Milan at Turin—Nakatutuwang mga Lunsod na Pasyalan
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ITALYA
ANG pagpasyal sa Italya ay maaaring maging isang nakatutuwang karanasan. Ang pagkain, ang alak, ang tanawin, ang kasaysayan, ang kultura, ang musika at ang wika nito—ay pawang dahilan kung bakit ang lupaing ito ay hindi malilimutan. Marahil itong tag-araw ay isang mabuting panahon para pumasyal, lalo na para sa mga inanyayahang dumalo sa isa sa mga kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova na idaraos doon. Hayaan ninyo kaming ipasyal kayo sumandali sa dalawang kamangha-manghang lunsod sa Italya at sa mga rehiyon ng mga ito.
Milan—Ang Tunay na Kabisera ng Italya?
Kung tungkol sa pangangalakal at industriya, ang Milan ang kadalasang itinuturing na tunay na kabisera ng Italya. Kung ihahambing sa ibang mga lunsod sa Italya, hindi ito kilala sa mga bagay na sinauna at sining. Dito, ang moderno ay waring nangingibabaw sa sinauna. Gayunman, dito sa Milan makikita ang ilang natatanging sining at arkitektura na nagpapatotoo sa sinaunang kasaysayan nito.
Noong mga 600 B.C.E., tumira sa rehiyong ito ang mga Gaul, mga sinaunang taong Celtic na nanggaling sa isang lugar na kilala ngayon bilang Pransiya. Noong 222 B.C.E., sinakop ng mga Romano ang lunsod at binigyan ito ng pangalang Latin na Mediolanum, na ngayo’y Milan. Sa lumipas na mga siglo, ang peninsula ng Italya ay isang lupaing laging nahahati at nasasakop, na nagkaroon lamang ng kasarinlan noong ikalawang kalahatian ng ika-19 na siglo. Kaya ang Milan ay nasakop ng napakaraming sunud-sunod na mga mananalakay. Ang isa sa mga sumakop sa lugar na ito ay ang mga Lombard, na malamang ay nanggaling sa Scandinavia. Ibinigay nila ang kanilang pangalan sa Lombardy, ang rehiyon na ang kabisera ay Milan.
Halina’t Pasyalan ang Lunsod
Ang Simbahang Katoliko ay nagkaroon ng malaking impluwensiya sa kasaysayan ng Milan, gaya ng sa ibang dako ng Italya. Hindi kataka-taka kung gayon, na ang katedral doon, o duomo, ang ikatlo sa pinakamalalaking simbahan sa Europa at isa sa pinakamalalaking simbahang Gotiko sa buong daigdig. Mga 500 piye ang haba, punô ito ng mga spire at ng mahigit sa 3,000 estatuwa at gargoyle. Nagsimula ang pagtatayo nito noong 1385 at gumugol ng limang siglo upang matapos ito. Sa ngayon, kapag tinutukoy ng mga Italyano ang isang trabahong napakatagal matapos, sinasabi nila na gaya ito ng “pagtatayo ng katedral.”
Matutuwa ang mga bumabasa ng Bibliya na makita ang pangalan ng Diyos, sa anyong “Jahve,” doon sa itaas ng isang bintanang Gotiko sa harap ng katedral. Sa labas na dako ng harapan ay may mga dekorasyon ng iba’t ibang paglalarawan ng mga pangyayari sa Bibliya.
Ang Castello Sforzesco ay isa sa mga gusaling naging simbolo ng lunsod. Itinayo ito noong ika-15 siglo ng pamilyang Sforza, ang mga tagapamahala sa Milan. Ngayon ay naglalaman ito ng maraming museo. Ang isang bantog na silid ay may mga fresco na ang sabi ng ilan ay ipininta ni Leonardo da Vinci, ang tanyag na pintor at siyentipiko.
