Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Paano Naglilingkod sa Kongregasyon ang mga Elder?
    Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon?
    • ARALIN 15

      Paano Naglilingkod sa Kongregasyon ang mga Elder?

      Elder na nakikipag-usap sa mga miyembro ng kongregasyon

      Finland

      Elder na nagtuturo sa kongregasyon

      Nagtuturo

      Mga elder na nagpapatibay-loob sa mga miyembro ng kongregasyon

      Nagpapastol

      Elder na nakikibahagi sa pangmadlang ministeryo

      Nangangaral

      Wala kaming suwelduhang mga klero. Sa halip, gaya noong pasimula ng kongregasyong Kristiyano, may kuwalipikadong mga tagapangasiwa na inaatasan “para magpastol sa kongregasyon ng Diyos.” (Gawa 20:28) Ang mga elder na ito ay may-gulang na mga lalaking nangunguna sa kongregasyon at nagpapastol nang “hindi napipilitan, kundi ginagawa ito nang maluwag sa loob sa harap ng Diyos; hindi dahil sa kasakiman sa pakinabang, kundi nang may pananabik.” (1 Pedro 5:1-3) Ano ang mga isinasagawa nila para sa amin?

      Pinangangalagaan nila kami at pinoprotektahan. Ipinagkatiwala ng Diyos sa mga elder ang buong kongregasyon, kaya ginagabayan nila ito, pinoprotektahan sa espirituwal, at inaasikasong mabuti para mapanatili ang kagalakan ng mga miyembro nito. (2 Corinto 1:24) Kung paanong pinangangalagaan nang husto ng isang pastol ang bawat tupa niya, sinisikap din ng mga elder na kilalanin ang bawat miyembro ng kongregasyon.—Kawikaan 27:23.

      Tinuturuan nila kami na gawin ang kalooban ng Diyos. Linggo-linggo, pinangangasiwaan ng mga elder ang mga pulong sa kongregasyon para patibayin ang aming pananampalataya. (Gawa 15:32) Ang masisipag na lalaking ito ay nangunguna sa amin sa pangangaral. Sinasamahan nila kami at sinasanay sa lahat ng anyo ng ministeryo.

      Pinalalakas nila ang bawat isa sa amin. Dinadalaw kami ng mga elder sa aming tahanan o kinakausap sa Kingdom Hall gamit ang Bibliya para aliwin kami at tulungang maging mas malapít kay Jehova.—Santiago 5:14, 15.

      Bukod sa mga atas sa kongregasyon, karamihan sa mga elder ay mayroon ding trabaho at pamilya na kailangang bigyan ng panahon at atensiyon. Kaya nararapat lang na igalang ang masisipag na brother na ito.—1 Tesalonica 5:12, 13.

      • Ano ang pananagutan ng mga elder sa kongregasyon?

      • Paano ipinapakita ng mga elder na nagmamalasakit sila sa bawat isa sa amin?

      ANG PUWEDE MONG GAWIN

      Tingnan ang 1 Timoteo 3:1-10, 12, at Tito 1:5-9 para makita mo ang mga kuwalipikasyon ng mga elder at ministeryal na lingkod.

  • Ano ang Pananagutan ng mga Ministeryal na Lingkod?
    Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon?
    • ARALIN 16

      Ano ang Pananagutan ng mga Ministeryal na Lingkod?

      Ministeryal na lingkod na tumutulong sa pamamahagi ng literatura

      Myanmar

      Ministeryal na lingkod na nagbibigay ng pahayag salig sa Bibliya

      Bahagi sa pulong

      Ministeryal na lingkod na nangunguna sa isang pulong

      Grupo sa paglilingkod

      Ministeryal na lingkod na tumutulong sa pagmamantini ng Kingdom Hall

      Pagmamantini sa Kingdom Hall

      Sa Bibliya, dalawang grupo ng mga lalaking Kristiyano ang sinasabing nag-aasikaso sa bawat kongregasyon—“mga tagapangasiwa at mga ministeryal na lingkod.” (Filipos 1:1) Ganiyan din sa ngayon. Ano ang isinasagawa ng mga ministeryal na lingkod para sa amin?

      Tumutulong sila sa mga elder. Ang mga ministeryal na lingkod ay palaisip sa espirituwal, maaasahan, at masisipag. Ang ilan ay nakababata, ang iba naman ay nakatatanda. Inaasikaso nila ang ibang gawain para mapanatiling organisado ang kongregasyon. Dahil dito, nakakapagpokus ang mga elder sa pagtuturo at pagpapastol.

      Nagbibigay sila ng praktikal na mga tulong. Ang ilang ministeryal na lingkod ay inatasang maging attendant para mag-asikaso sa mga dumarating sa pulong. Ang iba naman ay nag-aasikaso sa sound system, pamamahagi ng literatura, accounts (pananalapi) ng kongregasyon, at pag-aatas ng teritoryo sa mga nangangaral. Tumutulong din sila sa pagmamantini ng Kingdom Hall. Kung minsan, hinihilingan sila ng mga elder na tumulong sa mga may-edad. Anuman ang atas nila, ang kusang-loob nilang pagganap sa mga ito ay pinahahalagahan ng lahat.—1 Timoteo 3:13.

