Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 2/8 p. 4-6
  • Kaigtingan—Mga Sanhi at Epekto Nito

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kaigtingan—Mga Sanhi at Epekto Nito
  • Gumising!—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Kaigtingan sa Paghahanapbuhay
  • Ang mga Panggigipit sa Nagsosolong mga Magulang
  • Maiigting na Bata
  • Ang Kabayaran ng Kaigtingan
  • Nakabubuting Kaigtingan, Nakasasamang Kaigtingan
    Gumising!—1998
  • Paano Ko Makakayanan ang Stress sa School?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 1
  • Kung Paano Makokontrol ang Stress
    Gumising!—2010
  • Stress—Ang Epekto Nito sa Atin
    Gumising!—2010
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 2/8 p. 4-6

Kaigtingan​—Mga Sanhi at Epekto Nito

ANO ba ang kaigtingan? Ayon sa isang dalubhasa, ang kaigtingan ay maaaring bigyang-kahulugan bilang “anumang pisikal, kemikal, o emosyonal na salik na nagdudulot ng tensiyon sa katawan o isipan.” Nangangahulugan ba ito na likas na nakapipinsala ang kaigtingan? Hindi naman. Gaya ng komento ni Dr. Melissa C. Stöppler, “maaaring maging kapaki-pakinabang ang bahagyang antas ng kaigtingan at tensiyon. Ang bahagyang kaigtingang nadarama natin habang gumagawa ng isang proyekto o atas ang nagtutulak sa atin na paghusayin ang proyekto at gawin ito nang buong lakas.”

Kaya kailan nagiging problema ang kaigtingan? Sabi ni Stöppler: “Tangi lamang kapag labis-labis, o hindi na nakokontrol ang kaigtingan, saka ito nagkakaroon ng negatibong mga epekto.” Isaalang-alang ang ilang karaniwang pinagmumulan ng kaigtingan.

Ang Kaigtingan sa Paghahanapbuhay

Sinabi ni Haring Solomon: “Sa tao ay wala nang mas mabuti kundi ang kumain siya at uminom nga at magdulot ng kabutihan sa kaniyang kaluluwa dahil sa kaniyang pagpapagal.” (Eclesiastes 2:24) Gayunman, para sa maraming empleado, ang dako ng trabaho ang siyang pinagmumulan ng mga panggigipit.

Binabanggit ng isang report mula sa European Agency for Safety and Health at Work na ang mga manggagawa ay kadalasang dumaranas ng kaigtingan sa kanilang mga trabaho dahil kulang sa komunikasyon ang pangasiwaan at ang mga empleado, hindi binibigyan ng pangasiwaan ang mga manggagawa ng kapangyarihang magdesisyon sa mga bagay na nakaaapekto sa kanila, sa awayan sa pagitan ng mga trabahador, o dahil sa kawalan ng kasiguruhan sa trabaho at/o maliit na suweldo, bukod pa sa ibang mga bagay. Anuman ang dahilan, maaaring hindi na matugunan ng nagtatrabahong mga magulang ang mga pangangailangan ng kanilang mga pamilya dahil sa pagharap sa mga kaigtingan sa dako ng trabaho. At maaaring napakalaki ng mga pangangailangang iyon. Halimbawa, sa Estados Unidos, sa loob lamang ng isang taon, mga 50 milyon katao ang nag-alaga ng maysakit o may-edad nang miyembro ng pamilya. Madalas ding pagmulan ng kaigtingan sa pamilya ang mga problema sa pananalapi. Napaharap si Rita, isang ina na may dalawang anak, sa pinansiyal na problema nang maaksidente sa kotse ang kaniyang asawang si Leandro, anupat ito’y naging baldado at kailangang gumamit ng silyang de-gulong. Ganito ang sabi ni Rita: “Nakakatensiyon ang pinansiyal na mga problema. Kung wala kang pera upang bayaran ang lahat ng gastusin sa bahay, nakaaapekto ito sa iyong disposisyon.”

Ang mga Panggigipit sa Nagsosolong mga Magulang

Napapaharap din ang nagsosolong mga magulang sa matinding kaigtingan habang sinisikap nilang tugunan ang mga pangangailangan ng kani-kanilang pamilya. Nakapanlulupaypay para sa nagsosolong magulang ang paggising nang maaga upang ihanda ang almusal, bihisan ang mga bata at ihatid sila sa paaralan, magmadali upang makapasok sa trabaho nang nasa oras, at pagkatapos ay asikasuhin ang mga kahilingan sa trabaho. At pagkagaling sa maghapong trabaho, isa pang siklo ng kaigtingan ang haharapin ng isang ina habang nagmamadali siya upang sunduin ang kaniyang mga anak sa paaralan, maghanda ng hapunan, at asikasuhin ang mga gawain sa bahay. Inihahambing ni Maria, isang nagsosolong ina na may apat na anak na babaing tin-edyer, ang kaniyang buhay sa isang pressure cooker, sa pagsasabing: “Maaaring magpatung-patong ang panggigipit anupat parang sasabog na ako.”

