Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Ano ang Maaasahan Mo sa Aming mga Pulong?
    Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon?
    • ARALIN 5

      Ano ang Maaasahan Mo sa Aming mga Pulong?

      Mga Saksi ni Jehova sa isang Kingdom Hall sa Argentina

      Argentina

      Pulong ng mga Saksi ni Jehova sa Sierra Leone

      Sierra Leone

      Pulong ng mga Saksi ni Jehova sa Belgium

      Belgium

      Pulong ng mga Saksi ni Jehova sa Malaysia

      Malaysia

      Marami ang huminto na sa pagsisimba dahil wala naman silang nakukuhang espirituwal na gabay o kaaliwan. Kung gayon, ano ang dahilan para dumalo ka sa mga Kristiyanong pagpupulong ng mga Saksi ni Jehova?

      Masisiyahan kang makasama ang mga taong mapagmahal at mapagmalasakit. Noong unang siglo, ang mga Kristiyano sa bawat kongregasyon ay nagtitipon para sumamba sa Diyos, mag-aral ng Kasulatan, at patibayin ang isa’t isa. (Hebreo 10:24, 25) Dahil nangingibabaw ang pag-ibig sa mga pagtitipong iyon, damang-dama nilang may tunay silang mga kaibigan—ang kanilang espirituwal na mga kapatid. (2 Tesalonica 1:3; 3 Juan 14) Iyan din ang maaasahan mo sa mga pulong namin sa ngayon.

      Matututuhan mo kung paano sundin ang mga simulain sa Bibliya. Gaya noong panahon ng Bibliya, sama-sama rin sa mga pulong ang mga lalaki, babae, at mga bata. Gumagamit ng Bibliya ang mga kuwalipikadong guro para tulungan tayong sundin ang mga simulain nito sa araw-araw. (Deuteronomio 31:12; Nehemias 8:8) Ang lahat ay maaaring makibahagi sa talakayan at pag-awit. Pagkakataon natin ito para maipahayag ang ating pag-asa.—Hebreo 10:23.

      Mapapatibay ang iyong pananampalataya sa Diyos. Sinabi ni apostol Pablo sa isa sa mga kongregasyon noon: “Nananabik akong makita kayo . . . para makapagpatibayan tayo ng pananampalataya.” (Roma 1:11, 12) Sa mga pulong, ang regular na pakikipagsamahan sa mga kapatid ay magpapatibay sa ating pananampalataya at determinasyong mamuhay bilang Kristiyano.

      Gusto mo bang maranasan ang mga nabanggit? Bakit hindi ka dumalo sa susunod naming pagpupulong? Malugod ka naming tatanggapin. Ang lahat ng pulong ay walang bayad at walang koleksiyon.

      • Ano ang sinusunod naming halimbawa para sa aming mga pulong?

      • Ano ang kapakinabangan ng pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong?

      ANG PUWEDE MONG GAWIN

      Kung gusto mo munang makita ang aming Kingdom Hall bago ka dumalo, puwede mong hilingin sa isang Saksi ni Jehova na ipasyal ka roon.

  • Bakit Kami Nakikipagsamahan sa Aming mga Kapananampalataya?
    Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon?
    • ARALIN 6

      Bakit Kami Nakikipagsamahan sa Aming mga Kapananampalataya?

      Mga Saksi ni Jehova na nakikipagsamahan sa kanilang kapananampalataya

      Madagascar

      Saksi ni Jehova na tumutulong sa kapuwa Kristiyano

      Norway

      Kristiyanong mga elder na dumadalaw sa kapananampalataya

      Lebanon

      Mga Saksi ni Jehova na nakikipagsamahan sa isa’t isa

      Italy

      Kahit kailangan naming maglakbay sa masukal na kagubatan o sumuong sa masamang panahon, regular kaming dumadalo sa mga pulong. Sa kabila ng pagod at iba pang problema, bakit sinisikap ng mga Saksi ni Jehova na makipagsamahan sa kanilang kapuwa Kristiyano?