      Nagpapakita sila ng mabuting halimbawa bilang mga Kristiyano. Ang mga ministeryal na lingkod ay naatasan dahil sa kanilang mga katangiang Kristiyano. Kapag gumaganap sila ng bahagi sa mga pulong, napapatibay nila ang aming pananampalataya. Kapag nangunguna sila sa pangangaral, napasisigla nila kaming maging masigasig. Kapag nakikipagtulungan sila sa mga elder, naitataguyod nila ang kagalakan at pagkakaisa. (Efeso 4:16) Sa paggawa ng mga ito, maaari din silang maging elder sa hinaharap.

      • Ano ang mga katangian ng isang ministeryal na lingkod?

      • Paano tumutulong ang mga ministeryal na lingkod para maging maayos ang takbo ng kongregasyon?

      ANG PUWEDE MONG GAWIN

      Sa bawat pagdalo mo sa Kingdom Hall, subukang kilalanin ang isang elder o ministeryal na lingkod hanggang sa makilala mo silang lahat pati ang pamilya nila.

  • Paano Kami Tinutulungan ng mga Tagapangasiwa ng Sirkito?
    Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon?
    • ARALIN 17

      Paano Kami Tinutulungan ng mga Tagapangasiwa ng Sirkito?

      Tagapangasiwa ng sirkito at ang kaniyang asawa

      Malawi

      Tagapangasiwa ng sirkito na nangunguna sa pagtitipon para sa paglilingkod

      Grupo sa paglilingkod

      Tagapangasiwa ng sirkito na nakikibahagi sa pangmadlang ministeryo

      Ministeryo sa larangan

      Tagapangasiwa ng sirkito na nakikipagpulong sa mga elder sa kongregasyon

      Pulong ng mga elder

      Madalas banggitin sa Kristiyanong Griegong Kasulatan sina Bernabe at apostol Pablo. Bilang mga naglalakbay na tagapangasiwa, dumadalaw sila noon sa mga kongregasyon. Bakit? Iniisip nila ang kapakanan ng kanilang mga kapatid sa espirituwal. Sinabi ni Pablo na gusto niyang “balikan . . . at dalawin ang mga kapatid” para kumustahin sila. Handa siyang maglakbay nang daan-daang kilometro para patibayin sila. (Gawa 15:36) Ganiyan din ang mga naglalakbay na tagapangasiwa sa ngayon.

      Pinapatibay nila kami. Ang mga tagapangasiwa ng sirkito ay dalawang beses na dumadalaw sa mga 20 kongregasyon taon-taon. Gumugugol sila ng isang linggo sa bawat pagdalaw. Nakikinabang kami nang husto sa karanasan ng mga kapatid na ito at ng kanilang asawa, kung mayroon man. Sinisikap nilang kilalanin ang lahat—bata’t matanda—at sabik silang sumama sa aming pangangaral at pagtuturo ng Bibliya. Nagpapastol din sila kasama ng mga elder. Pinalalakas nila kami sa pamamagitan ng nakapagpapatibay na mga pahayag sa mga pulong at asamblea.—Gawa 15:35.

      Nagpapakita sila ng interes sa lahat. Interesadong-interesado ang mga tagapangasiwa ng sirkito sa espirituwalidad ng mga kongregasyon. Nakikipagpulong sila sa mga elder at ministeryal na lingkod para tingnan ang pagsulong ng kongregasyon at magbigay ng praktikal na payo tungkol sa atas ng mga ito. Tinutulungan nila ang mga payunir na maging matagumpay sa ministeryo, at natutuwa silang makilala ang mga baguhan at marinig ang pagsulong ng mga ito. Ibinibigay nila ang kanilang sarili bilang mga “kamanggagawa para sa kapakanan [natin].” (2 Corinto 8:23) Dapat nating tularan ang kanilang pananampalataya at debosyon sa Diyos.—Hebreo 13:7.

      • Bakit dumadalaw sa mga kongregasyon ang mga tagapangasiwa ng sirkito?

      • Paano ka makikinabang sa kanilang pagdalaw?

      ANG PUWEDE MONG GAWIN

      Markahan sa iyong kalendaryo ang petsa ng susunod na pagdalaw ng tagapangasiwa ng sirkito sa kongregasyon para mapakinggan mo ang lahat ng pahayag niya sa Kingdom Hall. Kung gusto mong sumama siya o ang kaniyang asawa sa pag-aaral mo ng Bibliya, sabihin mo ito sa nagtuturo sa iyo.

  • Paano Kami Tumutulong sa mga Kapatid Naming Nangangailangan?
    Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon?
    • ARALIN 18

      Paano Kami Tumutulong sa mga Kapatid Naming Nangangailangan?

      Mga Saksi ni Jehova na nagbibigay ng tulong sa mga biktima ng sakuna sa Dominican Republic

      Dominican Republic

      Mga boluntaryo na nagtatayo ng nasirang Kingdom Hall sa Japan

      Japan

      Saksi ni Jehova na nagpapatibay-loob sa isang biktima ng sakuna sa Haiti

      Haiti

      Kapag may sakuna, kaming mga Saksi ni Jehova ay agad na tumutulong sa mga kapatid namin na naapektuhan. Ipinapakita nito na talagang mahal namin ang isa’t isa. (Juan 13:34, 5; 1 Juan 3:17, 18) Paano kami tumutulong?

      Nagbibigay kami ng donasyon. Noong magkaroon ng malaking taggutom sa Judea, ang mga Kristiyano sa Antioquia ay nagpadala ng pinansiyal na tulong sa kanilang mga kapatid sa espirituwal. (Gawa 11:27-30) Sa ngayon, kapag nababalitaan naming mayroon kaming mga kapatid sa ibang lugar na apektado ng sakuna, ang mga kongregasyon ay nagpapadala ng donasyon para makatulong sa kanila.—2 Corinto 8:13-15.

