-
Sekreto 1: Tamang PriyoridadGumising!—2009 | Oktubre
-
-
Sekreto 1: Tamang Priyoridad
“[Tiyakin] ninyo ang mga bagay na higit na mahalaga.”—Filipos 1:10.
Ano ito? Sa maligayang pag-aasawa, inuuna ng bawat isa ang pangangailangan ng kaniyang asawa sa halip na ang kaniyang sarili, pag-aari, trabaho, kaibigan, at kahit mga kamag-anak. Malaking panahon ang ginugugol ng mag-asawa sa isa’t isa at sa kanilang mga anak. Pareho silang handang magsakripisyo para sa kapakanan ng pamilya.—Filipos 2:4.
Bakit ito mahalaga? Ayon sa Bibliya, napakahalaga ng pamilya. Sa katunayan, sinabi ni apostol Pablo na ang hindi naglalaan para sa kaniyang pamilya ay “lalong masama kaysa sa taong walang pananampalataya.” (1 Timoteo 5:8) Pero puwedeng magbago ang priyoridad ng isa. Halimbawa, napansin ng isang tagapayo sa pamilya na marami sa mga dumalo sa komperensiyang idinaos niya ang mas nagpapahalaga sa trabaho kaysa sa pamilya. Ayon sa kaniya, umaasa ang mga ito na matututo sila ng “madaliang solusyon” sa mga problema ng kanilang pamilya, at sa gayo’y mas makakapagpokus sila sa kanilang trabaho. Ang aral? Mas madaling sabihin na inuuna natin ang ating pamilya kaysa ipakita ito.
Subukin ito. Tingnan ang priyoridad mo. Gamitin ang sumusunod na mga tanong.
◼ Kapag gustong makipag-usap ng aking asawa o anak, nakikinig ba ako agad?
◼ Kapag nakikipagkuwentuhan ako sa iba tungkol sa mga ginagawa ko, madalas ko bang banggitin ang mga ginagawa ko kasama ng aking pamilya?
◼ Tumatanggi ba ako sa karagdagang pananagutan (sa trabaho o sa iba pang bagay) kapag kailangan ako ng aking pamilya?
Kung oo ang sagot mo sa mga tanong na ito, baka isipin mong tama ang iyong priyoridad. Pero ano kaya ang masasabi ng pamilya mo? Hindi lamang ang pangmalas mo ang sukatan kung talagang tama ang iyong priyoridad. Kailangan mo ring malaman ang tingin ng iba sa iyo. Totoo rin iyan sa iba pang sekreto ng maligayang pamilya na tatalakayin sa sumusunod na mga pahina.
Ang dapat gawin. Mag-isip ng isa o dalawang paraan na maipakikita mong priyoridad mo talaga ang iyong pamilya. (Halimbawa: Baka puwede mong bawasan ang mga gawaing umuubos ng iyong oras para magkaroon ka ng higit na panahon sa pamilya mo.)
Bakit hindi mo ito ipakipag-usap sa iyong pamilya? Kapag handang magbago ang isang miyembro ng pamilya, malamang na sumunod din ang iba.
[Larawan sa pahina 3]
Priyoridad ng matagumpay na magulang ang kaniyang asawa’t anak
-
-
Sekreto 2: Katapatan sa SumpaanGumising!—2009 | Oktubre
-
-
Sekreto 2: Katapatan sa Sumpaan
“Ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.”—Mateo 19:6.
Ano ito? Isa sa mga susi ng maligayang pagsasama ang tamang pangmalas sa pag-aasawa—na ito’y panghabang-buhay na pagsasama. Kapag may problema, sinisikap itong lutasin sa halip na gawing dahilan para maghiwalay. Kapag tapat ang mag-asawa sa kanilang sumpaan, nagiging panatag sila. Tiwala sila na mananatili silang tapat sa isa’t isa.
Bakit ito mahalaga? Isa sa mga pundasyon ng pag-aasawa ang katapatan sa sumpaan. Pero dahil sa paulit-ulit na di-pagkakasundo, ang sumpaang ito ay nagiging sumpa. Kaya sa diwa, ang pangakong “till death do us part” ay nagiging hanggang sa papel na lamang—isang kontratang pilit nilang hinahanapan ng butas para makalaya rito. Hindi nga sila literal na naghihiwalay, pero hindi naman sila nagpapansinan o nag-uusap kapag may mabibigat na problema.
Subukin ito. Tingnan kung gaano ka katapat sa inyong sumpaan. Gamitin ang sumusunod na mga tanong.
◼ Kapag nagtatalo kami, nagsisisi ba ako na siya ang pinakasalan ko?
◼ Madalas ba akong mangarap na may kasama akong iba?
◼ Minsan ba’y sinasabi ko sa aking asawa, “Iiwan na kita” o “Hahanap ako ng ibang magmamahal sa akin”?
