-
Nanindigan Siya Para sa Bayan ng DiyosTularan ang Kanilang Pananampalataya
-
-
KABANATA 15
Nanindigan Siya Para sa Bayan ng Diyos
1-3. (a) Bakit maaaring natatakot si Esther na lumapit sa kaniyang asawa? (b) Anu-anong tanong tungkol kay Esther ang tatalakayin natin?
SINISIKAP ni Esther na maging kalmado habang papalapit sa looban ng palasyo sa Susan. Hindi ito madali. Ang lahat ng bagay tungkol sa palasyo ay kasindak-sindak ang pagkakadisenyo—ang makukulay, makikintab, at gawa-sa-laryong eskultura ng mga torong may pakpak, mga mámamanà, at mga leon, ang mga haliging bato at naglalakihang estatuwa, at maging ang lokasyon ng palasyo kung saan matatanaw ang taluktok ng Kabundukan ng Zagros na nababalutan ng niyebe at ang malinaw na tubig ng Ilog Choaspes. Lahat nito ay dinisenyo para ipaalaala sa mga panauhin na lubhang makapangyarihan ang lalaking kakausapin ni Esther, ang isa na tumatawag sa kaniyang sarili bilang “ang dakilang hari.” Ang lalaki ring ito ay asawa niya.
2 Asawa? Ibang-iba si Ahasuero sa pinapangarap na maging asawa ng sinumang tapat na babaing Judio!a Hindi niya tinutularan si Abraham, isang lalaki na mapagpakumbabang sumunod sa utos ng Diyos na pakinggan ang asawa niyang si Sara. (Gen. 21:12) Halos walang alam ang haring ito tungkol sa Diyos ni Esther, si Jehova, o sa Kaniyang Kautusan. Pero alam ni Ahasuero ang mga batas ng Persia, pati na ang batas na nagbabawal sa gagawin ni Esther. Ano iyon? Ang sinumang lumapit sa hari ng Persia nang hindi niya ipinatatawag ay papatayin. Hindi ipinatawag si Esther, pero pupunta pa rin siya sa hari. Habang papalapit sa pinakaloob na looban, kung saan matatanaw siya mula sa trono ng hari, malamang na pakiramdam ni Esther ay patungo na siya sa kaniyang kamatayan.—Basahin ang Esther 4:11; 5:1.
3 Bakit kaya niya sinuong ang panganib na iyon? At ano ang matututuhan natin sa pananampalataya ng kahanga-hangang babaing ito? Pero alamin muna natin kung paano naging reyna ng Persia si Esther.
Ang Pinagmulan ni Esther
4. Ano ang ilang detalye tungkol kay Esther, at bakit nasa pangangalaga siya ng kaniyang pinsang si Mardokeo?
4 Ulila na si Esther. Wala tayong gaanong alam tungkol sa kaniyang mga magulang na nagbigay sa kaniya ng pangalang Hadasa, salitang Hebreo para sa “mirto,” isang magandang palumpong na may puting mga bulaklak. Nang mamatay ang mga magulang ni Esther, inampon siya ng mabait na lalaking si Mardokeo. Magpinsan sila, pero malaki ang tanda ni Mardokeo sa kaniya. Itinuring siya nito na parang sariling anak.—Es. 2:5-7, 15.
May dahilan si Mardokeo para ipagmalaki ang kaniyang anak-anakan
5, 6. (a) Paano pinalaki ni Mardokeo si Esther? (b) Ano ang naging buhay nina Esther at Mardokeo sa Susan?
5 Sina Mardokeo at Esther ay mga tapong Judio na nakatira sa kabisera ng Persia. Malamang na hinahamak sila roon dahil sa kanilang relihiyon at sa Kautusan na sinisikap nilang sundin. Tiyak na lalong nápapalapít si Esther sa kaniyang pinsan habang tinuturuan siya nito tungkol kay Jehova, ang maawaing Diyos na paulit-ulit na nagligtas—at muling magliligtas—sa Kaniyang bayan. (Lev. 26:44, 45) Maliwanag na maganda ang naging ugnayan nina Esther at Mardokeo.
6 Lumilitaw na si Mardokeo ay naglilingkod bilang isang opisyal sa kastilyo ng Susan at regular na umuupo sa pintuang-daan nito, kasama ng iba pang mga lingkod ng hari. (Es. 2:19, 21; 3:3) Hindi natin alam kung paano ginugol ni Esther ang kaniyang kabataan, pero maaaring siya ang nag-asikaso sa nakatatanda niyang pinsan at sa bahay nito, na malamang na maliit lang at nasa kabila ng ilog mula sa kastilyo ng hari. Marahil ay gustung-gusto niyang pumunta sa palengke sa Susan, kung saan nakadispley ang paninda ng mga panday-ginto, panday-pilak, at ng iba pang negosyante. Walang kamalay-malay si Esther na magiging pangkaraniwan lang sa kaniya ang gayong mga luho; wala siyang kaide-ideya sa kinabukasang naghihintay sa kaniya.
‘May Kahali-halinang Anyo’
7. Bakit inalis si Vasti sa pagiging reyna, at ano ang sumunod na nangyari?
7 Isang araw, kumalat sa Susan ang tsismis tungkol sa problema sa sambahayan ng hari. Sa isang malaking piging, naghanda si Ahasuero ng masasarap na pagkain at alak para sa kaniyang maharlikang mga panauhin. Ipinatawag niya ang kaniyang magandang reyna, si Vasti, na may piging din kasama ng mga babae. Pero tumanggi si Vasti. Napahiya ang hari at nagalit kaya tinanong niya ang kaniyang mga tagapayo kung ano ang dapat na maging parusa kay Vasti. Ang resulta? Inalis si Vasti sa pagiging reyna. Ang mga lingkod ng hari ay nagsimulang maghanap ng magagandang dalaga sa buong lupain; pipili ang hari ng bagong reyna mula sa mga ito.—Es. 1:1–2:4.
8. (a) Bakit maaaring nag-alala si Mardokeo nang lumaki na si Esther? (b) Paano natin maikakapit ang timbang na pangmalas ng Bibliya tungkol sa pisikal na kagandahan? (Tingnan din ang Kawikaan 31:30.)
