Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 2/12 p. 10-11
  • Isang Pambihirang Lunsod na Papel

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Pambihirang Lunsod na Papel
  • Gumising!—2012
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Gustung-gusto ng mga Istoryador
  • Prague—Halina at Pumasyal sa Aming Makasaysayang Hiyas
    Gumising!—2003
  • Sila’y Nagsasaya sa Silangang Europa
    Gumising!—1991
  • Si Kristo ang Ating Huwaran
    Umawit Nang Masaya kay Jehova
  • Isang Kakaibang Orasan sa Prague
    Gumising!—2000
Iba Pa
Gumising!—2012
g 2/12 p. 10-11

Isang Pambihirang Lunsod na Papel

ISANG lunsod na papel? Oo, pero isang modelo lang ito, hindi tunay na lunsod. Ito’y modelo ng lunsod ng Prague, kabisera ng Czech Republic, at nakadispley sa Prague Municipal Museum. Ginawa ito ni Antonín Langweil sa loob ng 11 taon, mula 1826 hanggang 1837, ang taon ng kamatayan niya. Bakit naisipan ni Langweil na simulan ang mabusising proyektong ito?

Si Langweil ay isinilang noong 1791 sa bayan ng Postoloprty, ngayo’y bahagi ng Czech Republic. Pagkatapos mag-aral ng litograpiya sa Art Academy sa Vienna, Austria, binuksan niya ang unang workshop ng litograpiya sa Prague. Pero hindi siya mahusay sa negosyo kaya bumagsak ito. Noong 1826, sa isang eksibit sa Prague, nakakita siya ng isang plaster na modelo ng lunsod ng Paris, France. Gandang-ganda siya sa kaniyang nakita kung kaya ipinasiya niyang gumawa ng isang modelo ng Prague gamit ang cardboard at kaunting kahoy.

Sa loob ng ilang taon, buong-ingat na inirekord ni Langweil ang mga detalye ng Prague. Ginalugad niya ang lahat ng kalye, anupat idinrowing at itinala ang eksaktong lokasyon ng mga gusali, maliliit na bodega, upuan sa parke, estatuwa, at mga puno. Isinama niya pati mga bariles na nakita niyang nakakalat, ladder na nakasandal sa pader, mga sirang bintana, at salansan ng kahoy! Pagkatapos, sinimulan niyang gawin ang modelo sa scale na 1:480. Bilang pandagdag sa maliit niyang kita, gumawa rin siya ng mga modelo ng bahay ng mga maharlika.

Noong 1837, si Langweil ay nagkasakit ng tuberkulosis at namatay noong Hunyo ng taon ding iyon. Naulila niya ang kaniyang asawa at limang anak na babae. Pagkaraan ng tatlong taon, ang kaniyang modelo ay idinispley sa Patriotic Museum, ngayo’y National Museum. Paano iyon napunta roon? Noong 1840, ipinagbili iyon ng asawa ni Langweil sa emperador na si Ferdinand I, na nagkaloob naman nito sa ngayo’y pambansang museo ng Czech Republic. Siyam na malalaking kahon ang pinaglagyan nito. Nang maglaon, isang tagapagsalita ng City of Prague Museum, na kinalalagyan ng modelo ngayon, ang nagsabi: “Ang modelo ni Langweil ay bihirang idispley noong ika-19 na siglo. Noong 1891, isa iyon sa mga eksibit sa Provincial Jubilee Exhibition. Malaki ang naging gastos sa pagpapaayos nito para sa okasyong iyon . . . Mula 1905, ang modelo ay naging isang permanenteng displey sa Lapidarium ng National Museum.”

Gustung-gusto ng mga Istoryador

Nagustuhan ng karamihan ang modelong papel ni Langweil. Ito’y may sukat na 5.76 metro por 3.24 metro. Nasa loob ito ng salamin at tinatanglawan ng maraming maliliit na ilaw na nakasabit sa pinakakisame ng lalagyan. Parang totoong-totoo ang “lunsod” anupat malilimutan mo na modelo lang pala ang tinitingnan mo! Kitang-kita na talagang binusisi ni Langweil ang bawat detalye ng mahigit dalawang libong maliliit na gusali na ginawa niya.

Halimbawa, nagtalaga si Langweil ng isang land registration number para sa bawat gusali. Naglagay siya ng mga poste ng ilaw, kanal, at mga kalsadang gawa sa bato. At ginaya niya nang eksaktung-eksakto ang mga simbahan at ang stained-glass na mga bintana nito​—pati nga ang mga nawawala o sirang bahagi. Sa mga bahay na natutuklap na ang palitada, ipinakita niya ang mga nakalitaw na brick. Inilagay rin niya ang Vltava River, na bumabagtas sa Prague.

Sa ngayon, ang modelong papel ni Langweil ay hindi lang isang kakaibang displey sa museo. Gustung-gusto rin ito ng mga mahilig sa sining at mga istoryador na interesadong makita ang ipinagbago ng Prague sa paglipas ng panahon. Siyempre pa, ang ilang bahagi ng lunsod ay ibang-iba na dahil sa pag-aayos o pagreremodel ng mga gusali, lalo na sa lugar ng mga Judio at sa bahagi ng Prague na tinatawag na Old Town. Salamat sa makabagong teknolohiya, ang modelo ni Langweil ay naigawa ng isang interactive computer model kung saan ang mga bumibisita ay parang namamasyal sa Prague noong 1837.

Noong Abril 1837, hiniling ng may-sakit na si Langweil na idispley ang kaniyang modelo sa tinatawag noon na Patriotic Museum, pero hindi pumayag ang pangasiwaan nito. Tiyak na labis niyang ikinalungkot iyon! Pero isip-isipin kung madadalaw niya ang museo ngayon o “makapaglalakad” sa kaniyang lumang lunsod ng Prague sa computer screen. Siguradong madarama niya na sulit naman pala ang paghihirap niya.

[Larawan sa pahina 10]

Antonín Langweil

[Larawan sa pahina 10]

Ang modelong papel ng lunsod ng Prague na ginawa ni Langweil

[Larawan sa pahina 10, 11]

Ang modelong papel ni Langweil sa malapitán

[Picture Credit Lines sa pahina 10]

Page 10, Langweil: S laskavým svolením Národního muzea v Praze; pages 10 and 11, model photos: S laskavým svolením Muzea hlavního mesta Prahy

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share