      Nagbibigay kami ng praktikal na tulong. Inaalam ng mga elder na nasa mga lugar na apektado ng sakuna ang kalagayan ng bawat miyembro ng kanilang kongregasyon. May mga relief committee na nagsasaayos ng paglalaan ng pagkain, malinis na tubig, damit, tuluyan, at mga gamot. Maraming may-kasanayang Saksi ang nagboboluntaryo sa relief work o sa pagkukumpuni ng nasirang mga bahay at Kingdom Hall. Dahil sa pagkakaisa namin at sa madalas na paggawa nang magkakasama, nakakakilos kami agad kapag may sakuna. Hindi lang ang ‘mga kapananampalataya namin’ ang tinutulungan namin. Tumutulong din kami sa iba, anuman ang relihiyon nila.—Galacia 6:10.

      Naglalaan kami ng espirituwal at emosyonal na tulong. Ang mga biktima ng sakuna ang lalo nang nangangailangan ng kaaliwan. Sa gayong mga pagkakataon, nakakakuha kami ng lakas kay Jehova, “ang Diyos na nagbibigay ng kaaliwan.” (2 Corinto 1:3, 4) Ibinabahagi namin sa mga napipighati ang kaaliwan mula sa Bibliya, gaya ng pangakong malapit nang alisin ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng trahedya na nagdudulot ng kirot at pagdurusa.—Apocalipsis 21:4.

      • Bakit nakatutulong agad ang mga Saksi kapag may mga sakuna?

      • Anong kaaliwan mula sa Bibliya ang ibinabahagi namin sa mga biktima ng sakuna?

  • Sino ang Tapat at Matalinong Alipin?
    Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon?
    • ARALIN 19

      Sino ang Tapat at Matalinong Alipin?

      Si Jesus habang nakikipag-usap sa kaniyang mga alagad
      Saksi ni Jehova na nag-aaral ng salig-Bibliyang publikasyon

      Lahat tayo ay nakikinabang sa inilalaang espirituwal na pagkain

      Dalawang miyembro ng lupong tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova

      Bago mamatay si Jesus, nakausap niya nang sarilinan ang apat sa kaniyang mga alagad—sina Pedro, Santiago, Juan, at Andres. Habang sinasabi niya sa kanila ang tanda ng kaniyang presensiya sa mga huling araw, nagharap siya ng mahalagang tanong: “Sino talaga ang tapat at matalinong alipin na inatasan ng panginoon niya sa mga lingkod ng sambahayan nito, para magbigay sa kanila ng pagkain sa tamang panahon?” (Mateo 24:3, 45; Marcos 13:3, 4) Tiniyak ni Jesus sa kaniyang mga alagad na bilang kanilang “panginoon,” may aatasan siya na patuloy na maglalaan ng espirituwal na pagkain para sa kaniyang mga tagasunod sa panahon ng kawakasan. Sino kaya ang bumubuo sa aliping ito?

      Isa itong maliit na grupo ng pinahirang mga tagasunod ni Jesus. Ang Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ang gumaganap bilang “alipin.” Ito ay nagbibigay ng napapanahong espirituwal na pagkain sa mga kasama nilang sumasamba kay Jehova. Umaasa kami sa tapat na alipin na ito para sa ‘kinakailangan naming pagkain sa tamang panahon.’—Lucas 12:42.

      Ito ang nangangasiwa sa sambahayan ng Diyos. (1 Timoteo 3:15) Ipinagkatiwala ni Jesus sa alipin ang mabigat na pananagutan na pangasiwaan ang gawain ng organisasyon ni Jehova dito sa lupa—pangangalaga sa materyal na mga pag-aari nito, pangunguna sa gawaing pangangaral, at pagtuturo sa amin sa pamamagitan ng kongregasyon. Ang “tapat at matalinong alipin” ay naglalaan ng angkop na espirituwal na pagkain sa tamang panahon sa pamamagitan ng mga publikasyong ginagamit namin sa ministeryo at ng mga programang inihaharap sa mga pulong at asamblea.

      Tapat ang alipin dahil hindi ito lumilihis sa katotohanan sa Bibliya at sinusunod nito ang utos na ipangaral ang mabuting balita. Matalino ding pinangangasiwaan ng aliping ito ang lahat ng bagay sa lupa na ipinagkatiwala rito ni Kristo. (Gawa 10:42) Kaya naman pinagpapala ito ni Jehova—dumarami ang bilang ng mga naaakay sa katotohanan at sagana itong nakapaglalaan ng espirituwal na pagkain.—Isaias 60:22; 65:13.

      • Sino ang inatasan ni Jesus para pakainin sa espirituwal ang kaniyang mga alagad?

      • Bakit masasabing tapat at matalino ang alipin?

  • Paano Nangangasiwa ang Lupong Tagapamahala Ngayon?
    Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon?
    • ARALIN 20

      Paano Nangangasiwa ang Lupong Tagapamahala Ngayon?

      Lupong tagapamahala noong unang siglo

      Lupong tagapamahala noong unang siglo

      Mga Kristiyano noong unang siglo na nagbabasa ng liham mula sa lupong tagapamahala

      Pagbasa sa liham ng lupong tagapamahala

      Noong unang siglo, isang maliit na grupo, “mga apostol at matatandang lalaki” sa Jerusalem, ang naglingkod bilang lupong tagapamahala para gumawa ng mahahalagang pasiya para sa buong kongregasyon ng mga pinahirang Kristiyano. (Gawa 15:2) Nagkakaisa sila sa pagpapasiya dahil isinasaalang-alang nila ang Kasulatan at nagpapaakay sila sa espiritu ng Diyos. (Gawa 15:25) Ganiyan din sa ngayon.