8 Dalaga na si Esther nang panahong iyon. Maiisip natin ang magkahalong kasiyahan at pag-aalala ni Mardokeo dahil lumaking napakaganda ni Esther. Mababasa natin: “Ang kabataang babae ay may magandang tindig at kahali-halinang anyo.” (Es. 2:7) Ipinakikita sa Bibliya ang timbang na pangmalas sa pisikal na kagandahan—nakalulugod ito pero dapat itong lakipan ng karunungan at kapakumbabaan. Kung hindi, maaari itong maging sanhi ng pagmamapuri, kayabangan, at iba pang pangit na ugali. (Basahin ang Kawikaan 11:22.) Napatunayan mo na bang totoo iyan? Sa kaso ni Esther, makatutulong kaya o makasásamâ ang kagandahan? Panahon lang ang makapagsasabi.
9. (a) Ano ang nangyari nang mapansin si Esther ng mga lingkod ng hari, at bakit napakasakit para sa kaniya na mawalay kay Mardokeo? (b) Bakit pinayagan ni Mardokeo si Esther na mag-asawa ng isang paganong di-kapananampalataya? (Ilakip ang kahon.)
9 Napansin ng mga lingkod ng hari si Esther. Kinuha nila siya mula kay Mardokeo at dinala sa maringal na palasyo sa kabila ng ilog. (Es. 2:8) Tiyak na napakasakit nito sa kanilang dalawa dahil para na silang mag-ama. Hindi gugustuhin ni Mardokeo na makapag-asawa si Esther ng isang di-kapananampalataya kahit pa isa itong hari, pero wala siyang magawa.b Tiyak na nakinig na mabuti si Esther sa mga payo ni Mardokeo bago siya dinala ng mga lingkod ng hari! Habang papunta sa kastilyo ng Susan, maraming tanong ang naglalaro sa isip niya. Ano kaya ang magiging buhay niya roon?
Nagtamo Siya ng Lingap “sa Paningin ng Lahat ng Nakakakita sa Kaniya”
10, 11. (a) Paano maaaring madaling makaapekto kay Esther ang kaniyang bagong kapaligiran? (b) Paano ipinakita ni Mardokeo na nag-aalala siya sa kalagayan ni Esther?
10 Dinala si Esther sa isang daigdig na ibang-iba sa dati niyang ginagalawan. Kasama niya ang “maraming kabataang babae” na tinipon mula sa lahat ng lugar sa Imperyo ng Persia. Tiyak na iba-iba ang kanilang kultura, wika, at ugali. Sa ilalim ng pangangasiwa ng opisyal na si Hegai, ang mga dalagang ito ay isasailalim sa loob ng isang taon sa isang programa ng pagpapaganda na may kasamang pagmamasahe ng mababangong langis. (Es. 2:8, 12) Sa gayong kapaligiran at istilo ng pamumuhay, maaaring maging pangunahin sa mga babaing ito ang pisikal na hitsura at manaig ang pagmamapuri at pakikipagkompetensiya. Makaaapekto kaya ito kay Esther?
11 Tiyak na alalang-alala si Mardokeo kay Esther. Mababasa natin na araw-araw siyang pumupunta sa harap ng bahay ng mga babae at sinisikap niyang alamin ang kalagayan ni Esther. (Es. 2:11) Kapag may nababalitaan siya, marahil mula sa mababait na lingkod sa bahay, siguradong tuwang-tuwa siya. Bakit?
12, 13. (a) Ano ang naging impresyon kay Esther ng mga taong kasama niya? (b) Bakit natutuwa si Mardokeo na malamang hindi sinabi ni Esther na isa siyang Judio?
12 Hangang-hanga si Hegai kay Esther kaya napakabait niya rito, anupat binigyan niya si Esther ng pitong lingkod na babae at ng pinakamainam na dako sa bahay ng mga babae. Ayon pa sa ulat: “Patuloy na nagtatamo si Esther ng lingap sa paningin ng lahat ng nakakakita sa kaniya.” (Es. 2:9, 15) Dahil lang kaya ito sa kaniyang kagandahan? Hindi, may iba pang dahilan.
Alam ni Esther na di-hamak na mas mahalaga ang kapakumbabaan at karunungan kaysa sa pisikal na hitsura
13 Halimbawa, mababasa natin: “Hindi sinabi ni Esther ang tungkol sa kaniyang bayan o ang tungkol sa kaniyang mga kamag-anak, sapagkat si Mardokeo ang nag-utos sa kaniya na huwag niyang sabihin.” (Es. 2:10) Tinagubilinan ni Mardokeo si Esther na huwag sabihin kaninuman na isa siyang Judio; alam niyang napakababa ng tingin ng mga maharlika ng Persia sa mga Judio. Tuwang-tuwa siyang malaman na kahit malayo si Esther, nananatili pa rin itong marunong at masunurin!
14. Paano matutularan ng mga kabataan sa ngayon si Esther?
14 Mapasasaya rin ng mga kabataan sa ngayon ang kanilang mga magulang o ang mga nagpapalaki sa kanila. Kahit malayo sa kanilang mga magulang at napalilibutan ng mga taong mangmang, imoral, o marahas, puwede nilang labanan ang masasamang impluwensiya at patuloy na manghawakan sa mga pamantayang alam nilang tama. Kapag ginagawa nila ito, tulad ni Esther, napasasaya nila ang kanilang Ama sa langit.—Basahin ang Kawikaan 27:11.
15, 16. (a) Paano napaibig ni Esther ang hari? (b) Bakit maaaring naging hamon kay Esther ang mga pagbabago sa buhay niya?
15 Nang panahon na para iharap si Esther sa hari, hinayaan siyang pumili ng mga gamit na sa tingin niya ay kailangan niya, marahil para lalong gumanda. Pero hindi siya humiling ng anuman maliban sa mga bagay na binanggit ni Hegai. (Es. 2:15) Malamang na naisip ni Esther na hindi lang kagandahan ang makabibihag sa puso ng hari; di-hamak na mas mahalaga ang kahinhinan at kapakumbabaan. Tama ba siya?
