-
Maisasalba Pa Ba ang Mundo o Hindi Na?Gumising!—2017 | Blg. 6
-
-
TAMPOK NA PAKSA | MAISASALBA PA BA ANG MUNDO?
Maisasalba Pa Ba ang Mundo o Hindi Na?
NAGSIMULA ang taóng 2017 sa isang nakalulungkot na proklamasyon ng mga nasa larangan ng siyensiya. Noong Enero, isang grupo ng mga siyentipiko ang nagsabi na ang mundo ay mas malapit na sa tuluyang pagkawasak nito. Para ilarawan ito gamit ang Doomsday Clock, iniabante ng mga siyentipiko ang mahabang kamay ng orasan nang 30 segundo. Ang Doomsday Clock ay halos nasa dalawa’t kalahating minuto na ngayon bago maghatinggabi—mas malapit sa tuluyang pagkawasak ng mundo kaysa noong nakalipas na mahigit 60 taon!
Sa 2018, planong suriin ulit ng mga siyentipiko kung gaano na tayo kalapit sa katapusan ng mundo. Maipahihiwatig pa rin kaya ng Doomsday Clock ang nalalapit at walang-katulad na kapahamakan? Ano sa palagay mo? Maisasalba pa ba ang mundo? Baka mahirapan kang sagutin ito. Maging ang mga eksperto ay magkakaiba rin ang opinyon tungkol dito. Hindi lahat ay naniniwala sa di-maiiwasang pagkawasak ng mundo.
Sa katunayan, milyon-milyon ang naniniwala sa isang magandang kinabukasan. Sinasabi nilang may ebidensiyang makaliligtas ang sangkatauhan at ang ating planeta, at na gaganda ang kalidad ng ating buhay. Kapani-paniwala ba ang ebidensiyang iyon? Maisasalba pa ba ang mundo o hindi na?
-
-
Paghahanap ng SagotGumising!—2017 | Blg. 6
-
-
TAMPOK NA PAKSA | MAISASALBA PA BA ANG MUNDO?
Paghahanap ng Sagot
KUNG ikaw ay nangangamba o natatakot dahil kabi-kabila ang masasamang balita, hindi ka nag-iisa. Noong 2014, ipinahiwatig ni Barack Obama, presidente noon ng United States, na dahil sa masasamang bagay na nababalitaan natin, marami ang nagsasabing “ang mundo ay umiikot nang napakabilis at walang sinumang makakakontrol nito.”
Pero pagkatapos niyang sabihin iyon, sinabi rin niya ang tungkol sa kasalukuyang mga pamamaraan para ayusin ang marami sa mga problema ng mundo. Tinawag niyang “mabuting balita” ang ilang pagsisikap ng gobyerno at sinabing siya ay “punô ng pag-asa” at “positibong-positibo.” Sa simpleng salita, tinukoy niya ang pagsisikap ng mga tao bilang paraan para maisalba ang mundo sa tuluyang pagkawasak.
Marami ang sumasang-ayon sa kaniya. Halimbawa, may ilang nagtitiwala sa siyensiya, at umaasa sa mabilis na pagsulong ng teknolohiyang magsasalba sa mundo. Isang eksperto sa digital technology at mga bagong imbensiyon ang nagtitiwala na sa taóng 2030, “ang teknolohiya natin ay magiging mas mahusay nang isang libong ulit, at sa 2045, magiging mas mahusay ito nang isang milyong ulit.” Dagdag pa niya: “Maganda ang nagagawa natin. Bagaman mas malalaking problema ang kinakaharap natin, nasosolusyunan natin ang mga ito bago pa lumala.”
Gaano na ba kalala ang kalagayan ng mundo? Nasa bingit na ba ito ng matinding kapahamakan? Kahit may magandang mensahe ang ilang siyentipiko at politiko, marami pa rin ang hindi nakatitiyak sa kinabukasan. Bakit?
MGA SANDATA PARA SA MARAMIHANG PAGLIPOL. Sa kabila ng pagsisikap ng United Nations at ng iba pang organisasyon, bigo pa rin silang alisin ang mga sandatang nuklear. Binale-wala ng mga masuwaying lider ang mga batas sa pagkontrol ng armas. Ang mga bansang mayroon nang sandatang nuklear ay nag-uunahan sa pag-a-upgrade ng kanilang mga bomba at paggawa ng mas matitinding bagong bomba. Ang mga bansa na walang kakayahang lumipol noon ay may kakayahan na ngayong pumatay ng napakaraming tao.
