Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Bahagi 1: Paniniwala ng mga Kristiyano
    Organisado Upang Gawin ang Kalooban ni Jehova
    • MGA TANONG PARA SA GUSTONG MAGPABAUTISMO

      Bahagi 1: Paniniwala ng mga Kristiyano

      Nalaman mo ang katotohanan nang mag-aral ka ng Bibliya kasama ng mga Saksi ni Jehova. Tiyak na nakatulong ang mga natutuhan mo para magkaroon ka ng malapít na kaugnayan sa Diyos at ng pag-asang buhay sa hinaharap at mga pagpapala sa isang paraisong lupa sa ilalim ng Kaharian ng Diyos. Tumibay ang pananampalataya mo sa Salita ng Diyos, at dahil sa pakikisama sa kongregasyong Kristiyano, marami ka nang natanggap na pagpapala. Naunawaan mo rin kung paano nakikitungo si Jehova sa kaniyang bayan sa ngayon.​—Zac. 8:23.

      At ngayong naghahanda ka na para sa bautismo, makikinabang ka mula sa pagrerepaso sa iyo ng mga elder sa mahahalagang paniniwala ng mga Kristiyano. (Heb. 6:1-3) Patuloy sanang pagpalain ni Jehova ang mga pagsisikap mo na makilala siya, at ibigay niya nawa sa iyo ang ipinangakong gantimpala.​—Juan 17:3.

      1. Bakit gusto mong magpabautismo?

      2. Sino si Jehova?

      • “Si Jehova ang tunay na Diyos sa langit at sa lupa. Wala nang iba pa.”​—Deut. 4:39.

      • “Ikaw, na ang pangalan ay Jehova, ikaw lang ang Kataas-taasan sa buong lupa.”​—Awit 83:18.

      3. Bakit mahalaga na gamitin mo ang personal na pangalan ng Diyos?

      • “Manalangin kayo sa ganitong paraan: ‘Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang pangalan mo.’”—Mat. 6:9.

      • “Ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.”​—Roma 10:13.

      4. Ano ang ilang terminong ginamit sa Bibliya para ilarawan si Jehova?

      • “Si Jehova, ang Maylalang ng lahat ng nasa lupa, ay Diyos magpakailanman.”​—Isa. 40:28.

      • “Ama namin na nasa langit.”​—Mat. 6:9.

      • “Ang Diyos ay pag-ibig.”​—1 Juan 4:8.

      5. Ano ang maibibigay mo sa Diyos na Jehova?

      • “Dapat mong ibigin si Jehova na iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong pag-iisip mo at nang buong lakas mo.”​—Mar. 12:30.

      • “Si Jehova na iyong Diyos ang dapat mong sambahin, at siya lang ang dapat mong paglingkuran.”​—Luc. 4:8.

      6. Bakit gusto mong maging tapat kay Jehova?

      • “Magpakarunong ka, anak ko, at pasayahin mo ang puso ko para may maisagot ako sa tumutuya sa akin.”​—Kaw. 27:11.

      7. Kanino ka nananalangin, at sa pamamagitan nino?

      • “Tinitiyak ko [ni Jesus] sa inyo, kung hihingi kayo sa Ama ng anuman, ibibigay niya iyon sa inyo sa pangalan ko.”​—Juan 16:23.

      8. Ano ang mga puwede mong ipanalangin?

      • “Manalangin kayo sa ganitong paraan: ‘Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang pangalan mo. Dumating nawa ang Kaharian mo. Mangyari nawa ang kalooban mo, kung paano sa langit, gayon din sa lupa. Bigyan mo kami ng pagkain para sa araw na ito; at patawarin mo kami sa mga kasalanan namin, kung paanong pinatatawad namin ang mga nagkakasala sa amin. At huwag mo kaming hayaang mahulog sa tukso, kundi iligtas mo kami mula sa isa na masama.’”—Mat. 6:9-13.

      • “Nagtitiwala tayo sa Diyos na anuman ang hingin natin ayon sa kalooban niya ay ibibigay niya.”​—1 Juan 5:14.

      9. Bakit hindi pinakikinggan ni Jehova ang ilang panalangin?

      • “Hihingi sila ng saklolo kay Jehova, pero hindi niya sila sasagutin . . . dahil sa masasamang ginagawa nila.”​—Mik. 3:4.

      • “Ang mga mata ni Jehova ay nakatingin sa mga matuwid, at ang mga tainga niya ay nakikinig sa kanilang pagsusumamo, pero si Jehova ay laban sa mga gumagawa ng masama.”​—1 Ped. 3:12.

      10. Sino si Jesu-Kristo?

      • “Sumagot si Simon Pedro: ‘Ikaw ang Kristo, ang Anak ng buháy na Diyos.’”—Mat. 16:16.

