Pasipol na Wika—Pambihirang Paraan ng “Pagsasalita”
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA MEXICO
◼ Sa kabundukan ng Oaxaca, Mexico, walang anumang telepono o cellphone ang mga Mazatec na tagaroon. Pero nakakapag-usap sila kahit dalawang kilometro o higit pa ang layo nila sa isa’t isa—halimbawa, habang nagtatrabaho sa mga taniman ng kape sa dalisdis ng burol. Ang kanilang sekreto? Mula pa sa kanilang mga ninuno, natutuhan ng mga Mazatec na sumipol para makipag-usap. Sinabi ni Pedro, isang kabataang Mazatec: “Ang Mazateco ay isang wikang salig sa tono. Kaya kapag sumisipol kami, ginagaya namin ang tono at ritmo ng binibigkas na wika. At hindi kami gumagamit ng daliri sa pagsipol.”a
Ipinaliwanag ni Fidencio, kaibigan ni Pedro, ang bentaha ng pasipol na anyo ng kanilang wika: “Sumisipol kami kapag malayo ang kausap namin at karaniwan na kapag maikling usapan lang. Halimbawa, inutusan ng isang ama ang kaniyang anak na bumili ng tortilya pero nakalimutan niyang magpabili ng kamatis. Kung napakalayo na ng bata para marinig ang kaniyang sasabihin, puwedeng sumipol na lang ang tatay.”
Kung minsan, sumisipol din ang mga Saksi ni Jehova kapag nakikipag-usap sa isa’t isa. Ipinaliwanag ni Pedro: “Tuwing pupunta ako sa mga teritoryo sa liblib na mga lugar at gusto kong magpasama sa isa pang Saksi, hindi ko na kailangang pumunta pa sa bahay niya. Sumisipol na lang ako.”
“Para alam namin kung sino ang ‘nagsasalita,’” ang sabi ni Pedro, “may kani-kaniyang istilo kami ng pagsipol. Karaniwan na, mga Mazatec na lalaki lamang ang sumisipol para makipag-usap. Posibleng nauunawaan ng mga babae ang wikang ito at gamitin pa nga sa loob ng pamilya, pero hindi nila ito gagamitin sa pakikipag-usap sa kahit sinong lalaki. Hindi angkop sa kanila na gawin iyon.”
Hindi lamang mga Mazatec ang gumagamit ng pasipol na wika; may gumagamit din ng pasipol na wika sa Canary Islands, Papua New Guinea, at Tsina. Karaniwan na, nakatira sila sa kabundukan at makakapal na kagubatan. Sa katunayan, posibleng may mahigit 70 pasipol na wika sa buong daigdig, at di-kukulangin sa 12 ang napag-aralan na.
Talagang hahanga tayo sa pagkamalikhain ng tao. Sa katunayan, kapag pinagsama ang kakayahang ito at ang matinding pagnanais na makipag-usap, ang tanging limitasyon ay ang kayang abutin ng ating imahinasyon—at kung imahinasyon na ang pag-uusapan, halos wala na itong limitasyon!
[Talababa]
a Ganito ang paliwanag ng isang reperensiya: “Sa pamamagitan ng pagbabagu-bago sa bilis, timbre, at lakas ng sipol, nakapagpapalitan na ang mga Mazatec ng mga ideya.”