Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Saan Tayo Napupunta Kapag Namatay Tayo?
    Ano ang Itinuturo sa Atin ng Bibliya?
    • KABANATA 6

      Saan Tayo Napupunta Kapag Namatay Tayo?

      1-3. Ano ang itinatanong ng mga tao tungkol sa kamatayan, at ano ang sagot dito ng ilang relihiyon?

      NANGANGAKO ang Bibliya na darating ang panahon na “mawawala na ang kamatayan.” (Apocalipsis 21:4) Sa Kabanata 5, natutuhan natin na dahil sa pantubos, posible na tayong mabuhay magpakailanman. Pero namamatay pa rin ang mga tao. (Eclesiastes 9:5) Kaya ang isang mahalagang tanong ay, Ano ang nangyayari sa atin kapag namatay tayo?

      2 Mahalaga ang sagot sa tanong na iyan lalo na kapag namatayan tayo ng mahal sa buhay. Baka maisip natin: ‘Nasaan na kaya siya? Binabantayan kaya niya tayo? Matutulungan kaya niya tayo? Makikita pa kaya natin siya uli?’

      3 Iba-iba ang sagot diyan ng mga relihiyon. May mga nagtuturo na kung mabait ka, pupunta ka sa langit, at kung masama ka, masusunog ka sa impiyerno. Sinasabi naman ng iba na kapag namatay ka, nagiging espiritu ka at nabubuhay kasama ng mga namatay mong kapamilya. At may mga nagsasabi na kapag namatay ka at nahatulan, puwede kang ipanganak-muli, o mabuhay-muli sa ibang katawan, puwedeng sa tao o hayop pa nga.

      4. Ano ang karaniwang ideya na itinuturo ng mga relihiyon tungkol sa kamatayan?

      4 Parang magkakaiba ang turo ng mga relihiyon. Pero ang totoo, halos iisa lang ang ideya ng mga turo nila. Itinuturo nila na kapag namatay ang isang tao, may bahagi ito na patuloy na nabubuhay. Totoo ba iyan?

      SAAN TAYO NAPUPUNTA KAPAG NAMATAY TAYO?

      5, 6. Ano ang nangyayari sa atin kapag namatay tayo?

      5 Alam ni Jehova ang nangyayari sa atin kapag namatay tayo, at sinasabi niya na kapag namatay ang isang tao, tapós na rin ang buhay niya. Ang kamatayan ang kabaligtaran ng buhay. Kaya kapag namatay ang isang tao, wala na rin siyang damdamin at alaala na patuloy na nabubuhay sa ibang lugar.a Pagkamatay natin, hindi na tayo nakakakita, nakakarinig, at nakakapag-isip.

      6 Isinulat ni Haring Solomon na “walang alam ang mga patay.” Hindi na puwedeng magmahal o magalit ang mga patay, at “wala nang gawain, pagpaplano, kaalaman, o karunungan sa Libingan.” (Basahin ang Eclesiastes 9:5, 6, 10.) At sinasabi sa Awit 146:4 na kapag namatay ang isang tao, “naglalaho ang pag-iisip niya.”

      ANG SINABI NI JESUS TUNGKOL SA KAMATAYAN

      Mag-asawang nakaupo sa isang hardin at tinitingnan ang isang magandang bulaklak

      Nilalang ni Jehova ang tao para mabuhay magpakailanman sa lupa

      7. Ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa kamatayan?

      7 Nang mamatay ang kaibigan niyang si Lazaro, sinabi ni Jesus sa mga alagad niya: “Ang kaibigan nating si Lazaro ay natutulog.” Pero hindi sinasabi ni Jesus na nagpapahinga lang ito. Sinabi pa niya: “Patay na si Lazaro.” (Juan 11:11-14) Dito, ikinumpara ni Jesus ang kamatayan sa pagtulog. Hindi niya sinabing nasa langit si Lazaro o kasama ng mga namatay niyang kapamilya. Hindi rin niya sinabing pinahihirapan si Lazaro sa impiyerno o ipinanganak-muli bilang tao o hayop. Sinasabi ni Jesus na parang natutulog lang nang mahimbing si Lazaro. Ikinukumpara ng ibang teksto ang kamatayan sa mahimbing na pagtulog. Nang buhayin ni Jesus ang anak ni Jairo, sinabi niya: “Hindi siya namatay. Natutulog lang siya.”—Lucas 8:52, 53.

