Magagandang Paruparo sa Tropiko
Mula sa manunulat ng Gumising! sa Espanya
PARA sa ilang manlalakbay, medyo nakapanghihinayang ang unang pagdalaw sa isang maulang gubat sa tropiko. Gustung-gusto sana nilang makakita ng kakaibang mga hayop at ibon; subalit halos lahat ng hayop ay sa gabi lamang gising, at ang karamihan naman sa mga ibon ay hindi makita dahil nasa tuktok sila ng mga punungkahoy.
“Napakaraming katibayan na punung-puno ng buhay ang kagubatan—maririnig sa lahat ng dako ang mga huni,” ang paliwanag ng The Mighty Rain Forest. Gayunman, dagdag pa ng aklat: “Kung hindi handa ang isang panauhin na mag-ukol ng napakaraming panahon sa matiyagang paghihintay at panggagalugad, malamang na wala siyang makitang hayop kundi puro mga paruparo lamang.” Masisiyahan na rin dito ang mga panauhin dahil nagniningning naman sa kulay at kagandahan ang mga paruparo sa tropiko anupat hindi malilimot ng mga panauhin ang pagpasyal nila sa maulang gubat.
Mapapansin agad ang mga paruparo sa tropiko dahil sa kanilang laki, uri, at kulay. Tamang-tama ang maberdeng kagubatan na matatanaw sa likuran habang ang mga paruparong kulay matingkad na asul, pula, at dilaw ay nagliliparan sa hawán na mga lugar. Bukod sa karaniwang mga kulay na ito, posible ring makakita ka sa Timog Amerika ng mga paruparong malilinaw ang pakpak. Ang ibang uri naman ay may mga pakpak na mas magaganda pa ang ilalim kaysa sa ibabaw. Ang mapupusyaw na paruparong kuwago ay may napakalalaking batík na parang mata ng kuwago na nagpapatingkad sa kulay-kapeng katawan ng mga ito. Subalit may ilang paruparo na hindi masyadong pansinin, at yaong may matatalas na mata lamang ang nakaaalam na isang insekto ang kanilang nakikita at hindi tuyong dahon.
Karaniwan nang sa malalaking paruparo ng tropiko napapalingon ang mga panauhin. Ang ilan ay mas malalaki pa sa maliliit na ibon at mabilis na lumilipad o sumasalimbay na parang mga ibon. Kahanga-hanga rin ang dami ng iba’t ibang uri ng paruparong namumugad sa maulang gubat. Sa tropiko ng Malaysia, halos isang libong uri ang naroroon, at sa Peru naman ay apat na libong uri—20 porsiyento ng kabuuang bilang sa buong daigdig.
Bagaman makikita ang iba’t ibang kulay sa pakpak ng paruparo, ang mga ito sa pangkalahatan ay hindi dahil sa maraming iba’t ibang pangulay (pigment) na taglay nito. Ang pakpak ay may isang malinaw na lamad (membrane) na kinakapitan ng libu-libong pagkaliliit na taliptip, at bawat taliptip ay karaniwan nang may iisang pangulay lamang. Subalit dahil sa kombinasyon ng iba’t ibang kulay ng mga taliptip, lumilikha ito ng iba pang kulay na siyang nakikita ng mga nagmamasid, gaya ng may-kulay na mga pixel ng telebisyon.
Inaakala mo marahil na ang pinakamainam na sandali upang mapanood ang magagandang paruparong ito ay kapag lumilipad-lipad ang mga ito sa mga bulaklak, pero hindi ito palaging totoo sa maulang gubat. Ang karamihan sa mga bulaklak ay namumukadkad sa tuktok ng mga punungkahoy, at habang nagpapakasawa ang mga paruparo sa nektar ng mga ito, hindi sila nakikita ng mga panauhin sa ibaba. Mabuti na lamang at bumababa naman sa lupa ang mga lalaking paruparo para sumipsip ng asin. May ilang nag-aakala na nawawalan ang mga paruparo ng kinakailangang mineral dahil sa proseso ng pagpaparami, na napapalitan naman kapag sumisipsip sila ng halumigmig mula sa basang lupa. Sa gayon, angkop na angkop na lugar ang mamasa-masang landas sa kagubatan o ang gilid ng isang maliit na batis para panoorin ang mga paruparo sa maulang gubat.
