APENDISE
Pagsaludo sa Bandila, Pagboto, at Serbisyong Pangkomunidad
Pagsaludo sa bandila. Naniniwala ang mga Saksi ni Jehova na ang pagyukod o pagsaludo sa bandila, na kadalasan nang sinasabayan ng pambansang awit, ay gawang pagsamba na nagpapakitang ang kaligtasan ay nagmumula, hindi sa Diyos, kundi sa Estado o sa mga lider nito. (Isaias 43:11; 1 Corinto 10:14; 1 Juan 5:21) Ang isa sa gayong lider ay si Haring Nabucodonosor ng sinaunang Babilonya. Para pahangain ang mga tao sa kaniyang karingalan at sigasig sa relihiyon, ang makapangyarihang monarkang ito ay nagpatayo ng napakalaking imahen at sapilitang pinayukod ang kaniyang mga nasasakupan habang pinatutugtog ang musika na maihahambing sa isang pambansang awit. Gayunman, ang tatlong Hebreo—sina Sadrac, Mesac, at Abednego—ay tumangging yumukod sa imahen, kahit na parusahan pa sila ng kamatayan.—Daniel, kabanata 3.
Sa ating panahon, “ang pinakapangunahing sagisag ng pananampalataya at ang pinakapangunahing bagay na sinasamba sa nasyonalismo ay ang bandila,” ang isinulat ng istoryador na si Carlton Hayes. “Ang mga lalaki ay nag-aalis ng sombrero kapag may idinaraang bandila; at bilang papuri sa bandila kumakatha ang mga makata ng mga tula at umaawit ang mga bata ng mga himno.” Ang nasyonalismo, dagdag pa niya, ay mayroon ding kapistahan, gayundin ng mga “santo at bayani” at mga “templo,” o dambana. Sa isang pampublikong seremonya sa Brazil, sinabi ng ministro-heneral ng hukbo ng bansa: “Ang bandila ay pinagpipitagan at sinasamba . . . kung paanong sinasamba ang Amang-bayan.” Oo, “ang bandila, tulad ng krus, ay sagrado,” ang sinabi noon ng The Encyclopedia Americana.
Kamakailan lamang, binanggit ng ensayklopidiya ring iyon na ang mga pambansang awit “ay mga kapahayagan ng pagkamakabayan at kadalasan nang may kasamang pagsusumamo ukol sa patnubay at pag-iingat ng Diyos sa bayan o sa mga tagapamahala nito.” Kaya hindi masasabing di-makatuwiran ang mga lingkod ni Jehova kapag itinuturing nilang relihiyoso ang mga seremonyang makabayan na may kahalong pagsaludo sa bandila at pambansang awit. Sa katunayan, may kinalaman sa anak ng mga Saksi ni Jehova sa mga paaralan sa Estados Unidos na tumangging sumaludo sa bandila o manumpa ng katapatan, ganito ang sinabi ng aklat na The American Character: “Ang pagiging relihiyoso ng araw-araw na mga ritwal na ito ay pinagtibay sa wakas ng Korte Suprema sa isang serye ng mga usapin.”
Bagaman hindi sila nakikisali sa mga seremonyang itinuturing nilang di-makakasulatan, iginagalang naman ng bayan ni Jehova ang karapatan ng iba na gawin iyon. Iginagalang din nila ang mga pambansang bandila bilang mga sagisag at kinikilala ang inihalal na mga tagapamahala bilang “nakatataas na mga awtoridad” na nanunungkulan bilang “lingkod ng Diyos.” (Roma 13:1-4) Kaya sinusunod ng mga Saksi ni Jehova ang payo na manalangin “may kinalaman sa mga hari at sa lahat niyaong mga nasa mataas na katayuan.” Gayunman, ang ating motibo ay “upang makapagpatuloy tayong mamuhay ng isang payapa at tahimik na buhay na may lubos na makadiyos na debosyon at pagkaseryoso.”—1 Timoteo 2:2.