      8. Paano natin nalaman na hindi nilalang ng Diyos ang tao para mamatay?

      8 Nilalang ba ng Diyos sina Adan at Eva para mamatay? Hindi! Nilalang sila ni Jehova para mabuhay magpakailanman. Nang gawin ni Jehova ang mga tao, inilagay niya sa puso nila ang kagustuhang mabuhay magpakailanman. (Eclesiastes 3:11) Ayaw ng mga magulang na makitang tumatanda at namamatay ang mga anak nila, at ganiyan din si Jehova. Pero kung nilalang tayo ng Diyos para mabuhay magpakailanman, bakit tayo namamatay?

      BAKIT TAYO NAMAMATAY?

      9. Bakit makatuwiran ang utos na ibinigay ni Jehova kina Adan at Eva?

      9 Sa hardin ng Eden, sinabi ni Jehova kay Adan: “Makakakain ka ng bunga mula sa bawat puno sa hardin hanggang sa masiyahan ka. Pero huwag kang kakain ng bunga mula sa puno ng pagkaalam ng mabuti at masama, dahil sa araw na kumain ka mula roon ay tiyak na mamamatay ka.” (Genesis 2:9, 16, 17) Hindi mahirap sundin ang malinaw na utos na iyon, at may karapatan si Jehova na sabihin kina Adan at Eva kung ano ang mabuti at masama. Kung susundin nila si Jehova, maipapakita nilang iginagalang nila ang awtoridad niya at nagpapasalamat sila sa lahat ng ibinigay niya.

      10, 11. (a) Ano ang ginawa ni Satanas para sumuway sa Diyos sina Adan at Eva? (b) Bakit hindi mapapatawad sina Adan at Eva?

      10 Nakakalungkot, pinili nina Adan at Eva na suwayin si Jehova. Sinabi ni Satanas kay Eva: “Talaga bang sinabi ng Diyos na hindi kayo puwedeng kumain ng bunga mula sa lahat ng puno sa hardin?” Sumagot si Eva: “Puwede kaming kumain ng bunga ng mga puno sa hardin. Pero kung tungkol sa bunga ng puno na nasa gitna ng hardin, sinabi ng Diyos: ‘Huwag kayong kakain ng bunga mula sa punong iyon at huwag ninyong hihipuin iyon para hindi kayo mamatay.’”—Genesis 3:1-3.

      11 Pagkatapos, sinabi ni Satanas: “Tiyak na hindi kayo mamamatay. Dahil alam ng Diyos na sa mismong araw na kumain kayo ng bunga mula sa punong iyon, mabubuksan ang mga mata ninyo at magiging tulad kayo ng Diyos, na nakaaalam ng mabuti at masama.” (Genesis 3:4-6) Gusto ni Satanas na isipin ni Eva na puwede siyang magdesisyon kung ano ang mabuti at masama. Nagsinungaling din siya tungkol sa mangyayari kay Eva kapag sumuway ito. Sinabi ni Satanas na hindi mamamatay si Eva, kaya kumain si Eva ng bunga at binigyan din ang asawa niya. Alam nina Adan at Eva na sinabi ni Jehova na huwag silang kakain ng bunga. Nang kainin nila ito, pinili nilang suwayin ang isang malinaw at makatuwirang utos. Ipinakita rin nilang hindi nila iginagalang ang kanilang mapagmahal na Ama sa langit. Hindi mapapatawad ang ginawa nila!

      12. Bakit napakasakit para kay Jehova ang pagsuway nina Adan at Eva?

      12 Talagang napakasakit sa Maylalang ang kawalang-galang ng unang mga magulang natin! Ano ang mararamdaman mo kung matapos mong palakihin ang mga anak mo ay magrebelde sila sa iyo at suwayin ang utos mo? Hindi ba’t masasaktan ka?

      Si Adan nang siya ay lalangin

      Si Adan ay galing sa alabok, at sa alabok din siya bumalik

      13. Ano ang ibig sabihin ni Jehova nang sabihin niyang “sa alabok ka babalik”?

      13 Nang sumuway sina Adan at Eva, naiwala nila ang pagkakataong mabuhay magpakailanman. Sinabi ni Jehova kay Adan: “Ikaw ay alabok, kaya sa alabok ka babalik.” (Basahin ang Genesis 3:19.) Ibig sabihin, magiging alabok ulit si Adan, na para bang hindi siya ginawa. (Genesis 2:7) Matapos magkasala ni Adan, namatay siya at hindi na umiral.