      Nakatutulong ito para maging mas mabuting tao kami. Sumulat si Pablo sa mga miyembro ng kongregasyon: “Isipin natin ang isa’t isa.” (Hebreo 10:24) Sa pananalitang ito, pinasisigla tayo ng apostol na magmalasakit sa iba at kilalanin ang isa’t isa. Habang sinisikap naming kilalanin ang ibang miyembro ng kongregasyon, nakikita naming may mga problema rin silang gaya ng sa amin. Pero matagumpay nilang nahaharap ang mga ito. Kaya natutulungan nila kaming magtagumpay rin.

      Nakakabuo kami ng matibay na pagkakaibigan. Sa mga pulong, malalapít na kaibigan ang turing namin sa isa’t isa, hindi lang basta kakilala. Kung minsan, naglilibang din kaming magkakasama. Ano ang mabuting epekto ng gayong pakikipagsamahan? Lalo naming napahahalagahan ang isa’t isa at lumalalim ang pag-ibig na nagbubuklod sa amin. At dahil sa aming pagkakaibigan, hindi kami nag-aatubiling tulungan ang isa’t isa kapag may problema. (Kawikaan 17:17) Habang nakakasama namin ang mga miyembro ng aming kongregasyon, naipapakita namin ang ‘pagmamalasakit sa isa’t isa.’—1 Corinto 12:25, 26.

      Pinasisigla ka naming humanap ng mga kaibigang gumagawa ng kalooban ng Diyos, gaya ng mga Saksi ni Jehova. Huwag mo sanang hayaan na may makahadlang sa pakikipagkaibigan mo sa amin.

      • Ano ang mabuting epekto ng pakikipagsamahan sa mga pagpupulong?

      • Kailan mo gustong dumalo sa isa naming pagpupulong at makilala ang mga Saksi?

  • Paano Ginaganap ang Aming mga Pulong?
    Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon?
    • ARALIN 7

      Paano Ginaganap ang Aming mga Pulong?

      Pulong ng mga Saksi ni Jehova sa New Zealand

      New Zealand

      Pulong ng mga Saksi ni Jehova sa Japan

      Japan

      Batang Saksi na nagbabasa ng Bibliya sa Uganda

      Uganda

      Dalawang Saksi sa Lithuania na nagtatanghal kung paano ipapakipag-usap ang Bibliya

      Lithuania

      Ang mga Kristiyano noon ay umaawit, nananalangin, at nagbabasa’t tumatalakay ng Kasulatan sa kanilang mga pulong. (1 Corinto 14:26) Wala silang anumang ritwal. Ganiyang-ganiyan din sa aming mga pulong.

      Ang itinuturo ay praktikal at batay sa Bibliya. Tuwing Sabado o Linggo, bawat kongregasyon ay nagpupulong para makinig ng 30-minutong pahayag na salig sa Bibliya. Tinatalakay rito ang kaugnayan ng Kasulatan sa ating buhay at sa mga kaganapan sa ngayon. Lahat kami ay pinasisiglang sumubaybay sa sarili naming Bibliya. Kasunod nito ang isang-oras na Pag-aaral sa “Bantayan,” kung saan malayang nakikibahagi ang mga miyembro ng kongregasyon sa pagtalakay ng isang artikulo sa edisyon para sa pag-aaral ng Bantayan. Natututuhan namin dito kung paano susundin ang payo ng Bibliya sa aming buhay. Pinag-aaralan ito sa mga 120,000 kongregasyon sa buong daigdig.

