Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 3/12 p. 18-20
  • Tanggulan ng Terezín—Hindi Nakahadlang sa Pagdurusa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Tanggulan ng Terezín—Hindi Nakahadlang sa Pagdurusa
  • Gumising!—2012
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Tanggulan at ang Bayan
  • “Spa Terezín”​—Kung Ano Talaga Ito
  • Ang Maliit na Tanggulan
  • Aral na Matututuhan
  • Talaan ng mga Nilalaman
    Gumising!—2012
  • Antonia, Tore ng
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Ibinunyag ang mga Kabuktutan ng Nazismo
    Gumising!—1995
  • Sin
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
Iba Pa
Gumising!—2012
g 3/12 p. 18-20

Tanggulan ng Terezín​—Hindi Nakahadlang sa Pagdurusa

MATATAGPUAN sa pagitan ng lunsod ng Dresden at ng Prague sa gitnang Europa ang bayan ng Theresienstadt (o, Terezín). Naroon ang isang malawak na tanggulan na may malalaking muralya. Itinayo iyon para hindi mapasok ng mga kaaway ang bansa at para maprotektahan ang mga nakatira sa nakapalibot na rehiyon.

Si Joseph II, hari ng Alemanya at emperador ng Banal na Imperyong Romano, ang nag-utos na itayo ang tanggulan, at naroon siya nang surbeyin ang lugar at nang ilagay ang pundasyong bato noong pagtatapos ng 1780. Itinayo ang tanggulan bilang parangal sa kaniyang ina, si Emperatris Maria Theresa, kaya tinawag ito sa wikang Czech na Terezín, ibig sabihin, “Bayan ni Theresa.”a Sinasabing umabot ng 14,000 ang pinakamataas na bilang ng mga nagtrabaho roon. Halos natapos ang pagtatayo pagkaraan ng apat na taon.

Nang matapos ang Terezín noong 1784, iyon ang pinakamalaking tanggulan sa lupain ng mga Hapsburg; ginamit doon ang pinakabagong pamamaraan noon sa pagtatayo ng tanggulan. Pero bago pa man ito matapos, nagkaroon na ng malalaking pagbabago sa mga taktika at estratehiya sa militar.

Hindi na kinukubkob noon ng mga kaaway ang isang kastilyo kapag nilulusob nila ang isang bansa. Sa halip, pinalilibutan nila at winawasak ang kalapít na mga nayon. Kaya pagsapit ng 1888, ang Terezín ay hindi na nagsisilbing tanggulan. Ang malalapad na muralya sa gawing labas nito ay ginawang mga parke na may mga daanan at upuan.

Ang Tanggulan at ang Bayan

Ang Tanggulan ng Terezín ay dinisenyo bilang isang nakukutaang bayan. Sa likod ng malalaking muralya nito ay may mga tirahan para sa mga sundalo, sa kanilang pamilya, at sa iba pang sibilyan.

Itinayo sa tabi ng pangunahing tanggulan ang isang maliit na tanggulan na ginamit bilang bilangguang militar. Noong mga unang taon ng 1800, doon ikinukulong ang mga kalaban ng Imperyong Hapsburg. Pagkaraan ng mga 100 taon, ibinilanggo rin doon ang mga kabataang sangkot sa pagpatay sa artsidukeng si Francis Ferdinand noong 1914 sa Sarajevo. Hindi sila naparusahan ng kamatayan dahil wala pa silang 20 anyos. Pero di-nagtagal, ang karamihan sa kanila ay namatay sa bilangguan. Pinahirapan sila, at nabaliw ang ilan. Si Gavrilo Princip, ang aktuwal na pumatay sa artsiduke, ay namatay roon noong kasagsagan ng Digmaang Pandaigdig I.

Kilalá ang Maliit na Tanggulan bilang isa sa pinakamalupit na bilangguan sa Austria at Hungary. Karaniwan na, ang mga bilanggo ay kinakabitan ng mabibigat na kadena at ikinukulong sa malamig at mamasa-masang bartolina. Noong Digmaang Pandaigdig II, ang tanggulan ay ginamit sa mas masamang layunin.

“Spa Terezín”​—Kung Ano Talaga Ito

Pagkatapos lusubin at sakupin ng mga Nazi ang ngayo’y Czech Republic, sinimulan nilang dalhin ang mga Judio sa pangunahing tanggulan noong 1941. Ang bayan ng Theresienstadt ay ginawa nilang tirahan ng mga Judio para maibukod ang mga ito. Ayon sa mga Nazi, kailangang ihiwalay ang mga Judio sa mga di-Judio para maiwasan ang awayan. Bagaman sinasabi nila sa publiko na ang Theresienstadt ay isang malawak na spa kung saan puwedeng magpagaling ang mga Judio, ang totoo’y plano nilang lipulin ang mga ito.

Sa silangang bahagi ng Europa, nakapagtatag na ang mga Nazi ng mga kampong bitayan kung saan ang mga Judio mula sa Theresienstadt at iba pang lugar ay unti-unting dinadala at pinapatay.b Kahit alam ng karamihan ang nangyayari sa mga kampong iyon mula pa noong kalagitnaan ng dekada ng 1930, pinalilitaw ng mga Nazi na bilangguan lang ang mga iyon. Gayunman, dumarami ang ulat tungkol sa aktuwal na kalagayan sa mga kampong iyon. Dahil dito, hinilingan ang mga opisyal ng Nazi na sagutin ang mga paratang. Kaya nag-isip sila ng paraan para masagot ang publiko. Ano ang ginawa nila?

