Ang “Pansariling Relihiyon” ba ang Kasagutan?
HABANG NAWAWALA ang impluwensiya ng organisadong relihiyon sa karamihan, hindi kataka-taka na napakaraming tao ang bumubuo ng kani-kanilang personal na relihiyon. Ngunit ang mga tanong ay, Ang paggawa ba ng gayon ay talagang makasasapat sa espirituwal na mga pangangailangan ng isa? Ang “pansariling relihiyon” ba ang kasagutan?
Upang masagot ang mga tanong na ito, maaari muna nating isaalang-alang kung tunay ngang masasapatan ng pansariling relihiyon ang ating espirituwalidad kapag susuriin ito salig sa ating “kakayahan sa pangangatuwiran,” isa sa mga pinakapangunahing kaloob na taglay ng mga tao.—Roma 12:1.
May hilig ang nangangatuwirang pag-iisip na itakwil ang bagay na sumasalungat sa sarili. Gayunman, sa isang surbey tungkol sa pansariling relihiyon sa Sweden, naging konklusyon na kadalasan, “ang mga ideya ng iba’t iba (at posibleng lohikal na di-magkaka-ugnay) na pilosopiya sa buhay ay waring pinagsasama-sama [ng mga tao] sa kanilang sariling pilosopiya nang hindi ito gaanong pinag-iisipan.”
Halimbawa, 2 porsiyento lamang ng mga nag-aangking “Kristiyano sa kanilang sariling paraan” ang bumanggit kay Jesus, kahit man lamang bilang isang tao sa kasaysayan. Gayunman, madalas na binabanggit ang paniniwala sa reinkarnasyon. Ngayon, makatuwiran ba na ilarawan ng isa ang kaniyang sarili bilang isang tagasunod ni Jesu-Kristo samantalang binabale-wala ang kaniyang buhay at mga turo—at nangungunyapit pa nga sa mga doktrinang lubusang sumasalungat sa mga turo ni Kristo?a
May tendensiya rin ang ating kakayahang mangatuwiran na iwasan ang mga bagay na waring walang posibilidad na maging malinaw at tiyak. Subalit, kapag tinanong kung naniniwala sila sa “Diyos o sa isang tulad-diyos na kapangyarihan,” karamihan sa mga taong kinapanayam ay sumagot na maaaring may gayong “Bagay” na umiiral. Sinabi ng isa: “Naniniwala ako sa isang bagay na sobrenatural ngunit hindi naman nangangahulugang ito’y sa isang anyong Diyos.” Nadarama naman niyaong naniniwala sa Diyos na siya ay “gumanap ng isang lubhang di-mahalagang papel sa kanilang buhay.” Kaya inilarawan ng ulat ang pansariling relihiyon bilang isang “daigdig ng pinaghalu-halong konsepto,” at nagtapos ang ulat sa pamamagitan ng pagsipi sa isa sa mga pinakakaraniwang sagot: “Naniniwala ako sa isang bagay, ngunit hindi ko tiyak kung ano iyon.”
Gayundin ang ipinakitang mga resulta ng isang pagsusuri hinggil sa pansariling relihiyon sa Canada. Sinabi ng magasing Alberta Report: “Nakikita natin ngayon ang isang mataas na antas ng paniniwala hinggil sa halos lahat ng bagay na maiisip, ngunit walang lohika o katuwiran dito. At kapag sinisikap nating malaman kung anong uri ng patnubay ang maibibigay ng mga pansariling paniniwalang ito sa buhay ng mga tao, wala naman talagang makukuhang gabay. Walang sukdulang awtoridad sa moral. Kaya talagang walang anumang halaga ito.” Sinabi ng magasin ang hinggil sa “diyos na maraming pitak” dahil sa “kinukuha [niyaong mga tumatanggap sa gayong mga paniniwala] ang iba’t ibang bahagi ng tradisyonal na kredo.” Sa palagay mo kaya’y makatuwiran na isalig ang mga relihiyosong paniniwala—maging ang isang pag-asa sa hinaharap—sa gayong mga ideya na malabo, di-nakakukumbinsi, at iba’t ibang ideya?
Ang Pangangailangan Natin Para sa Pakikipagsamahan
Ang pakikipagsamahan, pagkakapatiran, at pagkakaisa ay matagal nang pinahahalagahan ng mga mananampalataya sa relihiyon. (Gawa 2:42, 46) Ngunit yamang ang pansariling relihiyon ay pansarili lamang, paano nito masasapatan ang mga pangangailangang ito?
