Ang Tunay na Pinagmumulan ng Patnubay at Pag-asa
DI-TULAD ng mga demonyo, walang kapantay ang karunungan at kapangyarihan ng Diyos na Jehova. Siya mismo ang personipikasyon ng pag-ibig. (1 Juan 4:8) Ang kaniyang payo ay laging tama, walang bayad, at para sa ating ikabubuti. Ibang-iba nga ito sa mga payo ng mga manghuhula at psychic! “Kayo riyan, lahat kayong nauuhaw [sa espirituwal]!” ang sabi ng Diyos. “Pumarito kayo sa tubig. At ang mga walang salapi! Pumarito kayo, bumili kayo at kumain. Oo, pumarito kayo, bumili kayo ng alak at gatas kahit walang salapi at walang bayad. Bakit kayo patuloy na nagbabayad ng salapi para sa hindi naman tinapay, at bakit ang inyong pagpapagal ay hindi sa ikabubusog? Makinig kayong mabuti sa akin, at kumain kayo ng bagay na mabuti, at hayaang ang inyong kaluluwa ay makasumpong ng masidhing kaluguran nito sa katabaan.”—Isaias 55:1, 2.
Dahil ang Bibliya ay nagmula sa Maylalang, binibigyan tayo nito ng pag-asa, espirituwal na proteksiyon, layunin sa buhay, at pinakamabuting prinsipyo na dapat nating sundin. Bakit hindi pag-isipan ang sumusunod na mga tanong at ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa mga ito?
[Kahon sa pahina 7]
● Paano ako magkakaroon ng kapayapaan ng isip? Sinasabi ng Bibliya: “Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, ang Isa na nagtuturo sa iyo upang makinabang ka, ang Isa na pumapatnubay sa iyo sa daan na dapat mong lakaran. O kung magbibigay-pansin ka lamang sana sa aking mga utos! Ang iyong kapayapaan nga ay magiging gaya ng ilog, at ang iyong katuwiran ay magiging gaya ng mga alon sa dagat.”—Isaias 48:17, 18.
● Magwawakas pa ba ang kasamaan? “Ang mga matuwid ang siyang tatahan sa lupa, at ang mga walang kapintasan ang siyang maiiwan dito. Kung tungkol sa mga balakyot, lilipulin sila mula sa mismong lupa; at kung tungkol sa mga mapandaya, bubunutin sila mula rito.” (Kawikaan 2:21, 22) Oo, tuluyang pupuksain ang masasamang tao, pati na ang masasamang anghel, na para bang sa pamamagitan ng apoy.—Apocalipsis 20:10, 14.
● Mawawala pa kaya ang sakit at pagdurusa? “Narito! Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan, at tatahan siyang kasama nila, at sila ay magiging kaniyang mga bayan. At ang Diyos mismo ay sasakanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay [ang napakaraming problema sa ngayon] ay lumipas na.”—Apocalipsis 21:3, 4.
Di-tulad ng mga demonyo, hinding-hindi nagsisinungaling ang Diyos. Oo, “hindi [siya] makapagsisinungaling.” (Tito 1:2) Mababasa sa huling artikulo ng seryeng ito na ang katotohanang mula sa Diyos ay nagpapalaya at nagbibigay-buhay.—Juan 8:32; 17:3.