi: “Kung may Diyos, bakit napakaraming nagdurusa sa mundo?”
Puwede mong isagot: “Baka ang ibig mong sabihin ay hindi mo naiintindihan kung paano kumikilos ang Diyos—o sa kasong ito, kung bakit parang hindi siya kumikilos. Tama ba? [Hintaying sumagot.] May alam akong magandang sagot sa tanong na iyan. Pero para maunawaan ito, kailangan muna nating suriin ang ilang turo ng Bibliya. Gusto mo bang matuto pa nang higit tungkol dito?”
Tatalakayin sa susunod na artikulo ng seryeng ito kung bakit ang teoriya ng ebolusyon ay hindi nagbibigay ng kasiya-siyang paliwanag sa ating pag-iral.
a Pinagkunan: Social Science Research Council, “Religion and Spirituality Among University Scientists,” ni Elaine Howard Ecklund, Pebrero 5, 2007.
-
-
Paglalang o Ebolusyon—Bahagi 2: Bakit Dapat Kuwestiyunin ang Ebolusyon?Tanong ng mga Kabataan
-
-
TANONG NG MGA KABATAAN
Paglalang o Ebolusyon?—Bahagi 2: Bakit Dapat Kuwestiyunin ang Ebolusyon?
Nalilito si Alex. Noon pa man ay naniniwala na siya sa Diyos at sa paglalang. Pero tahasang sinabi ng biology teacher niya na totoo ang ebolusyon, at na salig ito sa maaasahang pagsasaliksik ng siyensiya. Ayaw ni Alex na magmukha siyang ignorante. ‘Tutal,’ ang sabi niya sa sarili, ‘kung napatunayan na ng mga scientist ang ebolusyon, sino naman ako para kuwestiyunin sila?’
Nalagay ka na rin ba sa ganiyang sitwasyon? Baka buong buhay mo, naniniwala ka sa sinasabi ng Bibliya: “Nang pasimula ay nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa.” (Genesis 1:1) Pero ngayon, kinukumbinsi ka ng mga tao na alamat lang ang paglalang at totoo ang ebolusyon. Dapat ka bang maniwala sa kanila? Bakit dapat kuwestiyunin ang ebolusyon?
Dalawang dahilan para kuwestiyunin ang ebolusyon
Hindi nagkakasundo ang mga siyentipiko tungkol sa ebolusyon. Sa kabila ng maraming taóng pananaliksik, ang mga siyentipiko ay wala pa ring mapagkasunduang paliwanag tungkol sa ebolusyon.
Pag-isipan: Kung hindi nagkakasundo tungkol sa ebolusyon ang mga siyentipiko—na itinuturing na mga eksperto—mali bang kuwestiyunin mo ang teoriyang ito?—Awit 10:4.
Mahalaga kung ano ang pinaniniwalaan mo. “Kung nagkataon lang ang buhay, ibig sabihin, ang buhay natin—at ang lahat ng nasa uniberso—ay walang kabuluhan,” ang sabi ni Zachary. May katuwiran siya. Dahil kung totoo ang ebolusyon, parang walang tunay na layunin ang buhay. (1 Corinto 15:32) Pero kung totoo ang paglalang, makakakita tayo ng kasiya-siyang sagot sa mga tanong tungkol sa layunin ng buhay at sa mga mangyayari sa hinaharap.—Jeremias 29:11.
Pag-isipan: Bakit mahalagang malaman mo ang katotohanan tungkol sa ebolusyon at paglalang?—Hebreo 11:1.
Mga tanong na dapat pag-isipan
SINASABI NG IBA: ‘Lahat ng bagay sa uniberso ay resulta ng big bang.’
Sino o ano ang sanhi ng big bang?
Alin ang mas makatuwiran—ang lahat ay nagmula sa wala o ang lahat ng bagay ay may pinagmulan o may nagpasimula?
SINASABI NG IBA: ‘Ang tao ay nag-evolve mula sa hayop.’
Kung ang tao ay nag-evolve mula sa hayop—halimbawa, mula sa unggoy—bakit napakalaki ng agwat ng intelektuwal na kakayahan ng mga tao at ng mga unggoy?a
Bakit napakasalimuot kahit ang mga “pinakasimpleng” anyo ng buhay?b
SINASABI NG IBA: ‘Ang ebolusyon ay totoong-totoo.’
Nasuri ba ng taong nagsasabi nito ang mga katibayan?