      11. Bakit pumarito si Jesus sa lupa?

      • “Ang Anak ng tao ay dumating, hindi para paglingkuran, kundi para maglingkod at ibigay ang buhay niya bilang pantubos na kapalit ng marami.”​—Mat. 20:28.

      • “Dapat ko [ni Jesus] ring ihayag sa ibang lunsod ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos dahil isinugo ako para dito.”​—Luc. 4:43.

      12. Paano mo maipapakita ang pasasalamat mo sa sakripisyo ni Jesus?

      • “Namatay siya para sa lahat, nang sa gayon, ang mga nabubuhay ay hindi na mabuhay para sa sarili nila, kundi para sa kaniya na namatay alang-alang sa kanila at binuhay-muli.”​—2 Cor. 5:15.

      13. Anong awtoridad ang ibinigay kay Jesus?

      • “Ang lahat ng awtoridad ay ibinigay na sa akin sa langit at sa lupa.”​—Mat. 28:18.

      • “Binigyan siya ng Diyos ng isang nakatataas na posisyon at ng pangalang nakahihigit sa lahat ng iba pang pangalan.”​—Fil. 2:9.

      14. Naniniwala ka ba na ang Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ang “tapat at matalinong alipin” na inatasan ni Jesus?

      • “Sino talaga ang tapat at matalinong alipin na inatasan ng panginoon niya sa mga lingkod ng sambahayan nito, para magbigay sa kanila ng pagkain sa tamang panahon?”—Mat. 24:45.

      15. Ang banal na espiritu ba ay isang persona?

      • “Sumagot ang anghel: ‘Sasaiyo ang banal na espiritu, at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan. Kaya ang isisilang mo ay tatawaging banal, Anak ng Diyos.’”—Luc. 1:35.

      • “Kung kayo na makasalanan ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa mga anak ninyo, lalo pa nga ang Ama sa langit! Magbibigay siya ng banal na espiritu sa mga humihingi sa kaniya.”​—Luc. 11:13.

      16. Paano ginagamit ni Jehova ang kaniyang banal na espiritu?

      • “Sa pamamagitan ng salita ni Jehova ay nalikha ang langit, at sa pamamagitan ng espiritu ng kaniyang bibig ay nalikha ang lahat ng naroon.”​—Awit 33:6.

      • “Tatanggap kayo ng kapangyarihan kapag dumating sa inyo ang banal na espiritu, at magiging mga saksi ko kayo . . . hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.”​—Gawa 1:8.

      • “Walang hula sa Kasulatan ang galing sa personal na interpretasyon. Dahil ang hula ay hindi kailanman dumating sa pamamagitan ng kalooban ng tao, kundi ang mga tao ay nagsalita mula sa Diyos habang ginagabayan sila ng banal na espiritu.”​—2 Ped. 1:20, 21.

      17. Ano ang Kaharian ng Diyos?

      • “Ang Diyos ng langit ay magtatatag ng isang kaharian na hindi mawawasak kailanman. At ang kahariang ito ay hindi ibibigay sa ibang bayan. Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng kahariang iyon, at ito lang ang mananatili magpakailanman.”​—Dan. 2:44.

      18. Anong mga pagpapala ang mararanasan mo sa ilalim ng Kaharian ng Diyos?

      • “Papahirin niya ang bawat luha sa mga mata nila, at mawawala na ang kamatayan, pati ang pagdadalamhati at ang pag-iyak at ang kirot. Ang dating mga bagay ay lumipas na.”​—Apoc. 21:4.

      19. Bakit kumbinsido ka na malapit nang dumating ang mga pagpapala ng Kaharian?

      • “Lumapit sa kaniya ang mga alagad nang sarilinan at nagsabi: ‘Sabihin mo sa amin, kailan mangyayari ang mga ito, at ano ang magiging tanda ng presensiya mo at ng katapusan ng sistemang ito?’ Sumagot si Jesus: ‘. . . Maglalabanan ang mga bansa at mga kaharian, at magkakaroon ng taggutom at lindol sa iba’t ibang lugar. At ang mabuting balitang ito tungkol sa Kaharian ay ipangangaral sa buong lupa para marinig ng lahat ng bansa, at pagkatapos ay darating ang wakas.’”—Mat. 24:3, 4, 7, 14.

      • “Sa mga huling araw, magiging mapanganib at mahirap ang kalagayan. Dahil ang mga tao ay magiging makasarili, maibigin sa pera, mayabang, mapagmataas, mamumusong, masuwayin sa magulang, walang utang na loob, di-tapat, walang likas na pagmamahal, ayaw makipagkasundo, maninirang-puri, walang pagpipigil sa sarili, mabangis, napopoot sa kabutihan, taksil, matigas ang ulo, mapagmalaki, maibigin sa kaluguran sa halip na maibigin sa Diyos, at mukhang makadiyos pero iba naman ang paraan ng pamumuhay.”​—2 Tim. 3:1-5.

