Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 9/8 p. 5-7
  • Pagkilala sa mga Tanda

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagkilala sa mga Tanda
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Karaniwang mga Sintomas
  • Bipolar Disorder
  • Pamumuhay Nang May Mood Disorder
    Gumising!—2004
  • Pag-asa Para sa mga Pinahihirapan ng Sakit
    Gumising!—2004
  • Depresyon sa mga Kabataan—Mga Dahilan at Panlaban
    Gumising!—2017
  • Bakit Gayon na Lamang ang Aking Panlulumo?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 9/8 p. 5-7

Pagkilala sa mga Tanda

“Ang kalungkutan ay isang normal at nakabubuting emosyon; ang panlulumo ay isang sakit. Ang problema ay nasa pag-unawa at pagkilala sa pagkakaiba nito.”​—Dr. David G. Fassler.

TULAD ng iba pang mga sakit, ang panlulumo ay may nakikitang mga sintomas. Subalit hindi gayon kadaling makilala ang mga tanda. Bakit? Sapagkat ang lahat halos ng tin-edyer ay nakararanas ng mga kalungkutan paminsan-minsan, gaya ng mga adulto. Ano ang pagkakaiba ng basta kalungkutan at panlulumo? Nakikita ang malaking pagkakaiba sa tindi at tagal ng kalagayan.

Nasasangkot sa tindi ang antas ng negatibong damdamin na nagpapahirap sa kabataan. Mas matindi kaysa pasumpung-sumpong na pagkawalang pag-asa, ang panlulumo ay isang nakagugupong sakit sa emosyon na lubhang nakapagpapahina sa kakayahan ng tin-edyer na kumilos nang normal. Inilalarawan ni Dr. Andrew Slaby ang kalubhaan ng kalagayan sa ganitong paraan: “Gunigunihin ang pinakamakirot na naramdaman mo sa iyong katawan​—nabaling buto, masakit na ngipin, o panganganak​—ulitin mo ito nang makasampung beses at isipin mong hindi mo alam ang pinagmumulan nito; sa gayon ay maaari mong matantiya ang kirot ng panlulumo.”

Tumutukoy ang tagal sa kung gaano kahabang panahon nagpapatuloy ang pagiging walang sigla. Ayon sa mga nagsusuring propesor na sina Leon Cytryn at Donald H. McKnew, Jr., “ang isang bata na hindi nakikitaan ng tanda ng pagtugon sa anumang pang-aaliw o ng pagbabalik sa normal na buhay sa loob ng isang linggo pagkatapos na makaranas ng kalungkutan (sa anumang dahilan)​—o sa loob ng anim na buwan pagkatapos na makaranas ng itinuturing niyang labis-labis na kalungkutan​—ay nanganganib na magkaroon ng sakit na panlulumo.”

Karaniwang mga Sintomas

Nasusuri lamang ang panlulumo kapag ang kabataan ay nakikitaan ng ilang sintomas sa araw-araw, halos sa buong araw, sa loob ng mga dalawang linggo. Ang medyo sandaling sumpong ay tinaguriang depressive episode (pagsumpong ng panlulumo). Nasusuri ang mas nagtatagal na anyo ng panlulumo kapag namamalagi ang mga sintomas sa loob ng humigit-kumulang isang taon na hindi lumalampas sa dalawang buwan ang nararanasang ginhawa. Sa anumang kalagayan, ano ang ilang karaniwang sintomas ng panlulumo?a

Biglang pagbabago ng emosyon at paggawi. Ang dating maamong tin-edyer ay nagiging palaaway. Pangkaraniwan sa nanlulumong mga tin-edyer ang rebelyosong paggawi at paglalayas pa nga sa tahanan.

Paglayo sa mga tao. Ang nanlulumong kabataan ay lumalayo sa mga kaibigan. O baka ang mga kaibigan ang lumalayo mula sa nanlulumong kabataan, anupat napapansin nila ang di-kanais-nais na pagbabago sa kaniyang saloobin at paggawi.