Gaano karami ang naniniwala sa ebolusyon dahil lang sa may nagsabi sa kanila na naniniwala rito ang lahat ng matatalinong tao?
a Baka sabihin ng iba na mas matalino ang mga tao dahil mas malaki ang utak nila kaysa sa utak ng mga unggoy. Pero para malaman kung bakit hindi makatuwiran ang argumentong iyan, tingnan ang brosyur na The Origin of Life—Five Questions Worth Asking, pahina 28.
b Tingnan ang brosyur na The Origin of Life—Five Questions Worth Asking, pahina 8-12.
-
-
Paglalang o Ebolusyon?—Bahagi 3: Bakit Dapat Maniwala sa Paglalang?Tanong ng mga Kabataan
-
-
TANONG NG MGA KABATAAN
Paglalang o Ebolusyon?—Bahagi 3: Bakit Dapat Maniwala sa Paglalang?
“Kapag naniniwala ka sa paglalang, iisipin ng mga tao na ignorante ka, na nagpapaniwalâ ka sa mga kuwentong pambata na itinuro sa ’yo ng mga magulang mo, o na-brainwash ka ng relihiyon mo.”—Jeanette.
Sang-ayon ka ba kay Jeanette? Kung oo, baka nag-aalinlangan ka na sa paglalang. Sino ba naman ang gustong magmukhang ignorante? Ano ang makatutulong sa iyo?
Mga pagtutol
1. Kapag naniniwala ka sa paglalang, iisipin ng mga tao na kinokontra mo ang siyensiya.
“Sabi ng teacher ko, naniniwala ang mga tao sa paglalang kasi ayaw na nilang alamin pa kung paano gumagana ang mga bagay-bagay sa mundo.”—Maria.
Ang dapat mong malaman: Ang mga nagsasabi niyan ay walang alam kung ano talaga ang totoo. Ang mga kilaláng siyentipiko na gaya nina Galileo at Isaac Newton ay naniniwala sa Maylalang. At hindi naman iyan salungat sa pagpapahalaga nila sa siyensiya. May mga siyentipiko rin ngayon na walang nakikitang pagkakasalungatan sa siyensiya at sa paglalang.
Subukan ito: I-type ang pananalita (kasama ang mga quotation mark) na “ang paniniwala ng” sa search box ng Watchtower ONLINE LIBRARY para sa mga halimbawa ng mga taong nasa larangan ng medisina at siyensiya na naniniwala sa paglalang. Pansinin kung ano ang nakatulong sa kanila para maniwala.
Tandaan: Kung naniniwala ka sa paglalang, hindi ibig sabihin nito na kinokontra mo ang siyensiya. Sa katunayan, habang natututuhan mo ang tungkol sa kalikasan, lalo kang maniniwalang totoo nga ang paglalang.—Roma 1:20.
2. Kapag naniniwala ka sa sinasabi ng Bibliya tungkol sa paglalang, iisipin ng mga tao na panatiko ka.
“Para sa marami, kalokohan ang maniwala sa paglalang. Iniisip nila na isa lamang kuwento ang sinasabi sa Genesis.”—Jasmine.
Ang dapat mong malaman: Kadalasan nang may maling palagay ang mga tao tungkol sa sinasabi ng Bibliya hinggil sa paglalang. Halimbawa, may mga creationist na nagsasabing kailan lang nilalang ang lupa o na ang buhay ay nilalang sa loob ng anim na araw na tig-24 na oras. Parehong hindi iyan sinusuportahan ng Bibliya.
Simple lang ang sinasabi ng Genesis 1:1: “Nang pasimula ay nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa.” Kaayon iyan ng siyentipikong ebidensiya na ang lupa ay bilyon-bilyong taon nang umiiral.
Ang salitang “araw” na ginamit sa Genesis ay maaaring tumukoy sa mahahabang yugto ng panahon. Sa katunayan, ang salitang “araw” ay ginamit sa Genesis 2:4 para tumukoy sa kabuuang anim na araw ng paglalang.
Tandaan: Ang ulat ng Bibliya tungkol sa paglalang ay kaayon ng mga katotohanan sa siyensiya.
Suriin ang iyong paniniwala
Hindi tamang basta na lang maniwala sa paglalang. Sa halip, kailangan dito ang lohikal na pangangatuwiran. Isipin ito:
Ang lahat ng bagay sa mundo ay nagtuturo sa iyo na kapag may disenyo, mayroon ding nagdisenyo. Kapag nakakita ka ng camera, eroplano, o bahay, iniisip mong may nagdisenyo nito. Bakit mo isasaisantabi ang lohikang iyan kapag nakikita mo ang mata ng tao, ibon sa langit, o ang planetang Lupa?