      Ginagamit ito ng Diyos para gawin ang kalooban niya. Ang mga pinahirang kapatid na lalaki na bumubuo sa Lupong Tagapamahala ay may matinding pagpapahalaga sa Salita ng Diyos at maraming karanasan sa organisasyonal at espirituwal na mga bagay. Bawat linggo, nagpupulong sila para pag-usapan ang pangangailangan ng mga kapatid nila sa buong daigdig. Gaya noong unang siglo, nagpapadala sila ng mga tagubiling batay sa Bibliya, sa pamamagitan ng mga liham o mga naglalakbay na tagapangasiwa at iba pa. Sa tulong nito, nagkakaisa ang mga lingkod ng Diyos sa pag-iisip at pagkilos. (Gawa 16:4, 5) Pinangungunahan ng Lupong Tagapamahala ang paghahanda ng espirituwal na pagkain, pinasisigla ang lahat na maging masigasig sa pangangaral, at pinangangasiwaan ang paghirang ng mga kapatid na lalaking mangunguna.

      Sumusunod ito sa patnubay ng espiritu ng Diyos. Ang Lupong Tagapamahala ay umaasa sa Kataas-taasan ng Uniberso, si Jehova, at sa Ulo ng kongregasyon, si Jesus. (1 Corinto 11:3; Efeso 5:23) Hindi itinuturing ng mga miyembro nito na sila ang mga lider ng bayan ng Diyos. Gaya rin ng lahat ng iba pang pinahirang Kristiyano, sila ay “patuloy na sumusunod sa Kordero [kay Jesus] saanman siya pumunta.” (Apocalipsis 14:4) Pinahahalagahan ng Lupong Tagapamahala kapag ipinapanalangin namin sila.

      • Sino ang bumubuo sa lupong tagapamahala noong unang siglo?

      • Paano humihingi ng patnubay sa Diyos ang Lupong Tagapamahala sa ngayon?

      ANG PUWEDE MONG GAWIN

      Basahin ang Gawa 15:1-35, at tingnan kung paano pinag-usapan at nilutas ng lupong tagapamahala noong unang siglo ang isang problema sa tulong ng Kasulatan at ng banal na espiritu.

  • Ano ang Bethel?
    Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon?
    • ARALIN 21

      Ano ang Bethel?

      Dalawang Saksi ni Jehova na nagtatrabaho sa Art Department sa Bethel

      Art Department, E.U.A.

      Saksi ni Jehova na nagtatrabaho sa printery ng Bethel sa Germany

      Germany

      Saksi ni Jehova na nagtatrabaho sa laundry ng Bethel sa Kenya

      Kenya

      Mga waiter na nag-aayos ng mesa sa dining room ng Bethel sa Colombia

      Colombia

      Ang Bethel, isang pangalang Hebreo, ay nangangahulugang “Bahay ng Diyos.” (Genesis 28:17, 19, talababa) Angkop na tawag ito sa mga pasilidad ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig kung saan inoorganisa at sinusuportahan ang gawaing pangangaral. Ang Lupong Tagapamahala ay nasa pandaigdig na punong-tanggapan sa New York, E.U.A. Doon, pinangangasiwaan ng lupon ang gawain ng mga tanggapang pansangay sa maraming bansa. Bilang isang grupo, ang mga naglilingkod sa mga pasilidad na ito ay tinatawag na pamilyang Bethel. Gaya ng isang pamilya, sila ay namumuhay, nagtatrabaho, kumakain, at nag-aaral ng Bibliya nang magkakasama at may pagkakaisa.—Awit 133:1.

      Isang natatanging lugar kung saan kusang-loob na naglilingkod ang mga miyembro ng pamilya. Sa bawat Bethel, may mga Kristiyano—lalaki’t babae—na buong-panahong gumagawa ng kalooban ng Diyos at naglilingkod para sa kapakanan ng Kaharian. (Mateo 6:33) Wala silang suweldo, pero kumpleto naman sila sa pangangailangan—kuwarto, pagkain, at allowance para sa personal na gastusin. Ang lahat ng nasa Bethel ay may atas—sa opisina, kusina, o dining room. Ang ilan ay nagtatrabaho sa printery, naglilinis ng mga kuwarto, naglalaba, nagmamantini, o gumagawa ng iba pang atas.

      Isang abalang lugar na sumusuporta sa pangangaral ng Kaharian. Ang pangunahing layunin ng bawat Bethel ay sikaping maipaabot ang katotohanan sa Bibliya sa pinakamaraming tao hangga’t maaari. Halimbawa, ang brosyur na ito ay isinulat sa ilalim ng pangangasiwa ng Lupong Tagapamahala. Ipinadala ito sa elektronikong paraan sa daan-daang grupo ng mga tagapagsalin sa buong daigdig, inilimbag sa mabibilis na makina sa mga pasilidad ng Bethel, at ipinadala sa mga 120,000 kongregasyon. Sa buong prosesong ito, malaking papel ang ginampanan ng mga pamilyang Bethel sa pinakamahalagang atas sa lahat—ang pangangaral ng mabuting balita.—Marcos 13:10.

      • Sino ang mga naglilingkod sa Bethel, at paano sila pinangangalagaan?

      • Anong mahalagang gawain ang sinusuportahan ng lahat ng Bethel?