      14. Bakit tayo namamatay?

      14 Kung sumunod lang sina Adan at Eva sa Diyos, buháy pa sana sila ngayon. Pero nang sumuway sila, nagkasala sila at di-nagtagal ay namatay. Ang kasalanan ay parang isang malubhang sakit na namana natin sa unang mga magulang natin. Ipinanganak tayong makasalanan, kaya namamatay tayo. (Roma 5:12) Pero hindi iyan ang layunin ng Diyos para sa tao. Hindi niya kailanman gustong mamatay ang tao, kaya tinatawag ng Bibliya ang kamatayan na “kaaway.”—1 Corinto 15:26.

      PINAPALAYA TAYO NG KATOTOHANAN

      15. Paano tayo napapalaya ng katotohanan tungkol sa kamatayan?

      15 Ang katotohanan tungkol sa kamatayan ay nagpapalaya sa atin sa maraming maling ideya. Itinuturo ng Bibliya na ang mga patay ay hindi na nasasaktan o nalulungkot. Hindi natin sila puwedeng makausap, at hindi rin nila tayo kayang kausapin. Hindi natin sila matutulungan, at hindi rin nila tayo matutulungan. Hindi nila tayo kayang saktan, kaya hindi tayo dapat matakot sa kanila. Pero itinuturo ng maraming relihiyon na nabubuhay sila sa ibang lugar at na matutulungan natin sila kung magbabayad tayo sa mga pari o lider ng relihiyon para magpadasal o magpamisa para sa kanila. Pero kung alam natin ang katotohanan tungkol sa kamatayan, hindi tayo madadaya ng mga kasinungalingang iyon.

      16. Anong kasinungalingan ang itinuturo ng maraming relihiyon tungkol sa mga patay?

      16 Ginagamit ni Satanas ang huwad na relihiyon para magsinungaling sa atin at ipaisip na buháy pa ang mga patay. Halimbawa, itinuturo ng ilang relihiyon na kapag namatay tayo, may bahagi sa atin na patuloy na nabubuhay sa ibang lugar. Iyan ba ang itinuturo ng relihiyon mo, o itinuturo nito ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga patay? Gumagamit si Satanas ng kasinungalingan para ilayo ang mga tao kay Jehova.

      17. Bakit isang insulto kay Jehova ang ideya na sinusunog ang mga tao sa impiyerno?

      17 Nakakapangilabot ang itinuturo ng maraming relihiyon. Halimbawa, itinuturo ng ilan na ang masasama ay masusunog sa impiyerno magpakailanman. Isang insulto kay Jehova ang kasinungalingang iyan. Hinding-hindi niya hahayaang maghirap ang mga tao sa ganoong paraan! (Basahin ang 1 Juan 4:8.) Ano ang mararamdaman mo sa isang tao na sinusunog ang kamay ng anak niya bilang parusa? Tiyak na iisipin mong napakalupit niya, at hindi mo siya gugustuhing makilala. Ganiyan mismo ang gusto ni Satanas na maramdaman natin kay Jehova!

      18. Bakit hindi tayo dapat matakot sa mga patay?

      18 Sinasabi ng ilang relihiyon na kapag namatay ang mga tao, nagiging espiritu sila. Itinuturo ng mga relihiyong ito na dapat nating igalang at katakutan ang mga espiritung iyon dahil puwede silang maging makapangyarihang kaibigan o malupit na kaaway. Marami ang naniniwala sa kasinungalingang iyan. Natatakot sila sa mga patay, kaya sinasamba nila ang mga ito sa halip na si Jehova. Tandaan, wala nang nararamdaman ang mga patay, kaya hindi tayo dapat matakot sa kanila. Si Jehova ang ating Maylalang. Siya ang tunay na Diyos, kaya siya lang ang dapat nating sambahin.—Apocalipsis 4:11.