Ang dapat gawin. Mag-isip ng isa o dalawang paraan na magagawa mo para lalo kayong maging tapat sa inyong sumpaan. (Ilang mungkahi: Bigyan ng love note ang iyong asawa paminsan-minsan, magdispley ng litrato niya sa lugar ng trabaho, o kapag nasa trabaho ka, tawagan siya para kumustahin.)
Bakit hindi pag-isipan kung ano pa ang puwede mong gawin, at tanungin ang iyong asawa kung ano ang mas gusto niya?
[Larawan sa pahina 4]
Ang katapatan sa sumpaan ay nagsisilbing halang para hindi malihis sa daan ang inyong pagsasama
[Credit Line]
© Corbis/age fotostock
-
-
Sekreto 3: PagtutulunganGumising!—2009 | Oktubre
-
-
Sekreto 3: Pagtutulungan
“Ang dalawa ay mas mabuti kaysa sa isa . . . Kung mabuwal ang isa sa kanila, maibabangon ng isa pa ang kaniyang kasama.”—Eclesiastes 4:9, 10.
Ano ito? Kasama sa mga susi ng maligayang pag-aasawa ang pagsunod sa binabanggit ng Bibliya na kaayusan ng Diyos sa pagkaulo. (Efeso 5:22-24) Gayunpaman, dapat na ang kaisipan ng mag-asawa ay “atin” at “tayo,” sa halip na “akin” at “ako.” Gumagawa silang magkasama. Sila ay “isang laman”—termino sa Bibliya na nagpapahiwatig ng malapít at panghabang-buhay na pagsasama.—Genesis 2:24.
Bakit ito mahalaga? Kapag hindi kayo nagtutulungan, ang maliliit na bagay ay lumalaki hanggang sa mauwi ito sa sisihan, anupat hindi na tuloy napag-uusapan ang problema. Sa kabaligtaran, kapag nagtutulungan kayong mag-asawa, para kayong magka-partner na piloto—isang pilot at copilot na nagtutulungan para ligtas na makarating ang eroplano sa patutunguhan nito. Kapag nagkakaproblema, sinisikap ninyong lutasin ito, sa halip na magkasamaan kayo ng loob at maubos ang panahon ninyo sa pagtuturuan at pagsisisihan.
Subukin ito. Tingnan kung talagang nagtutulungan kayo. Gamitin ang sumusunod na mga tanong.
◼ Itinuturing ko bang “akin lang” ang perang kinikita ko yamang ako naman ang nagpakahirap dito?
◼ Malayô ba ang loob ko sa mga kamag-anak ng asawa ko, kahit malapít siya sa kanila?
◼ Nahihirapan ba akong magrelaks kapag kasama ko ang asawa ko?
Ang dapat gawin. Mag-isip ng isa o dalawang paraan na maipapakita mong nakikipagtulungan ka sa iyong asawa.
Bakit hindi mo subukang humingi ng mungkahi sa iyong asawa tungkol dito?
[Larawan sa pahina 5]
Kapag nagtutulungan kayong mag-asawa, para kayong “pilot” at “copilot” na magkasamang nagpapalipad ng eroplano
-
-
Sekreto 4: PaggalangGumising!—2009 | Oktubre
-
-
Sekreto 4: Paggalang
“Ang lahat ng . . . hiyawan at mapang-abusong pananalita ay alisin mula sa inyo.”—Efeso 4:31.
Ano ito? Ang lahat ng pamilya—magulo man o maligaya—ay may mga di-pagkakasundo. Pero sa maligayang pamilya, pinag-uusapan nila ito nang walang pang-iinsulto o masasakit na salita. Nakikitungo sila sa isa’t isa gaya ng kung ano ang gusto nilang pakikitungo sa kanila.—Mateo 7:12.
Bakit ito mahalaga? Ang mga salita ay puwedeng makasakit at mag-iwan ng pilat sa damdamin ng isa. Sinasabi sa isang kawikaan sa Bibliya: “Mabuti pa ang tumira sa isang ilang kaysa kasama ng asawang magalitin at palaaway.” (Kawikaan 21:19, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Tungkol naman sa pagpapalaki ng anak, ganito ang sinasabi ng Bibliya: “Huwag ninyong yamutin ang inyong mga anak, upang hindi sila masiraan ng loob.” (Colosas 3:21) Baka madama ng mga batang laging pinupuna na wala na silang nagawang mabuti, at baka nga tuluyan na silang sumuko.
Subukin ito. Tingnan kung talagang nagpapakita ng paggalang ang mga miyembro ng iyong pamilya. Gamitin ang sumusunod na mga tanong.
◼ Kapag may mga di-pagkakasundo sa pamilya ko, madalas bang may napupunô sa galit at basta na lang tumatalikod?