      20. Paano mo maipapakita na mahalaga sa iyo ang Kaharian?

      • “Patuloy ninyong unahin ang Kaharian at ang katuwiran niya.”​—Mat. 6:33.

      • “Sinabi ni Jesus sa mga alagad niya: ‘Kung gusto ng isa na sumunod sa akin, dapat niyang itakwil ang kaniyang sarili at buhatin ang kaniyang pahirapang tulos at patuloy akong sundan.’”—Mat. 16:24.

      21. Sino si Satanas at ang mga demonyo?

      • “Kayo ay mula sa inyong amang Diyablo . . . Mamamatay-tao siya nang siya ay magsimula.”​—Juan 8:44.

      • “Inihagis ang malaking dragon, ang orihinal na ahas, ang tinatawag na Diyablo at Satanas, na nagliligaw sa buong mundo; inihagis siya sa lupa, at ang mga anghel niya ay inihagis na kasama niya.”​—Apoc. 12:9.

      22. Ano ang akusasyon ni Satanas kay Jehova at sa mga sumasamba sa Kaniya?

      • “Sumagot ang babae sa ahas: ‘Puwede kaming kumain ng bunga ng mga puno sa hardin. Pero kung tungkol sa bunga ng puno na nasa gitna ng hardin, sinabi ng Diyos: “Huwag kayong kakain ng bunga mula sa punong iyon at huwag ninyong hihipuin iyon para hindi kayo mamatay.”’ At sinabi ng ahas sa babae: ‘Tiyak na hindi kayo mamamatay. Dahil alam ng Diyos na sa mismong araw na kumain kayo ng bunga mula sa punong iyon, mabubuksan ang mga mata ninyo at magiging tulad kayo ng Diyos, na nakaaalam ng mabuti at masama.’”—Gen. 3:2-5.

      • “Sumagot si Satanas kay Jehova: ‘Balat para sa balat. Ibibigay ng isang tao ang lahat ng kaniya para sa buhay niya.’”—Job 2:4.

      23. Paano mo mapatutunayang mali ang akusasyon ni Satanas?

      • “Maglingkod ka sa [Diyos] nang buong puso.”​—1 Cro. 28:9.

      • “Mananatili akong tapat hanggang kamatayan!”—Job 27:5.

      24. Bakit namamatay ang tao?

      • “Sa pamamagitan ng isang tao, ang kasalanan ay pumasok sa sangkatauhan at dahil sa kasalanan ay pumasok ang kamatayan, kaya naman ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao, dahil silang lahat ay nagkasala.”​—Roma 5:12.

      25. Ano ang kalagayan ng mga patay?

      • “Alam ng mga buháy na mamamatay sila, pero walang alam ang mga patay.”​—Ecles. 9:5.

      26. Ano ang pag-asa ng mga patay?

      • “Bubuhaying muli . . . ang mga matuwid at di-matuwid.”​—Gawa 24:15.

      27. Ilan ang pupunta sa langit para mamahalang kasama ni Jesus?

      • “Nakita ko ang Kordero na nakatayo sa Bundok Sion, at may kasama siyang 144,000 na may pangalan niya at pangalan ng kaniyang Ama na nakasulat sa noo nila.”​—Apoc. 14:1.

  • Bahagi 2: Pamumuhay Bilang Kristiyano
    Organisado Upang Gawin ang Kalooban ni Jehova
    • MGA TANONG PARA SA GUSTONG MAGPABAUTISMO

      Bahagi 2: Pamumuhay Bilang Kristiyano

      Sa pag-aaral mo ng Bibliya, nalaman mo kung ano ang inaasahan sa iyo ni Jehova at kung paano ka mamumuhay ayon sa kaniyang matuwid na mga pamantayan. Dahil sa pagsasabuhay ng mga natutuhan mo, baka marami kang ginawang pagbabago sa iyong paggawi at maging sa pananaw mo sa buhay. Ngayong ipinasiya mo nang mamuhay ayon sa matuwid na mga pamantayan ni Jehova, nasa kalagayan ka na para maglingkod bilang ministro ng mabuting balita.

      Makatutulong ang pagrerepaso sa sumusunod na mga tanong para maitanim sa iyong isip ang matuwid na mga kahilingan ni Jehova, at maipapaalaala nito sa iyo ang ilang bagay na magagawa mo para maging isa sa kaniyang sinang-ayunang mga lingkod. Maidiriin din nito sa iyo kung bakit mahalagang gawin ang lahat ng bagay nang may malinis na konsensiya at sa ikararangal ni Jehova.​—2 Cor. 1:12; 1 Tim. 1:19; 1 Ped. 3:16, 21.