Noong Digmaang Pandaigdig II, taóng 1944 at 1945, inimbitahan ang mga kinatawan ng International Red Cross na inspeksiyunin ang pangunahing tanggulan. Para palitawin na ang tanggulan ay isang malawak na spa, pinaganda iyon nang husto ng mga Nazi.

Ang numero ng mga bloke ay pinalitan ng magagandang pangalan ng kalye. May itinayong pekeng bangko, kindergarten, at mga tindahan. Nagbukas pa nga ng kapihan sa sentro ng bayan. Inayos ang harapan ng mga bahay, nagtanim ng mga halaman sa parkeng nasa sentro, at nagtayo ng isang pabilyon kung saan may mga manunugtog ng musika.

Pagkatapos, inilibot doon ng mga tour guide ang mga kinatawan ng Red Cross. Pinayagan silang makipag-usap sa mga kinatawan ng “sariling gobyerno” ng mga Judio. Ang mga taong ito ay pilíng mga residente na tinuruan ng mga Nazi kung ano ang isasagot sa mga tanong. Sa dalawang magkahiwalay na inspeksiyon, nalinlang ng mga Nazi ang mga kinatawan ng Red Cross. Kaya sa kanilang report, inilarawan ng mga kinatawang iyon ang Theresienstadt bilang isang ordinaryong bayan ng mga Judio kung saan pinangangalagaan silang mabuti. Pagkaalis ng mga kinatawan ng International Red Cross, ang mga Judio sa Theresienstadt ay patuloy na nagdusa, nagutom, at namatay. Kakaunti lang ang nakasaksi sa pagtatapos ng Digmaang Pandaigdig II.

Ang Maliit na Tanggulan

Ginamit din ng mga Nazi ang Maliit na Tanggulan bilang bilangguan. Ang kalagayan doon ay katulad ng sa mga kampong piitan. Para sa libu-libong ibinilanggo roon, ang Maliit na Tanggulan ay isang pansamantalang kulungan bago sila ilipat sa mas malalaking kampo sa teritoryo ng German Reich.

Di-kukulangin sa 20 Saksi ni Jehova, mula sa Prague, Pilsen, at iba pang bahagi ng bansa, ang ibinilanggo sa Maliit na Tanggulan. Ang kasalanan nila? Tumanggi silang suportahan ang mga Nazi at nanatili silang neutral sa pulitika. Sa kabila ng pagbabawal sa kanilang gawain, patuloy na ipinangaral ng mga Saksi ang mabuting balita mula sa Bibliya. Nagdusa sila dahil sa kanilang pananampalataya​—ang ilan ay pinatay o pinahirapan hanggang sa mamatay.

Aral na Matututuhan

Sinasabi ng Bibliya: “Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa mga taong mahal, ni sa anak man ng makalupang tao, na sa kaniya ay walang pagliligtas. Ang kaniyang espiritu ay pumapanaw, siya ay bumabalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw ring iyon ay maglalaho ang kaniyang pag-iisip.” (Awit 146:3, 4) Malinaw na ipinakikita ng Tanggulan ng Terezín ang katotohanang iyan.

[Mga talababa]

a Ang emperatris ay ina rin ni Marie Antoinette, na naging reyna ng Pransiya.

b Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang Gumising!, isyu ng Agosto 22, 1995, pahina 3-15, at Abril 8, 1989, pahina 3-20.

[Kahon sa pahina 20]

MGA SAKSI NI JEHOVA SA MALIIT NA TANGGULAN

Ang karamihan ng mga Saksi ni Jehova na ibinilanggo sa Theresienstadt ay dumaan muna sa interogasyon sa punong-himpilan ng mga Gestapo sa Prague. Pagkatapos, karaniwan nang inililipat sila sa mga kampong piitan sa Alemanya. Paano nila nakayanan ang hirap sa bilangguan at ang pagiging nakabukod?

Isang babaing Saksi na nabilanggo sa Theresienstadt ang nagsabi: “Para hindi ko malimutan ang mga turo ng Bibliya, paulit-ulit kong inaalaala ang mga iyon. Saanmang bilangguan ako dalhin, inaalam ko kung may Saksi roon; at kung meron, nakikipag-ugnayan ako sa kanila. Sinisikap ko ring mangaral sa iba hangga’t posible.”

Maliwanag na nakatulong ito sa kaniya. Nanatili siyang tapat sa Diyos noong panahong nakabilanggo siya at hanggang sa sumunod na mga taon.

[Larawan sa pahina 18]

Selyo na may larawan ng mapayapang Terezín noong Digmaang Pandaigdig II

[Larawan sa pahina 19]

Dinadala sa mga baraks ang bagong-dating na mga bilanggo. Ang karatula sa wikang Aleman ay nagsasabing “Arbeit Macht Frei” (Nagpapalaya ang Trabaho)

[Larawan sa pahina 19]

Makikitid na higaan sa kulungan ng mga babae

[Larawan sa pahina 20]

Pasukan sa harap ng Maliit na Tanggulan

[Picture Credit Line sa pahina 19]

Both photos: With courtesy of the Memorial Terezín

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share