      19. Ano ang naitulong sa atin ng pagkaalam ng katotohanan tungkol sa kamatayan?

      19 Kapag alam natin ang katotohanan tungkol sa kamatayan, napapalaya tayo mula sa kasinungalingan ng mga relihiyon. At natutulungan tayo ng katotohanang ito na maintindihan ang magagandang pangako ni Jehova para sa atin at sa kinabukasan natin.

      20. Ano ang matututuhan natin sa susunod na kabanata?

      20 Noon, nagtanong ang lingkod ng Diyos na si Job: “Kung mamatay ang isang tao, mabubuhay pa ba siyang muli?” (Job 14:14) Puwede ba talagang mabuhay-muli ang isang namatay? Napakaganda ng sagot diyan ng Bibliya. Malalaman natin iyan sa susunod na kabanata.

      a Naniniwala ang ilan na may kaluluwa o espiritu na patuloy na nabubuhay pagkamatay ng isang tao. Para sa iba pang detalye, tingnan ang Karagdagang Impormasyon 17 at 18.

      SUMARYO

      KATOTOHANAN 1: KAPAG NAMATAY ANG ISANG TAO, TAPÓS NA RIN ANG BUHAY NIYA

      “Walang alam ang mga patay.”—Eclesiastes 9:5

      Ano ang nangyayari sa atin kapag namatay tayo?

      • Awit 146:3, 4; Eclesiastes 9:6, 10

        Kapag namatay tayo, hindi na tayo nakakakita, nakakarinig, at nakakapag-isip.

      • Juan 11:11-14

        Ikinumpara ni Jesus ang kamatayan sa pagtulog.

      KATOTOHANAN 2: HINDI GUSTO NI JEHOVA NA MAMATAY ANG MGA TAO

      “Huwag kang kakain ng bunga mula sa puno ng pagkaalam ng mabuti at masama, dahil sa araw na kumain ka mula roon ay tiyak na mamamatay ka.”—Genesis 2:17

      Bakit tayo namamatay?

      • Genesis 3:1-6

        Nagsinungaling si Satanas tungkol sa mangyayari kay Eva kapag sinuway niya ang utos ng Diyos. Nang suwayin nina Adan at Eva si Jehova, nagkasala sila at nang bandang huli, namatay sila.

      • Genesis 3:19

        Pagkamatay ni Adan, hindi na siya umiral.

      • Roma 5:12

        Ang kasalanan ay parang isang malubhang sakit na namana natin sa unang mga magulang natin. Lahat tayo ay ipinanganak na makasalanan, kaya namamatay tayo.

      • 1 Corinto 15:26

        Tinatawag ng Bibliya ang kamatayan na kaaway.

      KATOTOHANAN 3: NAPAPALAYA TAYO NG KATOTOHANAN TUNGKOL SA KAMATAYAN

      “Kung mamatay ang isang tao, mabubuhay pa ba siyang muli? . . . Maghihintay ako hanggang sa dumating ang kaginhawahan ko.”—Job 14:14

      Paano tayo napapalaya mula sa maling mga ideya kapag nalaman natin ang katotohanan tungkol sa kamatayan?

      • 1 Juan 4:8

        Isang insulto kay Jehova ang turo tungkol sa impiyerno. Hinding-hindi niya hahayaang maghirap ang mga tao sa ganoong paraan.

      • Apocalipsis 4:11

        Marami ang natatakot sa mga patay, kaya sinasamba nila ang mga ito sa halip na si Jehova. Si Jehova ang tunay na Diyos, kaya siya lang ang dapat nating sambahin.

  • Magkakaroon ng Pagkabuhay-Muli!
    Ano ang Itinuturo sa Atin ng Bibliya?
    • KABANATA 7

      Magkakaroon ng Pagkabuhay-Muli!

      1-3. Saan tayo bilanggo, at paano tayo palalayain ni Jehova?

      ISIPING nasentensiyahan kang makulong nang habambuhay dahil sa isang krimeng hindi mo naman ginawa. Wala ka nang pag-asang makalaya. Para na ring nawalan nang saysay ang buhay mo, at wala ka nang magagawa pa. Pero noong halos mawawalan ka na ng pag-asa, nalaman mo na may isang tao pala na may kakayahang magpalaya sa iyo at nangako siyang tutulungan ka! Ano ang mararamdaman mo?