◼ Kapag kausap ko ang aking asawa at mga anak, gumagamit ba ako ng mga salitang nakakainsulto gaya ng “inutil,” “bobo,” at iba pang tulad nito?
◼ Masakit bang magsalita ang mga tao sa lugar na kinalakhan ko?
Ang dapat gawin. Mag-isip ng isa o dalawang bagay na puwede mong gawin para maipakitang iginagalang mo ang kausap mo. (Mungkahi: Isangkot ang sarili mo sa halip na sisihin siya. Halimbawa, maaari mong sabihin, “Nasaktan ako nang . . . ,” sa halip na “Lagi ka na lang . . . ” o “Ikaw kasi . . . ”)
Bakit hindi sabihin sa iyong asawa ang (mga) plano mong gawin? Makalipas ang tatlong buwan, tanungin siya kung nagagawa mo ito.
Mag-isip ng mga magagawa mo para maiwasang makapagsalita nang masakit sa iyong mga anak.
Bakit hindi mo subukang humingi ng tawad sa iyong mga anak kapag nakapagbitiw ka ng masasakit at mapanuyang mga salita?
[Larawan sa pahina 6]
Kung paanong unti-unting natitibag ang malaking bato dahil sa mga hampas ng alon, maaari ding matibag ang pagsasama ng pamilya dahil sa masasakit na salita
-
-
Sekreto 5: Pagiging MakatuwiranGumising!—2009 | Oktubre
-
-
Sekreto 5: Pagiging Makatuwiran
“Makilala nawa . . . ang inyong pagkamakatuwiran.”—Filipos 4:5.
Ano ito? Nagiging maligaya ang pamilya kapag ang mag-asawa ay nagpapatawaran sa isa’t isa. (Roma 3:23) Hindi rin sila istrikto ni kunsintidor man sa kanilang mga anak. Hindi sila nagtatakda ng napakarami at di-makatuwirang mga tuntunin. Kapag kailangan ang pagtutuwid, ibinibigay nila ito “sa wastong antas.”—Jeremias 30:11.
Bakit ito mahalaga? Sinasabi ng Bibliya na “ang karunungan mula sa itaas [ay] makatuwiran.” (Santiago 3:17) Hindi umaasa ang Diyos na magiging sakdal ang di-sakdal na mga tao, kaya hindi rin dapat asahan ng isa na maging sakdal ang kaniyang asawa. Kapag laging pinupuna ng isa kahit ang maliliit na pagkakamali, magdaramdam lang ang kaniyang asawa at hindi maaayos ang problema. Mahalagang tandaan na “tayong lahat ay natitisod.”—Santiago 3:2.
Sa maliligayang pamilya, ang mga magulang ay makatuwiran sa kanilang mga anak. Hindi sila sobrang higpit magdisiplina, ni sila man ay “mahirap palugdan.” (1 Pedro 2:18) Kapag nakikita nilang responsable na ang kanilang mga anak, binibigyan nila ng higit na kalayaan ang mga ito. Hindi nila sinusundan ang lahat ng kilos ng kanilang mga anak dahil kapag ginawa nila ito, para silang sumusuntok sa hangin. Mapapagod lang sila, pero wala namang magandang ibubunga.
Subukin ito. Tingnan kung talagang makatuwiran ka. Gamitin ang sumusunod na mga tanong.
◼ Kailan mo huling pinuri ang iyong asawa?
◼ Kailan mo huling pinuna ang iyong asawa?
Ang dapat gawin. Kung nahirapan kang sagutin ang unang tanong, pero madali mong nasagot ang ikalawa, isipin kung paano ka magiging higit na makatuwiran.
Bakit hindi ninyo pag-usapang mag-asawa kung ano ang maaari ninyong gawin para lalo ninyong maipakita ang pagiging makatuwiran?
Kapag nakikita mong responsable na ang iyong anak na tin-edyer, mag-isip ng mga bagay na papayag ka nang gawin niya.
Bakit hindi ninyo pag-usapan ng iyong anak na tin-edyer ang mga bagay na gaya ng curfew?
[Larawan sa pahina 7]
Gaya ng maingat na drayber, handang magbigay ang isang makatuwirang miyembro ng pamilya
-
-
Sekreto 6: PagpapatawadGumising!—2009 | Oktubre
-
-
Sekreto 6: Pagpapatawad
“Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa.”—Colosas 3:13.
Ano ito? Sa maligayang pamilya, natututo ang mag-asawa sa kanilang mga di-pagkakasundo; pero hindi nila binibilang ang mga pagkakamali ng isa’t isa at inuungkat ang mga ito para manumbat. Hindi nila sinasabing, “Lagi ka na lang huli” o “Kahit kailan, hindi mo ‘ko pinapakinggan.” Naniniwala silang isang “kagandahan . . . na palampasin ang pagsalansang.”—Kawikaan 19:11.