16 Sinasabi ng ulat: “Inibig ng hari si Esther nang higit kaysa sa lahat ng iba pang babae, anupat ito ay nagtamo ng higit na lingap at maibiging-kabaitan sa harap niya kaysa sa lahat ng iba pang dalaga. At ang maharlikang putong ay inilagay niya sa ulo nito at ginawa niya itong reyna na kahalili ni Vasti.” (Es. 2:17) Tiyak na nanibago ang mapagpakumbabang Judiong ito sa bago niyang buhay—siya na ang reyna, asawa ng pinakamakapangyarihang hari sa daigdig noong panahong iyon! Lumaki ba ang ulo ni Esther dahil sa bago niyang posisyon? Hinding-hindi!
17. (a) Paano nanatiling masunurin si Esther kay Mardokeo? (b) Bakit mahalaga ang halimbawa ni Esther para sa atin ngayon?
17 Nanatiling masunurin si Esther kay Mardokeo. Patuloy niyang inilihim ang kaniyang pagiging Judio. Bukod diyan, nang malaman ni Mardokeo ang tungkol sa planong pagpatay kay Ahasuero, sinunod ni Esther ang utos ni Mardokeo na babalaan ang hari, kaya nabigo ang plano. (Es. 2:20-23) Ipinakita rin ni Esther ang pananampalataya niya sa kaniyang Diyos sa pamamagitan ng pagiging mapagpakumbaba at masunurin. Kailangang-kailangan natin ang halimbawang ipinakita ni Esther, lalo pa’t hindi na pinahahalagahan ngayon ang pagkamasunurin at pangkaraniwan na lang ang pagsuway at pagrerebelde! Pero para sa mga taong may tunay na pananampalataya, mahalaga ang pagkamasunurin, gaya ng ipinakita ni Esther.
Nasubok ang Pananampalataya ni Esther
18. (a) Bakit hindi yumukod si Mardokeo kay Haman? (Tingnan din ang talababa.) (b) Paano tinutularan ng mga tapat na lalaki at babae ngayon ang halimbawa ni Mardokeo?
18 Isang lalaki na nagngangalang Haman ang naging prominente sa korte ni Ahasuero. Inatasan siya ng hari bilang punong ministro, anupat naging pangunahing tagapayo ng hari at pangalawa sa kapangyarihan sa buong imperyo. Ipinag-utos pa nga ng hari na ang lahat ng makakita sa opisyal na ito ay dapat yumukod sa kaniya. (Es. 3:1-4) Ang batas na iyan ay nagdulot ng problema kay Mardokeo. Naniniwala siyang dapat sundin ang hari pero hindi hanggang sa puntong susuway siya sa Diyos. Si Haman ay isang Agagita, kaya isa siyang inapo ni Agag, ang haring Amalekita na pinatay ng propeta ng Diyos na si Samuel. (1 Sam. 15:33) Napakasama ng mga Amalekita, anupat naging kaaway sila ni Jehova at ng Israel. Bilang isang bayan, ang mga Amalekita ay tuwirang hinatulan ng Diyos.c (Deut. 25:19) Maaatim ba ng isang tapat na Judio na yumukod sa isang Amalekita? Hindi iyan magagawa ni Mardokeo! Hanggang sa ngayon, isinasapanganib ng mga tapat na lalaki at babae ang kanilang buhay para masunod ang simulaing ito: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.”—Gawa 5:29.
19. Ano ang gustong gawin ni Haman, at paano niya kinumbinsi ang hari?
19 Galít na galít si Haman. Pero hindi lang si Mardokeo ang balak niyang ipapatay. Gusto niyang lipulin ang lahat ng kababayan ni Mardokeo! Para makumbinsi ang hari, siniraan ni Haman ang mga Judio. Hindi niya sila tuwirang binanggit, pero pinalabas niyang wala silang kuwentang tao, isang bayan na “nakapangalat at nakahiwalay sa gitna ng mga bayan.” Ang mas masama pa, hindi raw sila sumusunod sa mga kautusan ng hari; ibig sabihin, sila’y mapanganib na mga rebelde. Nag-alok siya ng napakalaking abuloy sa ingatang-yaman ng hari para gamitin sa paglipol sa lahat ng Judio sa buong imperyo.d Ibinigay ni Ahasuero kay Haman ang kaniyang singsing na panlagda para ipantatak sa anumang iuutos ni Haman.—Es. 3:5-10.
20, 21. (a) Paano nakaapekto sa mga Judio sa buong Imperyo ng Persia, pati na kay Mardokeo, ang utos ni Haman? (b) Ano ang ipinakiusap ni Mardokeo kay Esther?
20 Di-nagtagal, sakay ng kani-kanilang kabayo, mabilis na inihatid ng mga mensahero sa bawat sulok ng imperyo ang kautusan na mangangahulugan ng kamatayan ng lahat ng Judio. Isip-isipin na lang ang naging epekto ng balita nang makarating iyon sa malayong Jerusalem. Sinisimulan pa lang noon ng mga Judiong bumalik mula sa pagkatapon sa Babilonya na itayong muli ang kanilang lunsod at ang mga pader nito. Nang marinig ni Mardokeo ang kahindik-hindik na balita, malamang na naisip niya sila, pati na ang kaniyang mga kaibigan at kamag-anak sa Susan. Sa matinding pagkabagabag, hinapak niya ang kaniyang kasuutan, nagsuot ng telang-sako, naglagay ng abo sa kaniyang ulo, at sumigaw nang malakas sa gitna ng lunsod. Samantala, si Haman ay nakikipag-inuman sa hari at walang pakialam sa pighating idinulot niya sa mga Judio at sa kanilang mga kaibigan sa Susan.—Basahin ang Esther 3:12–4:1.
21 Alam ni Mardokeo na kailangan siyang kumilos. Pero ano ang magagawa niya? Nabalitaan ni Esther ang pagdadalamhati ni Mardokeo kaya nagpadala siya ng mga damit, pero tinanggihan ito ni Mardokeo. Marahil ay matagal nang palaisipan kay Mardokeo kung bakit hinayaan ng kaniyang Diyos, si Jehova, na kunin sa kaniya ang mahal niyang pinsan na si Esther para maging reyna ng isang paganong tagapamahala. Unti-unti na ngayong lumilinaw ang dahilan. Nagpadala si Mardokeo ng mensahe sa reyna, anupat nakiusap siya kay Esther na mamagitan sa hari at manindigan “para sa kaniyang bayan.”—Es. 4:4-8.
