Mula sa Iskrip Tungo sa Pinilakang Tabing
SA NAKALIPAS na ilang dekada, malimit na sa Hollywood nagmumula ang mga pelikulang patok sa takilya. May epekto sa buong daigdig ang penomenong ito, yamang maraming pelikulang gawa sa Estados Unidos ang ipinalalabas sa ibang bansa ilang linggo—o sa ibang pagkakataon, ilang araw—matapos ang unang pagpapalabas nito sa Estados Unidos. May ilang pelikula pa nga na sabay-sabay na ipinalalabas sa buong daigdig. “Ang bentahan ng pelikula sa buong daigdig ay lumalaki at napakasigla,” ang sabi ni Dan Fellman, presidente ng Warner Brothers Pictures sa pamamahagi ng pelikula sa Estados Unidos, “kaya kapag gumagawa kami ng pelikula, itinuturing namin itong isang pambuong-daigdig na oportunidad.” Ngayon higit kailanman, ang nagaganap sa Hollywood ay nakaaapekto sa industriya ng libangan sa buong daigdig.a
Ngunit hindi ganoon kadaling pagkakitaan ang isang pelikula. Maraming pelikula ang kailangang kumita nang mahigit na $100 milyon para lamang matakpan ang naging gastusin sa produksiyon, pag-aanunsiyo at pagbebenta nito. At kung sila man ay magtatagumpay, ang di-matantiyang publiko lamang ang tanging makasasagot. “Hinding-hindi mo malalaman sa anumang pagkakataon kung ano ang ituturing ng publiko na kapana-panabik o lubhang kawili-wili,” ang sabi ni David Cook, isang propesor ng pag-aaral sa pelikula sa Emory University. Kaya paano pinalalaki ng mga gumagawa ng pelikula ang kanilang tsansa na magtagumpay? Upang masagot iyan, kailangan muna nating maunawaan ang ilang mahalagang impormasyon kung paano ginagawa ang mga pelikula.b
Bago ang Produksiyon—Paghahanda sa Paggawa ng Pelikula
Kadalasan nang ang panahon bago ang produksiyon ang pinakamahabang yugto sa proseso ng paggawa ng pelikula at isa sa pinakamahalaga. Gaya ng iba pang malaking proyekto, paghahanda ang susi sa tagumpay. Inaasahan na sa bawat salaping ginagastos sa paghahanda bago ang produksiyon, maraming ulit ng halagang iyon ang matitipid sa panahon ng shooting (pagsasapelikula).
Ang paggawa ng pelikula ay nagsisimula sa isang ideya para sa isang kuwento, na maaaring kathang-isip o batay sa mga pangyayari sa tunay na buhay. Gagawa ng iskrip ang manunulat batay sa kuwento. Ang iskrip, na tinatawag ding screenplay (dulang pampelikula), ay maaaring baguhin nang maraming ulit bago matapos ang panghuling bersiyon—na tinatawag ding shooting script (iskrip na ginagamit sa pagsasapelikula). Ang shooting script ay naglalaman ng mga sasabihin ng mga tauhan sa pelikula gayundin ng isang maikling paglalarawan ng mangyayari sa eksena. Nagbibigay rin ito ng giya para sa teknikal na mga detalye, gaya ng direksiyon ng kamera at mga pagbabago sa pagitan ng mga eksena.
Gayunman, nasa pasimulang bahagi pa lamang ang isang iskrip kapag iniaalok itong ipagbili sa isang prodyuser.c Anong uri ba ng iskrip ang gusto ng prodyuser? Buweno, ang tipikal na nilalaman ng isang pelikulang pantag-araw ay nakatuon sa mga tin-edyer at mga kabataang adulto—“ang grupong pam-popcorn,” gaya ng tawag sa kanila ng isang kritiko sa pelikula. Kaya maaaring maging interesado ang prodyuser sa isang kuwento na kinawiwilihan ng mga kabataan.
Mas lalong nagugustuhan ang isang iskrip na kawili-wili sa lahat ng edad. Halimbawa, ang isang pelikula tungkol sa isang bida sa komiks ay tiyak na makaaakit sa mga bata na pamilyar sa tauhang iyon. At tiyak na sasamahan sila ng kani-kanilang mga magulang. Pero paano inaakit ng mga gumagawa ng pelikula ang mga tin-edyer at ang mga kabataang adulto? Ang susi ay “ang nakapupukaw na nilalaman,” ang isinulat ni Liza Mundy sa The Washington Post Magazine. Ang pagdaragdag sa isang pelikula ng malaswang pananalita, mga eksena ng labis na karahasan, at maraming eksena ng sekso ay isang paraan upang “maabot ang sukdulang potensiyal nito na kumita sa pamamagitan ng pagiging kawili-wili nito sa lahat ng edad.”
