“Kung Alam Lamang ng mga Tao!”
NANG magtapos siya sa haiskul, kung kailan determinado ang maraming kabataan na maabot ang materyalistikong mga tunguhin, iba ang naisip ni David na gawin. Noong Setyembre 2003, siya at ang isang kaibigan ay lumipat mula sa Illinois, sa Estados Unidos, tungo sa Dominican Republic.a Si Davey, na siyang tawag sa kaniya ng mga kaibigan at kapamilya niya, ay nagpasiyang mag-aral ng wikang Kastila at sumama sa Navas Congregation ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang pagtuturo ng Bibliya. Malugod siyang tinanggap ng kongregasyon. “Ginagawa ni Davey ang lahat ng ipagawa sa kaniya,” ang sabi ni Juan, ang nag-iisang elder sa kongregasyong iyon. “Palagi siyang handang maglingkod sa iba, at mahal siya ng mga kapatid.”
Mahal ni Davey ang kaniyang atas. “Masayang-masaya ako rito,” ang sulat niya sa isang kaibigan sa Estados Unidos. “Nakagiginhawa ang ministeryo! Mga 20 minuto kaming nakikipag-usap sa bawat pintuan dahil nais ng mga tao na marinig ang lahat ng kaya mong sabihin sa kanila. Nagdaraos na ako ng anim na pag-aaral sa Bibliya, pero kailangan pa rin namin ng tulong. Sa isang pulong sa aming kongregasyon na binubuo ng 30 mamamahayag ng Kaharian, 103 ang dumalo!”
Nakalulungkot, noong Abril 24, 2004, namatay sa isang aksidente si Davey at ang isang lalaking kakongregasyon niya. Maging hanggang bago siya mamatay, nag-uumapaw ang kasiglahan ni Davey sa kaniyang gawain, at pinasigla niya ang iba pang mga kabataan sa kaniyang bansa na samahan siya. “Tiyak na magbabago ang pananaw mo sa buhay,” ang sabi niya sa isang kabataang Saksi.
Ang isang pagbabago sa pananaw na naranasan mismo ni Davey ay may kinalaman sa materyal na mga bagay. “Noong minsang umuwi siya sa kanila,” ang gunita ng kaniyang ama, “inanyayahan si Davey na sumama sa isang paglalakbay upang mag-iski. Tinanong niya kung magkano ang gagastusin. Nang sabihin sa kaniya kung magkano ito, sinabi ni Davey na hindi siya kailanman gagastos ng gayon kalaking pera para lamang mag-iski yamang maaari siyang mabuhay sa Dominican Republic nang maraming buwan sa gayundin kalaking halaga!”
Naantig ang iba sa sigasig ni Davey. “Nang marinig ko ang hinggil sa ginagawa ni Davey at kung gaano siya kasaya,” ang sabi ng isang kabataan sa lugar nila Davey, “natanto ko na maaari ko ring magawa ang nagagawa niya. Nang mamatay si Davey, napag-isip-isip ko kung ano kaya ang sasabihin ng mga tao sa akin kapag namatay ako at kung makapagdudulot ba ako ng gayon kapositibong epekto sa kanilang buhay.”
Bilang mga Saksi ni Jehova, lubusang nagtitiwala ang mga magulang at mga kapatid ni Davey na bubuhayin siyang muli ng Diyos sa darating na bagong sanlibutan ng katuwiran. (Juan 5:28, 29; Apocalipsis 21:1-4) Samantala, nakapagtatamo sila ng kaaliwan sa pagkaalam na ginamit ni Davey ang kaniyang buhay sa pinakamahusay na paraan—ang paglingkuran ang kaniyang Maylalang. (Eclesiastes 12:1) Sa pagkokomento hinggil sa kaniyang pasiya na maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan, minsan ay sinabi ni Davey: “Sana’y ganito rin ang gawin ng bawat kabataan at madama rin nila ang nadarama ko. Wala nang hihigit pa sa paglilingkod kay Jehova nang buong kaluluwa. Kung alam lamang ng mga tao!”
[Talababa]
a Kagaya ni David, maraming Saksi ni Jehova ang nagboluntaryong lumipat sa ibang lugar kung saan may mas malaking pangangailangan para sa mga mangangaral ng Kaharian, anupat ang ilan ay nag-aaral pa nga ng banyagang wika upang turuan ang iba hinggil sa mga katotohanan sa Salita ng Diyos. Mahigit sa 400 gayong boluntaryo ang kasalukuyang naglilingkod sa Dominican Republic.