22. Bakit natatakot si Esther na lumapit sa hari? (Tingnan din ang talababa.)
22 Tiyak na nanlumo si Esther nang makarating sa kaniya ang mensaheng iyon. Ito ang pinakamalaking pagsubok sa kaniyang pananampalataya. Natatakot siya, gaya ng inamin niya sa kaniyang sagot kay Mardokeo. Ipinaalaala niya rito ang batas ng hari. Ang pagpunta sa hari nang hindi ipinatatawag ay nangangahulugan ng kamatayan. At maliligtas lang ang nagkasala kung iuunat sa kaniya ng hari ang ginintuang setro. May dahilan ba si Esther na umasang kaaawaan siya ng hari, lalo na kung iisipin ang nangyari kay Vasti nang tumanggi itong humarap sa hari noong ipatawag ito? Sinabi ni Esther kay Mardokeo na 30 araw na siyang hindi ipinatatawag ng hari! Kaya iniisip niyang baka wala na sa kaniya ang pabor ng hari na mabilis magbago ang isip.e—Es. 4:9-11.
23. (a) Ano ang sinabi ni Mardokeo para palakasin ang pananampalataya ni Esther? (b) Bakit napakagandang tularan si Mardokeo?
23 Sa kaniyang sagot, pinalakas ni Mardokeo ang pananampalataya ni Esther. Tiniyak niya kay Esther na kung hindi ito kikilos, may ibang pagmumulan ng kaligtasan para sa mga Judio. At aasahan ba ni Esther na makaliligtas siya kapag tumindi na ang pag-uusig? Ipinakita rito ni Mardokeo ang kaniyang matibay na pananampalataya kay Jehova, na hinding-hindi papayag na malipol ang Kaniyang bayan at mabigo ang Kaniyang mga pangako. (Jos. 23:14) Pagkatapos ay tinanong ni Mardokeo si Esther: “Sino ang nakaaalam kung dahil nga sa pagkakataong katulad nito kaya nagkamit ka ng maharlikang dangal?” (Es. 4:12-14) Hindi ba’t napakagandang tularan si Mardokeo? Buo ang tiwala niya sa kaniyang Diyos na si Jehova. Ganiyan din ba tayo?—Kaw. 3:5, 6.
Pananampalatayang Dumaig sa Takot na Mamatay
24. Paano nagpakita si Esther ng pananampalataya at lakas ng loob?
24 Kailangan na ngayong magpasiya si Esther. Hiniling niya kay Mardokeo na tipunin ang kanilang mga kababayan para mag-ayunong kasama niya nang tatlong araw, at nagtapos ang kaniyang mensahe sa kilaláng pananalitang ito na nagpapakita ng pananampalataya at lakas ng loob: “Kung mamamatay ako ay mamamatay nga ako.” (Es. 4:15-17) Sa loob ng tatlong araw na iyon, tiyak na noon lang nanalangin si Esther nang gayon karubdob. Sa wakas, dumating na ang panahon para lumapit siya sa hari. Isinuot niya ang kaniyang pinakamagandang kasuutan, anupat ginawa ang lahat para maging maganda sa paningin ng hari. Saka siya pumunta sa hari.
Isinapanganib ni Esther ang kaniyang buhay para protektahan ang bayan ng Diyos
25. Ilarawan ang mga pangyayari noong papunta na si Esther sa kaniyang asawa.
25 Gaya ng sinabi sa pasimula ng kabanatang ito, papunta na si Esther sa korte ng hari. Maguguniguni natin si Esther na takót na takót at marubdob na nananalangin. Pumasok siya sa looban, kung saan natatanaw na niya si Ahasuero na nakaupo sa trono. Marahil ay sinisikap niyang basahin ang ekspresyon ng mukha nito, na halos natatakpan ng kaniyang kulot na buhok at kuwadradong balbas. Kung maghihintay pa siya, baka hindi na niya ito makayanan. Pero nakita siya ng kaniyang asawa. Tiyak na nagulat ang hari, pero umaliwalas ang kaniyang mukha. Iniunat niya ang kaniyang ginintuang setro!—Es. 5:1, 2.
26. Bakit kailangan ng mga tunay na Kristiyano ang lakas ng loob na gaya ng kay Esther, at bakit hindi pa tapos ang kaniyang gawain?
26 Handang makinig kay Esther ang hari. Nanindigan si Esther para sa kaniyang Diyos at mga kababayan. Isa nga itong magandang halimbawa ng pananampalataya para sa lahat ng lingkod ng Diyos hanggang sa ngayon. Pinahahalagahan ng mga tunay na Kristiyano ang gayong mga halimbawa. Sinabi ni Jesus na ang kaniyang tunay na mga tagasunod ay makikilala sa kanilang mapagsakripisyong pag-ibig. (Basahin ang Juan 13:34, 35.) Kadalasan, kailangan ang lakas ng loob na gaya ng kay Esther para maipakita ang gayong pag-ibig. Pero kahit nanindigan na si Esther para sa bayan ng Diyos noong araw na iyon, hindi pa tapos ang kaniyang gawain. Paano niya makukumbinsi ang hari na ang paborito nitong tagapayo na si Haman ay may ubod-samang pakana? Paano niya maililigtas ang kaniyang mga kababayan? Sasagutin ang mga tanong na ito sa susunod na kabanata.
a Sinasabing si Ahasuero ay siya ring si Jerjes I, na namahala sa Imperyo ng Persia noong pasimula ng ikalimang siglo B.C.E.
b Tingnan ang kahong “Mga Tanong Tungkol kay Esther,” sa Kabanata 16.
c Maaaring isa si Haman sa ilang natirang Amalekita, yamang ang “nalabi” ng Amalek ay nilipol noong panahon ni Haring Hezekias.—1 Cro. 4:43.