Baka makakita ka rin ng isang grupo ng mga paruparo na sama-samang nakadapo sa isang paboritong lugar. Karaniwan nang sama-samang humahapon ang mga paruparo sa tropiko. Maaaring hayaan ng ilan na makalapit ka sa kanila habang nasa isang dahon at nagbibilad sa sikat ng araw sa umaga. Bagaman ang ilang uri nito ay bihirang bumaba sa lupa, ang panonood pa lamang sa kanilang makulay na paglipad ay sapat na upang maging makulay ang iyong pamamasyal sa maulang gubat.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 18]
Parada ng Magagandang Lepidoptera
Bagaman mahirap pagpasiyahan kung aling paruparo o moth ang pinakamaganda, may ilang grupo talaga na walang-alinlangang namumukod-tangi.a
Mga paruparong swallowtail (Papilionidae)
Isang malaking pamilya ng makukulay na paruparo, na ang karamihan ay may maliit na “buntot” sa kanilang hulihang mga pakpak. Mabibilis lumipad ang mga ito at karaniwan nang nanginginain sa mga bulaklak na nasa tuktok ng mga punungkahoy.
Mga paruparong morpho (Morphidae)
Ang mga paruparong ito na matatagpuan lamang sa Timog at Sentral Amerika ay may magagandang pakpak na kulay makintab na asul. Nagkukulay-bahaghari ang mga ito dahil sa mga sinag ng liwanag. Habang marahan nilang ikinakampay ang kanilang mga pakpak, ang kulay matingkad na asul ay nagbabagu-bago depende sa kung saan nanggagaling ang liwanag.
Mga paruparong bird wing (Ornithoptera)
Galing sa Timog-Silangang Asia at tropikal na Australia ang mga paruparong ito. Gaya ng ipinahihiwatig ng pangalan, napakalalaki ng paruparong ito na may mga pakpak na mas malalaki pa sa maraming ibon. Dahil maganda at bibihira lamang, ang halaga ng mga ito ay literal na kasimbigat, wika nga, ng ginto.
Mga uraniid moth (Uraniidae)
Ang kahanga-hangang mga insektong ito na inuri bilang moth sa halip na paruparo (butterfly) ay nagliliparan kung araw. Ang Chrysiridia madagascariensis ng Madagascar na may mga pakpak na kakikitaan ng lahat ng kulay ng bahaghari ay inilarawan bilang “ang pinakamagandang insekto sa daigdig.”
[Talababa]
a Ang mga paruparo at moth ang bumubuo ng uring Lepidoptera.
[Credit Lines]
Morpho: Zoo, Santillana del Mar, Cantabria, España; lahat ng iba pa na nasa kahon: Faunia, Madrid
[Larawan sa pahina 16]
Malilinaw na pakpak ng “Hypoleria oto”
[Larawan sa pahina 16]
Paruparong “Hewitson” na may kulay-asul na mga guhit. Ang ilalim ng mga pakpak nito (nasa kaliwa) ay napakaganda ring tulad ng ibabaw nito (nasa itaas)
[Larawan sa pahina 16, 17]
Paruparong “Goliath birdwing” (aktuwal na sukat)
[Larawan sa pahina 17]
Ilalim ng mga pakpak ng paruparong kuwago
[Larawan sa pahina 17]
Paruparo na parang tuyong dahon
[Larawan sa pahina 18]
Mga paruparo sa tropiko habang sumisipsip ng maalat na halumigmig sa lupa
[Picture Credit Lines sa pahina 16]
Hypoleria oto: Zoo, Santillana del Mar, Cantabria, España; lahat ng iba pang larawan: Faunia, Madrid
[Picture Credit Lines sa pahina 17]
Parang tuyong dahon at dilaw na mga paruparo: Zoo, Santillana del Mar, Cantabria, España; lahat ng iba pang larawan: Faunia, Madrid