      Sinasanay kami na maging bihasang mga guro. May ginaganap din kaming isa pang pulong bawat linggo. Nahahati ito sa tatlong bahagi at tinatawag na Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano. Nakabatay ito sa materyal na nasa buwanang Workbook sa Buhay at Ministeryo. Ang unang bahagi ng pulong, Kayamanan Mula sa Salita ng Diyos, ay tumutulong sa amin na maging pamilyar sa isang bahagi ng Bibliya na patiuna nang binasa ng kongregasyon. Ang ikalawa, Maging Mahusay sa Ministeryo, ay may mga pagtatanghal kung paano ipapakipag-usap ang Bibliya sa iba. Isang tagapayo ang tutulong sa amin na mapasulong ang aming kakayahan sa pagbabasa at pagsasalita. (1 Timoteo 4:13) Tinatalakay sa huling bahagi, Pamumuhay Bilang Kristiyano, kung paano praktikal na ikakapit ang mga simulain sa Bibliya sa araw-araw. Mayroon din itong tanong-sagot na talakayan na nagpapalalim ng aming unawa sa Bibliya.

      Kapag dumalo ka sa aming mga pulong, tiyak na hahangaan mo ang kalidad ng edukasyon sa Bibliya na matatanggap mo.—Isaias 54:13.

      • Ano ang maaasahan mong marinig sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova?

      • Anong pulong namin ang gusto mong daluhan?

      ANG PUWEDE MONG GAWIN

      Suriin ang ilan sa mga materyal na tatalakayin sa susunod na mga pulong. Tingnan kung ano ang puwede mong magamit sa iyong pang-araw-araw na buhay.

  • Paano Kami Nananamit sa Aming mga Pulong?
    Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon?
    • ARALIN 8

      Paano Kami Nananamit sa Aming mga Pulong?

      Mag-ama na gumagayak bago dumalo sa pulong ng kongregasyon

      Iceland

      Mag-ina na gumagayak para sa pulong

      Mexico

      Mga Saksi ni Jehova sa Guinea-Bissau na bihis na bihis

      Guinea-Bissau

      Pamilya sa Pilipinas na naglalakad papunta sa pulong

      Pilipinas

      Napansin mo ba sa mga larawan kung paano manamit ang mga Saksi ni Jehova kapag dumadalo sa mga pulong? Bakit napakahalaga sa amin ng marangal at mahinhing pananamit at pag-aayos?

      Pagpapakita ito ng paggalang sa aming Diyos. Totoo, hindi panlabas na anyo ang tinitingnan ng Diyos. (1 Samuel 16:7) Pero gusto naming magpakita ng paggalang sa kaniya at sa aming mga kapananampalataya kapag nagtitipon kami para sumamba. Kung aanyayahan tayo ng isang hari o presidente sa kaniyang tahanan, tiyak na mananamit tayo nang maayos bilang paggalang sa kaniyang mataas na posisyon. Ang Diyos na Jehova ang “Hari ng mga bansa,” kaya nararapat lang kaming manamit nang maayos bilang paggalang sa kaniya at sa lugar ng aming pagsamba.—Jeremias 10:7.

      May sinusunod kaming mataas na pamantayan. Pinasisigla ng Bibliya ang mga Kristiyano na magpakita ng “kahinhinan at matinong pag-iisip” sa pananamit nila. (1 Timoteo 2:9, 10) Ang pananamit nang may “kahinhinan” ay nangangahulugan na hindi magsusuot ang isa ng damit na malaswa at mapang-akit. At para maipakita ang “matinong pag-iisip,” iiwasan din niya ang istilong burara at takaw-pansin. Tutal, marami pa rin namang istilo ng damit na mapagpipilian. Sa pamamagitan ng aming marangal at mahinhing pananamit at pag-aayos, lalo na sa mga pulong, ‘nagdudulot kami ng papuri sa turo ng ating Tagapagligtas’ at ‘naluluwalhati namin ang Diyos.’ (Tito 2:10; 1 Pedro 2:12) Naipapakita namin sa iba kung ano ang dapat na maging pananaw nila sa pagsamba kay Jehova.

      Huwag kang mahiyang dumalo dahil wala kang pormal na damit. Hindi rin naman kailangang mamahalin ang damit mo. Ang mahalaga, ito ay angkop, malinis, at presentable.

      • Gaano kahalaga ang ating pananamit kapag sumasamba sa Diyos?