Kung inaakala ng isang prodyuser na may potensiyal ang iskrip, maaari niyang bilhin ito at sikaping kontratahin ang isang kilalang direktor at isang sikat na aktor o aktres. Ang pagkakaroon ng kilalang direktor at sikat na artista ay lilikha ng interes kapag ipinalabas na ang pelikula. Gayunman, maging sa panimulang yugtong ito, ang sikat na mga pangalan ay makaaakit ng mga mamumuhunan na kailangan para mapondohan ang pelikula.
Ang isa pang aspekto ng paghahanda bago ang produksiyon ay ang storyboarding. Ang storyboard ay sunud-sunod na mga drowing na naglalarawan ng iba’t ibang eksena ng pelikula ayon sa pagkakasunud-sunod nito, partikular na yaong nagsasangkot ng aksiyon. Dahil sa storyboard, na nagsisilbing detalyadong plano para sa sinematograpo, malaking panahon ang natitipid sa panahon ng shooting. Gaya ng sinabi ng direktor at manunulat ng iskrip na si Frank Darabont, “wala nang pinakamasaklap kundi ang magpaikot-ikot sa set ng pelikula anupat sinasayang ang araw ng shooting sa pagsisikap na alamin kung saan ipupuwesto ang kamera.”
Maraming iba pang mahahalagang bagay ang kailangang ayusin bago ang produksiyon. Halimbawa, anu-anong lokasyon ang gagamitin sa shooting? Kakailanganin bang magbiyahe? Paano gagawin at ididisenyo ang interyor ng set ng pelikula? Kakailanganin ba ang mga kostiyum? Sino ang mag-aasikaso ng ilaw, magme-makeup, at mag-aayos ng buhok? Kumusta naman ang sound, mga special effect, at ang gagawa ng mga stunt? Ilan lamang ito sa maraming aspekto ng paggawa ng pelikula na kailangang isaalang-alang bago pa man magsimula ang shooting. Panoorin mo ang binibigyan ng kredito sa pansarang bahagi ng isang pelikulang malaki ang badyet, at makikita mong daan-daang tao ang kasama sa paggawa ng pelikulang iyon! “Kailangan ang tulong ng maraming tao upang makagawa ng isang pelikula,” ang sabi ng isang teknisyan na nakapagtrabaho na sa maraming set ng pelikula.
Produksiyon—Pagsasapelikula Nito
Ang shooting ng isang pelikula ay maaaring umubos ng maraming panahon, nakapapagod at magastos. Sa katunayan, ang isang minuto na nasayang ay maaaring magkahalaga ng libu-libong dolyar. Kung minsan ang mga artista, tauhan sa set, at mga kagamitan ay kailangang ibiyahe sa isang liblib na bahagi ng daigdig. Gayunman, saanman gawin ang shooting, ang bawat araw nito ay umuubos ng malaking bahagi ng badyet.
Ang mga nag-aasikaso ng ilaw, tagaayos ng buhok, at mga taga-makeup ay kabilang sa mga unang dumarating sa set ng pelikula. Sa bawat araw ng shooting, maaaring ilang oras na inaayusan ang mga artista bilang paghahanda bago sila humarap sa kamera. Pagkatapos ay magsisimula na ang isang mahabang araw ng shooting.
Maingat na pinangangasiwaan ng direktor ang shooting ng bawat eksena. Maaaring abutin nang maghapon kahit ang shooting ng maituturing na isang simpleng eksena. Ang karamihan sa mga eksena sa pelikula ay kinukunan ng iisang kamera, kung kaya’t kailangang paulit-ulit na kunan ang eksenang iyon para sa bawat anggulo ng kamera. Karagdagan pa, baka kailanganing ulit-ulitin ang bawat kuha (shot) upang mapili ang pinakamagandang pagganap o para maiwasto ang isang teknikal na problema. Ang bawat kuha ng kamera sa shooting ay tinatawag na take. Para sa mas malalaking eksena, maaaring kailanganin ang 50 o higit pang take! Pagkaraan—kadalasan sa pagtatapos ng bawat araw ng shooting—pinanonood ng direktor ang bawat take at nagpapasiya kung alin ang pipiliin. Lahat-lahat, ang proseso ng shooting ay maaaring tumagal nang ilang linggo o mga buwan pa nga.
