Isang Pambihirang Trabaho—Subalit Gustung-gusto Ko Ito
ANG katahimikan ng umaga ay binasag ng pag-ugong ng aking pinasadyang bapor habang paalis na ako sa tahimik na daungan ng Gibsons. Nagbubukang-liwayway na—oras na para maghanap ng mapupulot ko.
Sa gawing kanluran ng baybayin ng Canada, maraming trabaho ang nauugnay sa panggugubat at pagtotroso, katulad ng trabaho ko. Subalit kakaunting trabaho ang pambihira na gaya ng sa akin. Isinasalba ko ang mga troso. Hindi na ito bagong trabaho. Sa katunayan, ang ilan sa amin na ganito ang trabaho ay ikaapat na henerasyon na ng mga tagasalba. Puwede mong sabihin na nagreresiklo na kami ng mga bagay bago pa man ito nauso! Nagtatrabaho ako sa lugar ng Howe Sound at ng Strait of Georgia, sa pagitan ng Vancouver Island at baybayin ng British Columbia. Ang rehiyong ito ay bahagi lamang ng Vancouver Log Salvage District.
Ang isa sa mga pangunahing paraan para maalis ng mga kompanya sa pagtotroso ang nabuwal na mga puno, na tinatawag na troso, ay tipunin ang mga ito na nakalutang at nakalinya, o ginagamitan ng mga gabara. Ang pagtatawid ng troso sa pamamagitan ng tubig ang pinakamatipid na paraan. Sagana ang tubig doon dahil sa Karagatang Pasipiko. Gayunman, maraming salik kung bakit medyo mahirap ang prosesong ito. Mabilis na nagbabago ang hihip ng hangin at pagtaas at pagkati ng tubig, at pabugsu-bugso ang bagyo. Kaya maraming troso ang nawawala. Diyan pumapasok ang mga tagasalba ng troso.
Pagsasauli ng Nawalang mga Troso
Ang mga lisensiyadong marino na mga tagasalba ng troso ang maaari lamang magsalba ng maipagbibiling mga troso na humilagpos sa linya ng pinaaanod na mga troso o nahulog mula sa mga gabara. Taunan kung bayaran ng mga tagasalba ang kanilang mga lisensiya, na may kasamang pantatak na martilyo na nagtataglay ng kakaibang numero ng lisensiya kapag ito’y unang ibinigay. Maaaring isalba ang anumang troso na natagpuang palutang-lutang o nasa baybayin kapag kumati ang tubig. Tinatatakan muna namin ito ng numero ng aming lisensiya.
Kailangan din ang bapor na kumpleto sa gamit. Hindi ito ang bapor na ginagamit sa pamamasyal. Ginagamit namin ang matitibay, matatatag at maliliit na bapor na iba’t ibang klase mula sa bangkang may makinang de-tanggal hanggang sa mga bapor na panghila—subalit may makakapal na kasko. Ang tila mga ngiping bakal na nasa prowa ay ginagamit para hilahin ang mga troso, at palagi kaming maraming suplay ng mga dog line. Ano ba itong dog line? Ito ay matibay na lubid na humigit-kumulang apat na metro ang haba at may metal na pako, na tinatawag na dog, na nakakabit sa dulo. Kapag nakakita kami ng maisasalbang troso, ibinabaon naming mabuti ang dog sa troso at ikinakabit ang dog line sa panghilang haligi na nasa bapor. Dinadala rin namin ang lahat ng kinakailangang kagamitang pangkaligtasan.
Madaling mauunawaan ng bagong tagasalba ng troso na mas mahirap ang trabaho kaysa sa unang inakala. Nagsisimula ang trabaho sa pagbubukang-liwayway sa anumang lagay ng panahon sa buong taon. Sa taglamig maaaring kailanganin naming tibagin ang yelo para lamang makalabas kami sa daungan.