      Sa pag-aaral na ito, tiyak na mapapakilos kang magpasakop sa pamamahala ni Jehova at maging bahagi ng kaniyang organisasyon. Makatutulong sa iyo ang mga tanong at mga teksto para masuri mo kung nauunawaan mo ang tungkol sa pagpapasakop sa kaayusan ni Jehova, sa kongregasyon man, sa tahanan, o sa mga nasa awtoridad sa sistemang ito. Tiyak na lalalim ang pagpapahalaga mo sa mga kaayusan ni Jehova para maturuan at mapatibay sa espirituwal ang bayan niya. Kasama rito ang mga pulong ng kongregasyon. Kaya dapat kang dumalo at makibahagi sa mga pulong na ito hangga’t ipinapahintulot ng iyong kalagayan.

      Tatalakayin din sa seksiyong ito ang kahalagahan ng regular na pakikibahagi sa gawaing pangangaral tungkol sa Kaharian, at pagtulong sa iba na makilala si Jehova at malaman ang ginagawa niya para sa mga tao. (Mat. 24:14; 28:19, 20) Dahil diyan, tatatak sa isip mo kung gaano kaseryoso ang iyong pag-aalay sa Diyos na Jehova at ang iyong bautismo. Makakatiyak ka na pinahahalagahan ni Jehova ang iyong taimtim na pagtugon sa kaniyang walang kapantay na kabaitan para sa iyo.

      1. Ano ang pamantayang sinusunod ng mga Kristiyano sa pag-aasawa? Ano lang ang makakasulatang basehan para sa diborsiyo?

      • “Hindi ba ninyo nabasa na siya na lumalang sa kanila mula sa pasimula ay ginawa silang lalaki at babae at sinabi: ‘Dahil dito ay iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ina at mamumuhay kasama ng kaniyang asawang babae, at ang dalawa ay magiging isang laman’? Kaya hindi na sila dalawa, kundi isang laman. Kaya ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao. . . . Ang sinumang dumiborsiyo sa kaniyang asawang babae, malibang dahil sa seksuwal na imoralidad, at mag-asawa ng iba ay nangangalunya.”​—Mat. 19:4-6, 9.

      2. Bakit dapat ikasal ang lalaki at babae na nagsasama bilang mag-asawa? Kung kasal ka, nakakatiyak ka bang legal ito at kinikilala ng gobyerno?

      • “Patuloy mo silang paalalahanan na magpasakop at maging masunurin sa mga pamahalaan at awtoridad.”​—Tito 3:1.

      • “Maging marangal nawa para sa lahat ang pag-aasawa, at huwag nawang madungisan ang higaang pangmag-asawa, dahil hahatulan ng Diyos ang mga nagkakasala ng seksuwal na imoralidad at ang mga nangangalunya.”​—Heb. 13:4.

      3. Ano ang pananagutan mo sa loob ng pamilya?

      • “Makinig ka, anak ko, sa disiplina ng iyong ama, at huwag mong kalimutan ang tagubilin ng iyong ina.”​—Kaw. 1:8.

      • “Ang asawang lalaki ang ulo ng kaniyang asawang babae kung paanong ang Kristo ang ulo ng kongregasyon . . . Mga asawang lalaki, patuloy na mahalin ang inyong asawang babae kung paanong inibig ng Kristo ang kongregasyon.”​—Efe. 5:23, 25.

      • “Mga ama, huwag ninyong inisin ang inyong mga anak, kundi palakihin sila ayon sa disiplina at patnubay ni Jehova.”​—Efe. 6:4.

      • “Mga anak, maging masunurin kayo sa inyong mga magulang sa lahat ng bagay, dahil talagang nakapagpapasaya ito sa Panginoon.”​—Col. 3:20.

      • “Mga asawang babae, magpasakop kayo sa inyong asawang lalaki.”​—1 Ped. 3:1.

      4. Bakit dapat nating igalang ang buhay?

      • “[Ang Diyos] ang nagbibigay sa lahat ng tao ng buhay, hininga, at lahat ng bagay. Dahil sa kaniya, tayo ay may buhay at kumikilos at umiiral.”​—Gawa 17:25, 28.

      5. Bakit hindi tayo dapat pumatay ng sinuman, kasama na ang hindi pa naisisilang na sanggol?

      • “Kung may mga taong mag-away at masaktan nila ang isang babaeng nagdadalang-tao at . . . kung may mamatay, magbabayad ka ng buhay para sa buhay.”​—Ex. 21:22, 23.