d Nag-alok si Haman ng 10,000 talento na pilak, na nagkakahalaga ng daan-daang milyong dolyar sa ngayon. Kung si Ahasuero ay talagang si Jerjes I, magugustuhan nga niya ang alok ni Haman. Malaking kayamanan ang kailangan ni Jerjes para maisagawa ang matagal na niyang binabalak na pakikidigma laban sa Gresya, pero natalo siya sa digmaang iyon.
e Si Jerjes I ay kilaláng pabagu-bago ang isip at marahas. Iniulat ng Griegong istoryador na si Herodotus ang ilang halimbawa noong nakikipagdigma si Jerjes laban sa Gresya. Nagpagawa ang hari ng isang tulay (pontoon bridge) sa kipot ng Hellespont. Nang masira ito ng bagyo, iniutos ni Jerjes na pugutan ng ulo ang mga inhinyerong gumawa nito at, bilang “parusa” sa Hellespont, ipinahampas niya ang tubig nito habang binabasa nang malakas ang isang nakaiinsultong proklamasyon. Nang makiusap naman ang isang mayamang lalaki na huwag nang isama sa hukbo ang kaniyang anak, ipinahati ni Jerjes ang katawan ng anak nito at idinispley bilang babala.
-
-
Siya ay Matalino, Matapang, at Di-makasariliTularan ang Kanilang Pananampalataya
-
-
KABANATA 16
Siya ay Matalino, Matapang, at Di-makasarili
1-3. (a) Ano ang nadama ni Esther habang papalapit siya sa trono ng kaniyang asawa? (b) Paano tumugon ang hari sa pagdalaw ni Esther?
HABANG papalapit si Esther sa trono, bumibilis ang pintig ng kaniyang puso. Isip-isipin ang katahimikang biglang namayani sa maharlikang silid ng palasyo ng Susan sa Persia, anupat naririnig ni Esther maging ang dahan-dahan niyang yabag at ang kaluskos ng kaniyang maringal na kasuutan. Kailangan niyang magpokus at huwag magambala ng karingalan ng palasyo, ng eleganteng mga haligi nito, at ng kisame nitong may mga ukit at yari sa sedro na inangkat pa sa Lebanon. Itinuon lang niya ang kaniyang pansin sa lalaking nakaupo sa trono, ang taong may hawak ng kaniyang buhay.
2 Pinagmamasdan ng hari si Esther habang siya’y papalapit, at iniunat nito sa kaniya ang ginintuang setro. Isang simpleng kumpas lang iyon, pero iniligtas nito ang buhay ni Esther dahil ipinahiwatig nito na pinagpaumanhinan ng hari ang paglabag niya sa isang batas—ang pagharap sa hari nang hindi ipinatatawag. Nang makalapit na siya sa trono, hinawakan ni Esther ang dulo ng setro bilang pasasalamat.—Es. 5:1, 2.
Mapagpakumbabang pinasalamatan ni Esther ang pagiging maawain ng hari
3 Mababakas sa hitsura ni Haring Ahasuero ang kaniyang napakalaking kayamanan at kapangyarihan. Sinasabing ang maringal na kasuutan ng mga monarka ng Persia noon ay nagkakahalaga ng daan-daang milyong dolyar. Pero nababanaag ni Esther sa mga mata ng kaniyang asawa ang pagmamahal nito sa kaniya. Sinabi ng hari: “Ano ang sadya mo, O Esther na reyna, at ano ang iyong kahilingan? Kalahati man ng kaharian—mangyari ngang ibigay iyon sa iyo!”—Es. 5:3.
4. Anong mga hamon ang napaharap kay Esther?
4 Naipakita na ni Esther ang kaniyang kahanga-hangang pananampalataya at lakas ng loob; humarap siya sa hari para protektahan ang mga kababayan niya mula sa isang pakana na lipulin sila. Mukhang nagtagumpay siya, pero may mas mabibigat na hamon na dapat harapin. Kailangan niyang kumbinsihin ang mapagmataas na monarkang ito na ang pinagkakatiwalaan niyang tagapayo ay isang napakasamang tao na luminlang sa hari para ipapatay ang mga kababayan ni Esther. Paano kaya niya makukumbinsi ang hari, at ano ang matututuhan natin sa kaniyang pananampalataya?
Naging Matalino Siya sa Pagpili ng “Panahon ng Pagsasalita”
5, 6. (a) Paano ikinapit ni Esther ang simulain sa Eclesiastes 3:1, 7? (b) Paano nagpakita ng katalinuhan si Esther sa pakikipag-usap sa kaniyang asawa?
5 Isisiwalat ba ni Esther ang problema sa harap ng korte ng hari? Kung gagawin niya ito, baka mapahiya ang hari at magkaroon pa ng pagkakataon ang tagapayo niyang si Haman na pabulaanan ang mga paratang ni Esther. Kaya ano ang ginawa ni Esther? Ilang siglo bago nito, isinulat ng matalinong si Haring Solomon: “Sa lahat ng bagay ay may takdang panahon, . . . panahon ng pagtahimik at panahon ng pagsasalita.” (Ecles. 3:1, 7) Maguguniguni nating itinuturo kay Esther ng kaniyang ama-amahan, ang tapat na si Mardokeo, ang gayong mga simulain habang lumalaki siya sa pangangalaga nito. Tiyak na naintindihan ni Esther na mahalaga ang pagpili ng tamang “panahon ng pagsasalita.”
6 Sinabi ni Esther: “Kung sa hari ay wari ngang mabuti, pumaroon nawa ngayon ang hari na kasama si Haman sa piging na inihanda ko para sa kaniya.” (Es. 5:4) Pumayag ang hari at ipinatawag niya si Haman. Napansin mo ba kung paano nagsalita si Esther nang may katalinuhan? Iningatan niya ang dignidad ng kaniyang asawa at gumawa siya ng isang mas angkop na pagkakataon para isiwalat ang problema.—Basahin ang Kawikaan 10:19.
7, 8. Paano mailalarawan ang unang piging ni Esther, pero bakit hindi niya agad sinabi sa hari ang problema?