  • Ano ang Ginagawa sa mga Tanggapang Pansangay?
    Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon?
    • ARALIN 22

      Ano ang Ginagawa sa mga Tanggapang Pansangay?

      Grupo ng mga lalaki na nag-oorganisa ng gawain para sa sangay sa Solomon Islands

      Solomon Islands

      Saksi ni Jehova na nagtatrabaho sa tanggapang pansangay sa Canada

      Canada

      Mga trak para sa pagde-deliver ng mga literatura

      South Africa

      Ang mga miyembro ng pamilyang Bethel ay naglilingkod sa iba’t ibang departamento, na sumusuporta sa gawaing pangangaral sa isa o higit pang bansa. Ang ilan sa kanila ay mga tagapagsalin. Ang iba naman ay nasa palimbagan ng magasin o warehouse ng mga literatura, gumagawa ng audio at video, o nag-aasikaso ng iba pang bagay para sa isang rehiyon.

      Isang Komite ng Sangay ang nangangasiwa sa gawain. Ipinagkatiwala ng Lupong Tagapamahala ang operasyon ng bawat tanggapang pansangay sa isang Komite ng Sangay, na binubuo ng tatlo o higit pang makaranasang mga elder. Ipinaaalam ng komite sa Lupong Tagapamahala ang pagsulong ng gawain at anumang problema sa bawat lupain na nasa ilalim ng kanilang sangay. Tumutulong ito sa Lupong Tagapamahala na magpasiya kung anong mga paksa ang dapat talakayin sa mga publikasyon, pulong, at mga asamblea. Ang Lupong Tagapamahala ay mayroon ding mga kinatawan na regular na dumadalaw sa mga sangay at nagbibigay ng payo at tagubilin sa mga Komite ng Sangay. (Kawikaan 11:14) Isang espesyal na programa, na may kasamang pahayag ng kinatawan ng punong-tanggapan, ang isinasaayos para patibayin ang mga nasa teritoryong sakop ng sangay.

      Sinusuportahan ang lokal na mga kongregasyon. Sa tanggapang pansangay inaaprobahan ang pagbuo ng bagong mga kongregasyon. Pinangangasiwaan din dito ang gawain ng mga payunir, misyonero, at mga tagapangasiwa ng sirkito sa mga teritoryong sakop ng sangay. Nag-oorganisa ang sangay ng mga asamblea at kombensiyon, nagsasaayos ng pagtatayo ng mga bagong Kingdom Hall, at tinitiyak nito na naipadadala sa mga kongregasyon ang mga suplay ng literatura. Ang lahat ng ginagawa sa sangay ay tumutulong para maging maayos at matagumpay ang gawaing pangangaral.—1 Corinto 14:33, 40.

      • Paano tumutulong sa Lupong Tagapamahala ang mga Komite ng Sangay?

      • Ano ang isinasagawa sa mga tanggapang pansangay?

      ANG PUWEDE MONG GAWIN

      Puwede kang mag-tour sa alinman sa mga tanggapang pansangay namin, Lunes hanggang Biyernes. Kapag dumadalaw sa sangay, magsuot ng damit na ginagamit mo sa pulong. Mapapatibay ang iyong pananampalataya kapag pumunta ka sa Bethel.

  • Paano Isinusulat at Isinasalin ang Aming mga Literatura?
    Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon?
    • ARALIN 23

      Paano Isinusulat at Isinasalin ang Aming mga Literatura?

      Nagtatrabaho sa Writing Department sa E.U.A.

      Writing Department, E.U.A.

      Grupo ng mga tagapagsalin sa South Korea

      South Korea

      Lalaki sa Armenia hawak ang isang aklat na isinalin ng mga Saksi ni Jehova

      Armenia

      Batang babae sa Burundi hawak ang isang aklat na isinalin ng mga Saksi ni Jehova

      Burundi

      Babae sa Sri Lanka hawak ang mga magasin na isinalin ng mga Saksi ni Jehova

      Sri Lanka

      Sa pagsisikap na ihayag ang “mabuting balita” sa “bawat bansa at tribo at wika at bayan,” naglalathala kami ng mga literatura sa mahigit 900 wika. (Apocalipsis 14:6) Paano namin ito nagagawa? Sa tulong ng mga manunulat mula sa iba’t ibang bansa at grupo ng mga tagapagsalin—lahat ay mga Saksi ni Jehova.

      Isinusulat ang materyal sa Ingles. Pinangangasiwaan ng Lupong Tagapamahala ang gawain ng Writing Department sa aming pandaigdig na punong-tanggapan. Isinasaayos ng departamentong ito ang atas ng mga manunulat sa punong-tanggapan at sa ilang tanggapang pansangay. Dahil nagmula sa iba’t ibang bansa ang mga manunulat, natatalakay sa aming mga publikasyon ang iba’t ibang paksang magugustuhan ng mga tao, anuman ang kanilang bansa o kultura.

      Ipinadadala ito sa mga tagapagsalin. Matapos i-edit at maaprobahan ang mga naisulat na materyal, ipinadadala ang mga ito sa elektronikong paraan sa mga grupo ng mga tagapagsalin sa buong daigdig. Nagtutulungan ang mga miyembro ng bawat grupo sa pagsasalin at pagtiyak na ito ay tumpak at naaayon sa gramatika. Sinisikap nilang maisalin nang “tumpak ang mga salita ng katotohanan” at maitawid ang buong kahulugan ng Ingles.—Eclesiastes 12:10.