Ang isa sa mga bantog na ipinintang larawan ni da Vinci ay isang fresco sa kumbentong Renaissance ng Santa Maria delle Grazie na itinayo noong ika-15 siglo. Inilalarawan nito si Jesus sa pangkaraniwan nang tinatawag na Huling Hapunan at tinagurian ito na isa sa pinakabantog sa lahat ng mga ipinintang larawan noong Renaissance. Ang Pinacoteca di Brera, isa pang museo, ay naglalaman ng isa sa pinakamaraming koleksiyon sa Italya ng mga ipinintang larawan ng mga tanyag na pintor gaya nina Bellini, Raphael, Tintoretto, at Caravaggio.
Ang mga estudyante sa Bibliya ay matutuwa sa Pinacoteca Ambrosiana, na isang aklatan at galerya ng sining. Doon ay makikita mo ang Muratorian Fragment, isang katalogong Latin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan na mula pa noong dulong bahagi ng ikalawang siglo C.E. Tumutulong ito sa pagbibigay-katiyakan ng pagkakabuo ng kanon ng “Bagong Tipan.”a
Ang aklatan ding iyon ay naglalaman ng isang codex na tinatawag na Ambrosian O 39 sup., na may petsang katapusan ng ikasiyam na siglo C.E., na nagsalin sa banal na pangalan sa Tetragrammaton na nakasulat sa parisukat na mga Hebreong karakter, gaya ng binabanggit sa New World Translation of the Holy Scriptures—With References.b Nasa aklatan ding ito ang iba pang sinaunang mga bersiyon ng Bibliya at ang Atlantic Codex, gayundin ang isang koleksiyon ng mahigit sa 2,000 drowing at makasiyensiyang mga nota na ginawa ni Leonardo da Vinci.
Ang isang kapaki-pakinabang na mungkahi na dapat tandaan ng mga bisita ay na maraming museo at mga aklatan ang nasa sinaunang mga gusali, na mariringal sa kanilang kagandahan, ngunit madaling napupuno ng pagdagsa ng dumaraming mga turista sa ngayon. Sa maraming kalagayan, ang pagbisita ay kinakailangang patiunang ipatala nang maaga, at ang ilang museo ay nagtatakda ng tagal ng pagbisita.
Bago lisanin ang matandang bahagi ng lunsod, maaaring gustong tingnan ng mga mahilig sa musika ang labas ng La Scala, ang isa sa pinakabantog na mga tanghalan ng opera sa buong daigdig. Kahit na hindi makapanood ng opera ang bisita, marahil ay gusto niyang pasyalan ang museo, na doon ay maraming nakadispley na mga subenir ng mga manunugtog at sikat na mga mang-aawit.c
Ang pagpasyal sa modernong bahagi ng Milan, ang isa sa pinakamayayamang lunsod sa Europa, na may matataas na gusali at istadyum para sa mga isport ay magpapaaninaw sa iyo ng kabuuang anyo ng lunsod. Matutuwa ka sa pagkakasari-sari, kagandahan, at mahabang kasaysayan ng Milan. Gugustuhin ng mga bisita na mahilig mamili at mamasyal na puntahan ang malaking Galleria Vittorio Emanuele II, na may napakagandang kisame at simburyo (dome) na salamin.
Masisiyahan ka na bumisita ka sa Milan! Pero ngayon, maglakbay tayo papuntang kanluran para pasyalan ang isang talagang kakaiba at dakilang lunsod sa Italya.
Turin—Isa pa sa mga Hiyas ng Italya
Ang Turin, isang lunsod na may populasyon na mga isang milyon, ay nasa pinakamakitid na dako sa Libis ng Po, sa paanan ng kanlurang bahagi ng Alps, at wala pang 100 kilometro mula sa hangganan ng Pransiya. Napalilibutan ito ng kahanga-hangang “ampiteatro” ng mga bundok ng Alps na hanggang sa abot-tanaw mo. Halos kalahati ng probinsiya ng Turin ay bulubundukin, kakahuyan, at mga libis. Wala pang isang oras na pagmamaneho ay nasa mga resort ka na sa bundok. At wala pang dalawang oras, ikaw ay nasa mga dalampasigan na ng Liguria.