Nababawasang interes sa halos lahat ng gawain. Hindi pangkaraniwan ang pagwawalang–​bahala ng tin-edyer sa mga gawain. Ang mga libangan na kinagigiliwan kamakailan lamang ay itinuturing na ngayong nakababagot.

Kapansin-pansing pagbabago sa mga kaugalian sa pagkain. Ipinapalagay ng maraming eksperto na ang mga sakit na gaya ng anorexia, bulimia, at labis-labis na pagkain ay kadalasang kasabay (at kung minsan ay sanhi) ng panlulumo.

Problema sa pagtulog. Ang tin-edyer ay kaunting oras lamang kung matulog o tulog nang tulog. Nasisira ang oras ng pagtulog ng ilan, gising sa buong magdamag at tulog naman sa maghapon.

Pagbaba ng marka sa paaralan. Ang nanlulumong kabataan ay nahihirapang makitungo sa mga guro at mga kasamahan, at nagsisimulang bumagsak ang mga marka. Hindi magtatagal, bantulot nang pumasok sa paaralan ang tin-edyer.

Mga paggawing mapanganib o mapaminsala-sa-sarili. Maaaring ipakita ng napakapanganib na mga paggawi na halos wala nang interes ang kabataan na mabuhay pa. Ang pamiminsala-sa-sarili (gaya ng paghihiwa sa balat) ay maaari ring isang sintomas.

Pagkadama ng kawalang-halaga o di-tamang pagkadama ng pagkakasala. Nagiging labis-labis na mapamuna sa sarili ang tin-edyer, na para bang siya’y bigung-bigo, bagaman iba naman ang ipinakikita ng katotohanan.

Mga sakit na nasa isip lamang. Kapag walang makitang sanhi ng sakit sa katawan, ang pananakit ng ulo, kirot sa likod, pananakit ng tiyan, at katulad na mga problema ay maaaring magpahiwatig ng di-napapansing panlulumo.

Paulit-ulit na pag-iisip tungkol sa kamatayan o pagpapatiwakal. Ang laging pag-iisip tungkol sa nakatatakot na mga bagay ay maaaring magpahiwatig ng panlulumo. Gayundin ang bantang pagpapatiwakal.​—Tingnan ang kahon sa ibaba.

Bipolar Disorder

Ang ilan sa mga sintomas na ito ay maaaring makikita sa isa pang nakalilitong sakit​—ang bipolar disorder. Ayon kina Dr. Barbara D. Ingersoll at Dr. Sam Goldstein, ang bipolar disorder (na kilala rin bilang manic-depressive disorder) ay “isang kalagayan na nakikilala sa pamamagitan ng pasumpung-sumpong na panlulumo na nasasalitan ng mga yugto na ang emosyon at lakas ay napakatindi​—sa katunayan, labis-labis ang sigla anupat sumosobra pa sa normal na antas ng pagkatuwa.”

Ang yugtong ito na labis ang pagkatuwa ay tinatawag na mania. Kasali sa mga sintomas nito ang napakabilis na pag-iisip, pagiging labis na madaldal, at hindi gaanong natutulog. Sa katunayan, maaaring tumagal nang ilang araw na di-natutulog ang isang pinahihirapan nito na hindi nakikitaan ng panghihina ng katawan. Ang isa pang sintomas ng bipolar disorder ay ang sobrang padalus-dalos na paggawi nang hindi pinag-iisipan ang mga kahihinatnan. “Kadalasang naaapektuhan ng mania ang pag-iisip, pagpapasiya, at pakikitungo sa ibang tao sa mga paraan na nagiging sanhi ng malulubhang problema at kahihiyan,” sabi ng isang ulat ng U.S. National Institute of Mental Health. Gaano kahaba ang panahong itinatagal ng mania? Kung minsan ay ilang araw lamang; sa ibang kaso, ang mania ay tumatagal ng ilang buwan bago ito humantong sa katapat nito, ang panlulumo.