      Pinabibilis ng computer ang proseso. Hindi mapapalitan ng computer ang mga taong manunulat at tagapagsalin. Pero mapabibilis nito ang kanilang gawain sa pamamagitan ng mga pantulong na gaya ng elektronikong diksyunaryo at mga materyal para sa pagsasaliksik. Nagdisenyo ang mga Saksi ni Jehova ng isang program na tinatawag na Multilanguage Electronic Publishing System (MEPS) kung saan ipinapasok ang materyal na naisalin sa daan-daang wika, inilalapat ang artwork, at inaayos para sa pag-iimprenta.

      Bakit namin sinisikap na gawin ang lahat ng ito, kahit para sa mga wikang sinasalita ng iilang libong tao lang? Dahil gusto ni Jehova na “maligtas ang lahat ng uri ng tao at magkaroon sila ng tumpak na kaalaman sa katotohanan.”—1 Timoteo 2:3, 4.

      • Paano isinusulat ang aming mga publikasyon?

      • Bakit namin isinasalin sa napakaraming wika ang aming mga literatura?

  • Saan Nagmumula ang Pondo ng Aming Pandaigdig na Gawain?
    Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon?
    • ARALIN 24

      Saan Nagmumula ang Pondo ng Aming Pandaigdig na Gawain?

      Nagbibigay ng kusang-loob na donasyon
      Mga Saksi ni Jehova na nangangaral

      Nepal

      Mga boluntaryo sa pagtatayo ng Kingdom Hall sa Togo

      Togo

      Mga boluntaryo na nagtatrabaho sa tanggapang pansangay sa Britain

      Britain

      Ang aming organisasyon ay naglalathala at namamahagi ng daan-daang milyong Bibliya at iba pang publikasyon taon-taon nang walang bayad. Nagtatayo kami at nagmamantini ng mga Kingdom Hall at tanggapang pansangay. Sinusuportahan namin ang libo-libong Bethelite at misyonero, at tumutulong kami kapag may sakuna. Kaya baka maitanong mo, ‘Saan nagmumula ang pondo ninyo?’

      Hindi kami nangongolekta, nagpapabayad, o nanghihingi ng ikapu. Kahit malaki ang nagagastos para sa aming gawaing pag-eebanghelyo, hindi kami nanghihingi ng pera. Mahigit sandaang taon na ang nakalilipas, sinabi ng ikalawang isyu ng magasing Watchtower na naniniwala kami na si Jehova ang sumusuporta sa amin at “hindi [kami] kailanman mamamalimos ni manghihingi ng tulong sa mga tao”—at hindi nga namin iyon ginawa!—Mateo 10:8.

      Ang mga gawain namin ay sinusuportahan ng kusang-loob na mga donasyon. Maraming tao ang nagpapahalaga sa aming gawaing pagtuturo na salig sa Bibliya, at nagbibigay sila ng donasyon para dito. Ang mga Saksi mismo ay masayang nagbibigay ng kanilang panahon, lakas, pera, at iba pang tinatangkilik para sa pagsasagawa ng kalooban ng Diyos sa buong lupa. (1 Cronica 29:9) Sa Kingdom Hall at sa aming mga asamblea at kombensiyon, may mga kahon ng kontribusyon para sa mga gustong magbigay ng donasyon. Puwede rin itong gawin sa pamamagitan ng aming website na jw.org®. Karaniwan na, ang donasyon ay nagmumula sa mga taong hindi naman mayaman, gaya ng mahirap na biyuda na pinuri ni Jesus kahit naghulog lang ito ng dalawang maliliit na barya sa kabang-yaman ng templo. (Lucas 21:1-4) Kaya ang sinuman ay maaaring regular na “magbukod” para magbigay “nang mula sa puso.”—1 Corinto 16:2; 2 Corinto 9:7.

      Kumbinsido kami na patuloy na pakikilusin ni Jehova ang puso ng mga gustong ‘parangalan siya sa pamamagitan ng mahahalagang pag-aari nila’ bilang pagsuporta sa gawaing pang-Kaharian para matupad ang kalooban niya.—Kawikaan 3:9.

      • Ano ang pagkakaiba ng aming organisasyon at ng ibang relihiyon?

      • Saan ginagamit ang kusang-loob na mga donasyon?

  • Bakit at Paano Itinatayo ang mga Kingdom Hall?
    Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon?
    • ARALIN 25

      Bakit at Paano Itinatayo ang mga Kingdom Hall?

      Mga boluntaryo sa pagtatayo ng Kingdom Hall sa Bolivia

      Bolivia

      Lumang Kingdom Hall sa Nigeria
      Bagong Kingdom Hall sa Nigeria

      Nigeria, bago at pagkatapos

      Pagtatayo ng Kingdom Hall sa Tahiti

      Tahiti

      Gaya ng ipinapakita ng pangalang Kingdom Hall, ang pangunahing salig-Bibliyang turo na tinatalakay roon ay ang Kaharian ng Diyos—ang tema ng ministeryo ni Jesus.—Lucas 8:1.

      Sentro ng tunay na pagsamba sa komunidad. Sa Kingdom Hall isinasaayos ng mga Saksi ni Jehova ang pangangaral ng mabuting balita tungkol sa Kaharian. (Mateo 24:14) Iba-iba ang laki at disenyo ng mga Kingdom Hall, pero lahat ay simple lang. Marami sa mga ito ang ginagamit ng dalawa o higit pang kongregasyon. Nitong nakalipas na mga taon, nakapagtayo kami ng sampu-sampung libong bagong Kingdom Hall (mga lima bawat araw) para makaalinsabay sa pagdami ng mga kongregasyon. Paano ito naging posible?—Mateo 19:26.