      • Anong mga simulain ang dapat gumabay sa ating istilo ng pananamit at pag-aayos?

  • Paano Tayo Makapaghahandang Mabuti Para sa mga Pulong?
    Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon?
    • ARALIN 9

      Paano Tayo Makapaghahandang Mabuti Para sa mga Pulong?

      Saksi ni Jehova na nag-aaral para sa pulong ng kongregasyon

      Cambodia

      Saksi ni Jehova na nag-aaral para sa pulong ng kongregasyon
      Saksi ni Jehova na nakikibahagi sa pulong ng kongregasyon

      Ukraine

      Kung nakikipag-aral ka ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, malamang na naghahanda ka bago kayo mag-aral. Maganda kung gagawin mo rin iyan bago ka dumalo sa mga pulong. At lalong maganda kung gagawin mo iyan nang regular.

      Alamin kung kailan at saan ka mag-aaral. Kailan ka mas nakakapagpokus? Sa umaga ba, bago magtrabaho? O sa gabi, kapag tulóg na ang mga bata? Maglaan ng panahon sa pag-aaral, kahit maikli lang, at huwag hayaan ang anuman na umagaw sa panahong iyan. Mag-aral sa tahimik na lugar, at alisin ang lahat ng panggambala—patayin ang radyo, TV, at cellphone. Manalangin bago mag-aral. Makatutulong ito sa iyo na malimutan ang mga álalahanín sa buong araw at makapagpokus sa pag-aaral ng Salita ng Diyos.—Filipos 4:6, 7.

      Markahan ang materyal na pag-aaralan at maghanda ng sagot. Tingnan muna ang kabuoang tema ng pag-aaralan mo. Pag-isipan ang pamagat ng artikulo o kabanata, at tingnan kung paano nauugnay ang bawat subtitulo sa kabuoang tema. Suriin ang mga larawan at ang mga tanong para sa repaso na nagdiriin sa pangunahing mga punto. Pagkatapos, basahin ang bawat parapo at hanapin ang sagot sa tanong. Hanapin at basahin ang mga tekstong nabanggit at isipin kung paano ito nauugnay sa pinag-aaralan mo. (Gawa 17:11) Kapag alam mo na ang sagot sa tanong, guhitan o markahan ang ilang susing salita o parirala na magpapaalaala sa iyo ng sagot. Sa panahon ng pulong, puwede kang magtaas ng kamay at magbigay ng maikling komento sa sarili mong salita.

      Kapag naghahanda ka linggo-linggo para sa mga pulong, nadaragdagan ang iyong “imbakan ng kayamanan” ng kaalaman sa Bibliya.—Mateo 13:51, 52.

      • Anong magandang iskedyul ang puwede mong sundin para sa paghahanda sa mga pulong?

      • Paano ka makapaghahanda ng sagot para sa mga pulong?

      ANG PUWEDE MONG GAWIN

      Sundin ang mga hakbang sa itaas at paghandaan ang Pag-aaral sa Bantayan o Pag-aaral ng Kongregasyon sa Bibliya. Sa tulong ng nagtuturo sa iyo ng Bibliya, maghanda ng puwede mong isagot sa pulong.

  • Ano ang Pampamilyang Pagsamba?
    Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon?
    • ARALIN 10

      Ano ang Pampamilyang Pagsamba?

      Pampamilyang pagsamba

      South Korea

      Mag-asawang nag-aaral ng Bibliya

      Brazil

      Saksi ni Jehova na nag-aaral ng Bibliya

      Australia

      Pamilya na nag-aaral ng Bibliya

      Guinea

      Noon pa man, gusto na ni Jehova na maglaan ng panahon sa isa’t isa ang magkakapamilya para mapatibay ang kanilang buklod at ang kanilang kaugnayan sa Diyos. (Deuteronomio 6:6, 7) Iyan ang dahilan kung bakit linggo-linggo, ang mga Saksi ni Jehova ay naglalaan ng espesipikong panahon para sumamba bilang isang pamilya. Isa itong relaks na talakayan tungkol sa espirituwal na mga bagay na partikular nilang kailangan. Kahit nag-iisa ka, puwede mo pa ring gamitin ang panahong iyan para sa Diyos. Maaari kang pumili ng paksa sa Bibliya na gusto mong pag-aralan.

