Isang Bagay na Kailangan Nating Lahat
KAILANGAN MO NG PAGKAIN. Kailangan mo ng tubig. Kailangan mo ng hangin. Kailangan mo ng tirahan at proteksiyon mula sa masamang lagay ng panahon. Hindi lamang ang bawat tao ang siyang nangangailangan ng mga ito kundi gayundin ang di-mabilang na bilyun-bilyong iba pang buháy na nilalang sa planetang ito. Gayunman, may isang pangangailangan na para sa mga tao lamang. Ano iyon?
Ang sosyologong taga-Canada na si Reginald W. Bibby ay sumulat: “May mga pangangailangan ang mga tao na tanging relihiyon lamang ang makasasapat.” At sa isyu nito ng Pebrero 2000, inilimbag ng babasahing American Sociological Review ang isang artikulo na nagsabi: “Ang espirituwal na mga kapakanan ay malamang na palaging magiging bahagi ng saloobin ng tao.”
Oo, sa buong kasaysayan, nadarama ng mga tao ang pangangailangang sumamba. Sa loob ng maraming siglo, marami ang bumaling sa organisadong relihiyon upang masapatan ang pangangailangang iyan. Ngunit nagbabago ang mga bagay-bagay. Sa maraming industriyalisadong bansa—tulad ng Hilagang Amerika at Hilagang Europa—iniiwan ng parami nang paraming tao ang kanilang mga simbahan. Ibinabadya ba ng kalakarang ito ang wakas ng relihiyon? Hinding-hindi.
“Lubhang pinalabis ang mga ulat hinggil sa wakas ng relihiyon,” ang sulat ng pahayagan sa Sweden na Svenska Dagbladet. Ano ang pumapalit sa mga tradisyonal na simbahan? Nagpapatuloy ang pahayagan: “Ang bagong kalakaran ay na hindi tayo kabilang sa anumang simbahan. Sa halip, maaari tayong pumili at bumuo ng isang katanggap-tanggap na kombinasyon mula sa mga relihiyon sa daigdig. . . . Maaaring kalakip dito ang anumang bagay mula sa mga kristal na ginagamit sa pagpapagaling hanggang sa isang balabal ng mongheng Budista. Kapag nagsawa ka na sa iyong napili, madali kang makapagbabago.”
Tinutukoy ng mga mananaliksik ng sosyolohiya ng relihiyon ang kalakarang ito bilang “pansariling relihiyon” o “di-nakikitang relihiyon.” Binuo ng sosyologong si Bibby, na sinipi kanina, ang pariralang “relihiyong à la carte.” Tinutukoy ng iba ang gayong mga relihiyon bilang “pasadya” o “ayon sa panlasa.” Sa ilang bansang tradisyonal na Kristiyano, ang pinakamalaking grupo ng relihiyon ay binubuo na ngayon ng mga tao na, sa diwa ay may kani-kanilang personal na relihiyon.
Isaalang-alang ang mga resulta ng isang surbey na isinagawa sa Sweden, isa sa pinakasekular na bansa sa daigdig. Nasumpungan ng surbey na itinuturing ng 2 sa 3 katao ang kanilang sarili bilang mga Kristiyano “ayon sa kanilang sariling personal na paraan.” Sinasabi ng ilan: “May sarili akong pananaw hinggil sa Kristiyanismo,” “Hindi ako mapalagay sa simbahan,” “Ayokong pumunta sa simbahan at makinig sa mga pari,” o “Maaari akong pumasok sa aking pribadong silid at manalangin nang sarilinan.” Marami ang may hilig na maniwala sa reinkarnasyon o sa kapalaran. Ang karamihan ay nagsasabi na sila’y naniniwala na maaaring umiiral ang isang tulad-diyos na puwersa o kapangyarihan ngunit hindi nila ito matiyak.
Nasumpungan ng isa pang surbey na nakadarama ang maraming tao ng relihiyosong mga damdamin kapag sila’y nasa labas at nasisiyahan sa likas na mga tanawin sa lupa. Ganito ang sinabi ng isang magsasakang kabataang babae: “Sa palagay ko, kapag ikaw ay nasa kakahuyan at kaparangan, iyon ang panahon na napakalapit mo sa Diyos.” Isa pang kinapanayam, na itinuturing ang kaniyang sarili na di-relihiyoso, ang nagpaliwanag: “Kapag pumupunta ako sa kakahuyan, nadarama kong para itong isang malaking templo. . . . At hindi ko alam kung sino ang kumokontrol nito, pero nadarama ko ito.” Inilalarawan ng ilan ang kalikasan bilang banal, sagrado, at kasindak-sindak at sinasabi na ang pagiging naroroon ay nagbigay sa kanila ng panibagong lakas, kapayapaan, at katiwasayan. Bilang buod, ganito ang konklusyon ng isang tagapanayam sa kaniyang ulat: “Lumipat na ang Diyos sa kakahuyan.”
Kapansin-pansin ang ganitong kalakaran sa maraming bahagi ng daigdig sa ngayon. Sinabi ni Thomas Luckmann, isang espesyalistang Amerikano sa sosyolohiya ng relihiyon, na ang relihiyong nakasentro sa simbahan ay iniiwan sa mga industriyal na lipunan at pinapalitan ng isang “relihiyong panlipunan.” Sa diwa, ang indibiduwal ay bumubuo ng isang pilosopiya sa buhay sa pamamagitan ng pagpili ng mga ideya hinggil sa espirituwal na mga bagay at pagkatapos ay isinasama ang mga ideyang ito sa kaniyang pansariling relihiyon.
Baka iniisip mo, ‘Ang mga nakatatag bang relihiyon at simbahan ay talagang hindi na gaanong pinahahalagahan sa lipunan? Kung gayon, bakit?’ Isasaalang-alang ang mga katanungang ito sa susunod na artikulo.
[Larawan sa pahina 3]
Sa pagkokomento hinggil sa isang bagong kalakaran upang makasumpong ng espirituwalidad sa kalikasan, ganito ang konklusyon ng isang mananaliksik: “Lumipat na ang Diyos sa kakahuyan”