Pagkatapos ng Produksiyon—Pagdurugtung-dugtong sa mga Bahagi
Pagkatapos ng produksiyon, ine-edit ang indibiduwal na mga kuha ng eksena upang mabuo ang isang pelikula ayon sa pagkakasunud-sunod nito. Una, pinagtutugma ang nakarekord na tunog at ang pelikula. Pagkatapos, inaayos ng editor ang hindi pa nae-edit na mga kuha ng eksena upang maging patiunang bersiyon ng pelikula, na tinatawag na rough cut (temporaring pelikula).
Ang mga sound effect at mga visual effect ay idinaragdag din sa pagkakataong ito. Ang sinematograpya ng mga special effect—isa sa pinakamasalimuot na mga aspekto ng paggawa ng pelikula—ay nagagawa kung minsan sa tulong ng computer graphics. Ang mga resulta ay maaaring kagila-gilalas at parang totoong-totoo.
Ang kinathang musika para sa pelikula ay idinaragdag din pagkatapos ng produksiyon, at ang aspektong ito ay nagkaroon ng higit na importansiya sa mga pelikula sa ngayon. “Ang industriya ng pelikula ay humihiling ngayon higit kailanman ng mas orihinal na nakarekord na musika—hindi lamang basta dalawampung minuto o ilang paningit na musika para sa madramang mga eksena, kundi kadalasan nang mahigit sa isang oras na musika,” ang isinulat ni Edwin Black sa Film Score Monthly.
Kung minsan ang isang bagong edit na pelikula ay ipinalalabas sa ilang pilíng manonood, na marahil ay binubuo ng mga kaibigan ng direktor o mga katrabaho na hindi kasama sa paggawa ng pelikulang iyon. Batay sa kanilang pagtugon, maaaring ulitin ng direktor ang shooting ng mga eksena o alisin ang mga ito. Sa ilang kaso, ang buong pangwakas na eksena ng isang pelikula ay pinalitan dahil hindi maganda ang naging pagtugon ng mga pilíng manonood sa bagong edit na pelikula.
Sa wakas, ipalalabas na sa mga sinehan ang natapos na pelikula. Sa puntong ito lamang magkakaalaman kung ito ba ay magiging patok sa takilya o hindi—o katamtaman lamang. Ngunit higit pa sa basta kikitain lamang ang nakataya. Ang sunud-sunod na pagkabigo ay maaaring makasira sa pagkakataon ng isang artista na magtrabaho at makasira sa reputasyon ng direktor. “Nakita kong nalaos ang ilan sa aking mga kasabayan pagkatapos ng ilang hindi kumitang pelikula,” ang sabi ng direktor na si John Boorman, sa kaniyang pagbabalik-tanaw noong nagsisimula pa lamang siya sa paggawa ng pelikula. “Ang mapait na realidad sa negosyo ng pelikula ay na kapag hindi ka kumita para sa iyong mga panginoon, tapos ka na.”
Sabihin pa, kapag nakatayo sa harap ng karatula ng sinehan, hindi iniisip ng publiko sa pangkalahatan ang tungkol sa hanapbuhay ng mga gumagawa ng pelikula. Mas malamang, kabilang sa kanilang pangunahing iniisip ay: ‘Masisiyahan kaya ako sa pelikulang ito? Sulit kaya ang ibabayad ko? Magugulat kaya ako sa pelikulang ito o maiinis? Angkop kaya ito sa aking mga anak?’ Paano mo sasagutin ang gayong mga tanong kapag nagpapasiya kung aling pelikula ang panonoorin ninyo?
[Mga talababa]
a Ayon kay Anita Elberse, propesor sa Harvard Business School, “bagaman ang mga kinikita ng takilya sa ibang bansa ay madalas na mas malaki na ngayon kaysa sa mga kinikita sa Estados Unidos, ang kinikita pa rin ng isang pelikula sa Estados Unidos ang may pinakamalaking impluwensiya kung gaano kalaki ang kikitain nito sa ibayong dagat.”
b Bagaman maaaring magkakaiba ang mga detalye ng bawat pelikula, ang inilalarawan dito ay isang posibleng pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari.
c Sa ilang kalagayan, ang iniaalok sa prodyuser ay isang balangkas ng kuwento sa halip na isang iskrip. Kung interesado siya sa kuwento, maaari niyang bilhin ang mga karapatan dito at pagawan ito ng iskrip.
[Blurb sa pahina 6]
“Hinding-hindi mo malalaman sa anumang pagkakataon kung ano ang ituturing ng publiko na kapana-panabik o lubhang kawili-wili.”—David Cook, propesor ng pag-aaral sa pelikula
[Kahon/Mga larawan sa pahina 6, 7]
KUNG PAANO NAGIGING PATOK SA TAKILYA ANG ISANG PELIKULA
Tapos na ang pelikula. Handa na itong panoorin ng milyun-milyon. Papatok kaya ito? Isaalang-alang ang ilang paraan na ginagamit ng mga gumagawa ng pelikula para ibenta ang kanilang produkto at maging patok ito sa takilya.