Pag-isipan: Kadalasan nang kinokopya ng mga inhinyero ang mga katangiang nakikita nila sa kalikasan para mapahusay nila ang kanilang imbensiyon, at natural lang na gusto nilang kilalanin ng iba ang kanilang mga nagawa. Makatuwiran bang kilalanin ang taong nakaimbento at ang nagawa niya pero hindi naman kinikilala ang Maylalang at ang Kaniyang di-hamak na nakahihigit na mga disenyo?
Makatuwiran bang isipin na ang isang eroplano ay dinisenyo pero ang isang ibon ay hindi?
Mga pantulong para masuri ang ebidensiya
Mapatitibay mo ang iyong paniniwala sa paglalang kung susuriin mo ang ebidensiyang makikita sa kalikasan.
Subukan ito: I-type ang pananalita (kasama ang mga quotation mark) na “may nagdisenyo ba nito” sa search box ng Watchtower ONLINE LIBRARY. Pumili ng ilang nagustuhan mong pamagat mula sa serye ng Gumising! na “May Nagdisenyo ba Nito?” Sa bawat artikulo, alamin kung ano ang kahanga-hanga sa aspekto ng kalikasan na tinatalakay roon. Paano ito nakakumbinsi sa iyo na may Disenyador?
Pag-aralang mabuti: Gamitin ang sumusunod na brosyur para mas detalyadong masuri ang ebidensiya tungkol sa paglalang.
Saan Nagmula ang Buhay?
Tamang-tama ang lokasyon ng lupa at kayang-kaya nitong sustinihan ang buhay.—Tingnan ang pahina 4-10.
Makikita sa kalikasan ang mga halimbawa ng disenyo.—Tingnan ang pahina 11-17.
Ang ulat ng Bibliya sa Genesis tungkol sa paglalang ay kaayon ng siyensiya.—Tingnan ang pahina 24-28.
The Origin of Life—Five Questions Worth Asking
Hindi maaaring basta na lang nagsimula ang buhay mula sa walang-buhay na materya.—Tingnan ang pahina 4-7.
Napakakomplikado ng nabubuhay na mga organismo para sabihing di-sinasadyang nabuo ang mga ito.—Tingnan ang pahina 8-12.
Walang sinabi ang makabagong teknolohiya sa kakayahan ng genetic code na mag-imbak ng impormasyon.—Tingnan ang pahina 13-21.
Ang lahat ng buhay ay hindi nagmula sa iisang ninuno. Ipinakikita ng rekord ng mga fosil na ang mga pangunahing grupo ng hayop ay nilalang at hindi unti-unting lumitaw.—Tingnan ang pahina 22-29.
“Ang talagang nakakumbinsi sa ’kin na may Diyos ay ang kalikasan, mula sa mga hayop sa lupa hanggang sa uniberso at sa kaayusang umiiral dito.”—Thomas.
-
-
Paglalang o Ebolusyon?—Bahagi 4: Paano Ko Ipaliliwanag ang Aking Paniniwala sa Paglalang?Tanong ng mga Kabataan
-
-
TANONG NG MGA KABATAAN
Paglalang o Ebolusyon?—Bahagi 4: Paano Ko Ipaliliwanag ang Aking Paniniwala sa Paglalang?
Naniniwala ka sa paglalang, pero nahihiya kang malaman ito ng iba. Baka itinuturo sa mga textbook ninyo ang ebolusyon at nag-aalala kang baka pagtawanan ka ng mga titser at kaklase mo. Paano ka magkakalakas ng loob na sabihin at ipaliwanag ang paniniwala mo sa paglalang?
Kaya mo ’yan!
Baka isipin mo: ‘Hindi ako gano’n katalino para i-discuss ang science at ipagtanggol ang paglalang sa mga debate.’ Ganiyan ang nasa isip ni Danielle noon. “Ayokong kontrahin ang titser at mga kaklase ko,” ang sabi niya. Sang-ayon dito si Diana, “Nalilito ako kapag nangangatuwiran sila at gumagamit ng mga termino sa science.”
Pero ang tunguhin mo naman ay hindi para manalo sa mga argumento. At ang maganda rito, hindi kailangang maging genius ka sa science para maipaliwanag kung bakit naniniwala kang ang paglalang ang makatuwirang paliwanag sa paglitaw ng uniberso.
Tip: Gamitin ang simpleng pangangatuwiran ng Bibliya sa Hebreo 3:4: “Bawat bahay ay may nagtayo, ngunit siya na nagtayo ng lahat ng bagay ay ang Diyos.”