Dahil mas handa ang mga bansa sa digmaang nuklear, ang mundo ay naging napakapanganib, kahit sa panahon ng “kapayapaan.” “Ang lethal autonomous weapons systems na may kakayahang ‘pumatay’ kahit walang taong kumokontrol ay talagang nakababahala,” ang babala ng Bulletin of the Atomic Scientists.
PAG-ATAKE SA ATING KALUSUGAN. Limitado lang ang kayang gawin ng siyensiya para sa ating kalusugan. Ang alta presyon, sobrang katabaan, polusyon sa hangin, at pag-abuso sa droga—lahat ng dahilan ng pagkakasakit—ay dumarami. Dumarami rin ang namamatay sa mga di-nakahahawang sakit gaya ng kanser, sakit sa puso, at diyabetis. Tumataas ang bilang ng mga napipinsala ng iba pang sakit, kasama na ang sakit sa isip. Sa nakalipas na mga taon, marami ang nabiktima ng nakamamatay na mga salot, gaya ng Ebola virus at Zika virus. Ang punto: Hindi makokontrol ng tao ang mga sakit, at malabong mapigilan ang mga ito!
PAG-ATAKE NG TAO SA KALIKASAN. Patuloy na nagdudulot ng polusyon sa atmospera ang mga pabrika. Milyon-milyon ang namamatay taon-taon dahil sa nalalanghap na maruming hangin.
Ang mga tao, komunidad, at ahensiya ng gobyerno ay patuloy na nagtatapon sa karagatan ng mga basurang galing sa mga bahay, pabrika, ospital at agrikultura, mga plastik, at iba pa. “Nilalason ng mga basurang ito ang mga hayop at halaman sa dagat, pati na ang mga taong kumakain ng mga kontaminadong lamandagat,” ang sabi ng Encyclopedia of Marine Science.
Papaubos na ang malinis na tubig. Nagbabala ang Britanong awtor ng siyensiya na si Robin McKie: “Napapaharap ang mundo sa krisis sa tubig at apektado nito ang buong globo.” Inamin ng mga politiko na ito ay pangunahin nang kagagawan ng mga tao at magdudulot ito ng malubhang panganib.
PAG-ATAKE NG KALIKASAN SA TAO. Ang malalakas na bagyo, buhawi, at lindol ay nagdudulot ng mapangwasak na baha, pagguho ng lupa, at iba pang pinsala. Mas marami sa ngayon ang namamatay o napipinsala ng pananalasa ng kalikasan. Isang pag-aaral na inilathala ng National Aeronautics and Space Administration ng Estados Unidos, ang nagsabing malaki ang posibilidad na magkaroon ng “mas malalakas na bagyo, nakamamatay na mga heat wave, at mas matitinding siklo ng tag-ulan at tagtuyot.” Malilipol kaya ng kalikasan ang mga tao?
Tiyak na may naiisip ka pang mas matitinding banta sa mga tao. Pero hindi mo mahahanap ang kasiya-siyang sagot tungkol sa ating kinabukasan kung susuriin mo ang lahat ng masasamang nangyayari ngayon. Totoo rin iyan pagdating sa sinasabi ng mga politiko at siyentipiko. Pero gaya ng nabanggit sa naunang artikulo, marami ang nakakita ng nakakakumbinsing sagot sa mga tanong tungkol sa kalagayan ng mundo at sa ating kinabukasan. Saan ito matatagpuan?
-
-
Ano ang Sinasabi ng Bibliya?Gumising!—2017 | Blg. 6
-
-
Ang hula ng Doomsday Clock ay hindi matutupad, dahil nangako ang Diyos ng isang magandang kinabukasan para sa mga tao at sa lupa
TAMPOK NA PAKSA | MAISASALBA PA BA ANG MUNDO?
Ano ang Sinasabi ng Bibliya?
DAAN-DAANG siglo na ang nakalipas, inihula ng Bibliya ang malalang kalagayan ng mundo sa ngayon. Pero espesipikong inihula rin ng Bibliya ang magandang kinabukasan para sa mga tao. Hindi dapat bale-walain ang sinasabi ng Bibliya dahil marami sa mga hula nito ay detalyadong natupad.
Halimbawa, tingnan ang sumusunod na mga hula:
“Ang bansa ay titindig laban sa bansa at ang kaharian laban sa kaharian, at magkakaroon ng mga kakapusan sa pagkain at mga lindol sa iba’t ibang dako.”—Mateo 24:7.
“Sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan. Sapagkat ang mga tao ay magiging mga maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, mga mapagmapuri sa sarili, mga palalo, mga mamumusong, mga masuwayin sa mga magulang, mga walang utang-na-loob, mga di-matapat, mga walang likas na pagmamahal, mga hindi bukás sa anumang kasunduan, mga maninirang-puri, mga walang pagpipigil sa sarili, mga mabangis, mga walang pag-ibig sa kabutihan, mga mapagkanulo, mga matigas ang ulo, mga mapagmalaki, mga maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos.”—2 Timoteo 3:1-4.
Ang mga hulang iyan ay lumalarawan sa isang mundo na sinasabing pasamâ na nang pasamâ. Kung iisipin, ang mundo ay hindi na talaga maisasalba—ng tao. Ayon sa Bibliya, ang tao ay walang karunungan at kapangyarihan na magbigay ng permanenteng solusyon. Idiniriin ito ng mga sumusunod na teksto:
“May daan na matuwid sa harap ng isang tao, ngunit ang mga daan ng kamatayan ang huling wakas nito.”—Kawikaan 14:12.
“Ang tao ay nanunupil sa tao sa kaniyang ikapipinsala.”—Eclesiastes 8:9.
“Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.”—Jeremias 10:23.
Kung ipagpapatuloy ng mga tao ang kanilang ginagawa, tiyak na mapapahamak ang mundo. Pero hindi mangyayari iyan! Bakit? Sinasabi ng Bibliya:
“Itinatag [ng Diyos] ang lupa sa mga tatag na dako nito; hindi ito makikilos hanggang sa panahong walang takda, o magpakailanman.”—Awit 104:5.
“Isang salinlahi ang yumayaon, at isang salinlahi ang dumarating; ngunit ang lupa ay nananatili maging hanggang sa panahong walang takda.”—Eclesiastes 1:4.
“Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.”—Awit 37:29.
“Magkakaroon ng saganang butil sa lupa; sa taluktok ng mga bundok ay mag-uumapaw.”—Awit 72:16.
Ang mga turong ito ng Bibliya ay nagbibigay ng malinaw na sagot. Ang mga tao ay hindi malilipol dahil sa polusyon, kakapusan ng pagkain at tubig, o pangglobong epidemya. Hindi mawawasak ng nuklear na digmaan ang mundo. Bakit? Dahil kontrolado ng Diyos ang kinabukasan ng ating planeta. Totoo, hinahayaan ng Diyos ang tao na gamitin ang kanilang kalayaang magpasiya. Pero aanihin nila ang resulta ng kanilang desisyon. (Galacia 6:7) Ang mundo ay hindi gaya ng nadiskaril na tren, na walang makakakontrol at papunta na sa kapahamakan. Nagtakda ang Diyos ng limitasyon sa magagawang pinsala ng mga tao sa kanilang sarili.—Awit 83:18; Hebreo 4:13.
Pero hindi lang iyan. Maglalaan ang Diyos ng ‘saganang kapayapaan.’ (Awit 37:11) Ang pag-asang ipinaliwanag sa artikulong ito ay patikim lang ng magandang kinabukasan na natututuhan ng milyon-milyong Saksi ni Jehova sa pag-aaral ng Bibliya.
Ang mga Saksi ni Jehova ay isang pangglobong pamilya ng mga lalaki’t babae na may iba’t ibang edad at pinagmulan. Sinasamba nila ang tanging tunay na Diyos, na ang pangalan ay Jehova, gaya ng sinasabi sa Bibliya. Hindi sila natatakot sa mangyayari sa hinaharap dahil sinasabi ng Bibliya: “Ito ang sinabi ni Jehova, na Maylalang ng langit, Siya na tunay na Diyos, na Tagapag-anyo ng lupa at Maylikha nito, Siya na nagtatag nito nang matibay, na hindi niya nilalang na walang kabuluhan, na nag-anyo nito upang tahanan: ‘Ako ay si Jehova, at wala nang iba pa.’”—Isaias 45:18.
Sinuri ng artikulong ito ang ilan sa mga turo ng Bibliya tungkol sa kinabukasan ng lupa at ng mga tao. Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang aralin 5 ng brosyur na Magandang Balita Mula sa Diyos! na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova at available sa www.jw.org/tl
Puwede mo ring panoorin ang video na Bakit Ginawa ng Diyos ang Lupa? na available sa www.jw.org/tl. (Tingnan sa PUBLIKASYON > VIDEO)
-