7 Pinaghandaang mabuti ni Esther ang piging at sinigurong masisiyahan dito ang kaniyang asawa. Naghanda siya ng mainam na alak para maging masaya ang piging. (Awit 104:15) Masayang-masaya si Ahasuero, anupat tinanong niyang muli si Esther kung ano ang kahilingan nito. Ito na kaya ang panahon para magsalita?
8 Naisip ni Esther na hindi pa. Kaya inanyayahan niya ang hari at si Haman sa isa pang piging na gaganapin kinabukasan. (Es. 5:7, 8) Bakit hindi pa niya sinabi ang problema? Tandaan, nanganganib ang buhay ng lahat ng kababayan ni Esther dahil sa utos ng hari. Kaya kailangang matiyak ni Esther ang tamang panahon. Naghintay siya at gumawa ng isa pang pagkakataon para ipakita sa kaniyang asawa kung gaano kataas ang pagpapahalaga niya rito.
9. Bakit mahalaga ang pagkamatiisin, at paano natin matutularan si Esther sa bagay na ito?
9 Ang pagkamatiisin ay isang pambihira at mahalagang katangian. Bagaman si Esther ay nababahala at gustung-gusto nang masabi ang nasa isip niya, may-pagtitiis siyang naghintay ng tamang pagkakataon. Marami tayong matututuhan sa kaniya, yamang tayong lahat ay malamang na nakakakita ng mga mali na kailangang ituwid. Kung gusto nating kumbinsihin ang isang nasa awtoridad na asikasuhin ang isang problema, baka kailangan nating tularan si Esther at maging matiisin. Ang Kawikaan 25:15 ay nagsasabi: “Dahil sa pagkamatiisin ay nagaganyak ang kumandante, at ang mahinahong dila ay nakababali ng buto.” Kung may-pagtitiis tayong maghihintay ng tamang pagkakataon at magsasalita nang mahinahon, gaya ng ginawa ni Esther, mababali natin kahit ang pagsalansang na sintigas ng buto. Pinagpala ba ni Jehova, na Diyos ni Esther, ang kaniyang pagtitiis at katalinuhan?
Nabuksan ang Daan Tungo sa Katarungan Dahil sa Pagtitiis
10, 11. Bakit nagbago ang damdamin ni Haman pagkagaling niya sa unang piging, at ano ang sinabi ng kaniyang asawa at mga kaibigan na gawin niya?
10 Ang pagtitiis ni Esther ay nagbukas ng daan para sa sunud-sunod na mahahalagang pangyayari. Nang lisanin ni Haman ang unang piging, tuwang-tuwa siya, anupat “nagagalak at masaya ang puso” dahil sa pabor na ipinakita sa kaniya ng hari at ng reyna. Pero pagdaan ni Haman sa pintuang-daan ng palasyo, nakita niya si Mardokeo, ang Judio na ayaw pa ring yumukod sa kaniya. Gaya ng binanggit sa naunang kabanata, hindi ito dahil sa walang-galang si Mardokeo, kundi nasasangkot dito ang kaniyang budhi at ang kaugnayan niya sa Diyos na Jehova. Pero “kaagad na napuno ng pagngangalit” si Haman.—Es. 5:9.
11 Nang ikuwento ito ni Haman sa kaniyang asawa at mga kaibigan, sinabi nilang magpagawa siya ng isang malaking tulos na mahigit 22 metro ang taas, at saka humingi ng pahintulot sa hari na ibitin doon si Mardokeo. Nagustuhan ni Haman ang ideya nila at agad na ipinagawa ang tulos.—Es. 5:12-14.
12. Bakit ipinabasa ng hari ang opisyal na mga rekord ng Estado, at ano ang natuklasan niya?
12 Nang gabing iyon, “hindi makatulog ang hari,” ang sabi ng Bibliya. Kaya ipinabasa niya nang malakas ang opisyal na mga rekord ng Estado. Kasama sa binasa ang ulat tungkol sa pakanang pagpaslang kay Ahasuero. Naalaala niya ang pangyayaring iyon; nahuli at ipinapatay ang mga nagpakana. Pero kumusta naman ang nagbunyag ng pakana—si Mardokeo? Biglang napaisip ang hari at nagtanong kung paano ginantimpalaan si Mardokeo. Ang sagot? Walang anumang ginawa para sa kaniya.—Basahin ang Esther 6:1-3.
13, 14. (a) Paano nagbago ang ihip ng hangin para kay Haman? (b) Ano ang sinabi kay Haman ng kaniyang asawa at mga kaibigan?
13 Nabahala ang hari at nagtanong kung sinong mga opisyal ng korte ang naroon para tulungan siyang ituwid ang pagkakamaling iyon. Nagkataon namang si Haman ay nasa korte ng hari. Posibleng maaga siya roon dahil gustung-gusto na niyang makahingi ng pahintulot na maipapatay si Mardokeo. Pero bago pa man ito magawa ni Haman, tinanong siya ng hari kung ano ang pinakamagandang parangal para sa isang lalaking nagkamit ng pabor ng hari. Inakala ni Haman na siya ang tinutukoy ng hari. Kaya nag-isip siya ng napakagarbong parangal: Damtan ang lalaking iyon ng kasuutang panghari, pasakayin sa kabayo ng hari, at ilibot siya ng isang mataas na opisyal sa buong Susan habang isinisigaw ang mga papuri sa lalaki para marinig ng lahat. Isip-isipin na lang ang hitsura ni Haman nang malamang si Mardokeo pala ang pararangalan! At sino ang inatasan ng hari na sumigaw ng mga papuri kay Mardokeo? Si Haman!—Es. 6:4-10.
14 Sinunod ni Haman ang utos ng hari pero inis na inis siya. Pagkatapos, dali-dali siyang umuwi na masamang-masama ang loob. Sinabi ng kaniyang asawa at mga kaibigan na senyales ito na may masamang mangyayari; mabibigo siya sa pagpapabagsak kay Mardokeo na Judio.—Es. 6:12, 13.
15. (a) Ano ang magandang resulta ng pagkamatiisin ni Esther? (b) Bakit isang katalinuhang magpakita ng “mapaghintay na saloobin”?