      2 Lahat tayo ay bilanggo ng kamatayan. Kahit ano pa ang gawin natin, hindi natin ito matatakasan. Pero may kapangyarihan si Jehova na palayain tayo mula sa kamatayan. At nangangako siya na “ang huling kaaway, ang kamatayan, ay mawawala na.”—1 Corinto 15:26.

      3 Ang gaan sa pakiramdam kapag hindi mo na kailangang mag-alala na mamamatay ka! Pero hindi lang aalisin ni Jehova ang kamatayan. Bubuhayin din niyang muli ang mga namatay na. Isipin ang kahulugan nito para sa iyo. Nangangako siya na muling mabubuhay ang mga patay. (Isaias 26:19) Tinatawag ito ng Bibliya na pagkabuhay-muli.

      KAPAG NAMATAY ANG ISANG MAHAL SA BUHAY

      4. (a) Ano ang makapagbibigay sa atin ng pag-asa kapag namatay ang isang kapamilya o kaibigan natin? (b) Sino ang ilan sa mga kaibigan ni Jesus?

      4 Kapag namatay ang isang kapamilya o malapít na kaibigan, baka hindi natin kayanin ang sakit at pagdadalamhati. Baka maramdaman nating walang makakatulong sa atin. Hindi na natin maibabalik ang buhay ng taong iyon. Pero nagbibigay ng tunay na pag-asa ang Bibliya. (Basahin ang 2 Corinto 1:3, 4.) Pag-usapan natin ang isang halimbawa na nagpapakitang gustong-gustong buhayin ni Jehova at ni Jesus ang mga mahal natin sa buhay na namatay na. Noong nasa lupa si Jesus, madalas siyang bumisita kay Lazaro at sa mga kapatid nito, sina Marta at Maria. Mga kaibigan sila ni Jesus. Sinasabi ng Bibliya: “Mahal ni Jesus si Marta, ang kapatid nitong babae, at si Lazaro.” Pero isang araw, namatay si Lazaro.—Juan 11:3-5.

      5, 6. (a) Ano ang ginawa ni Jesus nang makita niyang nagdadalamhati ang pamilya at mga kaibigan ni Lazaro? (b) Bakit nakakagaan ng loob na malaman kung ano ang nararamdaman ni Jesus tungkol sa kamatayan?

      5 Pinuntahan ni Jesus sina Marta at Maria para palakasin sila. Nang malaman ni Marta na paparating si Jesus, sinalubong niya ito sa labas ng lunsod. Masaya siyang makita si Jesus, pero sinabi ni Marta sa kaniya: “Kung narito ka lang noon, hindi sana namatay ang kapatid ko.” Inisip ni Marta na wala nang magagawa si Jesus. Pagkatapos, nakita ni Jesus ang kapatid nitong si Maria na umiiyak. Nang makita ni Jesus ang kalungkutan nila, nasaktan siya at umiyak. (Juan 11:21, 33, 35) Naramdaman niya ang sakit na mamatayan ng mahal sa buhay.

      6 Nakakagaan ng loob na malaman na nararamdaman ni Jesus ang nararamdaman natin kapag namatayan tayo. At si Jesus ay gaya ng kaniyang Ama. (Juan 14:9) May kapangyarihan si Jehova na alisin ang kamatayan magpakailanman, at iyan ang malapit na niyang gawin.

      “LAZARO, LUMABAS KA!”

      7, 8. Bakit ayaw ipaalis ni Marta ang batong nakatakip sa libingan ni Lazaro, pero ano ang ginawa ni Jesus?

      7 Nang dumating si Jesus sa pinaglibingan kay Lazaro, natatakpan ito ng isang malaking bato. Sinabi ni Jesus: “Alisin ninyo ang bato.” Pero ayaw ni Marta, dahil apat na araw nang patay si Lazaro. (Juan 11:39) Hindi niya alam ang malapit nang gawin ni Jesus para sa kapatid niya.

      Masayang-masaya ang pamilya at mga kaibigan ni Lazaro nang buhayin siyang muli ni Jesus

      Napakasaya ng pamilya at mga kaibigan ni Lazaro nang buhayin siyang muli!—Juan 11:38-44

      8 Sinabi ni Jesus kay Lazaro: “Lumabas ka!” Kamangha-mangha ang sumunod na nasaksihan nina Marta at Maria. “Lumabas ang taong namatay, na nababalutan ng tela ang mga paa at kamay.” (Juan 11:43, 44) Buháy na uli si Lazaro! Kasama na siya uli ng pamilya at mga kaibigan niya. Puwede na nila siyang hawakan, yakapin, at kausapin. Isa itong himala! Binuhay-muli ni Jesus si Lazaro.

