Pagmamasid sa Daigdig
Mamahaling Tubig
“Tanda ito ng mga panahon,” ang sabi ng magasing Natur+Kosmos ng Alemanya. “Laging dala ng mga estudyanteng mahilig sa uso ang kanilang may-tatak (brand) na tubig. Sa New York, nagtitipon-tipon sa mga water bar ang mga mahihilig sa uso. At ang mga five-star hotel na may mga weyter ay nag-aalok ng mapagpipiliang internasyonal na mga tatak ng mineral na tubig, na may rating ng kalidad na itinatakda lamang noon sa maiinam na klase ng alak.” Hindi mumurahin ang tubig na ito. “Gumagasta nang malaki ang mga tao para sa kanilang mineral na tubig na nasa mamahalin at usong mga botelya,” ang sabi ng artikulo. Sa ilang otel, ang halaga ng isang litrong tubig na nagmula sa natatanging mga lugar ay umaabot nang 62 euro (U.S. $81). Bagaman maaaring umiinom ng popular na tatak ng tubig ang mga tao para ipakita lamang na mahilig sila sa usong mga produkto, hindi nangangahulugan na mas mabuti ito para sa iyo. Ang ilang pinagmumulan nito ay nangangako ng mabuting kalagayan ng isip at katawan, kalusugan, at kagandahan. Subalit walang nakikitang anumang kahigitan nito ang maraming eksperto kung ikukumpara sa pangkaraniwang tubig. Halimbawa, sa Alemanya, ang kalidad ng tubig sa gripo ay kasinghusay rin ng mineral na tubig sa kabilang panig ng daigdig, ang iginiit ng artikulo. At ang tubig sa gripo ay hindi na nangangailangan pa ng plastik na botelya at hindi na kailangan pang ibiyahe nang ilang libong kilometro.
Mga Sekreto sa Pagkain ng mga Pranses
“Napakaraming purong taba ang kinakain ng mga Pranses,” ang sabi ng UC Berkeley Wellness Letter. “Subalit mas balingkinitan sila kaysa sa mga Amerikano at mas malayong maging napakataba. Ang bilang ng mga namamatay sa kanila dahil sa sakit sa puso ay mas mababa nang kalahati kaysa sa mga Amerikano at mas mababa kaysa sa alinpamang bansa sa [European Union].” Ano ang dahilan ng kabalintunaang ito? Marahil ang sagot ay dahil sa “mas kakaunting kalori” ang kinakain ng mga Pranses, ang sabi ng Wellness Letter. Ipinakita ng pananaliksik na isinagawa sa mga restawran sa Paris at Philadelphia, Pennsylvania, E.U.A., na mas kakaunting pagkain ang inihahain sa mga Pranses. Magkaiba rin ang mga aklat sa pagluluto. Halimbawa, sa mga aklat sa pagluluto ng mga Pranses, ang inirerekomendang dami ng ihahaing karne ay mas kakaunti. “Marahil ang pinakakapansin-pansing natuklasan ay na mas mahabang panahon ang ginugugol ng mga Pranses sa pagkonsumo ng kanilang mas kakaunting pagkain,” ang sabi ng artikulo. “Ang isang pangkaraniwang Pranses ay gumugugol ng halos 100 minuto araw-araw sa pagkain lamang, samantalang ang mga Amerikano ay kumakain . . . sa loob lamang ng 60 minuto.” Ano ang mahihinuha natin dito? Limitahan ang kinakain mong kalori. Kumain ng makatuwirang dami ng masustansiyang pagkain. Huwag madaliin ang pagkain. Kung masyadong marami ang inihain sa iyo, ibahagi ito sa iyong kasamahan o iuwi ang kalahati nito sa bahay. At “gawing kasiya-siyang karanasan ang pagkain sa tahanan.”
Ingatan ang Iyong mga Aklat
“Ang pinakamahigpit na kaaway [ng mga aklat] ay ang panahon at halumigmig,” ang sabi ng magasing Día Siete ng Mexico. Upang maingatan ang mga ito, inirerekomenda ng artikulo na punasan ang alikabok sa iyong mga aklat kahit minsan lamang sa isang taon. Gayunman, iwasang hawakan nang masyadong mahigpit ang aklat habang pinupunasan mo ito upang hindi sumiksik ang alikabok sa mga pahina. Sa kapaligirang maumido, maaaring kontrolin ang halumigmig kung tataktakan ng kaunting pulbos ang bawat pahina, papatungan ng mabigat na bagay ang aklat sa loob ng ilang araw, at saka aalisin ang pulbos sa pamamagitan ng brutsa. Kung magkaroon ng amag dahil sa halumigmig, marahang kayurin ito sa pamamagitan ng talim ng pang-ahit at punasan ito ng alkohol. Kung kukunin mo ang aklat mula sa istante, huwag itong hilahin sa itaas na bahagi ng pinakagulugod nito. Ang pinakamabuting paraan upang kunin sa istante ang aklat ay hawakan ito sa pagitan ng dalawang daliri sa gitna ng pinakagulugod nito, ipaling ito sa magkabilang panig upang mahiwalay sa mga aklat na katabi nito, at marahan itong hilahin. Ang napakalalaking aklat, lalo na kung luma na ang mga ito, ay madaling masira dahil sa sariling bigat nito. Maiiwasan ito kung ilalagay nang pahiga sa istante ang mga aklat na ito.
