Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 6/22 p. 18-20
  • Paano Ko Pakikitunguhan ang Isang Babaing May Gusto sa Akin?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paano Ko Pakikitunguhan ang Isang Babaing May Gusto sa Akin?
  • Gumising!—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isaalang-alang ang Kaniyang Damdamin
  • Harapin ang Katotohanan
  • Mag-isip Nang Mabuti Bago Ka Sumagot
  • Paano Ko Siya Aayawan?
    Gumising!—2001
  • ‘Hindi Ba Maaaring Maging Magkaibigan na Lang Tayo?’
    Gumising!—1986
  • Paano Kung Sabihin Niyang Wala Siyang Gusto sa Akin?
    Gumising!—2004
  • Paano Ko Kaya Masasabi sa Kaniya ang Aking Nadarama?
    Gumising!—2004
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 6/22 p. 18-20

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Paano Ko Pakikitunguhan ang Isang Babaing May Gusto sa Akin?

“Si Susan ang unang nagpakita ng interes sa akin, at wala namang problema roon. Mabuti nga iyon para sa akin.”​—James.a

“Kung hindi tapat ang lalaki sa kaniyang pakikitungo sa mga babae, maaaring kapaha-pahamak ang mga ibubunga nito.”​—Roberto.

HINDI pa natatagalan, isang kabataang babae ang nagsabi na may gusto siyang itanong sa iyo. Madalas kayong magkita kasama ang iyong mga kaibigan, at masaya siyang kausap at katrabaho. Gayunman, nabigla ka sa sinabi niya sa iyo. Gusto niyang magkaroon kayo ng romantikong ugnayan at nais niyang malaman kung may gusto ka rin sa kaniya.

Maaari mo itong ikagulat kung iniisip mong ang lalaki ang dapat manligaw. Bagaman gayon nga ang kadalasang nangyayari, tandaan na kung nauna man siyang magpakita ng interes, wala siyang nilalabag na mga simulain sa Bibliya.b Ang katotohanang iyan ay makatutulong sa iyo na tumugon sa wastong paraan.

Matapos pag-isipan ang bagay na ito, baka magpasiya ka na napakabata mo pa para makipag-date o hindi ka pa interesado sa ngayon sa babaing iyon. Maaari ka ring makonsensiya, anupat nag-iisip na baka sa paanuman ay nakapagbigay ka ng maling impresyon sa kaniya. Ano ang dapat mong gawin? Una, dapat mo munang isaalang-alang ang kaniyang damdamin.

Isaalang-alang ang Kaniyang Damdamin

Isipin ang nararanasan ng babae sa situwasyong ito. Dahil sabik siyang makagawa ng mabuting impresyon, maaaring ilang araw niyang inensayo ang kaniyang mga sasabihin. Matapos pag-isipan ang mga sasabihin niya at kung paano siya ngingiti, isinaalang-alang niya ang posibilidad na maaari kang tumanggi. Sa wakas, nang makapag-ipon siya ng sapat na lakas ng loob, nadaig niya ang kaniyang kaba at sinabi sa iyo ang nasa puso niya.

Bakit handa niyang gawin ang mahirap na bagay na ito? Marahil ay may gusto siya sa iyo. O kaya, maaaring humahanga siya sa maiinam na katangian mo na hindi napapansin ng karamihan sa mga tao. Kaya malamang na mahihiwatigan sa mga salita niya ang papuri na hindi mo araw-araw na natatanggap.

Inilakip dito ang mga puntong ito, hindi upang impluwensiyahan ang iyong desisyon, kundi upang paalalahanan ka na maging mabait. Sinabi ng isang kabataang babae na nagngangalang Julie: “Kahit na hindi niya gusto ang babae, dapat matuwa ang lalaki na may nakapansin sa kaniya. Kaya, sa halip na basta sabihing ayaw niya sa babae, dapat siyang maging mabait sa pagsasabing hindi siya interesado sa kaniya.” Ipagpalagay natin sandali na gayon ang ibig mong gawin​—‘sabihin na hindi ka interesado sa kaniya,’ o sabihin sa malumanay na paraan na wala kang gusto sa kaniya.

Paano kung nasabi mo na sa kaniya noon na hindi mo siya gusto? Baka matukso ka na ngayong magsalita nang may kagaspangan sa kaniya. Labanan ang gayong tukso. Sinasabi sa Kawikaan 12:18: “May isa na nagsasalita nang di-pinag-iisipan na gaya ng mga saksak ng tabak, ngunit ang dila ng marurunong ay kagalingan.” Paano ka magsasalita taglay “ang dila ng marurunong”?