      Pagkakataon ito na mapalapít kay Jehova. “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.” (Santiago 4:8) Lalo nating nakikilala si Jehova sa tulong ng kaniyang nasusulat na Salita. Nalalaman natin dito ang kaniyang personalidad at mga pagkilos. Ang isang simpleng paraan para masimulan ang pampamilyang pagsamba ay ang malakas at sama-samang pagbabasa ng Bibliya, marahil ng bahaging tatalakayin sa Pulong Para sa Buhay at Ministeryo. Puwedeng atasan ang bawat miyembro ng isang bahaging babasahin niya. Pagkatapos, tatalakayin ng buong pamilya ang mga natutuhan nila.

      Pagkakataon ito na mapalapít sa isa’t isa ang magkakapamilya. Tumitibay ang buklod ng mag-asawa, gayundin ng magulang at anak, kapag nag-aaral sila ng Bibliya bilang isang pamilya. Dapat na maging masaya at kapana-panabik ang panahong ito. Ang mga magulang ay maaaring pumili ng paksang pag-aaralan mula sa Bantayan at Gumising! o mula sa aming website na jw.org®, depende sa edad ng kanilang mga anak. Puwede ninyong pag-usapan ang problema ng inyong mga anak sa eskuwela at kung paano nila ito haharapin. Bakit hindi kayo manood ng isang programa sa JW Broadcasting® (tv.jw.org) at pagkatapos ay pag-usapan iyon? Baka gusto rin ninyong praktisin ang mga awit na gagamitin sa pulong. Pagkatapos nito, puwede kayong magmeryenda.

      Tutulong ang espesyal na gabi ng pampamilyang pagsamba para masiyahan ang bawat miyembro ng pamilya sa pag-aaral ng Salita ng Diyos. Saganang pagpapalain ni Jehova ang inyong pagsisikap.—Awit 1:1-3.

      • Bakit dapat tayong maglaan ng panahon para sa pampamilyang pagsamba?

      • Paano gagawing kasiya-siya ng mga magulang ang panahong ito?

      ANG PUWEDE MONG GAWIN

      Magtanong sa ibang mga pamilya sa kongregasyon kung paano nila isinasagawa ang kanilang pampamilyang pagsamba. Maghanap din sa Kingdom Hall ng iba pang publikasyong magagamit sa pagtuturo sa iyong mga anak tungkol kay Jehova.

  • Bakit Kami Nagdaraos ng Malalaking Asamblea?
    Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon?
    • ARALIN 11

      Bakit Kami Nagdaraos ng Malalaking Asamblea?

      Panrehiyong kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Mexico

      Mexico

      Paglalabas ng bagong publikasyon sa panrehiyong kombensiyon sa Germany

      Germany

      Panrehiyong kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Botswana

      Botswana

      Pagbabautismo sa isang kabataan sa Nicaragua

      Nicaragua

      Drama sa panrehiyong kombensiyon sa Italy

      Italy

      Bakit napakasaya ng mga tao sa larawan? Kasi nasa isang asamblea sila ng mga Saksi ni Jehova. Tinagubilinan ng Diyos ang mga lingkod niya noon na magtipon-tipon tatlong beses sa isang taon. (Deuteronomio 16:16) Gaya nila, pinananabikan namin ang ganito kalaking mga pagtitipon. Taon-taon, nagdaraos din kami ng tatlong malalaking pagpupulong: dalawang pansirkitong asamblea na tig-isang araw at isang panrehiyong kombensiyon na ginaganap nang tatlong araw. Bakit kapaki-pakinabang ang mga pagtitipong ito?