Ganito ipinaliliwanag ni Carol ang simulain sa Hebreo 3:4: “Halimbawang naglalakad ka sa masukal na gubat. Wala ka man lang makitang anumang ebidensiya na may tao roon. Pagkatapos, yumuko ka at nakakita ka ng isang toothpick. Ano ang konklusyon mo? Marami ang magsasabi, ‘May taong nanggaling dito.’ Kung ang isang maliit at walang-halagang toothpick ay ebidensiya na may taong gumawa nito, lalo na ang uniberso at ang lahat ng naroroon!”
Kung may magsasabi: “Kung totoo ang paglalang, sino naman ang lumalang sa Maylalang?”
Puwede mong isagot: “Hindi komo ’di natin naiintindihan ang lahat-lahat tungkol sa Maylalang ay nangangahulugan nang hindi siya umiiral. Halimbawa, maaaring hindi mo alam ang buong kasaysayan ng taong nagdisenyo ng cellphone mo, pero naniniwala ka pa ring may taong nagdisenyo nito, ’di ba? [Hayaang sumagot.] Napakarami nating puwedeng malaman tungkol sa Maylalang. Kung interesado ka, natutuwa akong sabihin sa ’yo ang mga natutuhan ko tungkol sa kaniya.”
Maghanda
Sinasabi ng Bibliya na dapat kang maging “handang gumawa ng pagtatanggol sa harap ng bawat isa na humihingi sa inyo ng katuwiran para sa pag-asa na nasa inyo, ngunit ginagawa iyon taglay ang mahinahong kalooban at matinding paggalang.” (1 Pedro 3:15) Kaya bigyang-pansin ang dalawang bagay na ito—kung ano ang sasabihin mo at kung paano mo ito sasabihin.
Kung ano ang sasabihin mo. Mahalaga ang pag-ibig mo sa Diyos at mauudyukan ka nitong magsalita. Pero hindi sapat na basta mo lang sasabihin kung gaano mo kamahal ang Diyos para mapaniwala sila na ang Diyos ang lumalang ng lahat ng bagay. Baka mas mabuting gumamit ka ng mga halimbawa mula sa kalikasan para ipakita kung bakit makatuwirang maniwala sa paglalang.
Kung paano mo ito sasabihin. Magkaroon ng kumpiyansa, pero huwag maging magaspang o mayabang. Mas pakikinggan ka ng mga tao kung magiging maingat ka sa pagsasalita tungkol sa kanilang mga paniniwala at igagalang mo ang kanilang karapatan na gumawa ng sariling konklusyon.
“Para sa akin, mahalagang huwag mang-insulto o magmarunong. Hindi makatutulong kung ang pagsasalita natin ay may halong kayabangan.”—Elaine.
Mga pantulong para maipaliwanag ang paniniwala mo
Ang pagiging handa sa pagtatanggol ng iyong paniniwala ay katulad din ng pagiging handa sa pagbabago ng lagay ng panahon
“Kung hindi tayo handa,” ang sabi ng tin-edyer na si Alicia, “mananahimik na lang tayo para ’di-mapahiya.” Gaya ng ibig sabihin ni Alicia, napakahalagang maghanda para magtagumpay. Sinabi ni Jenna, “Mas komportable akong ipakipag-usap ang tungkol sa paglalang kapag may nakahanda akong simple pero pinag-isipang halimbawa para suportahan ang paniniwala ko.”
Saan ka makakakita ng gayong mga halimbawa? Maraming kabataan ang nagtagumpay sa paggamit ng sumusunod na materyal:
Saan Nagmula ang Buhay?
The Origin of Life—Five Questions Worth Asking
The Wonders of Creation Reveal God’s Glory (video)
Ang seryeng “May Nagdisenyo Ba Nito?” sa magasing Gumising! (I-type ang pananalita [kasama ang mga quotation mark] na “may nagdisenyo ba nito” sa search box ng Watchtower ONLINE LIBRARY.)
Gamitin ang Watchtower ONLINE LIBRARY para sa karagdagang pagsasaliksik.
Baka makatulong din kung rerepasuhin mo ang nakaraang mga artikulo sa seryeng, “Paglalang o Ebolusyon?”
Tip: Pumili ng mga halimbawang nakakakumbinsi sa iyo. Mas madali mong matatandaan ang mga ito, at masasabi mo iyon nang may kombiksiyon. Praktisin kung paano mo ipaliliwanag ang paniniwala mo.
-