Saan kami nakakakita ng mga troso? Nakadepende ito nang malaki sa dalawang pangunahing salik: ang pagtaas at pagkati ng tubig at ang hangin. Sumasangguni ang bihasang tagasalba ng troso sa tsart para sa pagtaas at pagkati ng tubig bago sila magtrabaho sa umaga. Pinakamabuti kapag mataas ang tubig dahil sa dinadala nito sa amin ang mas maraming troso. Isa pa, mas madaling hilahin sa baybayin ang mga troso kapag mataas ang tubig.
Palaging mahalaga na subaybayan ang lagay ng panahon. Parati naming sinusukat ang hangin, binabantayan ang kalangitan at galaw ng ulap, at sinusuri ang kulay ng tubig. Nagdadala ng ulan ang hanging nagmumula sa timog-silangan, samantalang kadalasang pinaaaliwalas naman ng hanging habagat ang kalangitan subalit pinalalaki nito ang alon. Ibabadya naman ng amihan, na kilalá roon bilang hanging Squamish, sa panahon ng taglamig ang napakaginaw na temperatura, malalaking alon, niyebe at—ang inaasam namin—nawawalang mga troso.
Talagang nakawiwiling magkabit ng lumulutang na troso sa dog line, subalit ang totoong kapana-panabik ay kapag hinihila na ang mga troso sa baybayin. Maaaring sirain ng nakatagong mga bato sa ilalim ng tubig ang kasko ng bapor at maging dahilan ng napakalaking pinsala. Kailangan naming maging alisto.
Habang tinitipon namin ang mga troso, hinihila namin ang mga ito sa iba’t ibang lugar kung saan maitatali namin ang mga ito. Doon muna itinatambak ang mga ito hanggang sa araw na hilahin ito na ginagawa linggu-linggo. Iyon ang araw na tinitipon namin at inihahatid ang lahat ng aming naisalbang mga troso—mula sa 50 hanggang 100 piraso—sa mga istasyon na tatanggap nito kung saan tinitimbang at sinusuri ang mga ito para maipagbili. Pagkatapos ay binabayaran kami ayon sa halaga ng naisalba naming mga troso.
Parang napakagandang pakinggan na paraan ng paghahanapbuhay ito, subalit mag-ingat! Ang trabahong ito ay hindi para sa mahihina ang loob. Maraming panganib at peligro. Napakapanganib kapag hindi isinaalang-alang mabuti ang lagay ng panahon. Mabuti naman, marami kaming masisilungang lugar sa Howe Sound para makapagtago kami habang pinahuhupa ang bagyo. Ang isa pang panganib: Kapag nahulog sa dagat ang isang di-maingat na tagasalba ng troso sa panahon ng taglamig, nakamamatay ang ilang minuto lamang na pagkalubog sa nagyeyelong tubig. At naaalaala mo ba ang mga dog line na inilarawan sa umpisa? Aba, kapag hindi naibaong mabuti ang dog sa troso, maaaring humilagpos ito at tumama sa bapor. Mabuti naman at kakaunti lamang sa mga tagasalba ang tinamaan ng mga dog—subalit isa itong karanasan na hindi malilimutan ng isa.
Ang Personal at Pangkapaligirang mga Gantimpala
Bakit nga ba gustung-gusto ko ang aking trabaho? Kilaláng bakasyunan ang daanan ng bangka sa Howe Sound, kung saan ang mga tao ay nagkakarera ng kanilang mga bangkang de-layag at bangkang may outrigger. At dahil sa napakaraming isla, daan-daan ang mga bahay bakasyunan kaya naman napakaraming bangkang de-motor. Tuluy-tuloy sa buong araw ang takbo ng mga lantsa para maghatid ng mga pasahero at mga bisita. Dahil sa mapanganib ang mga trosong palutang-lutang, madaling maunawaan ang kahalagahan ng aming trabaho.