Ang pasimula ng kasaysayan ng Turin ay bago pa ng panahon ng mga Romano. Nang pasimula, may isang pamayanan ng mga tao na tinatawag na Taurini, na nang maglaon ay naging isang kolonya ng Roma at ang mga labí nito ay naroon pa sa makasaysayang lugar nito. May makikitang mga katangian ng Edad Medya, ngunit ang karamihan sa arkitektura ng lunsod ay noong ika-17 at ika-18 siglo, na may istilong baroque na kitang-kita sa mga gusaling nakahanay sa mga lansangan ng kabayanan nito.
Ang Turin ay kinaroroonan ng isa sa pinakamagagandang museong Ehipsiyo sa buong daigdig. Ang natatanging koleksiyon nito ng mga bagay mula pa noong sinaunang sibilisasyon na umiral sa kahabaan ng Ilog Nilo ay pumapangalawa lamang sa nasa Cairo.
Sa ilang oras lamang na pamamasyal, hahanga ka sa sentro ng kasaysayan at sining ng lunsod, sa Madama Palace, sa Royal Palace, at sa Mole Antonelliana, na sa taas na 170 metro ay naging ang pinakamataas na gawang kanteriya (masonry) sa Europa hanggang nitong kamakailan. Bilang isang palatandaan sa lunsod, kung minsan ay tinatawag ito na pantumbas ng Turin para sa Eiffel Tower sa Paris. Naroon din ang Valentino Park, lakip ang mga harding botanikal nito gayundin ang mga damuhan, mga abenida, mga fountain, at isang napapaderang lunsod ng Edad Medya—isang kaakit-akit at kopyang-kopya na itinayo-muling nayon ng Piedmont na umiral noong ika-15 siglo.
Ang Turin ay isa sa pinakamahahalagang sentro ng pagawaan sa Italya. Naroon ang kompanya ng kotse na FIAT (Fabbrica Italiana Automobili Torino). Kung interesado ka sa mga sinaunang kotse, ang Museo dell’Automobile, mga tatlong kilometro mula sa lunsod, ay may koleksiyon ng 150 matatanda, sinauna, at klasikong mga kotse, kasama na ang mga Bugatti, mga Maserati, at mga Lancia. Iyan ang dahilan kung bakit ang ikinabubuhay ng mga kalahati ng kasalukuyang populasyon ng Turin ay may kaugnayan sa industriya ng awto.
Ang mga Saksi ni Jehova sa Turin at Milan
Ang mga libis sa Turin sa loob ng maraming siglo ay kinaroroonan ng maraming Waldenses, ang mga inapo ng naglalakbay na mga mangangaral ng Repormasyong Protestante. Hindi kataka-taka kung gayon na sa isang paglalakbay sa Europa noong 1891, si Charles Taze Russell, na siyang nanguna noon sa mga Estudyante ng Bibliya (gaya ng pagkakilala noon sa mga Saksi ni Jehova), ay nakipag-ugnayan sa isang lokal na pastor ng mga Waldenses, si Daniele Rivoir. Gumawa sila ni Russell ng mga kaayusan na isalin sa Italyano ang ilang pantulong sa pag-aaral ng Bibliya. Noong taong 1903 ay nabuo ang unang grupo ng mga Estudyante sa Bibliya sa dakong iyon. Nang bumalik si Russell sa Italya noong 1912, may mga 40 indibiduwal ang regular na nagdaraos ng mga pulong Kristiyano sa isang gusali sa Pinerolo, malapit sa Turin. At sa Pinerolo, ang kanilang unang asamblea sa Italya ay idinaos noong 1925.