Naglalaho na ang mga Unitarian?
“Ang isa sa pinakamatatagal nang sekta sa [Britanya] . . . ay talagang humihina na at maglalaho sa loob lamang ng ilang dekada,” ang sabi ng The Times ng London. Wala nang 6,000 ang miyembro ng kilusang Unitarian sa Britanya. Kalahati ng mga miyembrong ito ay mahigit nang 65 taóng gulang. Ang humula sa paglalaho ng kilusan ay si Peter Hughes, isang nakatatandang ministro ng sekta. Tinutukoy ang kanilang pinakamatandang kapilya sa Liverpool bilang halimbawa, sinabi ni Hughes: “Wala silang ministro mula pa noong 1976 at halos hindi na umiiral ang kilusang Unitarian doon.” Ang terminong “Unitarian” ay ginagamit na sa Britanya mula pa noong 1673, ang sabi ng The Times. “Maraming Presbiteryano sa Inglatera ang naging mga Unitarian noong ika-18 siglo, palibhasa’y naudyukan silang tutulan ang Trinidad sa isang debate sa teolohiya hinggil sa pagkadiyos ni Kristo na naging dahilan naman ng krisis sa Church of England.” Ganito pa ang sinabi ng pahayagan: “Subalit ngayong legal na ang pagtangging maniwala sa Trinidad, at ipinagkikibit-balikat na lamang ng maraming simbahan ang mga ‘mananampalatayang’ may liberal na mga pananaw hinggil sa tradisyonal na mga doktrina, hindi na kailangan ang kilusang Unitarian gaya noon.”
Lumiliit Habang Tumatanda
Karaniwan nang lumiliit ang mga tao habang tumatanda. “Ang dahilan ay may malaking kaugnayan sa grabidad,” ang ulat ng The Daily Telegraph ng Australia. Dahil sa grabidad, nagbabago ang taas ng isang tao sa buong maghapon. Bumabalik ang normal na taas ng isang tao samantalang natutulog. “Gayunman, kapag nagkakaedad at humihina na ang ating katawan, nagsisimula nang maging permanente ang pagliit ng isang tao,” ang sabi ng pahayagan. “Habang tumatanda ang mga tao, nababawasan ang kanilang kalamnan at taba. Bahagi ito ng likas na proseso ng pagtanda at may malaking kaugnayan sa mga pagbabago sa hormon. Ang mga buto sa gulugod ay maaaring aktuwal na rumupok at malansag—anupat umiikli ang gulugod nang mahigit sa 2.5 sentimetro.” Ang osteoporosis ay malamang na isa sa mga sanhi ng pagliit na ito.
Pagpapalaki ng mga Batang Nagsasalita ng Dalawang Wika
“Kapag ang mga bata ay pinalaki nang may pagtitiyaga at konsiderasyon, ang pagkatutong magsalita ng higit sa dalawang wika ay magdudulot ng malaking pakinabang sa kanila, sa kanilang pamilya, at sa lipunan,” ang sabi ng pahayagang Milenio sa Mexico City. “Ipinakita [ng mga pag-aaral] na ang mga batang nakapagsasalita ng dalawang wika ay mas mahusay sa paaralan kaysa sa mga nagsasalita ng isang wika lamang.” Kung minsan, nag-aalala ang mga magulang kapag napagsasama ng kanilang mga anak ang mga salita ng dalawang wika sa iisang pangungusap o kapag nagkakamali sila dahil ikinakapit nila ang tuntunin ng isang wika sa ibang wika. “Pero ang mga ‘pagkakamaling’ ito sa balarila ay maliit na bagay lamang at madaling mapagtagumpayan,” ang sabi ni Propesor Tony Cline, isang sikologo na nagpapakadalubhasa sa pagtuturo ng balarila sa mga bata. Kung ang mga wika ng dalawang magulang ay itinuro na mula pagkasilang, kusa nila itong natututuhan, at paglipas ng panahon, magkabukod nang magagamit ng mga bata ang mga wikang ito.