Mga Pagpapalang Higit Pa sa Kayamanan
NAPAKAGANDA ng trabaho ni Jon sa Estados Unidos bilang isang consultant. Kabataan pa lamang, nakapaglakbay na siya sa buong daigdig at malakas siyang kumita. Maganda ang bahay nilang mag-asawa at maalwan ang kanilang buhay. Sa paningin ng marami, pinagpala sila.
Isaalang-alang ang isa pang karanasan. Mula sa mahigit 5,000 aplikante, isa si Kostasa sa 80 aplikanteng napili para maging aprentis sa isang kilalang bangko sa Europa. Sa loob lamang ng ilang taon, tumanggap siya ng sunud-sunod na promosyon hanggang sa kunin siya ng ibang bangko para gawing manedyer ng isang malaking departamento. Nang iwan niya ang kaniyang trabaho para magtayo ng sarili niyang kompanya, mas malaki pa ang kinikita niya sa isang taon kung ihahambing sa kinikita ng karamihan ng mga tao sa buong buhay nila. Nadama niyang pinagpapala siya.
Pero kumbinsido ang dalawang lalaking ito na may mga pagpapalang nakahihigit sa materyal na kayamanan. Halimbawa, sa ngayon si Jon ay nagboboluntaryo sa pagtuturo ng Bibliya para tumulong sa mga tao na maging mas malapít sa Diyos. “Nakita ko mismo at naranasan na hindi umaakay sa kaligayahan ang materyal na kayamanan,” ang sabi ni Jon. “Ang walang katapusang-paghahabol sa kayamanan ay umuubos ng panahon. Sa kabilang banda, ang pamumuhay ayon sa mga simulain ng Bibliya ay nagdudulot ng maraming pagpapala, gaya ng mas maligayang pag-aasawa, kapayapaan ng isip, at malinis na budhi.”
Sinabi naman ni Kostas: “Hindi gusto ng Diyos na mabuhay tayo sa karangyaan. Naniniwala ako na kapag nasapatan na ang ating pang-araw-araw na pangangailangan, anumang labis mula sa ipinagkaloob niya ay obligado tayong gamitin ayon sa kaniyang kalooban.” Kamakailan, si Kostas at ang kaniyang pamilya ay nag-aral ng ibang wika para magturo sa mas maraming tao tungkol sa simulain ng Bibliya. Ganito ang sinabi niya, “Nadama namin na mas maligaya kami sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”—Gawa 20:35.
Oo, natutuhan kapuwa nina Jon at Kostas na mas mahalaga ang espirituwal na mga pagpapala kaysa sa materyal na kayamanan. Sinabi ni Daniel Gilbert, isang propesor sa Harvard, na ang mga eksperto sa kalusugan sa isip ay “gumugol ng maraming dekada sa pag-aaral kung paano nauugnay ang kaligayahan sa kayamanan, at sa pangkalahatan ay sinabi nila na ang kayamanan ay nakadaragdag sa kaligayahan kapag natulungan nito ang mga tao na makaahon sa matinding kahirapan.” Pero idinagdag niya, “Pagkatapos nito, hindi na ito gaanong nakadaragdag pa sa kaligayahan.”
Isang Aral na Kadalasang Natututuhan sa Masaklap na Paraan
“Kapag nakaahon na sa kahirapan,” ang sabi ng isang sikologo, “nakapagtataka na ang karagdagang pagtaas ng kita ay walang gaanong kaugnayan sa kaligayahan ng isang tao.” Noong pasimula ng nakaraang siglo, natatak ang aral na iyan sa isip ng isang reporter nang interbyuhin niya si Andrew Carnegie, isa sa mga tagapagpasimula ng industriya ng bakal at isa sa pinakamayamang tao sa daigdig noon. “Hindi ako dapat kainggitan,” ang sabi ni Carnegie sa kaniya. “Paano ba ako matutulungan ng aking kayamanan? Ako’y sesenta anyos, at hindi natutunawan ng aking pagkain. Ibibigay ko ang lahat ng aking milyun-milyon kung ako’y babalik sa kabataan at kalusugan.”
