Inudyukan Siya Nitong Magnais ng Isang Bibliya
Nang ang Russia ay pinamamahalaan pa ng Komunistang mga diktador, hindi pinasisigla ang pagbabasa ng Bibliya. Gayunman, nito lamang nakalipas na mga taon, milyun-milyong kopya ng Bibliya ang naipamahagi sa bansang iyon. Ipinakikita ng isang liham na tinanggap sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Russia ang dahilan ng pagpapanumbalik ng interes sa Bibliya. Si Sergei, isang asawa at ama sa Volgograd—malaking lunsod na sa loob ng mga dekada ay tinawag na Stalingrad, na isinunod sa pangalan ng diktador na Sobyet na si Joseph Stalin—ay nagpaliwanag:
“Kamakailan, dumalaw sa tahanan ko ang mga kinatawan ng inyong organisasyon. Magalang nila akong tinanong kung naniniwala ba ako sa Diyos. Sinabi ko na ang bawat tao, sa paanuman, ay naniniwala sa Diyos. Nang sabihin kong ako’y may asawa at isang anak na lalaki, inilabas ng isa sa mga dumalaw ang aklat na Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya mula sa kaniyang bag at ibinigay ito sa akin.”
Nang maglaon, sinimulang basahin ni Sergei ang aklat. “Talagang nasisiyahan ako rito,” ang sabi niya. “Maliwanag na ang aklat ay isinulat ng mga taong matatalino at masisigasig. Karaniwan nang mapag-alinlangan ako sa mga samahang relihiyoso, subalit sa palagay ko ay tapat kayong mga tao. Sa dulo ng aklat, nasumpungan ko ang inyong adres.” Kaya sumulat si Sergei sa adres na iyon at humiling ng isang kopya ng Bibliya.
Ang mga simulaing binabanggit sa aklat na Kaligayahan sa Pamilya na nakatutulong upang maging maligaya ang pamilya ay salig sa mga turo ng Bibliya. Kabilang sa nakapagtuturong mga kabanata ng aklat ang “Sanayin ang Iyong Anak Mula sa Pagkasanggol,” “Ipagsanggalang ang Iyong Pamilya sa mga Mapaminsalang Impluwensiya,” at “Panatilihin ang Kapayapaan sa Inyong Sambahayan.”
Makahihiling ka ng isang kopya ng Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya kung pupunan mo ang kalakip na kupon at ihuhulog ito sa koreo sa adres na nasa kupon o sa isang angkop na adres sa pahina 5 ng magasing ito.
□ Interesado akong tumanggap ng isang kopya ng Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya.
□ Pakisuyong makipag-ugnayan sa akin tungkol sa isang walang-bayad na pantahanang pag-aaral sa Bibliya.