Nababalaan Dahil sa Pagbabasa ng Gumising!
ALAM ng regular na mga mambabasa ng Gumising! ang kahalagahan ng mga artikulo nito. Ngunit para sa mag-asawang Aleman na nagbabakasyon sa Khao Lak, Thailand, noong nakaraang Disyembre, naging bukod-tangi ang kahalagahan ng artikulong pinamagatang “Nakamamatay na mga Alon—Mga Haka-haka at mga Katotohanan,” sa isyu ng Pebrero 8, 2001.
Iniulat ng pahayagang Frankenpost (Selber Tagblatt) sa Alemanya ang karanasan ng mag-asawa: “ ‘Lumalangoy kami,’ ang gunita ni Roswitha Gesell. Pagkatapos lumangoy sa dagat, nagtungo ang mag-asawang Gesell sa kanilang otel para magpalit ng damit. Inilarawan ni Reiner Gesell ang nakapangingilabot na tagpong tumambad sa kanila pagkaraan nito: ‘Nang bumalik kami sa dalampasigan pagkalipas ng sampung minuto, naglaho na ang dagat.’ Ang pinakasahig ng dagat na lamang ang makikita mo hanggang sa bahura, na mga pitong kilometro ang layo mula sa baybayin. ‘Natangay sa dagat ang lahat ng lumalangoy pa sa tubig.’ Utang ng mag-asawang Gesell ang kanilang kaligtasan sa isang artikulo sa magasing Gumising!” Ipinaliwanag ng artikulo na bago muna maganap ang mga tsunami, nagkakaroon ng di-pangkaraniwang pag-atras ng mga alon.
“Nang matanaw ng mga Gesell ang higanteng alon sa malayo, bumalik sila at nagsimulang magtatakbo. Naaalaala pa ni Reiner Gesell na waring mga 12 hanggang 15 metro ang taas ng pader ng tubig. Ang isa sa pinakamalulungkot na alaala niya ay ang mga turistang nakatayo sa dalampasigan na napatulala na lamang sa dagat. ‘Hindi sila kumikilos. Sumigaw ako na dapat silang lumikas sa ligtas na dako, pero walang nakinig.’ Halos walang nakaligtas sa kanila.”
Tungkol sa mag-asawang Gesell, nagkomento rin ang artikulo sa pahayagan: “Bilang mga Saksi ni Jehova, nakiugnay sila sa pinakamalapit na kongregasyon, na mga 140 kilometro ang layo mula sa Khao Lak, habang nagbabakasyon. Nang mabalitaan ng mga kapananampalataya nila ang sakuna, nagtungo ang buong kongregasyon sa Khao Lak upang hanapin sila.”
Ngayong ligtas na silang nakabalik sa Alemanya, gayon na lamang kalaki ang pasasalamat ng mag-asawang ito dahil sa napakahalagang impormasyon sa Gumising! At malaki rin ang pasasalamat nila sa mga taga-Thailand na tumulong sa kanila, lalo na sa kanilang espirituwal na mga kapatid, na nagpakita ng tunay na pag-ibig Kristiyano!