Kailangan ng mga Tin-edyer ng “Panahon Para Makipag-usap sa Isang Adulto”
ALAM ng bawat nagmamahal na magulang na nabubuhay ang mga bata sa maibiging atensiyon at na magpapakalong ang mga ito sa kanilang mga magulang kapag kailangan nilang magpayakap. Gayunman, pagsapit ng panahon ng pagbibinata o pagdadalaga, mas malamang na itaboy nila ang kanilang mga magulang, ang sabi ni Dra. Barbara Staggers, direktor ng medisina para sa mga binata at dalaga sa Children’s Hospital and Research Center sa Oakland, California, E.U.A. Gayunman, ito ang yugto ng buhay kung kailan kailangang-kailangan nila ang atensiyon ng mga magulang. Bakit gayon?
Sa pagbibinata o pagdadalaga, mas maraming panahon na hindi sila nasusubaybayan, at ito ang isa sa pinakamalaking panganib na napapaharap sa mga tin-edyer, ayon kay Staggers. “Ang pagbibinata o pagdadalaga,” ang sabi niya sa ulat ng pahayagang Toronto Star, “ay panahon kung kailan natututuhan ng mga bata kung sino sila at kung paano sila makikibagay sa daigdig sa palibot nila. Isama mo iyan sa likas na hilig na makipagsapalaran at sa lakas ng panggigipit ng kasamahan, at maaaring maging napakalaki ng mga panganib.” Ang pagbibinata o pagdadalaga ay binubuo ng iba’t ibang yugto at ito ay hindi tungkol sa edad. Sa halip, ang sabi ni Staggers, “ito ay tungkol sa kung paano gumagawi [ang mga tin-edyer] at nagpoproseso ng impormasyon at nag-eeksperimento.” Ang maagang yugto ng pagbibinata o pagdadalaga ay panahon ng labis na pag-uukol ng pansin sa sarili, pagkabahala sa mga pagbabago sa katawan, at pagiging padalus-dalos. Makikita sa gitnang yugto nito ang pag-eeksperimento, at sa huling yugto naman ang pag-iisip nang walang tulong mula sa iba.
Oo, maaaring maging kapana-panabik ang mga taon ng pagbibinata o pagdadalaga, pero maaari rin itong maging nakalilito—kapuwa sa magulang at sa tin-edyer. Sinabi ni Staggers, na nag-alaga sa mga tin-edyer sa loob ng mahigit na 20 taon, na ang karamihan sa kanila “ay kailangan ng panahon para makipag-usap sa isang adulto na nagmamalasakit sa kanila.” Paano ito magagawa ng isa?
Panatilihing bukas ang mga linya ng komunikasyon! Mga magulang, ipadama sa inyong mga anak na nagmamalasakit kayo sa kanila sa pamamagitan ng pagiging mabuting tagapakinig. Ipakitang nagmamalasakit kayo sa pamamagitan ng pagtatanong nang sa gayon ay matulungan ang inyong mga tin-edyer na mabuo ang kanilang mga kaisipan at ideya at matulungan silang malaman ang mga bunga ng anumang di-matalinong pasiya na gagawin nila. Papurihan ang mabubuting bunga ng tamang mga pasiya. Tulungan silang malaman ang paggawing katanggap-tanggap.
Kung susundin ng mga magulang ang karaniwang opinyon na dapat matuto ang mga anak na haraping mag-isa ang mga problema, inihahantad nila ang kanilang mga anak sa masasamang impluwensiya ng mga indibiduwal na walang mga prinsipyo. (Kawikaan 13:20) Sa kabilang banda, ang mga magulang na nagkakapit ng payo ng Bibliya ay nagbibigay sa kanilang mga anak ng pinakamagandang pagkakataon na posible upang magtagumpay ang pagbibinata o pagdadalaga ng mga ito at maging responsableng mga adulto. Kung gayon, dapat matuto ang mga magulang na “sanayin . . . ang bata ayon sa daang nararapat sa kaniya.”—Kawikaan 22:6.
May praktikal na payo tungkol sa mabisang komunikasyon at pagsasanay sa mga anak na tin-edyer sa aklat na Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya.a Nag-aalok din ito ng praktikal na maka-Kasulatang payo para sa bawat miyembro ng pamilya.
[Talababa]
a Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.