      Pinapatibay ng mga ito ang aming kapatirang Kristiyano. Gaya ng mga Israelita na masayang pumupuri kay Jehova sa mga “pagtitipon,” nasisiyahan din kaming sambahin ang Diyos sa malalaking pagtitipon. (Awit 26:12, talababa; 111:1) Dito, nagkakaroon kami ng pagkakataon na makilala ang mga Saksi mula sa ibang kongregasyon o lupain. Sa tanghali, sama-sama kaming kumakain sa lugar ng asamblea kaya nagiging mas masaya ang ganitong mga pagtitipon. (Gawa 2:42) Damang-dama namin dito ang pag-ibig na nagbubuklod sa aming “buong samahan ng mga kapatid” sa buong mundo.—1 Pedro 2:17.

      Tinutulungan kami ng mga ito na sumulong sa espirituwal. Nakinabang din ang mga Israelita “dahil naintindihan nila ang mga bagay na ipinaliwanag sa kanila” mula sa Kasulatan. (Nehemias 8:8, 12) Sa ngayon, nagpapasalamat din kami sa paliwanag sa Bibliya na natatanggap namin sa mga asamblea. Bawat programa ay nakabatay sa Kasulatan. Sa tulong ng mga pahayag, simposyum, at pagsasadula, nalalaman namin ang kalooban ng Diyos. Napapatibay kami sa mga karanasan ng mga Kristiyanong nakapanatiling tapat sa kabila ng matitinding pagsubok. Sa mga panrehiyong kombensiyon, may mga drama na nagbibigay-buhay sa mga ulat ng Bibliya at nagtuturo sa amin ng praktikal na mga aral. Sa bawat malaking pagtitipon, binabautismuhan ang mga taong nag-alay na ng kanilang buhay sa Diyos.

      • Bakit masayang okasyon ang mga asamblea?

      • Bakit kapaki-pakinabang ang pagdalo sa isang asamblea?

      ANG PUWEDE MONG GAWIN

      Para makilala mo kami nang higit, puwede kang dumalo sa susunod naming asamblea. Maaaring ipakita ng nagtuturo sa iyo ng Bibliya ang nakaimprentang programa para malaman mo ang mga paksang tinatalakay rito. Isulat ang lugar at petsa ng susunod na asamblea, at kung posible, daluhan mo ito.

  • Paano Kami Nangangaral?
    Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon?
    • ARALIN 12

      Paano Kami Nangangaral?

      Mga Saksi ni Jehova na nagbabahay-bahay

      Spain

      Saksi ni Jehova na nangangaral sa parke

      Belarus

      Saksi ni Jehova na nangangaral gamit ang telepono

      Hong Kong

      Mga Saksi ni Jehova sa pangmadlang ministeryo

      Peru

      Noong malapit nang mamatay si Jesus, sinabi niya: “Ang mabuting balitang ito tungkol sa Kaharian ay ipangangaral sa buong lupa para marinig ng lahat ng bansa, at pagkatapos ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Paano maisasagawa ang pandaigdig na gawaing pangangaral na ito? Sa pamamagitan ng pagsunod sa halimbawa ni Jesus noong nasa lupa siya.—Lucas 8:1.

      Pinupuntahan namin ang mga tao sa kanilang tahanan. Noong unang siglo, sinanay ni Jesus ang kaniyang mga alagad na ipangaral ang mabuting balita sa bahay-bahay. (Mateo 10:11-13; Gawa 5:42; 20:20) Binigyan niya sila ng kani-kaniyang teritoryo na dapat nilang pangaralan. (Mateo 10:5, 6; 2 Corinto 10:13) Sa ngayon, organisado rin ang aming gawaing pangangaral, at sa bawat kongregasyon ay may nakaatas ding teritoryo. Sa ganitong paraan, nasusunod namin ang utos ni Jesus na “mangaral sa mga tao at lubusang magpatotoo.”—Gawa 10:42.