Maaari mo siyang pasalamatan sa pagpapahayag ng kaniyang damdamin at sa mataas na pagtingin niya sa iyo. Humingi ng paumanhin sa hindi mo sinasadyang pagbibigay ng maling impresyon sa kaniya. Sabihin sa malinaw ngunit mabait na paraan na wala kang gusto sa kaniya. Kung hindi niya makuha ang ibig mong sabihin at kailangan kang magsalita nang mas tuwiran sa kaniya, iwasan mo pa rin ang magaspang na tono ng boses at masasakit na salita. Nakikitungo ka sa kaniyang sensitibong damdamin, kaya maging mapagpasensiya. Kung ikaw ang nasa kalagayan niya, pahahalagahan mo kung malumanay niyang sasabihin na hindi siya interesado sa iyo, hindi ba?

Gayunman, maaaring igiit niya na sinadya mong papaniwalain siya. Baka banggitin niya ang ilang ginawa mo na nagpatibok sa kaniyang puso. Maaaring sabihin niya, ‘Naaalaala mo ba nang bigyan mo ako ng gayong bulaklak?’ o ‘Natatandaan mo pa ba ang sinabi mo sa akin habang magkasabay tayong naglalakad noong nakaraang buwan?’ Kailangan mo ngayong seryosong suriin ang iyong sarili.

Harapin ang Katotohanan

Karaniwan nang itinuturing ng sinaunang mga manggagalugad ang kanilang natuklasang mga lupain bilang mga bagay na maaaring sakupin at pagsamantalahan, at gayon ang pangmalas ng ilang lalaki sa mga babae. Nasisiyahan sila sa romantikong pakikipag-ugnayan ngunit ayaw naman nilang magpakasal. Sinisikap nilang akitin ang mga babae sa pamamagitan ng paglalaro sa kanilang mga damdamin kahit na wala naman silang intensiyong pakasalan ang mga ito. Natatamo ng gayong lalaki ang pagmamahal ng isang babae sa pamamagitan ng panlilinlang. Nagkomento ang isang Kristiyanong matanda: “Ang ilang lalaki ay waring nakikipagligaw-biro sa iba’t ibang babae. Hindi makatuwiran na paglaruan nang gayon ang damdamin ng isang babae.” Saan hahantong ang gayong pagkamakasarili?

“Tulad ng baliw na nagpapahilagpos ng nagliliyab na mga suligi, mga palaso at kamatayan, gayon ang taong nandaraya sa kaniyang kapuwa at nagsasabi: ‘Hindi ba nagbibiro lamang ako?’ ” (Kawikaan 26:18, 19) Kapag nakipag-ugnayan ang isang lalaki sa isang babae para sa makasariling mga kadahilanan, makikita ng babae sa dakong huli ang tunay na motibo ng lalaki. Kung magkagayon, ang panlilinlang ng lalaki ay nag-iiwan ng malalim na sugat sa damdamin ng babae, gaya ng ipinakikita ng sumusunod na pangyayari.

Isang kabataang lalaki ang nagpakita ng romantikong interes sa isang babae ngunit wala siyang hangaring pakasalan ito. Dinadala niya ito sa magagandang restawran, at magkasama silang nagpupunta sa mga parti. Natutuwa ang lalaki na makasama ang babae, at nasisiyahan naman ang babae sa atensiyong iniuukol ng lalaki, dahil iniisip niyang nanliligaw ito sa kaniya. Nang malaman niyang interesado lamang ang lalaki sa kasiya-siyang pakikipagsamahan, labis na nasaktan ang babae.

Sakali mang hindi mo sinasadyang makapagbigay ng maling impresyon sa kabataang babae na lumapit sa iyo, ano ang dapat mong gawin? Ang pagtatanggol sa sarili at pagsisikap na ipagmatuwid ang sarili ay makapagpapasamâ lamang ng kaniyang loob. Isaalang-alang ang simulaing ito ng Bibliya: “Siyang nagtatakip ng kaniyang mga pagsalansang ay hindi magtatagumpay, ngunit siyang nagtatapat at nag-iiwan ng mga iyon ay pagpapakitaan ng awa.” (Kawikaan 28:13) Kaya maging tapat. Aminin ang iyong pananagutan sa anumang di-pagkakaunawaan. At kung sinadya mong paglaruan ang kaniyang damdamin, aminin ang iyong malaking pagkakamali. Taimtim na humingi ng paumanhin.

Gayunman, huwag mong isipin na ayos na ang lahat dahil humingi ka na ng paumanhin. Maaaring magalit sa iyo ang kabataang babae sa loob ng ilang panahon. Baka kailangan mong ipaliwanag sa kaniyang mga magulang ang mga nagawa mo. At baka maranasan mo ang iba pang mga epekto nito. Sinasabi ng Galacia 6:7: “Anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin.” Ngunit kung hihingi ka ng paumanhin at gagawin mo ang iyong buong makakaya upang ituwid ang mali, matutulungan mo siyang kalimutan ang nangyari at magpatuloy sa buhay. At tuturuan ka ng karanasang ito na ‘ingatan ang iyong mga labi laban sa pagsasalita ng panlilinlang’ sa lahat ng aspekto ng buhay, pati na yaong may kaugnayan sa mga di-kasekso.​—Awit 34:13.