May naitutulong kami sa pagiging ligtas ng nagdaraang bangka kapag kinukuha namin ang naliligaw na mga troso. Lumulubog ang ilang troso na napakatagal nang nasa tubig. Marahil ay mga ilang sentimetro na lamang ng troso ang nakalitaw sa tubig kaya nagiging mapanganib ito para sa mga namamangka. Gayunman, kapaki-pakinabang para sa amin na isalba at ibenta ang troso. Dahil doon, ginagawa naming ligtas ang mga daanan ng bangka—at tumutulong din naman ito upang maging malinis ang kapaligiran.
Kapuwa nakatutuwa at nakasisiya ang trabahong ito sa akin. Walang araw na ako’y nababagot. Kapag ako’y nasa tubig, ang buong tanawin sa paligid ko ay patuloy na nagbabago. Napagmasdan ko sa taglamig ang makapigil-hiningang pagbubukang-liwayway na ginawang kumikinang na kulay rosas ang niyebe sa kabundukan. Sa mga pagkakataong gaya niyaon, gustung-gusto ko ang nanunuot na lamig at simoy ng hangin na amoy-dagat.
Pangkaraniwan nang makakita ng maiilap na hayop. Nakakita na ako ng mga otter, marten, sea lion, at pagkarami-raming poka. Nakapagmasid na ako ng mga agilang nangingisda at usa na pabalik-balik sa paglangoy sa mga isla na malayo sa dalampasigan. Kamangha-manghang makakita ng isang porpoise (isang uri ng lampasot) na tuwang-tuwa sa pag-alimbukay ng tubig dahil sa elisi ng aking bapor, ng abuhing mga balyena na dahan-dahang lumalangoy, o ng kawan ng mga killer whale na bumabasag sa mga alon!
Nagsimulang magsalba ng mga troso ang aking lolo noong dekada ng 1930. Ipinamana niya sa kaniyang mga anak ang hilig niya sa tubig at ang pagiging beachcomber. Siyanga pala, maaaring bigyang-kahulugan ang beachcomber bilang isang taong naghahanap ng mapapakinabangan o maipagbibiling mga bagay na napupulot sa baybaying-dagat. Kaya ipinamana rin ni itay sa kaniyang mga anak ang hilig at paggalang sa trabahong ito. Nang ako’y malaki-laki na, ito rin ang pinili kong trabaho. Siyempre pa, hindi ito ang pinakamahalagang trabaho sa aking buhay. Una sa lahat ang aking paglilingkod sa Diyos—at mas kapaki-pakinabang ito. Pero naging mapalad din naman ako dahil sa nasisiyahan ako sa aking trabaho—at ito ang naging trabaho ko sa loob ng 50 taon na ngayon. Inaasam-asam ko pa rin at pinananabikan ang paghahanap ng mga troso.
Kasama ko rin sa trabahong ito ang aking pamilya. Kung minsan sa maalinsangang gabi ng tag-araw, lahat kami ay nagpupunta at nagtatrabaho sa dalampasigan. Ang paghihila ng mga troso pabalik sa daungan samantalang nasa likuran namin ang makapigil-hiningang kagandahan ng paglubog ng araw, ang pagsiyap ng mga golondrinang-dagat, ang kumikinang-kinang na tubig na dinaanan ng aming bapor, at ang mga liwanag na kumukutitap sa dalampasigan—buweno, ang lahat ng ito ay nagbibigay ng kapayapaan at damdamin ng pagiging malapít sa Maylalang. Wala na akong iba pang maisip na mabuting dahilan kung bakit gustung-gusto ko ang aking trabaho.—Ipinadala.
[Larawan sa pahina 10]
Inililigtas ng isang tagasalba ang isang trosong nasa dalampasigan
[Mga larawan sa pahina 10]
Pangkaraniwan nang makakita ng maiilap na hayop kapag nagsasalba ng troso
[Larawan sa pahina 11]
Ang istasyon sa Howe Sound na tumatanggap ng troso ay bukás pa rin kahit taglamig