◼ PINAG-UUSAPAN: Ang isa sa pinakamabisang paraan para panabikan ang isang pelikula ay ang pag-usapan ito. Kung minsan, pinag-uusapan na ang isang pelikula ilang buwan bago pa ito ipalabas. Marahil iaanunsiyo na magkakaroon ng karugtong ang isang dating patok na pelikula. Muli kayang gaganap ang orihinal na mga artista? Magiging kasingganda (o kasimpangit) kaya ito ng nauna?
Sa ilang kaso, nagkakaroon ng usap-usapan dahil sa isang kontrobersiya sa pelikula—marahil ang pagpapakita ng detalyadong mga eksena sa sekso na hindi karaniwang ipinakikita sa mga pelikulang para sa pangkalahatang manonood. Ganoon ba talaga kalaswa ang eksenang iyon? Grabe bang talaga ang pelikulang iyon? Nagkakaroon ng libreng anunsiyo ang mga gumagawa ng pelikula habang pinagtatalunan ng publiko ang magkakasalungat na pangmalas. Kung minsan ang pinasimulang kontrobersiya ay halos gumagarantiya na maraming manonood sa unang pagpapalabas ng pelikulang iyon.
◼ MEDIA: Kabilang sa mas tradisyonal na paraan ng pag-aanunsiyo ang paggamit ng mga billboard, binayarang anunsiyo sa diyaryo, patalastas sa TV, preview ng pelikula na ipinalalabas sa mga sinehan bago ipalabas ang kasalukuyang tampok na pelikula, at mga panayam kung saan iniaanunsiyo ng mga artista ang kanilang pinakabagong pelikula. Ang Internet ngayon ay isang pangunahing paraan ng pag-aanunsiyo ng pelikula.
◼ PROMOSYON SA PAMAMAGITAN NG MGA PANINDA: Ang mga paninda bilang promosyon ay nakatatawag ng malaking pansin sa pagpapalabas ng pelikula. Halimbawa, ang isang pelikula na batay sa isang bida sa komiks ay nilalakipan ng mga produktong iniugnay sa tema ng pelikula gaya ng mga baunan, mug, alahas, damit, key chain, relo, ilawan, board game, at marami pang iba. “Karaniwan nang 40 porsiyento ng mga panindang may kaugnayan sa pelikula ang naibebenta bago pa man ipalabas ang pelikula,” ang isinulat ni Joe Sisto sa isang babasahing panlibangan ng American Bar Association.
◼ HOME VIDEO: Ang isang pelikula na nalugi sa takilya ay maaaring makabawi sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga home video. Si Bruce Nash, na sumusubaybay sa kinikita ng mga pelikula, ay nagsabi na “ang bumibili ng mga home video ang pinagmumulan ng 40 hanggang 50 porsiyento ng mga kinikita.”
◼ MGA RATING: Natutuhan ng mga gumagawa ng pelikula na gamitin ang mga rating sa kanilang kapakinabangan. Halimbawa, maaaring sadyaing singitan ng materyal ang isang pelikula upang tumanggap ito ng mas mabigat na rating, anupat ang pelikula ay nagiging higit na pang-adulto. Sa kabilang panig, maaaring putulin ang ilang eksena nang sapat lamang upang maiwasan ang rating na pang-adulto at gawing pantin-edyer. Sumulat si Liza Mundy sa The Washington Post Magazine na ang rating na pantin-edyer ay “naging isang anyo na ng pag-aanunsiyo: Ginagamit ito ng mga istudyo upang paratingin ang mensahe sa mga tin-edyer—at sa mga bata na gustung-gusto nang maging mga tin-edyer—na ang pelikula ay may mga eksenang tiyak na magugustuhan nila.” Ang rating ay lumilikha ng isang uri ng “igtingan sa pagitan ng mga magulang at mga anak,” ang isinulat ni Mundy, “anupat binababalaan ang magulang samantalang inaakit naman ang anak.”
[Mga larawan sa pahina 8, 9]
KUNG PAANO GINAGAWA ANG MGA PELIKULA
ISKRIP
MGA STORYBOARD
KOSTIYUM
PAGME-MAKEUP
SHOOTING SA MISMONG LOKASYON
SHOOTING NG MGA SPECIAL EFFECT
PAGREREKORD NG MUSIKA
PAGSASAMA-SAMA NG MGA TUNOG
ANIMATION NA GINAWA SA PAMAMAGITAN NG COMPUTER
PAG-E-EDIT