Mga Magulang—Protektahan ang Inyong mga Anak!
TAMA lang na magtanong ang nababahalang mga magulang, “Bakit parami nang paraming tin-edyer ang nag-aabuso sa gamot?” Iba-iba ang dahilan. Gusto lang ng ilang kabataan ng katuwaan. Iniisip naman ng iba na mas nakapag-aaral silang mabuti o nakakalimutan nila ang kanilang problema dahil sa gamot. Ang iba naman ay may problema sa pisikal o emosyon at gusto lang nilang guminhawa ang kanilang pakiramdam. Sa katunayan, may mga batang 12 taóng gulang na nag-aabuso sa inireresetang gamot, ang ilan ay umoorder sa isa o higit pa sa libu-libong Web site na basta na lang nagsusuplay ng gayong mga gamot—nang walang tanung-tanong. Ang iba naman ay nakakabili ng gamot sa kanilang mga “kaibigan.” Kung isa kang magulang, ano ang puwede mong gawin para maprotektahan ang iyong mga anak?
Una, ipakipag-usap sa kanila ang mga panganib ng pag-inom ng gamot—inirereseta man o bawal na gamot. Gayundin, ilagay sa ligtas na lugar ang mga gamot—maaari mo pa ngang i-lock ang medicine cabinet. Alamin kung anu-ano ang gamot sa inyong bahay, at imonitor ang nagagamit na gamot. Kung hindi na kailangan ang isang gamot, itapon ito para hindi na magamit ninuman. Kung magaling na ang ubo ng iyong anak pero umiinom pa rin siya ng gamot, tanungin siya kung bakit. At subaybayan ang pinupuntahan niyang mga Web site at ang paggamit niya ng credit card, pati na ang mga idinideliber sa kaniya. Panghuli, maging alisto sa biglang pagbaba ng mga grade niya sa paaralan at sa anumang pagbabago sa kaniyang hitsura at ugali, at alamin kung sino na ngayon ang kaniyang bagong mga kasama.
Kung Naaadik ang Iyong Anak
Kung naaadik ang iyong anak, o nagsususpetsa kang naaadik siya, ano ang puwede mong gawin? Kailangan mong kausapin ang iyong anak tungkol dito, sa mapagmahal at mabait na paraan. “Ang panukala sa puso ng tao ay gaya ng malalim na tubig,” ang sabi ng Bibliya, “ngunit ang taong may kaunawaan ang siyang sasalok nito.” (Kawikaan 20:5) Ang pag-alam sa talagang nasa isip ng isang bata na pinagsususpetsahang naaadik ay gaya ng pagsalok ng isang timbang tubig gamit ang isang marupok na lubid. Kung bibiglain mo ang hatak, maaaring maputol ang lubid. Sa katulad na paraan, kung aakusahan mo siya o pagagalitan, maaaring maputol ang inyong komunikasyon. Tandaan, dalawa ang tunguhin mo. Una, gusto mong malaman kung may problema. At ikalawa, kung may problema, ano ang mga dahilan nito. Kadalasan na, maaaring isa o higit pa sa mga sumusunod ang dahilan.
◼ Masasamang kasama at panggigipit ng mga kasama. “Mag-ingat kayo,” ang sabi ng 1 Corinto 15:33, “ang masamang kasama’y nakasisira ng magagandang ugali.” (Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Kaya tutulungan ng matatalinong magulang ang kanilang mga anak na makita ang panganib sa pagkakaroon ng masasamang kasama, na malaking impluwensiya sa kanila. Maaari ding tulungan ng gayong mga magulang ang kanilang mga anak sa pagpili ng mabubuting kasama. (Kawikaan 13:20) Baka puwede ring imbitahan ng mga magulang ang gayong mga indibiduwal sa kanilang bahay o sa mga outing ng pamilya.
◼ Stress. Napakatindi ngayon ng panggigipit na maging matagumpay sa daigdig, at lalong nahihirapan ang mga bata kapag pinipilit sila ng kanilang mga magulang na gawin ang isang bagay kahit hindi nila kaya.a Alam mo ba kung saan magaling at mahina ang iyong mga anak? Nagtatakda ka ba ng makatuwirang mga tunguhin para sa kanila at tinutulungan mo ba silang abutin ang mga iyon? Iniiwasan mo bang ikumpara sila sa iba para hindi sila malungkot at masiraan ng loob? Kung hindi nasasapatan ng mga magulang ang emosyonal na pangangailangan ng mga bata, hahanapin nila sa labas ng tahanan ang pagmamahal at atensiyon na inaasam-asam nila. Sinisikap din ng matatalinong magulang na gawing priyoridad ng pamilya ang pagsamba sa Diyos, marahil ay sa pamamagitan ng pagbabasa ng Bibliya kasama ng kanilang mga anak. “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan,” ang sabi ni Jesu-Kristo.—Mateo 5:3.
◼ Walang pamantayan sa paggawi. Nag-aabuso sa droga ang ilang kabataan dahil napakaluwag ng kanilang mga magulang. “Ang batang pinababayaan ay magdudulot ng kahihiyan sa kaniyang ina,” ang sabi ng Kawikaan 29:15. Ang totoo, kahit nagrereklamo ang mga bata, gusto nilang may sinusunod silang mga pamantayan sa paggawi, dahil mas nagiging panatag sila at nadarama nilang minamahal sila. Kaya pinasisigla ng Bibliya ang mga magulang na magtakda ng makatuwirang pamantayan sa kanilang mga anak at magpakita ng mabuting halimbawa. (Efeso 6:4) Pinasisigla rin ng Bibliya ang mga magulang na huwag maging pabagu-bago at maging istrikto kung kinakailangan. “Ang inyong Oo ay mangahulugang Oo, at ang inyong Hindi, Hindi.”—Santiago 5:12.
Siyempre, kapag nalaman mong naaadik ang iyong anak, makabubuting ipatingin siya sa doktor. Mahirap itong gamutin at baka kailanganin ang tulong ng isang eksperto. At kung kabilang sa Kristiyanong kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ang iyong pamilya, dapat kayong humingi ng tulong sa inyong mga elder. (Santiago 5:13-16) Makatutulong ang mga lalaking ito na maygulang sa espirituwal kung paano ninyo ikakapit ang mga simulain ng Bibliya upang bumilis ang kaniyang paggaling.
Tatalakayin sa susunod na artikulo ang iba pang simulain at ang ating kamangha-manghang pag-asa sa hinaharap.
[Talababa]
a Tingnan ang artikulong “Mga Batang Nai-Stress,” sa pahina 14.
[Blurb sa pahina 7]
“Ang panukala sa puso ng tao ay gaya ng malalim na tubig, ngunit ang taong may kaunawaan ang siyang sasalok nito.”—Kawikaan 20:5
[Kahon sa pahina 7]
POSIBLENG MAGKAPROBLEMA SA DROGA ANG MGA KABATAANG . . .
◼ May kapamilyang nag-abuso sa droga
◼ Dumaranas ng depresyon o mababa ang tingin sa sarili
◼ Nag-iisip na hindi sila matatanggap at magugustuhan ng ibang tao
◼ Laging matamlay; hindi mapagkatulog
◼ Agresibo at palaban sa mga may awtoridadb
[Talababa]
b Batay sa impormasyong inilathala ng Teen Help.