15 Dahil sa pagkamatiisin ni Esther, anupat naghintay ng isa pang araw bago humiling sa hari, nagbigay-daan ito para mahulog si Haman sa sarili niyang bitag. At hindi kaya ang Diyos na Jehova ang nagpangyaring hindi makatulog ang hari? (Kaw. 21:1) Hindi kataka-takang hinihimok tayo ng Salita ng Diyos na magpakita ng “mapaghintay na saloobin”! (Basahin ang Mikas 7:7.) Kapag naghihintay tayo sa Diyos, makikita natin na ang solusyon niya sa ating mga problema ang pinakamahusay.
Nagsalita Siya Nang May Katapangan
16, 17. (a) Kailan dumating ang “panahon ng pagsasalita” ni Esther? (b) Paano naiiba si Esther sa dating asawa ng hari na si Vasti?
16 Hindi tatangkain ni Esther na subukin ang pagtitiis ng hari; kailangan na niyang sabihin ang lahat sa ikalawang piging. Pero paano? Mabuti na lang, tinanong siyang muli ng hari kung ano ang kahilingan niya. (Es. 7:2) Ito na ang “panahon ng pagsasalita” ni Esther.
17 Maguguniguni natin na tahimik na nanalangin si Esther sa kaniyang Diyos bago niya sinabi ang mga salitang ito: “Kung nakasumpong ako ng lingap sa iyong paningin, O hari, at kung sa hari ay wari ngang mabuti, ibigay nawa sa akin ang aking kaluluwa ayon sa aking pakiusap at ang aking bayan ayon sa aking kahilingan.” (Es. 7:3) Pansinin na tiniyak niya sa hari na igagalang niya anuman ang mabuti sa tingin nito. Ibang-iba nga si Esther sa dating asawa ng hari na si Vasti, na sadyang humiya sa kaniyang asawa! (Es. 1:10-12) Bukod diyan, hindi sinabi ni Esther na nagkamali ang hari sa pagtitiwala kay Haman. Sa halip, nagsumamo siya sa hari na protektahan siya dahil nanganganib ang buhay niya.
18. Paano ibinunyag ni Esther sa hari ang problema?
18 Tiyak na nagulat at nabahala ang hari sa kahilingang iyon. Sino ang maglalakas-loob na pagtangkaan ang buhay ng kaniyang reyna? Nagpatuloy si Esther: “Ipinagbili kami, ako at ang aking bayan, upang lipulin, patayin at puksain. Kung ipinagbili kami bilang mga aliping lalaki at bilang mga alilang babae, nanatili na lamang sana akong tahimik. Ngunit ang kabagabagan ay hindi angkop kung ikapipinsala ng hari.” (Es. 7:4) Pansinin na tuwirang ibinunyag ni Esther ang problema, pero sinabi rin niya na mananahimik na lang sana siya kung tungkol lang ito sa pang-aalipin. Pero ang bantang ito ng paglipol ay magdudulot ng malaking pinsala sa hari kaya nagsalita siya.
19. Ano ang matututuhan natin kay Esther tungkol sa tamang paraan ng panghihikayat?
19 Marami tayong matututuhan kay Esther tungkol sa tamang paraan ng panghihikayat. Kung kailangan mong sabihin sa isang minamahal o kahit sa isang taong may awtoridad ang isang mabigat na problema, makatutulong nang malaki ang pagiging matiisin, magalang, at prangka.—Kaw. 16:21, 23.
20, 21. (a) Paano ibinunyag ni Esther ang pakana ni Haman, at ano ang reaksiyon ng hari? (b) Ano ang ginawa ni Haman nang mabunyag ang kaniyang katusuhan?
20 Nagtanong si Ahasuero: “Sino iyon, at nasaan ang isang iyon na naglakas-loob na gumawa ng gayon?” Gunigunihin si Esther nang ituro niya si Haman, at sabihin: “Ang tao, ang kalaban at kaaway, ay ang masamang ito na si Haman.” Nakagugulantang na akusasyon! Nasindak si Haman. Malamang na namula sa galit ang hari dahil napag-isip-isip niyang nilinlang siya ng kaniyang pinagkakatiwalaang tagapayo para lagdaan ang utos na magpapahamak sa kaniyang pinakamamahal na asawa! Dali-daling pumunta sa hardin ang hari para pakalmahin ang sarili.—Es. 7:5-7.
Buong-tapang na ibinunyag ni Esther ang kasamaan ni Haman
21 Palibhasa’y nabunyag na ang kaniyang katusuhan, si Haman ay sumubsob sa paanan ng reyna at nagmakaawa. Nang bumalik ang hari at makitang nasa higaan ni Esther si Haman, galít na galít niyang inakusahan si Haman na tinatangka nitong halayin ang reyna sa sariling bahay ng hari. Tiyak na ang kamatayan ni Haman! Inilabas si Haman na may takip ang mukha. Pagkatapos, isa sa mga opisyal ng korte ang nagsabi sa hari tungkol sa malaking tulos na inihanda ni Haman para kay Mardokeo. Agad na iniutos ni Ahasuero na ibitin doon si Haman.—Es. 7:8-10.
22. Paano makatutulong ang halimbawa ni Esther para hindi tayo kailanman mawalan ng pag-asa, tiwala, o pananampalataya?
22 Dahil sa kawalang-katarungan sa daigdig ngayon, madaling isipin na hindi natin kailanman makakamtan ang katarungan. Ganiyan din ba ang nadarama mo? Si Esther ay hindi kailanman nawalan ng pag-asa, tiwala, o pananampalataya. Nang dumating ang panahon, may-katapangan siyang nagsalita para sa kung ano ang tama at nagtiwalang gagawin ni Jehova kung ano ang nararapat. Ganiyan din ang dapat nating gawin! Si Jehova ay hindi nagbabago mula noon. Kayang-kaya pa rin niyang hulihin ang mga tuso at masasamang tao sa sarili nilang bitag, gaya ng ginawa niya kay Haman.—Basahin ang Awit 7:11-16.