      Itinatayo mula sa mga donasyon. Ang mga donasyong ito ay ipinadadala sa tanggapang pansangay para magamit ng mga kongregasyon na kailangang magtayo o magpaayos ng Kingdom Hall.

      Itinatayo ng walang-bayad na mga boluntaryo na iba’t iba ang kalagayan sa buhay. Sa maraming lupain, may inoorganisang mga Kingdom Hall Construction Group. Mga grupo ito ng construction servant at boluntaryo na lumilipat-lipat ng kongregasyon sa isang bansa, kahit sa mga liblib na lugar, para tumulong sa mga kongregasyon sa pagtatayo ng kanilang Kingdom Hall. Sa ibang lupain naman, inaatasan ang kuwalipikadong mga Saksi para mangasiwa sa pagtatayo at pagkukumpuni ng mga Kingdom Hall sa isang partikular na rehiyon. Maraming may-kasanayang manggagawa mula sa rehiyon ang nagboboluntaryo, pero karamihan ng nagtatrabaho sa bawat proyekto ay mga miyembro ng kongregasyong gagamit sa itinatayong Kingdom Hall. Ang lahat ng ito ay naging posible sa tulong ng espiritu ni Jehova at sa buong-kaluluwang pagsisikap ng kaniyang bayan.—Awit 127:1; Colosas 3:23.

      • Bakit tinatawag na Kingdom Hall ang aming mga lugar ng pagsamba?

      • Paano naging posible na magtayo ng mga Kingdom Hall sa buong daigdig?

  • Paano Namin Minamantini ang Aming Kingdom Hall?
    Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon?
    • ARALIN 26

      Paano Namin Minamantini ang Aming Kingdom Hall?

      Mga Saksi ni Jehova na naglilinis ng kanilang Kingdom Hall sa Estonia

      Estonia

      Mga Saksi ni Jehova na naglilinis ng kanilang Kingdom Hall sa Zimbabwe

      Zimbabwe

      Saksi ni Jehova na nagkukumpuni ng Kingdom Hall sa Mongolia

      Mongolia

      Saksi ni Jehova na nagpipintura ng Kingdom Hall sa Puerto Rico

      Puerto Rico

      Makikita sa bawat Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova ang banal na pangalan ng Diyos. Kaya para sa amin, ang pagpapanatili nitong malinis, presentable, at maayos ay isang pribilehiyo at mahalagang bahagi ng aming sagradong pagsamba. Ang lahat ay puwedeng makibahagi.

      Nagboboluntaryo kaming maglinis pagkatapos ng pulong. Pagkatapos ng bawat pulong, ang mga kapatid ay naglilinis sa Kingdom Hall. Pero isang beses sa isang linggo, mas nililinis itong mabuti. Isang elder o ministeryal na lingkod ang nangangasiwa sa paglilinis. Karaniwan nang may sinusundan siyang checklist sa paggawa nito. Ang ilang boluntaryo ay nagwawalis, naglalampaso, nagpupunas, nag-aayos ng upuan, o nagtatapon ng basura. Ang iba naman ay naglilinis ng CR, mga bintana at salamin, o bakuran o labas ng Kingdom Hall. May iniiskedyul ding general cleaning bawat taon. Kasama namin sa paglilinis ang aming mga anak kaya natuturuan namin silang igalang ang aming lugar ng pagsamba.—Eclesiastes 5:1.

      Tumutulong kami sa kinakailangang pagkukumpuni. Taon-taon, iniinspeksiyon ang loob at labas ng Kingdom Hall. Regular itong ginagawa para makita ang kailangang ayusin, maagapan ang mga sira, at maiwasan ang di-kinakailangang gastusin. (2 Cronica 24:13; 34:10) Dapat lang na maging malinis at mamantini ang Kingdom Hall dahil ginagamit ito sa pagsamba sa aming Diyos. Kapag nakikibahagi kami sa gawaing ito, ipinapakita naming malapít sa puso namin si Jehova at ang aming lugar ng pagsamba. (Awit 122:1) Nagdudulot din ito ng magandang impresyon sa komunidad.—2 Corinto 6:3.

      • Bakit hindi namin dapat pabayaan ang aming lugar ng pagsamba?

      • Paano namin pinananatiling malinis ang Kingdom Hall?

  • Ano ang Maitutulong sa Atin ng Library ng Kingdom Hall?
    Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon?
    • ARALIN 27

      Ano ang Maitutulong sa Atin ng Library ng Kingdom Hall?

      Lalaking nasa library ng Kingdom Hall

      Israel

      Saksi ni Jehova na nagtuturo sa isang kabataan kung paano mag-research

      Czech Republic

      Batang babae na nagsusulat ng pangalan niya sa kaniyang songbook

      Benin

      Lalaking gumagamit ng Watchtower Library, isang pantulong sa pagre-research

      Cayman Islands

      Gusto mo bang mag-research para lumalim ang kaalaman mo sa Bibliya? May tanong ka ba tungkol sa isang teksto o isang tao, lugar, o bagay na binabanggit sa Bibliya? May problema ka ba na gusto mong hanapan ng sagot sa Salita ng Diyos? Malamang na makatulong sa iyo ang library ng Kingdom Hall.