      Sinisikap naming makausap ang mga tao saanman sila matagpuan. Nangaral si Jesus sa pampublikong mga lugar, gaya ng dalampasigan o tabi ng balon. (Marcos 4:1; Juan 4:5-15) Nakikipag-usap din kami sa mga tao tungkol sa Bibliya saanman posible—sa lansangan, sa lugar ng negosyo, sa mga pasyalan, o kahit sa telepono. Nagpapatotoo rin kami sa aming mga kapitbahay, katrabaho, kaklase, at mga kamag-anak kapag may angkop na pagkakataon. Dahil sa lahat ng pagsisikap na ito, milyon-milyon sa buong daigdig ang nakarinig ng ‘mabuting balita ng kaligtasan.’—Awit 96:2.

      May naiisip ka bang puwede mong kausapin tungkol sa Kaharian ng Diyos? Ipakita mo sa kaniya ang epekto nito sa kaniyang kinabukasan. Huwag sarilinin ang nalalaman mong mensahe ng pag-asa. Ibahagi mo ito sa iba habang may panahon pa!

      • Anong ‘mabuting balita’ ang dapat ipangaral?

      • Paano tinutularan ng mga Saksi ni Jehova ang paraan ng pangangaral ni Jesus?

      ANG PUWEDE MONG GAWIN

      Magpatulong sa nagtuturo sa iyo ng Bibliya kung paano mo ibabahagi sa iba ang mga natututuhan mo.

  • Ano ang Isang Payunir?
    Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon?
    • ARALIN 13

      Ano ang Isang Payunir?

      Buong-panahong mángangarál sa pangmadlang ministeryo

      Canada

      Mga buong-panahong mángangarál na nagbabahay-bahay

      Pagbabahay-bahay

      Mga payunir na nagtuturo ng Bibliya

      Pag-aaral sa Bibliya

      Payunir na nag-aaral ng Bibliya

      Personal na pag-aaral

      Ang terminong “payunir” ay karaniwan nang tumutukoy sa isa na tumutuklas ng bagong teritoryo at nagbubukas ng daan para sa iba. Masasabi nating isang payunir si Jesus, dahil isinugo siya rito sa lupa para simulan ang isang nagliligtas-buhay na ministeryo, at buksan ang daan papunta sa kaligtasan. (Mateo 20:28) Gaya ni Jesus, ibinubuhos din ng kaniyang mga tagasunod sa ngayon ang kanilang oras para “gumawa ng mga alagad.” (Mateo 28:19, 20) Ang iba ay nagpasiyang maglingkod bilang payunir.

      Ang payunir ay isang buong-panahong mángangarál. Ang lahat ng Saksi ni Jehova ay mamamahayag ng mabuting balita. Pero isinaayos ng ilang Saksi na maglingkod bilang regular pioneer. Gumugugol sila ng 70 oras buwan-buwan sa pangangaral. Para magawa ito, marami sa kanila ang nagtrabaho na lang nang part-time. Ang iba naman ay pinili bilang special pioneer. Ipinadadala sila sa mga lugar na may malaking pangangailangan para sa mga mángangarál ng Kaharian, at gumugugol sila ng 130 oras o higit pa buwan-buwan sa pangangaral. Simple ang pamumuhay ng mga payunir at nagtitiwala silang ilalaan ni Jehova ang kanilang pangunahing pangangailangan. (Mateo 6:31-33; 1 Timoteo 6:6-8) Ang mga hindi makapagpayunir nang buong panahon ay puwede namang maglingkod bilang auxiliary pioneer kung makapangangaral sila nang 30 o 50 oras sa isang buwan.

      Ang isang payunir ay naglilingkod dahil sa pag-ibig sa Diyos at sa mga tao. Gaya ni Jesus, nakikita rin namin sa ngayon ang kaawa-awang kalagayan ng mga tao sa espirituwal. (Marcos 6:34) Pero may natutuhan kami na makatutulong sa kanila sa ngayon at makapagbibigay ng pag-asa sa hinaharap. Ang pag-ibig sa kapuwa ang nag-uudyok sa isang payunir na isakripisyo ang kaniyang lakas at panahon para maibahagi sa iba ang mabuting balita. (Mateo 22:39; 1 Tesalonica 2:8) Sa paggawa nito, tumitibay ang kaniyang pananampalataya, napapalapít siya sa Diyos, at lalo siyang lumiligaya.—Gawa 20:35.