Kasali sa mga pinakananganganib na magkaroon ng bipolar disorder ay ang mga indibiduwal na may mga miyembro ng pamilya na may ganito ring sakit. Ang mabuting balita ay na may pag-asa para sa mga pinahihirapan nito. “Kapag nasuri nang maaga, at nagamot nang tama,” ang sabi ng aklat na The Bipolar Child, “ang mga batang ito at ang kani-kanilang pamilya ay maaaring lubusang mamuhay nang mas matatag.”

Mahalagang bigyang-pansin na hindi naman nagpapahiwatig ng panlulumo o bipolar disorder ang iisa lamang na sintomas. Kalimitan nang ito’y sama-samang sintomas na nakikita sa isang yugto ng panahon na nasusuri naman. Gayunman, nananatili ang katanungan, Bakit ang nakalilitong sakit na ito ay nagpapahirap sa mga tin-edyer?

[Talababa]

a Ang mga sintomas na iniharap dito ay nilayong magsilbing pangkalahatang pangmalas at hindi bilang isang saligan para sa pagsusuri.

[Kahon sa pahina 6]

KAPAG IBIG NANG MAMATAY NG ISANG BATA

Ayon sa U.S. Centers for Disease Control, sa isang nagdaang taon, mas maraming kabataan sa Estados Unidos ang namatay dahil sa pagpapatiwakal kaysa namatay sa kanser, sakit sa puso, AIDS, kapansanan mula sa pagkasilang, istrok, pulmonya, trangkaso, at nagtatagal na sakit sa baga na pinagsama-sama. Isa pang nakababahalang bagay: Biglang dumami ang iniulat na pagpapatiwakal sa mga taong nasa pagitan ng edad na 10 at 14.

Maaari kayang mahadlangan ang pagpapatiwakal ng mga nasa kabataan? Sa ilang kalagayan, oo. “Ipinakikita ng estadistika na ang maraming pagpapatiwakal, sa totoo lamang, ay kasunod ng mga tangkang pagpapakamatay o mga pahiwatig sa salita at mga babala,” ang sulat ni Dr. Kathleen McCoy. “Kapag nagpapahiwatig ang inyong anak na tin-edyer tungkol sa pagpapatiwakal, panahon na para higit na magbigay-pansin at hangga’t maaari’y humingi ng tulong sa propesyonal.”

Idiniriin lamang ng paglaganap ng panlulumo sa mga tin-edyer ang pangangailangan na dibdibin ng mga magulang at ng iba pang adulto ang anumang pahiwatig na ibinibigay ng isang kabataan tungkol sa kaniyang pagnanais na magpakamatay. “Sa halos bawat kaso ng pagpapatiwakal na aking nasuri, ang mga pahiwatig sa mga plano ng kabataan ay hindi pinapansin o ipinagwawalang-bahala,” ang sulat ni Dr. Andrew Slaby sa kaniyang aklat na No One Saw My Pain. “Hindi naiintindihan ng mga miyembro ng pamilya at mga kaibigan ang laki ng mga pagbabago na kanilang nakikita. Nagtutuon sila ng pansin sa mga kinahinatnan at hindi sa di-napapansing suliranin, kaya ang ‘mga problema sa pamilya’ o ‘pag-aabuso sa droga’ o ‘anorexia’ ang nasusuri. Kung minsan ang galit, ang kalituhan, at ang pagiging bugnutin ay nalulunasan subalit hindi ang panlulumo. Nananatili ang di-napapansing suliranin, napakasaklap na paghihirap at higit na nakapagpapasama ng loob.”

Maliwanag ang mensahe: Hindi dapat ipagwalang-bahala ang lahat ng pahiwatig sa pagpapatiwakal!

[Larawan sa pahina 7]

Kung minsan, ang rebelyosong paggawi ay isang tanda ng di-napapansing panlulumo

[Larawan sa pahina 7]

Ang nanlulumong mga tin-edyer ay kadalasang nawawalan ng interes sa mga gawain na dating kinagigiliwan nila

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share