      “DALAGITA, BUMANGON KA!”

      9, 10. (a) Sino ang nagbigay ng kapangyarihan kay Jesus na bumuhay ng mga patay? (b) Bakit mahalaga para sa atin ang mga ulat ng pagkabuhay-muli?

      9 Kapangyarihan ba ni Jesus ang ginamit niya sa pagbuhay sa mga tao? Hindi. Bago niya buhaying muli si Lazaro, nanalangin si Jesus kay Jehova, at binigyan siya ni Jehova ng kapangyarihang buhayin si Lazaro. (Basahin ang Juan 11:41, 42.) Hindi lang si Lazaro ang binuhay-muli. Sinasabi sa atin ng Bibliya ang tungkol sa 12-anyos na dalagita na may malubhang sakit. Desperado na ang tatay nito, si Jairo, kaya nakiusap siya kay Jesus na pagalingin ang anak niya. Wala kasi siyang ibang anak. Habang kausap ni Jairo si Jesus, may mga lalaking dumating at nagsabi: “Namatay na ang anak mo! Bakit mo pa aabalahin ang Guro?” Pero sinabi ni Jesus kay Jairo: “Huwag kang matakot, manampalataya ka lang, at mabubuhay siya.” Kaya pumunta sila sa bahay ni Jairo. Nang makarating sila, nakita at narinig ni Jesus na umiiyak ang mga tao. Sinabi ni Jesus sa kanila: “Huwag na kayong umiyak, dahil hindi siya namatay. Natutulog lang siya.” Tiyak na nagtaka ang mga magulang ng bata sa sinabi ni Jesus. Pinalabas ni Jesus ang lahat pero isinama niya ang mga magulang sa kuwarto ng bata. Hinawakan ni Jesus ang kamay ng bata at sinabi: “Dalagita, bumangon ka!” Siguradong napakasaya ng mga magulang ng bata nang tumayo ito at maglakad! Binuhay-muli ni Jesus ang kanilang anak. (Marcos 5:22-24, 35-42; Lucas 8:49-56) Mula nang araw na iyon, sa tuwing makikita nila ang dalagita, maaalaala nila ang ginawa ni Jehova para sa kanila sa pamamagitan ni Jesus.a

      10 Ang mga binuhay-muli ni Jesus noon ay namatay rin. Pero mahalagang malaman ang mga ulat na iyon dahil nagbibigay ito sa atin ng tunay na pag-asa. Gusto ni Jehova na buhaying muli ang mga tao, at gagawin niya iyon.

      ANG MATUTUTUHAN NATIN SA MGA ULAT NG PAGKABUHAY-MULI

      Binuhay-muli ni Pedro si Dorcas habang nanonood ang iba

      Binuhay-muli ni apostol Pedro ang Kristiyanong si Dorcas.—Gawa 9:36-42

      Niyakap ng biyuda ang anak niya matapos itong buhaying muli ni Elias

      Binuhay-muli ni Elias ang anak ng biyuda.—1 Hari 17:17-24

      11. Ano ang itinuturo sa atin ng Eclesiastes 9:5 tungkol kay Lazaro?

      11 Malinaw na sinasabi ng Bibliya na “walang alam ang mga patay.” Ganiyan si Lazaro. (Eclesiastes 9:5) Gaya ng sinabi ni Jesus, si Lazaro ay parang natutulog lang. (Juan 11:11) Habang nasa libingan siya, “walang alam” si Lazaro.

      12. Paano natin nalaman na talagang nangyari ang pagkabuhay-muli ni Lazaro?

      12 Nang buhaying muli ni Jesus si Lazaro, marami ang nakasaksi rito. Alam din kahit ng mga kaaway ni Jesus na ginawa niya ang himalang iyon. Buháy si Lazaro, at patunay ito na talagang nangyari ang pagkabuhay-muli. (Juan 11:47) Marami rin ang dumalaw kay Lazaro, kaya naniwala sila na isinugo ng Diyos si Jesus. Hindi ito nagustuhan ng mga kaaway ni Jesus, kaya nagplano silang patayin siya at si Lazaro.—Juan 11:53; 12:9-11.