      • Paano mo ilalarawan ang isang payunir?

      • Bakit nagpapayunir nang buong panahon ang ilan?

  • Anong mga Paaralan ang Nagsasanay sa mga Payunir?
    Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon?
    • ARALIN 14

      Anong mga Paaralan ang Nagsasanay sa mga Payunir?

      Buong-panahong mga ministro sa pangmadlang ministeryo

      Estados Unidos

      Mga estudyante sa Watchtower Bible School of Gilead
      Mga estudyanteng naghahanda para sa paglilingkod bilang misyonero

      Paaralang Gilead, Patterson, New York

      Mag-asawang misyonero na nangangaral sa Panama

      Panama

      Kilalá ang mga Saksi ni Jehova sa pagtuturo ng Bibliya. May mga paaralan kami na nagsasanay sa mga buong-panahong mángangarál ng Kaharian para ‘maisagawa nila nang lubusan ang kanilang ministeryo.’—2 Timoteo 4:5.

      Pioneer Service School. Kapag isang taon nang regular pioneer ang isang Saksi, puwede siyang i-enrol sa anim-na-araw na kursong ginaganap sa mga Kingdom Hall. Layunin ng kursong ito na tulungan ang isang payunir na mas mapalapít kay Jehova, maging mas epektibo sa lahat ng aspekto ng ministeryo, at makapagpatuloy sa tapat na paglilingkod.

      School for Kingdom Evangelizers. Ang dalawang-buwang kursong ito ay para sa pagsasanay ng makaranasang mga payunir na handang lumipat saanmang lugar sila kailangan. Parang sinasabi nila, “Narito ako! Isugo mo ako!” bilang pagtulad sa pinakadakilang Ebanghelisador na naglingkod sa lupa, si Jesu-Kristo. (Isaias 6:8; Juan 7:29) Baka kailangan nilang masanay sa mas simpleng buhay sa malayong lugar. Maaaring ibang-iba ang kultura, klima, at pagkain doon. Baka kailangan pa nga nilang mag-aral ng ibang wika. Tumutulong ang paaralang ito sa mga binata’t dalaga, pati sa mga mag-asawa, edad 23 hanggang 65, para malinang ang makadiyos na mga katangiang kailangan nila sa kanilang atas at magkaroon ng mga kasanayang tutulong para mas magamit sila ni Jehova at ng kaniyang organisasyon.

      Watchtower Bible School of Gilead. Sa Hebreo, ang terminong “Gilead” ay may kaugnayan sa salitang “Saksi.” Mula nang itatag ang Gilead noong 1943, mahigit 8,000 nakapagtapos sa paaralang ito ang ipinadala bilang mga misyonero para sumaksi, o magpatotoo, “hanggang sa mga dulo ng lupa.” (Gawa 13:47) At talaga namang napakaganda ng naging resulta! Nang unang dumating sa Peru ang mga nagtapos sa Gilead, wala pang kongregasyon doon. Pero ngayon, mayroon nang mahigit 1,000. Nang magsimulang maglingkod ang aming mga misyonero sa Japan, wala pang 10 ang mga Saksi roon. Pero ngayon, mayroon nang mahigit 200,000. Sa limang-buwang kurso ng Gilead, malalim ang ginagawang pag-aaral sa Salita ng Diyos. Ang mga special pioneer o field missionary, mga naglilingkod sa tanggapang pansangay, o mga tagapangasiwa ng sirkito ay inaanyayahan sa paaralang ito para bigyan ng puspusang pagsasanay at sa gayo’y makatulong sila nang malaki sa pambuong-daigdig na gawain.

      • Ano ang layunin ng Pioneer Service School?

      • Sino ang puwedeng mag-aral sa School for Kingdom Evangelizers?

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share