      • “Nakita ako ng mga mata mo kahit noong binhi pa lang ako; ang lahat ng bahagi ko ay nakasulat sa iyong aklat tungkol sa mga araw nang mabuo ang mga iyon, bago pa mabuo ang alinman sa mga iyon.”​—Awit 139:16.

      • ‘Kinapopootan ni Jehova ang mga kamay na pumapatay ng inosente.’—Kaw. 6:16, 17.

      6. Ano ang iniutos ng Diyos tungkol sa dugo?

      • “Patuloy na umiwas . . . sa dugo [at] sa mga binigti.”​—Gawa 15:29.

      7. Bakit dapat nating mahalin ang mga kapatid?

      • “Binibigyan ko kayo ng isang bagong utos, na ibigin ninyo ang isa’t isa; ibigin ninyo ang isa’t isa kung paanong inibig ko kayo. Kung mahal ninyo ang isa’t isa, malalaman ng lahat na kayo ay mga alagad ko.”​—Juan 13:34, 35.

      8. Para hindi maipasa sa iba ang isang nakakahawa o posibleng nakamamatay na sakit: (a) Bakit dapat iwasan ng maysakit ang pisikal na pagpapakita ng pagmamahal, gaya ng paghalik at pagyakap? (b) Bakit hindi dapat masamain ng maysakit kung hindi siya anyayahan ng ilan sa kanilang bahay? (c) Bago makipagligawan, bakit dapat na kusang magpasuri ng dugo ang isa na nahantad sa isang nakakahawang sakit? (d) Bago magpabautismo, bakit dapat ipaalám ng isang may nakakahawang sakit sa koordineytor ng lupon ng matatanda ang kaniyang kalagayan?

      • “Huwag kayong magkautang sa sinuman maliban sa pag-ibig sa isa’t isa. . . . ‘Dapat mong mahalin ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’ Ang pag-ibig ay hindi gumagawa ng masama sa kapuwa.”​—Roma 13:8-10.

      • “[Isipin] ninyo ang kapakanan ng iba, hindi lang ang sa inyo.”​—Fil. 2:4.

      9. Bakit inaasahan ni Jehova na patatawarin natin ang iba?

      • “Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa kahit pa may dahilan kayo para magreklamo laban sa inyong kapuwa. Kung paanong lubusan kayong pinatawad ni Jehova, dapat na ganoon din ang gawin ninyo.”​—Col. 3:13.

      10. Ano ang dapat mong gawin kung siniraan ka o dinaya ng isang kapatid?

      • “Kung ang kapatid mo ay magkasala, puntahan mo siya at sabihin mo ang pagkakamali niya nang kayong dalawa lang. Kung makinig siya sa iyo, natulungan mo ang kapatid mo na gawin ang tama. Pero kung hindi siya makinig, magsama ka ng isa o dalawa pa, para sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi ay mapagtibay ang bawat bagay. Kung hindi siya makinig sa kanila, sabihin mo sa kongregasyon. Kung hindi siya makinig kahit sa kongregasyon, ituring mo siyang gaya ng tao ng ibang bansa at gaya ng maniningil ng buwis.”​—Mat. 18:15-17.

      11. Ano ang pananaw ni Jehova sa mga kasalanang ito?

      ▪ Seksuwal na imoralidad

      ▪ Paggamit ng mga imahen sa pagsamba

      ▪ Homoseksuwalidad

      ▪ Pagnanakaw

      ▪ Pagsusugal

      ▪ Paglalasing

      • “Huwag kayong magpalinlang. Ang mga imoral, sumasamba sa idolo, mangangalunya, lalaking nagpapagamit sa kapuwa lalaki, lalaking nagsasagawa ng gawaing homoseksuwal, magnanakaw, sakim, lasenggo, manlalait, at mangingikil ay hindi magmamana ng Kaharian ng Diyos.”​—1 Cor. 6:9, 10.

      12. Tungkol sa seksuwal na imoralidad, kasama na ang ibang seksuwal na mga gawain nang mga hindi mag-asawa, ano ang determinado mong gawin?

      • “Tumakas kayo mula sa seksuwal na imoralidad!”—1 Cor. 6:18.

      13. Bakit dapat tayong umiwas sa di-medikal na paggamit ng mga substansiya na nakakaadik o nakaaapekto sa isip?

      • “Iharap ninyo ang inyong katawan bilang isang haing buháy, banal, at katanggap-tanggap sa Diyos, para makapaglingkod kayo sa kaniya gamit ang inyong kakayahan sa pangangatuwiran. At huwag na kayong magpahubog sa sistemang ito, kundi magbagong-anyo kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, para mapatunayan ninyo sa inyong sarili kung ano ang mabuti, katanggap-tanggap, at perpektong kalooban ng Diyos.”​—Roma 12:1, 2.