Bakit ito mahalaga? Ang Diyos ay “handang magpatawad,” pero ang tao, hindi palagi. (Awit 86:5) Kapag ang mag-asawa ay hindi nagpapatawaran, puwedeng magpatung-patong ang sama ng loob hanggang sa hindi na nila kayang magpatawad at wala na silang pakialam sa damdamin ng isa’t isa. Magkasama nga sila sa isang bubong, pero wala namang pagmamahalan.
Subukin ito. Tingnan ang mga litrato ninyong mag-asawa noong kayo’y bagong kasal o magkasintahan pa lang. Isipin ang damdamin mo noon para sa kaniya bago kayo nagkaproblema at tumabang ang inyong pagsasama. Alalahanin ang mga katangiang hinangaan mo sa kaniya.
◼ Anu-anong katangian ang gustung-gustong mo sa kaniya ngayon?
◼ Isipin ang magiging epekto sa iyong anak kapag lagi kang nagpapatawad.
Ang dapat gawin. Mag-isip ng isa o dalawang paraan para hindi mo maungkat ang mga pagkakamali ng iyong asawa kapag mayroon kayong di-pagkakasundo.
Bakit hindi mo purihin ang iyong asawa dahil sa magaganda niyang katangian?—Kawikaan 31:28, 29.
Mag-isip ng ilang paraan kung paano mo maipakikita sa iyong mga anak ang pagpapatawad.
Pag-usapan ninyo ng iyong mga anak ang tungkol sa pagpapatawad at kung paano kayo makikinabang sa paggawa nito.
[Larawan sa pahina 8]
Kapag pinatawad mo ang isa, bayad na ang utang niya. Hindi mo na siya dapat singilin
-
-
Sekreto 7: Matibay na PundasyonGumising!—2009 | Oktubre
-
-
Sekreto 7: Matibay na Pundasyon
Ano ito? Ang isang bahay ay mananatiling nakatayo sa loob ng maraming taon kung matibay ang pundasyon nito. Ganiyan din sa pamilya. Magiging matagumpay ang pamilya kung matibay ang pundasyon nito, samakatuwid nga, kung susunod sila sa isang mapagkakatiwalaang patnubay.
Bakit ito mahalaga? Napakaraming payo tungkol sa buhay pampamilya ang makukuha sa mga aklat, magasin, at programa sa TV. May ilang tagapayo sa pag-aasawa na humihimok sa mga mag-asawang nagkakaproblema na patuloy na magsama, samantalang hinihimok naman ng iba na maghiwalay ang mga ito. May ilang eksperto naman na nagbabago ng pananaw hinggil dito. Halimbawa, noong 1994, isinulat ng isang kilalang sikologo ng mga tin-edyer na noong nagsisimula pa lang siya sa kaniyang propesyon, iniisip niyang “mas mabuti para sa mga bata na makasama ang isang masayang magulang kaysa dalawang magulang na lagi namang nag-aaway.” Sinabi rin niya na “mas mabuti pang magdiborsiyo kaysa pagtiisan ang magulong pagsasama.” Pero makalipas ang 20 taon, nagbago ang pananaw niya. Sinabi niya: “Kawawa ang mga bata kapag nagdiborsiyo ang mga magulang.”
Talagang nagbabago ang pananaw ng tao. Sa kabaligtaran, ang pinakamahuhusay na payo ay laging kaayon ng sinasabi ng Salita ng Diyos, ang Bibliya. Habang binabasa mo ang seryeng ito, malamang na may napansin kang simulain ng Bibliya sa gawing itaas ng pahina 3-8. Nakatulong ang mga simulaing iyon para maging maligaya ang maraming pamilya. Gaya ng ibang pamilya, nagkakaproblema rin sila. Pero nakatulong ang Bibliya para maging matibay ang pundasyon ng pag-aasawa at buhay pampamilya. Iyan ang maaasahan natin kapag sinusunod ng pamilya ang Bibliya, yamang ang Awtor nito, ang Diyos na Jehova, ang Tagapagpasimula ng pamilya.—2 Timoteo 3:16, 17.
Subukin ito. Isulat ang mga kasulatang nasa itaas na bahagi ng pahina 3 hanggang 8. Isulat din ang ibang mga kasulatan na nakatulong sa iyo, at lagi mo itong basahin.
Ang dapat gawin. Maging determinadong ikapit ang mga payo ng Bibliya sa iyong buhay pampamilya.
[Larawan sa pahina 8, 9]
Kapag nakasalig sa Bibliya ang pundasyon ng inyong pamilya, makakayanan ninyo ang tulad-bagyong mga problema
-