Pandaraya—Isang Pangglobong Problema
WARING si Wayne, na may angking karisma at malumanay magsalita, ang eksaktong hinahanap ni Karen sa isang mapapangasawa. “Siya ang tipo ng lalaki na ipinagdarasal at pinapangarap ko,” ang sabi ni Karen. “Iniisip ng lahat ng taong nakakakita sa amin na talagang bagay na bagay kami sa isa’t isa. Ipinakita niyang gustung-gusto niya ako.”
Pero may problema. Sinabi ni Wayne kay Karen na ikatlo siya sa pinakamataas ang katungkulan sa Australian Secret Intelligence Organization. Gusto na raw niyang magbitiw, pero hindi siya pahihintulutan ng grupo. Masyado siyang maraming nalalaman. Papatayin nila siya! Magkasamang bumuo ng plano ang magkasintahan. Magpapakasal sila, pagsasamahin ang kanilang mga pag-aari, aalis sa Australia, at tatakas patungong Canada. Ibinenta ni Karen ang kaniyang bahay pati na ang lahat ng pag-aari niya at ipinagkatiwala kay Wayne ang salapi.
Nagpakasal sila gaya ng isinaplano. Tumakas ng bansa si Wayne, subalit si Karen ay iniwan, pinabayaan, na may natitira na lamang na wala pang apat na dolyar (U.S.) sa bangko. Nang maglaon, natuklasan niyang nabiktima siya ng masalimuot na mga pakana ng panlilinlang sa layuning dayain lamang siya. Gaya ng isang aktor, gumanap si Wayne ng papel—isang papel na ganap na iniakma upang akitin siya. Ang kaniyang pinagmulan, ang kaniyang mga interes, ang kaniyang personalidad, at ang di-umano’y pag-ibig niya kay Karen ay mga gawa-gawa lamang upang makuha ang pagtitiwala nito—pagtitiwala na pinagbayaran ni Karen nang $200,000 (U.S.). Ganito ang sinabi ng isang opisyal ng pulisya: “Winasak ang kaniyang damdamin. Huwag nang banggitin pa ang salapi—talagang di-kapani-paniwala ang pighating maaaring idulot nito sa isang tao.”
“Gulung-gulo ang damdamin ko,” ang sabi ni Karen. “Balatkayo lamang pala ang kaniyang pagkatao.”
Isa lamang si Karen sa di-mabilang na mga biktima ng pandaraya sa buong daigdig. Hindi batid kung gaano kalaking salapi ang nadadaya sa iba, bagaman ang halaga ay tinatayang daan-daang bilyong dolyar at tumataas ito bawat taon. Bukod sa pinansiyal na kalugihan, ang mga biktimang gaya ni Karen ay dumaranas ng matinding emosyonal na pasakit sa pagkaalam na isang tao—kadalasang isang tao na pinagtitiwalaan nila—ang nagsamantala sa kanila.
Pag-iingat ang Pinakamagaling na Hakbangin
Binibigyang-katuturan ang pandaraya bilang “isang pakana o sinasadyang panlilinlang upang makakuha ng salapi sa pamamagitan ng pagkukunwari, mga representasyon, o pangako.” Nakalulungkot, maraming mandaraya ang hindi naparurusahan dahil kadalasang mahirap patunayan na talagang isinaplano ang panlilinlang. Karagdagan pa, maraming manggagantso ang nakaaalam at nagsasamantala sa mga butas sa batas—alam nila kung paano dayain ang mga tao sa mga paraan na mahirap o imposibleng ihabla. Karagdagan pa, umuubos ng maraming panahon at salapi ang pagsasampa ng kaso laban sa mga manggagantso. Karaniwan na, ang mga nahahatulan sa kanilang krimen ay yaong mga nakapagnakaw ng milyun-milyong dolyar o yaong nakagawa ng isang bagay na talagang nakagigitla upang makatawag sa pansin ng marami. Mahuli at maparusahan man ang isang manggagantso, malamang na naubos o naitago na niya ang salaping nagantso. Dahil dito, bihirang naibabalik sa mga biktima ang salaping nakuha sa kanila.
Sa madaling salita, kapag nagantso ka, malamang na kaunti lamang o wala ka nang magagawa hinggil dito. Mas mabuting umiwas na maging biktima kaysa humanap ng paraan upang makuhang muli ang iyong salapi matapos kang mabiktima. Matagal nang isinulat ng isang matalinong lalaki: “Matalino ang nakakakita ng kapahamakan at nagkukubli, ngunit ang mga walang-karanasan ay dumaraan at daranas ng kaparusahan.” (Kawikaan 22:3) Ipaliliwanag ng susunod na artikulo ang mga paraan upang ipagsanggalang ang iyong sarili mula sa pandaraya.