      14. Ano ang ilang makademonyong gawain na ipinagbabawal ng Diyos?

      • “Hindi dapat magkaroon sa gitna ninyo ng sinumang . . . manghuhula, mahiko, naghahanap ng tanda, mangkukulam, nanggagayuma, kumokonsulta sa espiritista o manghuhula, o nakikipag-usap sa patay.”​—Deut. 18:10, 11.

      15. Kung makagawa ang isa ng malubhang kasalanan at gusto niyang muling makamit ang pagsang-ayon ni Jehova, ano ang dapat niyang gawin agad?

      • “Ipinagtapat ko sa iyo ang kasalanan ko; hindi ko itinago ang pagkakamali ko. Sinabi ko: ‘Ipagtatapat ko kay Jehova ang mga kasalanan ko.’”—Awit 32:5.

      • “Mayroon bang sinuman sa inyo na may sakit? Tawagin niya ang matatandang lalaki sa kongregasyon, at ipanalangin nila siya at pahiran ng langis sa pangalan ni Jehova. At ang panalangin na may pananampalataya ay magpapagaling sa maysakit, at ibabangon siya ni Jehova. At kung nakagawa siya ng mga kasalanan, patatawarin siya.”​—Sant. 5:14, 15.

      16. Kung nalaman mo na nakagawa ng malubhang kasalanan ang isang Kristiyano, ano ang dapat mong gawin?

      • “Kung ang isang tao ay magkasala dahil narinig niyang may panawagan sa publiko na tumestigo pero hindi niya ipinaalám ang pagkakasala kahit na isa siyang saksi o nakita niya iyon o nalaman niya ang tungkol dito, mananagot siya sa kasalanan niya.”​—Lev. 5:1.

      17. Kung ipinatalastas na ang isang kapatid ay hindi na isang Saksi ni Jehova, paano mo siya dapat pakitunguhan?

      • “Tigilan ang pakikisama sa sinumang tinatawag na kapatid pero imoral, sakim, sumasamba sa idolo, manlalait, lasenggo, o mangingikil, at huwag man lang kumaing kasama ng gayong tao.”​—1 Cor. 5:11.

      • “Kung may magpunta sa inyo at hindi niya dala ang turong ito, huwag ninyo siyang tanggapin sa tahanan ninyo at huwag ninyo siyang batiin.”​—2 Juan 10.

      18. Bakit gusto mong maging malapít na kaibigan ang mga taong nagmamahal kay Jehova?

      • “Ang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong, pero ang sumasama sa mga mangmang ay mapapahamak.”​—Kaw. 13:20.

      • “Huwag kayong magpalinlang. Ang masasamang kasama ay sumisira ng magagandang ugali.”​—1 Cor. 15:33.

      19. Bakit neutral ang mga Saksi ni Jehova pagdating sa politika?

      • “Hindi sila bahagi ng sanlibutan, kung paanong ako [si Jesus] ay hindi bahagi ng sanlibutan.”​—Juan 17:16.

      20. Bakit dapat kang sumunod sa gobyerno?

      • “Ang bawat tao ay dapat magpasakop sa nakatataas na mga awtoridad dahil walang awtoridad na hindi nagmula sa Diyos; ang Diyos ang naglagay sa mga ito sa kani-kanilang posisyon.”​—Roma 13:1.

      21. Kung salungat ang batas ng tao sa batas ng Diyos, ano ang gagawin mo?

      • “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.”​—Gawa 5:29.

      22. Kapag pumipili ng trabaho, anong mga teksto ang makatutulong sa iyo na manatiling hindi bahagi ng sanlibutan?

      • “Walang bansa na magtataas ng espada laban sa ibang bansa, at hindi na rin sila mag-aaral ng pakikipagdigma.”​—Mik. 4:3.

      • “Lumabas kayo sa kaniya [sa Babilonyang Dakila], bayan ko, kung ayaw ninyong masangkot sa mga kasalanan niya, at kung ayaw ninyong madamay sa mga salot niya.”​—Apoc. 18:4.

      23. Anong uri ng libangan ang pipiliin mo, at alin ang iiwasan mo?

      • “Napopoot [si Jehova] sa sinumang mahilig sa karahasan.”​—Awit 11:5.

      • “Kamuhian ninyo ang masama; ibigin ninyo ang mabuti.”​—Roma 12:9.

      • “Anumang bagay na totoo, seryosong pag-isipan, matuwid, malinis, kaibig-ibig, marangal, mabuti, at kapuri-puri, patuloy na isaisip ang mga ito.”​—Fil. 4:8.