Pagboto sa panahon ng eleksiyon. Iginagalang ng mga tunay na Kristiyano ang karapatan ng iba na bumoto. Sila ay hindi nagpoprotesta laban sa mga eleksiyon, at sila ay nakikipagtulungan sa mga inihalal na mga awtoridad. Gayunman, determinado silang manatiling neutral pagdating sa pulitikal na mga gawain ng mga bansa. (Mateo 22:21; 1 Pedro 3:16) Ano ang dapat gawin ng isang Kristiyano sa mga lupain na sapilitan ang pagboto o mainit ang situwasyon laban sa mga hindi pumupunta sa presinto para bumoto? Matatandaan nating nagpunta sa kapatagan ng Dura sina Sadrac, Mesac, at Abednego, kung kaya naman ang isang Kristiyano na nasa gayon ding kalagayan ay maaaring magpasiya na pumunta sa presinto kung ipinahihintulot ng kaniyang budhi. Gayunman, titiyakin niyang mananatili siyang neutral. Dapat niyang isaalang-alang ang sumusunod na anim na simulain:
Ang mga tagasunod ni Jesus ay “hindi . . . bahagi ng sanlibutan.”—Juan 15:19.
Kumakatawan ang mga Kristiyano kay Kristo at sa kaniyang Kaharian.—Juan 18:36; 2 Corinto 5:20.
Ang kongregasyong Kristiyano ay nagkakaisa sa paniniwala, at ang mga miyembro nito ay nabubuklod ng tulad-Kristong pag-ibig.—1 Corinto 1:10; Colosas 3:14.
Yaong mga naghahalal ng isang opisyal ay mananagot din sa gagawin ng opisyal na iyon.—Pansinin ang mga simulain sa ulat ng 1 Samuel 8:5, 10-18 at 1 Timoteo 5:22.
Dahil gusto ng Israel na magkaroon ng isang nakikitang tagapamahala, itinuring ito ni Jehova na pagtatakwil sa Kaniya.—1 Samuel 8:7.
Dapat na magkaroon ang mga Kristiyano ng kalayaan sa pagsasalita kapag ipinakikipag-usap sa mga taong may iba’t ibang pulitikal na paniniwala ang tungkol sa pamamahala ng Kaharian ng Diyos.—Mateo 24:14; 28:19, 20; Hebreo 10:35.
Serbisyong pangkomunidad. Sa ilang lupain, hinihiling ng Estado na ang mga tumatangging maglingkod sa militar ay makibahagi sa isang uri ng serbisyong pangkomunidad sa loob ng isang yugto ng panahon. Kapag napaharap sa pagpapasiya hinggil sa bagay na ito, dapat natin itong ipanalangin, marahil ay ipakipag-usap ito sa isang may-gulang na kapuwa Kristiyano, at saka gumawa ng desisyon salig sa naturuang budhi.—Kawikaan 2:1-5; Filipos 4:5.
Sinasabi sa atin ng Salita ng Diyos na “maging masunurin sa mga pamahalaan at sa mga awtoridad bilang mga tagapamahala, na maging handa para sa bawat mabuting gawa, . . . maging makatuwiran.” (Tito 3:1, 2) Kasuwato nito, maaari nating itanong: ‘Kung tatanggapin ko ang iminumungkahing serbisyong pangkomunidad, maikokompromiso ko ba ang aking Kristiyanong neutralidad o masasangkot ba ako sa gawain ng huwad na relihiyon?’ (Mikas 4:3, 5; 2 Corinto 6:16, 17) ‘Kung gagawin ko ang serbisyong ito, mahihirapan ba akong gampanan ang aking mga Kristiyanong pananagutan? Magiging hadlang kaya ito sa akin sa pagganap ng aking mga atas bilang Kristiyano?’ (Mateo 28:19, 20; Efeso 6:4; Hebreo 10:24, 25) ‘Sa kabilang banda, ang iskedyul ba ng pagsasagawa ng gayong serbisyo ay magbibigay sa akin ng panahon para mapalawak ang aking espirituwal na mga gawain, marahil ay makibahagi sa buong-panahong paglilingkod?’—Hebreo 6:11, 12.
Kung ipinahihintulot ng budhi ng isang Kristiyano na gumawa ng serbisyong pangkomunidad sa halip na mabilanggo, dapat igalang ng mga kapuwa Kristiyano ang kaniyang desisyon. (Roma 14:10) Pero kung ipinasiya niyang hindi gawin ang gayong serbisyo, dapat din itong igalang ng iba.—1 Corinto 10:29; 2 Corinto 1:24.