Maiigting na Bata

Ganito ang sabi ng sosyologong si Ronald L. Pitzer: “Maraming kabataan ang dumaranas ng matinding kaigtingan.” Napapaharap sila sa pisikal at emosyonal na mga pagbabago na kaakibat ng pagbibinata o pagdadalaga. Nariyan din ang mga panggigipit sa paaralan. Ayon sa aklat na Childstress!, ang karaniwang araw sa paaralan “ay punô ng mga problema at panggigipit na nagdudulot ng kaigtingan​—sa kanilang pag-aaral, isports, sa mga ugnayan sa mga kasamahan at sa pakikitungo sa mga guro.”

Sa ilang lugar, nakadaragdag pa sa pagkabalisa ang banta ng karahasan sa paaralan​—bukod pa sa pangamba ng maraming kabataan ngayon sa mga pagsalakay ng mga terorista at iba pang kasakunaan. “Kung palaging pinag-uusapan ng mga magulang ang nakatatakot na daigdig sa ngayon,” ang sulat ng isang babaing tin-edyer, “matatakot din kami.”

Ang mga magulang ang dapat maging pinagmumulan ng lakas ng kanilang mga anak. Pero, sabi ni Pitzer: “Kadalasan, minamaliit, itinatanggi, hindi sineseryoso, o winawalang-bahala ng mga magulang ang mga pagsisikap ng mga anak at mga tin-edyer na ipakipag-usap ang kanilang mga problema.” Sa ilang kalagayan, hindi makatulong ang mga magulang sa kanilang mga anak dahil sa kaigtingan sa pagitan mismo nilang mag-asawa. “Para bang lagi na lamang nag-aaway ang aking mga magulang,” ang sabi ng kabataang si Tito, na ang mga magulang ay nagdiborsiyo nang bandang huli. Gaya ng sinasabi ng aklat na Childstress!, ang “pisikal na awayan at sigawan ay hindi siyang tanging dahilan ng trauma. Nakababalisa sa mga bata kahit na ang kinikimkim na hinanakit na ipinahahayag sa waring matamis subalit di-taimtim na pananalita.”

Ang Kabayaran ng Kaigtingan

Ikaw man ay bata o matanda o galing man sa trabaho o sa paaralan ang kaigtingang nararanasan mo sa buhay, ang paulit-ulit na kaigtingan ay makapipinsala sa iyong kalusugan. Ganito ang paliwanag ng isang manunulat sa medisina: “Ang pagtugon ng katawan sa kaigtingan ay katulad ng isang eroplano na naghahandang lumipad.” Oo, kapag nakadarama ka ng kaigtingan, bumibilis ang tibok ng iyong puso at tumataas ang presyon ng dugo mo. Tumataas ang antas ng asukal sa iyong dugo. Naglalabas ito ng mga hormon. “Kapag nagpatuloy ang kaigtingan,” ang sabi pa ng manunulat ding iyon, “ang lahat ng sangkap ng katawan na tumutugon sa kaigtingan (ang utak, puso, baga, daluyan ng dugo, at mga kalamnan) ay paulit-ulit na labis o bahagyang napakikilos. Maaari itong magdulot ng pinsala sa katawan o isipan sa paglipas ng panahon.” Nakababahala ang listahan ng mga karamdaman na nauugnay sa kaigtingan: sakit sa puso, istrok, diperensiya sa imyunidad, kanser, diperensiya sa kalamnan at mga buto, at diyabetis, ay ilan lamang sa mga ito.

Lalo nang nakababahala ang nakasasamang paraan ng pagharap ng marami​—lalo na ng mga kabataan​—sa kaigtingan. Ganito ang hinagpis ni Dr. Bettie B. Youngs: “Nakapanlulumong malaman na sa kanilang hangaring matakasan ang kirot, ang mga tin-edyer ay bumabaling sa pag-abuso sa inuming de-alkohol at droga, pagbubulakbol, pagkadelingkuwente, kawalan ng delikadesa sa sekso, kapusukan at karahasan, at paglalayas​—na umaakay sa kanila sa higit pang mga problema kaysa sa nais nilang takasan.”

Bahagi na ng buhay ngayon ang kaigtingan; hindi ito lubusang maiiwasan. Subalit gaya ng ipakikita ng susunod na artikulo, marami tayong magagawa upang makontrol ang kaigtingan!

[Blurb sa pahina 6]

“Maaaring magpatung-patong ang panggigipit anupat parang sasabog na ako”

[Larawan sa pahina 5]

Kadalasan nang punô ng panggigipit ang buhay ng nagsosolong mga magulang

[Larawan sa pahina 6]

Maaaring gipitin nang labis sa paaralan ang mga kabataan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share