      24. Bakit hindi nakikibahagi sa pagsamba ng ibang relihiyon ang mga Saksi ni Jehova?

      • “Hindi kayo puwedeng kumain sa ‘mesa ni Jehova’ at sa mesa ng mga demonyo.”​—1 Cor. 10:21.

      • “‘Humiwalay kayo,’ ang sabi ni Jehova, ‘at huwag na kayong humipo ng maruming bagay’; ‘at tatanggapin ko kayo.’”—2 Cor. 6:17.

      25. Anong mga prinsipyo sa Bibliya ang makatutulong sa iyo na magpasiya kung makikibahagi ka sa isang selebrasyon?

      • “Nakisalamuha sila sa mga bansa at sumunod sa kaugalian ng mga ito. Patuloy silang naglingkod sa mga idolo ng mga ito, at ang mga iyon ay naging bitag sa kanila.”​—Awit 106:35, 36.

      • “Walang alam ang mga patay.”​—Ecles. 9:5.

      • “Hindi sila bahagi ng sanlibutan, kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan.”​—Juan 17:16.

      • “Sapat na ang panahong nagdaan na ginagawa ninyo ang kalooban ng mga bansa—ang paggawi nang may kapangahasan, pagkakaroon ng di-makontrol na pagnanasa, labis na pag-inom ng alak, magulong pagsasaya, pagpapaligsahan sa pag-inom, at kasuklam-suklam na mga idolatriya.”​—1 Ped. 4:3.

      26. Paano makatutulong ang mga ulat sa Bibliya sa pagpapasiya mo kung magdiriwang ka ng kaarawan?

      • “Nang ikatlong araw ay kaarawan ng Paraon, at naghanda siya ng isang malaking salusalo para sa lahat ng lingkod niya, at inilabas niya ang punong katiwala ng kopa at ang punong panadero para makita ng mga lingkod niya. Ang punong katiwala ng kopa ay ibinalik niya sa pagiging katiwala ng kopa . . . Pero ibinitin niya ang punong panadero.”​—Gen. 40:20-22.

      • “Nang ipinagdiriwang ang kaarawan ni Herodes, sumayaw ang anak na babae ni Herodias at tuwang-tuwa si Herodes, kaya sumumpa siyang ibibigay rito ang anumang hingin nito. Ayon sa idinikta ng ina, sinabi ng dalaga: ‘Ibigay ninyo sa akin ngayon sa isang bandehado ang ulo ni Juan Bautista.’ Kaya nagsugo siya ng sundalo at pinapugutan ng ulo si Juan sa bilangguan.”​—Mat. 14:6-8, 10.

      27. Bakit gusto mong sundin ang tagubilin ng mga elder?

      • “Maging masunurin kayo sa mga nangunguna sa inyo at maging mapagpasakop, dahil patuloy nila kayong binabantayan na isinasaisip na mananagot sila, para magawa nila ito nang masaya at hindi nagbubuntonghininga, dahil makapipinsala ito sa inyo.”​—Heb. 13:17.

      28. Bakit mahalaga na maglaan ka at ang pamilya mo ng oras para regular na basahin at pag-aralan ang Bibliya?

      • “Nalulugod siya sa kautusan ni Jehova, at ang kautusan Niya ay binabasa niya nang pabulong araw at gabi. Magiging gaya siya ng isang puno na nakatanim sa tabi ng daluyan ng tubig, isang puno na namumunga sa panahon nito, na ang mga dahon ay hindi nalalanta. At ang lahat ng ginagawa niya ay magtatagumpay.”​—Awit 1:2, 3.

      29. Bakit gusto mong dumalo at makibahagi sa mga pulong?

      • “Ipahahayag ko ang pangalan mo sa mga kapatid ko; sa gitna ng kongregasyon ay pupurihin kita.”​—Awit 22:22.

      • “Isipin natin ang isa’t isa para mapasigla natin ang bawat isa na magpakita ng pag-ibig at gumawa ng mabuti, at huwag nating pabayaan ang pagtitipon natin, gaya ng nakaugalian ng iba, kundi patibayin natin ang isa’t isa, at gawin natin ito nang higit pa habang nakikita nating papalapit na ang araw.”​—Heb. 10:24, 25.

      30. Ano ang pinakamahalagang atas na ibinigay sa atin ni Jesus?

      • “Humayo kayo at gumawa ng mga alagad mula sa mga tao ng lahat ng bansa, na binabautismuhan sila . . . at itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng iniutos ko sa inyo.”​—Mat. 28:19, 20.

      31. Kapag nagbibigay tayo ng donasyon para sa gawaing pang-Kaharian o para tulungan ang mga kapatid, paano natin mapasasaya si Jehova?

