APENDISE
Blood Fractions at mga Pamamaraan sa Pag-oopera
Blood fractions. Ang blood fractions ay kinuha mula sa apat na pangunahing sangkap ng dugo—mga pulang selula, mga puting selula, mga platelet, at plasma. Halimbawa, ang mga pulang selula ay naglalaman ng protina na hemoglobin. Ang mga produkto na galing sa hemoglobin ng tao o hayop ay ginagamit sa paggamot sa mga pasyenteng nawalan ng maraming dugo o may acute anemia.
Ang plasma—na 90 porsiyentong tubig—ay may mga hormon, di-organikong asin, enzyme, at nutriyente, kabilang na ang mga mineral at asukal. Nagtataglay rin ang plasma ng mga sangkap na tumutulong para mamuo ang dugo, mga antibody na panlaban sa sakit, at mga protina na gaya ng albumin. Kung ang isa ay nahawahan o posibleng mahawahan ng isang partikular na sakit, maaaring magreseta ang mga doktor ng mga iniksiyon ng gamma globulin, na kinuha sa plasma ng dugo ng mga taong mayroon nang imyunidad sa sakit na iyon. Ang mga puting selula ay maaaring pagkunan ng mga interferon at mga interleukin, na ginagamit upang lunasan ang ilang kanser at impeksiyon na dala ng mga virus.
Dapat bang tumanggap ang mga Kristiyano ng paggamot na may blood fractions? Hindi nagbibigay ng espesipikong detalye ang Bibliya hinggil dito, kaya ang bawat Kristiyano ay dapat personal na magpasiya sa harap ng Diyos ayon sa sinasabi ng kaniyang budhi. Ang ilan ay tumututol sa lahat ng blood fractions. Ikinakatuwiran nila na hinihiling ng Kautusan ng Diyos sa Israel na ang dugo na inalis sa isang nilalang ay dapat “ibuhos . . . sa lupa.” (Deuteronomio 12:22-24) Ang ilan, bagaman tutol sa pagsasalin ng purong dugo o ng mga pangunahing sangkap nito, ay baka tumatanggap naman ng mga paggamot na gumagamit ng blood fractions. Maaaring ikinakatuwiran nila na ang blood fractions ay hindi na kumakatawan sa buhay ng nilalang na pinagkunan ng dugo.
Kapag nagpapasiya hinggil sa blood fractions, isaalang-alang ang mga tanong na ito: Alam ko ba na kapag tinanggihan ko ang lahat ng blood fractions, tinatanggihan ko na rin ang ilang produktong may blood fractions na ginagamit na panlaban sa sakit o pantulong sa pamumuo ng dugo para mapahinto ang pagdurugo? Maipaliliwanag ko ba sa aking doktor kung bakit ko tinatanggihan o tinatanggap ang isa o higit pang blood fractions?
Mga Pamamaraan sa Pag-oopera. Kasama rito ang hemodilution at cell salvage. Sa hemodilution, ang dugo ay inililihis patungo sa mga bag at pinapalitan ng volume expander. Habang inoopera o pagkatapos ng operasyon, ang dugong inilihis ay ibinabalik sa pasyente. Sa cell salvage, ang dugong nawala sa panahon ng operasyon ay kinukuha at ibinabalik sa pasyente. Ang dugong lumalabas sa isang sugat o butas sa katawan ay kinukuha, nililinis o sinasala, at pagkatapos ay ibinabalik sa pasyente. Dahil hindi pare-pareho ang ginagawa ng mga manggagamot kapag nag-oopera gamit ang mga pamamaraang ito, dapat alamin ng isang Kristiyano kung ano ang pinaplanong gawin ng kaniyang doktor.
Kapag nagpapasiya hinggil sa mga pamamaraang ito, tanungin ang sarili: ‘Kung ililihis mula sa katawan ko ang aking dugo at posible na sandaling maputol ang pagdaloy nito, ituturing ba ng aking budhi na bahagi pa rin ng katawan ko ang dugong iyon, anupat hindi kailangang “ibuhos iyon sa lupa”? (Deuteronomio 12:23, 24) Mababagabag kaya ang aking budhing sinanay sa Bibliya kung sa panahon ng paggagamot ay kukuhanan ako ng dugo, hahaluan ito ng gamot, at ibabalik sa aking katawan? Alam ko ba na kapag tinanggihan ko ang lahat ng pamamaraan ng paggamot na ginagamit ang sarili kong dugo, nangangahulugan ito na hindi ako pumapayag na magpasuri ng dugo o magpagamot sa pamamagitan ng hemodialysis o heart-lung bypass machine?’
Dapat personal na magpasiya ang isang Kristiyano kung ano ang gagawin sa dugo niya kapag inoperahan siya. Kumakapit din ito sa mga medikal na pagsusuri at kasalukuyang mga paggamot kung saan kukuhanan ng kaunting dugo ang pasyente, marahil sa paanuman ay hahaluan ng gamot ang dugo, at pagkatapos ay muling ibabalik ito sa katawan.