Mag-isip Nang Mabuti Bago Ka Sumagot

Ngunit paano kung gusto mo talagang higit pang makilala ang babae? Kung ganiyan ang situwasyon, dapat mong matanto na ang pakikipag-date at pagliligawan ay hindi lamang para magkatuwaan. Ang matitinding damdamin na nalilinang sa isa’t isa ng dalawang magka-date ay umaakay sa kanila na makipagtipan para sa pag-aasawa. Pagkatapos ng kasal, tumutulong ang mga damdaming iyon upang mabuklod sila bilang mag-asawa. Paano maaaring makaapekto sa iyo ngayon ang kaalamang ito?

Matapos pag-isipan ang tungkol sa kabataang babaing ito, maaaring matanto mo na kaakit-akit siya sa maraming paraan. Binuksan niya ang pagkakataon, at nais mong panatilihin itong bukás. Ngunit sa halip na agad-agad na makipagligawan, gumawa ngayon ng mga hakbang upang ipagsanggalang ang inyong sarili sa matinding kirot ng damdamin sa dakong huli.

May panahon na maaaring naisin mong sumangguni sa ilang may-gulang na indibiduwal na nakakakilala sa kaniya. Imungkahi mo sa kaniya na gayundin ang gawin niya sa ilang nakakakilala sa iyo. Bawat isa sa inyo ay dapat magtanong sa mga maygulang na iyon kung ano ang nakikita nilang mabubuting katangian at mga kahinaan ng bawat isa sa inyo. Maaari mo ring hilingin ang mga komento ng Kristiyanong matatanda. Makabubuting malaman kung ang taong nagugustuhan mo ay iginagalang sa kongregasyong Kristiyano.

Ngunit baka sabihin mo, ‘Bakit dapat masangkot nang gayon kalalim sa aking pribadong buhay ang ibang mga tao?’ Ang totoo, maging sa personal na bagay na gaya ng pagliligawan, isang katalinuhan na alamin ang opinyon ng ibang mga tao. Sa katunayan, maka-Kasulatan ito, sapagkat sinasabi sa Kawikaan 15:22: “Sa karamihan ng mga tagapayo ay may naisasagawa.” Ang mga adultong nakakausap mo ay hindi gagawa ng desisyon para sa iyo. Ngunit ang ibinibigay nilang “payo ng kaluluwa” ay maaaring magsiwalat ng mga katangian ng nililigawan mo, at ng mga katangian mo mismo, na hindi mo napapansin.​—Kawikaan 27:9.

Ganito ang ginawa ni James, na sinipi sa pasimula. Bagaman nakabukod na, ipinakipag-usap niya sa kaniyang mga magulang ang tungkol kay Susan. Pagkatapos, silang dalawa ay nagbigay sa isa’t isa ng mga pangalan ng iba pang mga maygulang na maaaring magbigay ng mga komento kung bagay ba silang maging mag-asawa. Matapos makarinig ng mabubuting ulat tungkol sa isa’t isa, sina James at Susan ay nagsimulang mag-date upang makita kung magkakasundo sila bilang mag-asawa. Kung tutularan mo ang ganitong landasin bago labis na masangkot ang iyong damdamin, makadarama ka ng higit na katiwasayan sa gagawin mong desisyon sa dakong huli.

Higit sa lahat, manalangin kay Jehova. Yamang ang pakikipag-date ay isang hakbangin tungo sa pag-aasawa, hilingin sa Diyos na tulungan kang makita kung ang pakikipag-ugnayan sa kabataang babae ay mauuwi sa gayong tunguhin. Ang higit na mahalaga, hilingin sa Diyos na tulungan kayong dalawa na gumawa ng mga pasiyang higit na maglalapít sa inyo sa kaniya. Para sa inyong dalawa, diyan nakasalalay ang tunay na kaligayahan.

[Mga talababa]

a Binago ang mga pangalan sa artikulong ito.

b Ang mga artikulo sa “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong” sa Oktubre 22, 2004, at Disyembre 22, 2004, na isyu ng Gumising! ay tumatalakay sa kung paano ipagtatapat ng isang babae ang kaniyang damdamin sa isang lalaki.

[Mga larawan sa pahina 19]

Kung hindi ka talaga interesado, mag-ingat na baka makapagbigay ka ng maling mga pahiwatig

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share