Hindi ba’t lalo lamang pinararami at pinasisidhi ng pansariling relihiyon, kung saan ang “bawat tao ay ang kaniyang sariling simbahan,” ang relihiyosong pagkakabaha-bahagi sa gitna ng mga tao? “Ang relihiyon ngayon ay nakasalalay na sa sariling pangmalas . . . , at sa gayon ay naging isa tayong bansa, hindi ng ilang daang iba’t ibang kredo kundi ng ilang milyon,” ang sabi ng Alberta Report. Hindi kataka-taka kung gayon, ang pansariling relihiyon ay inilarawan bilang isang anyo ng espirituwal na anarkiya.
Kumusta Naman ang mga Pamantayang Moral?
Sinabi ng obispong Sweko na si Martin Lönnebo sa isang panayam sa pahayagang Svenska Dagbladet na “hindi mapauunlad ng pansariling relihiyon ang ating panahon, at nahihirapan itong ipasa ang mga pamantayang moral nito sa bagong panahon.” Sa isang antas ay napatutunayang totoo ang opinyong ito sa karaniwang saloobin ng mga magulang na Sweko, hinggil sa pagpapalaki sa mga anak. Binuod ng Svenska Dagbladet ang saloobin sa ganitong paraan: “Maniwala ka sa gusto mong paniwalaan! At huwag mong piliting magpasiya ang iyong mga anak. Sa halip ay hayaan mo silang magpasiya kapag sila ay may sapat na gulang na.”
Kinilala ng pahayagan na maaaring ituring na pagdodoktrina ang pagtuturo sa mga bata ng mga relihiyosong pamantayan. Gayunman, ganito ang naging konklusyon ng pahayagan: “Ang pagpapasang ito ng mga relihiyosong pamantayan sa mga anak ay maaaring makabuti at maaaring ang tanging paraan . . . upang makapagpasiya [sila] sa kanilang ganang sarili.” Tunay nga, ipinahihiwatig ng kasalukuyang kalagayan ng mga kabataan na kakaunti ang nagawa ng pansariling relihiyon upang pagkaisahin ang mga pamilya may kinalaman sa matatag na mga pamantayan na maipapasa mula sa isang salinlahi hanggang sa susunod na salinlahi.
Kung gayon, waring ang pansariling relihiyon ay hindi makapagbibigay ng mapagkakatiwalaan at di-nagkakasalungatang mga kasagutan sa mga katanungan sa buhay, ni mapagkakaisa o masasapatan nito ang pangangailangan ng sangkatauhan ukol sa patnubay sa moral. Ipinahayag ng siniping artikulo kanina sa Svenska Dagbladet ang ganitong pangmalas hinggil sa pansariling relihiyon: “Kapag taglay ng ‘pananampalataya’ ang lahat ng bagay, wala itong saysay. At kapag ang kalayaan ay hindi kailanman kinakailangang takdaan ng hangganan, nagiging mahina ito.”
Maliwanag na sa maraming aspekto, nabigo ang pansariling relihiyon sa pagsapat sa espirituwal na mga pangangailangan ng mga tao. Sa totoo lamang, paano makatuwirang maaasahan ng isang tao na masapatan ang gayong mga pangangailangan sa pamamagitan lamang ng pagpili sa mga paniniwala mula sa iba’t ibang tradisyon, na para bang pinipili ang pinakanakaaakit na mga putahe sa isang mesang hinainan ng maraming pagkain? Waring maliwanag din na nabigo ang organisadong relihiyon na sapatan ang gayong mga pangangailangan. Kung gayon, saan tayo maaaring bumaling?
[Talababa]
a Hindi itinuro ni Jesus na ang mga patay ay nakararanas ng reinkarnasyon. Sa halip, itinuro niya na ang mga patay ay waring natutulog at nasa isang kalagayan ng di-pag-iral, na naghihintay ng pagkabuhay-muli sa hinaharap.—Juan 5:28, 29; 11:11-14.
[Larawan sa pahina 8, 9]
Dapat ba nating malasin ang relihiyon bilang isa lamang mesang hinainan ng maraming putahe, anupat pinipili at kinukuha ang mga paniniwalang nakaaakit sa atin?