      Mayroon ditong mga pantulong sa pagre-research. Baka hindi ka kumpleto ng salig-Bibliyang mga publikasyon ng mga Saksi ni Jehova na makukuha sa iyong wika. Karamihan ng bagong mga publikasyon ay nasa library ng Kingdom Hall. Baka mayroon din ditong iba’t ibang salin ng Bibliya, diksyunaryo, at iba pang reperensiya. Bago at pagkatapos ng pulong, maaari kang pumunta sa library. Kung may computer doon, baka may Watchtower Library iyon. Isa itong program sa computer na naglalaman ng malaking koleksiyon ng aming mga publikasyon. Mayroon din itong search feature, kung saan puwede kang maghanap ng reperensiya tungkol sa isang paksa, salita, o teksto.

      Malaking tulong ito sa mga estudyante ng Pulong Para sa Buhay at Ministeryo. Baka makatulong sa iyo ang library ng Kingdom Hall kapag naghahanda ng iyong bahagi. Ang tagapangasiwa ng Pulong Para sa Buhay at Ministeryo ang nangangasiwa sa library. Tinitiyak niya na kumpleto sa pinakabagong mga publikasyon ang library at na nakaayos ang mga ito. Puwede ka niyang tulungan, o ng nagtuturo sa iyo ng Bibliya, na mag-research. Pero hindi dapat maglabas ng aklat mula sa Kingdom Hall. At siyempre, gusto nating maging maingat sa mga aklat at huwag markahan ang mga ito.

      Ayon sa Bibliya, para ‘matagpuan natin ang kaalaman tungkol sa Diyos,’ dapat na handa natin itong hukayin “gaya ng nakatagong kayamanan.” (Kawikaan 2:1-5) Makatutulong sa iyo ang library ng Kingdom Hall sa pagre-research na iyan.

      • Anong mga pantulong sa pagre-research ang makikita mo sa library ng Kingdom Hall?

      • Sino ang makatutulong sa iyo sa paggamit ng library?

      ANG PUWEDE MONG GAWIN

      Kung gusto mong magkaroon ng sariling library, tingnan kung anong mga publikasyon ang makukuha sa literature counter. Maaari kang magtanong sa nagtuturo sa iyo ng Bibliya kung aling mga publikasyon ang magandang unang kunin.

  • Ano ang Nasa Website Namin?
    Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon?
    • ARALIN 28

      Ano ang Nasa Website Namin?

      Babae na nagre-research sa kaniyang laptop

      France

      Mag-ama na gumagamit ng computer

      Poland

      Babae na nanonood ng sign language video sa Internet

      Russia

      Sinabi ni Jesu-Kristo sa mga tagasunod niya: “Pasikatin . . . ninyo ang inyong liwanag sa mga tao, para makita nila ang mabubuting ginagawa ninyo at purihin ang inyong Ama na nasa langit.” (Mateo 5:16) Para maisakatuparan ito, gumagamit kami ng modernong teknolohiya, kasama na ang Internet. Ang jw.org® ang opisyal na website ng mga Saksi ni Jehova. Dito makakakuha ng impormasyon sa Internet tungkol sa aming mga paniniwala at gawain. Ano ang makikita rito?

      Ang sagot ng Bibliya sa mahahalagang tanong. Makikita mo rito ang sagot sa ilan sa mahahalagang tanong ng mga tao. Halimbawa, ang mga tract na Matatapos Pa Ba ang Pagdurusa? at Puwede Pa Bang Mabuhay ang mga Patay? ay available online sa mahigit 900 wika. Mababasa mo rin doon ang Bagong Sanlibutang Salin sa mahigit 160 wika at ang iba pang pantulong sa pag-aaral ng Bibliya, pati na ang aklat na Ano ang Itinuturo sa Atin ng Bibliya? at ang pinakabagong mga isyu ng Bantayan at Gumising! Marami sa mga publikasyong ito ang mababasa o mapapakinggan online o mada-download sa mga format na MP3, PDF, o EPUB. Puwede ka pa ngang mag-print ng ilang pahina na maibabahagi mo sa isang interesadong tao sa sarili niyang wika! May makukuha ring mga video sa maraming wikang pasenyas. May mada-download ka rin na audio drama ng pagbabasa ng Bibliya, drama sa Bibliya, at magagandang musika.

      Maaasahang impormasyon tungkol sa mga Saksi ni Jehova. Makikita rin sa website ang pinakabagong mga balita at video clip tungkol sa aming pandaigdig na gawain, mga pangyayaring nakaaapekto sa mga Saksi ni Jehova, at ang mga ginagawa naming pagtulong. May impormasyon din tungkol sa dumarating na mga kombensiyon at detalye kung paano makokontak ang aming mga tanggapang pansangay.

      Sa tulong nito, napasisikat namin ang liwanag ng katotohanan sa pinakamalalayong lugar sa daigdig. Nakikinabang ang mga tao sa lahat ng kontinente, kasama na ang Antartiko. Dalangin namin na “ang salita ni Jehova ay mabilis na lumaganap” sa buong lupa para sa ikaluluwalhati ng Diyos.—2 Tesalonica 3:1.

      • Paano nakatutulong ang jw.org para malaman ng mas maraming tao ang katotohanan sa Bibliya?

      • Ano ang gusto mong tingnan sa aming website?

      BABALA:

      Ang ilang mánanalansáng ay gumagawa ng mga website para magkalat ng maling impormasyon tungkol sa aming organisasyon. Gusto nilang hadlangan ang mga tao na maglingkod kay Jehova. Dapat nating iwasan ang mga website na ito.—Awit 1:1; 26:4; Roma 16:17.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share