Sinabi pa ng reporter: “Biglang lumapit si Mr. Carnegie, at sa mahinang boses at tonong may sama ng loob at bigat ng damdaming mahirap ilarawan, sinabi niya, ‘Handa kong ipagbili ang anuman bumalik lang ang dati kong lakas.’” Kaayon din nito ang sinabi ng isa pang multimilyunaryo, ang bigating negosyante sa industriya ng langis na si J. Paul Getty: “Ang salapi ay hindi laging may kaugnayan sa kaligayahan. Marahil pa nga ay sa kalumbayan.”
Marahil ay sasang-ayon ka sa manunulat ng Bibliya na humiling: “Huwag mo akong bigyan ng karalitaan ni ng kayamanan man. Ipaubos mo sa akin ang pagkaing itinakda para sa akin, upang hindi ako mabusog at ikaila nga kita at sabihin ko: ‘Sino si Jehova?’ at upang hindi ako sumapit sa karalitaan at magnakaw nga at lapastanganin ko ang pangalan ng aking Diyos.”—Kawikaan 30:8, 9.
Ipinaliwanag ni Haring Solomon ng sinaunang Israel: “Ako ay naging mas dakila at sumagana nang higit kaysa kaninumang nauna sa akin sa Jerusalem.” Pero sinabi niya: “Ang lahat ng bagay ay walang kabuluhan at paghahabol sa hangin.” Sinabi rin ni Solomon: “Ang pagpapala ni Jehova—iyon ang nagpapayaman, at hindi niya iyon dinaragdagan ng kirot.”—Eclesiastes 2:9-11; 5:12, 13; Kawikaan 10:22.
Magiging mas maligaya ang buhay kung gagamitin natin nang may katalinuhan ang pera
Daang Patungo sa Walang-Hanggang Pagpapala
Maliwanag na magkakaroon lamang tayo ng tunay at namamalaging kaligayahan kapag mayroon tayong kaugnayan sa Diyos. Kung uunahin natin ang Diyos, magiging mas makabuluhan at mas maligaya ang bawat bahagi ng ating buhay.
Nakatutuwang malaman na ang pera ay hindi mananatiling sanhi ng problema. Tinitiyak sa atin ng Bibliya na darating ang panahon na permanente nang aalisin ang sakim at mapagsamantalang komersiyo. (1 Juan 2:15-17) Sa darating na bagong sistema ng mga bagay na itatatag ng Diyos, mamamayani ang kaniyang matuwid na mga simulain. Ang lupa ay gagawing paraiso gaya ng orihinal na layunin ng Diyos nang ilagay niya roon ang unang mag-asawa. Kaylaki ngang pagpapala na makita ang buong lupa na puno ng kaligayahan, kapayapaan, at pag-ibig!—Isaias 2:2-4; 2 Pedro 3:13; 1 Juan 4:8-11.
Kung uunahin natin ang Diyos, magiging mas maligaya ang ating buhay
Sa panahong iyon, ang buhay ay hindi na nakababagot. Bukod sa malapít na kaugnayan sa Diyos, pagpapalain niya tayo sa materyal habang tinutupad niya ang kaniyang orihinal na layunin na ang tao ay mabuhay magpakailanman sa paraiso sa lupa. Tinitiyak sa atin na magkakaroon ng saganang pagkain, tirahan, at makabuluhang trabaho para sa lahat. Lubusan nang aalisin ang kahirapan.—Awit 72:16; Isaias 65:21-23; Mikas 4:4.
Ang lahat ng taimtim na nananampalataya kay Jehova, ang Diyos na binabanggit ng Bibliya, ay hindi mabibigo. (Roma 10:11-13) Kaya isang katalinuhan nga na sikaping makamit ngayon ang mga pagpapalang higit pa sa kayamanan!—1 Timoteo 6:6-10.
a Binago ang pangalan.