      • “Parangalan mo si Jehova sa pamamagitan ng iyong mahahalagang pag-aari.”​—Kaw. 3:9.

      • “Magbigay ang bawat isa nang mula sa puso, hindi mabigat sa loob o napipilitan, dahil mahal ng Diyos ang masayang nagbibigay.”​—2 Cor. 9:7.

      32. Anong mga hamon ang dapat asahan ng mga Kristiyano?

      • “Maligaya ang mga pinag-uusig sa paggawa ng tama, dahil mapapasakanila ang Kaharian ng langit. Maligaya kayo kapag nilalait kayo ng mga tao, inuusig, at pinaparatangan ng kung ano-anong masasamang bagay dahil sa akin. Matuwa kayo at mag-umapaw sa saya, dahil malaki ang gantimpala ninyo sa langit; inusig din nila sa gayong paraan ang mga propeta noon.”​—Mat. 5:10-12.

      33. Bakit isang espesyal na pribilehiyo ang mabautismuhan bilang isang Saksi ni Jehova?

      • “Ang iyong salita ay naging kagalakan at kaluguran ng puso ko, dahil tinatawag ako sa pangalan mo, O Jehova na Diyos.”​—Jer. 15:16.

  • Huling Pakikipagtalakayan sa Kandidato sa Bautismo
    Organisado Upang Gawin ang Kalooban ni Jehova
    • MGA TANONG PARA SA GUSTONG MAGPABAUTISMO

      Huling Pakikipagtalakayan sa Kandidato sa Bautismo

      Ang mga bautismo ay karaniwan nang ginagawa sa mga asamblea at kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova. Sa huling bahagi ng pahayag sa bautismo, hihilingan ng tagapagsalita ang mga kandidato sa bautismo na tumayo at sagutin nang malakas ang dalawang tanong na ito:

      1. Pinagsisihan mo na ba ang iyong mga kasalanan, inialay ang sarili mo kay Jehova, at tinanggap ang pagliligtas niya sa pamamagitan ni Jesu-Kristo?

      2. Nauunawaan mo ba na ang iyong bautismo ay nagpapakitang isa ka nang Saksi ni Jehova at bahagi ka na ng organisasyon ni Jehova?

      Sa positibong pagsagot ng mga kandidato sa bautismo sa mga tanong na ito, “ipinahahayag” nila na nananampalataya sila sa pantubos at na inialay na nila ang kanilang sarili kay Jehova. (Roma 10:9, 10) Makakabuti kung patiunang pag-iisipan at ipapanalangin ng mga kandidato sa bautismo ang mga tanong na ito para makasagot sila batay sa kanilang sariling pasiya.

      Inialay mo na ba ang iyong sarili kay Jehova sa panalangin, na ipinapangako na siya lang ang sasambahin mo at na uunahin mo sa iyong buhay ang paggawa ng kalooban niya?

      Talaga bang kumbinsido ka nang dapat kang magpabautismo sa lalong madaling panahon?

      Ano ang angkop na isuot para sa bautismo? (1 Tim. 2:9, 10; Juan 15:19; Fil. 1:10)

      Dapat na manamit nang may “kahinhinan at matinong pag-iisip” para maipakita ang ating “debosyon sa Diyos.” Kaya hindi angkop sa isang kandidato sa bautismo na magsuot ng mapang-akit na pambasâ o damit na may islogan, sulat, o larawan. Dapat na pumili ng damit na malinis, maayos, at angkop sa okasyon.

      Paano dapat gumawi ang isa sa panahon ng kaniyang bautismo? (Luc. 3:21, 22)

      Ang bautismo ni Jesus ay nagsisilbing halimbawa para sa bautismo ng mga Kristiyano sa ngayon. Itinuring niyang isang seryosong hakbang ang bautismo, at nakita ito sa kaniyang saloobin at pagkilos. Kaya ang lugar ng bautismo ay hindi lugar para sa pagbibiruan, paglangoy, o iba pang paggawi na makakabawas sa pagiging seryoso ng okasyon. Hindi rin dapat gumawi ang isang bagong bautisado na para bang may nakamit siyang napakalaking tagumpay. Masayang okasyon ang bautismo, pero dapat ipahayag ang kagalakan sa marangal na paraan.

      Paano makatutulong ang regular na pagdalo sa mga pulong at pakikipagsamahan sa kongregasyon para matupad mo ang iyong pag-aalay kay Jehova?

      Kahit bautisado ka na, bakit napakahalagang mapanatili mo ang isang mahusay na iskedyul ng personal na pag- aaral at regular na pakikibahagi sa ministeryo?

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share