Mas Mahalaga kay Esther si Jehova at ang Kaniyang Bayan
23. (a) Paano ginantimpalaan ng hari sina Mardokeo at Esther? (b) Paano natupad sa tribo ni Benjamin ang inihula ni Jacob bago siya namatay? (Tingnan ang kahong “Natupad ang Isang Hula.”)
23 Sa wakas, nakilala ng hari kung sino talaga si Mardokeo—hindi lang ang tapat na tagapagligtas niya nang pagtangkaan ang kaniyang buhay kundi ang ama-amahan din ni Esther. Ibinigay ni Ahasuero kay Mardokeo ang posisyon ni Haman bilang punong ministro. Ang bahay ni Haman—pati na ang napakalaking kayamanan niya—ay ibinigay ng hari kay Esther, na ipinamahala naman nito kay Mardokeo.—Es. 8:1, 2.
24, 25. (a) Bakit hindi pa mapapanatag si Esther kahit nabunyag na ang pakana ni Haman? (b) Paano muling isinapanganib ni Esther ang kaniyang buhay?
24 Ngayong ligtas na sina Esther at Mardokeo, mapapanatag na ba ang reyna? Oo, kung siya’y makasarili. Nang panahong iyon, ang utos ni Haman na patayin ang lahat ng Judio ay naipadala na sa buong imperyo. Si Haman ay nagpahagis ng palabunot, o Pur—lumilitaw na isang anyo ng espiritismo—para malaman kung kailan dapat isagawa ang paglipol. (Es. 9:24-26) Bagaman ilang buwan pa ito, mabilis na lumilipas ang panahon. Mapipigilan pa kaya ang kapahamakang ito?
25 Muling isinapanganib ni Esther ang kaniyang buhay, anupat humarap uli sa hari nang walang opisyal na paanyaya. Sa pagkakataong ito, tumangis siya para sa kaniyang mga kababayan at nakiusap sa kaniyang asawa na pawalang-bisa ang utos. Pero ang kautusan na may lagda ng hari ng Persia ay hindi na puwedeng bawiin. (Dan. 6:12, 15) Kaya binigyang-awtoridad ng hari sina Esther at Mardokeo na gumawa ng isang bagong kautusan. Naglabas ng ikalawang utos na nagbibigay-karapatan sa mga Judio na ipagtanggol ang kanilang sarili. Sakay ng mga kabayo, mabilis na inihatid ng mga sugo ang magandang balitang ito sa mga Judio sa buong imperyo. Nagkaroon sila ng pag-asa. (Es. 8:3-16) Maguguniguni natin ang mga Judio sa malawak na imperyong iyon habang naghahanda sa pakikipaglaban, na hindi nila magagawa kung wala ang bagong utos. Pero ang tanong, tutulungan ba ni “Jehova ng mga hukbo” ang kaniyang bayan?—1 Sam. 17:45.
Naglabas sina Esther at Mardokeo ng kautusan para sa mga Judio sa Imperyo ng Persia
26, 27. (a) Gaano kalaking tagumpay ang ibinigay ni Jehova sa kaniyang bayan laban sa kanilang mga kaaway? (b) Anong hula ang natupad nang malipol ang mga anak ni Haman?
26 Nang sumapit ang takdang araw, handa na ang bayan ng Diyos. Kumampi na rin sa kanila ang maraming opisyal ng Persia yamang napabalita sa buong imperyo ang tungkol sa bagong punong ministro, si Mardokeo na Judio. Isang malaking tagumpay ang ibinigay ni Jehova sa kaniyang bayan. Tiyak na tinulungan niya sila na lubusang talunin ang mga kaaway upang hindi na sila mapaghigantihan ng mga ito.a—Es. 9:1-6.
27 Bukod diyan, hindi magiging ligtas si Mardokeo sa pangangasiwa sa bahay ni Haman hangga’t buháy ang sampung anak ng masamang taong iyon. Pinatay rin ang mga ito. (Es. 9:7-10) Sa gayon, natupad ang isang hula ng Diyos sa Bibliya tungkol sa lubusang pagpuksa sa mga Amalekita, na naging ubod-samang kaaway ng kaniyang bayan. (Deut. 25:17-19) Malamang na kabilang ang mga anak ni Haman sa pinakahuling nalipol sa hinatulang bansang iyon.
28, 29. (a) Bakit kalooban ni Jehova na masangkot sa digmaan si Esther at ang kaniyang mga kababayan? (b) Bakit isang pagpapala sa atin ang halimbawa ni Esther?
28 Kinailangang balikatin ng kabataang si Esther ang napakabibigat na pasanin—gaya ng mga kautusan ng hari may kaugnayan sa digmaan at paglipol. Hindi ito madali. Pero kalooban ni Jehova na maingatan ang kaniyang bayan mula sa pagkalipol; ang bansang Israel ang pagmumulan ng ipinangakong Mesiyas, ang tanging pag-asa ng sangkatauhan! (Gen. 22:18) Ang mga lingkod ng Diyos sa ngayon ay natutuwa na malaman na noong narito sa lupa ang Mesiyas, si Jesus, ipinagbawal na niya sa kaniyang mga tagasunod ang pakikibahagi sa literal na digmaan.—Mat. 26:52.
29 Gayunman, ang mga Kristiyano ay may espirituwal na pakikidigma; mas determinado ngayon si Satanas na sirain ang ating pananampalataya sa Diyos na Jehova. (Basahin ang 2 Corinto 10:3, 4.) Isa ngang pagpapala sa atin ang halimbawa ni Esther! Tulad niya, maipakita sana natin ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng pagiging matalino at matiisin kapag nanghihikayat, pagiging malakas ang loob, at pagiging handang manindigan para sa bayan ng Diyos.
a Pinahintulutan ng hari ang mga Judio na ituloy ang pagpuksa sa kanilang mga kaaway hanggang sa kinabukasan. (Es. 9:12-14) Ang tagumpay na iyon ay ginugunita pa rin ng mga Judio taun-taon sa buwan ng Adar, na katumbas ng huling bahagi ng Pebrero at maagang bahagi ng Marso. Ang kapistahang ito ay tinatawag na Purim, na isinunod sa pangalan ng mga palabunot na ipinahagis ni Haman para lipulin ang mga Israelita.
-