Kaya naman, ang unang paglitaw ng mga Estudyante sa Bibliya sa Turin ay noon pang dekada ng 1920. Ang unang mga misyonero ng mga Saksi ni Jehova ay ipinadala sa Italya noong 1946. Tumulong sila sa paglalatag ng gawain ng mga Saksi ni Jehova sa matibay na pundasyon. Noong mga huling taon ng dekada 1940 at sa mga unang taon ng dekada 1950, ang unang mga kongregasyon ay itinatag sa Turin. Ngayon ay may mga 13,000 Saksi ni Jehova sa lunsod at sa probinsiya nito. Kumusta naman sa Milan?
Mahigit lamang nang kaunti sa isang taon, ang tanggapang pansangay na kumakatawan sa mga Saksi ni Jehova sa Italya ay nasa Milan. Inilipat ito sa Roma noong 1948. Ang unang asamblea pagkatapos ng digmaan ay idinaos sa isang panlunsod na teatro sa Milan noong 1947. May mga 700 mula sa iba’t ibang dako ng bansa ang dumalo. Ang “Everlasting Good News” na Internasyonal na Asamblea noong 1963 ay idinaos sa Vigorelli Velodrome sa Milan, na marahil noon ay ang pinakabantog na karerahan ng bisikleta sa buong Europa.
Ang makabagong-panahong pangangaral ng mga Saksi ni Jehova ay naging napakamatagumpay sa Milan. Sa ngayon, may 57 kongregasyon sa lunsod, na may mahigit sa 4,000 aktibong mangangaral, at mayroon ding isang Assembly Hall na nasa isang dating panlunsod na teatro.
Ang pagpasyal sa Milan at Turin ay talagang sulit na sulit. Kailan ka man pumunta roon, tiyak na ikaw ay tatanggapin nang buong init at magkakaroon ka ng karanasan na iyong pakaiingat-ingatan.
[Mga talababa]
a Tingnan ang “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang,” pahina 302-4, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
b Appendix 1C, pahina 1564, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
c Tingnan ang Gumising! ng Hulyo 8, 1994, pahina 24, “Isang Gabi sa Opera.”
[Kahon sa pahina 27]
Ang Lambong ng Turin—Tunay ba Ito?
Marahil ang pinakabantog na bagay sa Turin ay ang lambong na pinaniniwalaan ng ilan na siyang rolyo ng telang ipinambalot sa katawan ni Kristo. Ang isang aklat na giya sa paglalakbay ay nagpapaliwanag: “Ang relikyang banal na pinakabantog—at pinakakaduda-duda—sa kanilang lahat ay nakatago sa duomo [katedral] ng Turin.” Ito ay permanenteng nakatanghal sa isa sa mga kapilya ng duomo, nasa loob ng isang salamin na di-napapasok ng hangin at di-tinatablan ng bala na puno ng inert gas. Sinasabi pa sa aklat: “Gayunman, noong 1988, ang alamat tungkol sa lambong ay pinasabog: ang isang pagsubok na carbon-dating ay nagpakita na ang petsa nito ay hindi na tatanda pa sa ika-12 siglo.”d
[Talababa]
d Tingnan ang Gumising! ng Disyembre 22, 1998, pahina 23, “Ang Lambong ng Turin—Telang Pamburol ni Jesus?”
[Mapa sa pahina 24]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
MILAN
TURIN
[Credit Line]
Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.
[Larawan sa pahina 24]
Katedral ng Milan
[Larawan sa pahina 24]
Sa Milan ay waring nangingibabaw ang moderno sa sinauna
[Mga larawan sa pahina 25]
Sa Milan, ang La Scala (itaas) at ang Galleria Vittorio Emanuele II (kanan)
[Larawan sa pahina 25]
Ang “Huling Hapunan” ni Leonardo da Vinci
[Credit Line]
Scala/Art Resource, NY
[Larawan sa pahina 26]
Ang pasukang tulay na naaangat patungo sa napapaderang lunsod ng Edad Medya sa Turin
[Larawan sa pahina 26]
Mole Antonelliana sa Turin; ang spire nito ay 170 metro ang taas
[Larawan sa pahina 26]
Ang ilog Po na bumabagtas sa Turin