      13. Bakit tayo makakatiyak na bubuhaying muli ni Jehova ang mga patay?

      13 Sinabi ni Jesus na “lahat ng nasa mga alaalang libingan” ay bubuhaying muli. (Juan 5:28, tlb.) Ibig sabihin, lahat ng nasa alaala ni Jehova ay muling mabubuhay. Pero para magawa iyan ni Jehova, dapat na alam niya ang lahat tungkol sa taong iyon. Kaya ba niyang maalaala ang lahat ng iyon? Isipin ang bilyon-bilyong bituin sa uniberso. Sinasabi ng Bibliya na alam ni Jehova ang pangalan ng bawat bituin. (Basahin ang Isaias 40:26.) Kung natatandaan niya ang pangalan ng bawat bituin, tiyak na madali rin niyang maaalaala ang lahat ng impormasyon tungkol sa mga bubuhaying muli. Isa pa, si Jehova ang lumalang ng lahat ng bagay, kaya alam nating may kapangyarihan siyang buhaying muli ang mga namatay.

      14, 15. Ano ang matututuhan natin sa sinabi ni Job tungkol sa pagkabuhay-muli?

      14 Naniniwala sa pagkabuhay-muli ang tapat na si Job. Nagtanong siya: “Kung mamatay ang isang tao, mabubuhay pa ba siyang muli?” Pagkatapos, sinabi niya kay Jehova: “Tatawag ka, at sasagot ako. Mananabik ka sa gawa ng iyong mga kamay.” Oo, alam ni Job na gustong-gusto ni Jehova na buhaying muli ang mga patay.—Job 14:13-15.

      15 Ano ang masasabi mo sa pag-asang pagkabuhay-muli? Baka naiisip mo, ‘Mabubuhay rin kaya ang mga kapamilya at kaibigan kong namatay na?’ Nakapagpapatibay malaman na gustong-gusto ni Jehova na buhaying muli ang mga patay. Tingnan natin ang sinasabi ng Bibliya kung saan sila titira at kung sino ang mga bubuhaying muli.

      ‘MARIRINIG NILA ANG TINIG NIYA AT MABUBUHAY SILANG MULI’

      16. Anong uri ng buhay ang mararanasan ng mga bubuhaying muli sa lupa?

      16 Noon, ang mga binuhay-muli ay nakasama uli ng kanilang pamilya at mga kaibigan dito sa lupa. Mangyayari din iyan sa hinaharap, pero magiging mas maganda pa. Bakit? Dahil ang mga bubuhaying muli sa lupa ay magkakaroon ng pagkakataong mabuhay magpakailanman at hindi na muling mamamatay. At titira sila sa isang mundo na ibang-iba kaysa sa kinabubuhayan natin ngayon. Doon, wala nang digmaan, krimen, at sakit.

      17. Sino ang mga bubuhaying muli?

      17 Sino ang mga bubuhaying muli? Sinabi ni Jesus na “lahat ng nasa mga libingan ay makaririnig sa tinig niya at mabubuhay silang muli.” (Juan 5:28, 29) At sinasabi ng Apocalipsis 20:13: “Ibinigay ng dagat ang mga patay na naroon, at ibinigay ng kamatayan at ng Libingan ang mga patay na nasa mga ito.” Oo, bilyon-bilyon ang mabubuhay-muli. Sinabi rin ni apostol Pablo na bubuhaying muli ang mga “matuwid at di-matuwid.” (Basahin ang Gawa 24:15.) Ano ang ibig sabihin nito?

      Sa Paraiso, bubuhaying muli ang mga patay at muli silang makakasama ng mga mahal nila sa buhay

      Sa Paraiso, bubuhaying muli ang mga patay at muli silang makakasama ng mga mahal nila sa buhay

      18. Sino ang mga “matuwid” na bubuhaying muli?

      18 Kasama sa “matuwid” ang tapat na mga lingkod ni Jehova na nabuhay bago dumating si Jesus sa lupa. Sina Noe, Abraham, Sara, Moises, Ruth, Esther, at iba pa ay bubuhaying muli dito sa lupa. Mababasa mo ang ilan sa kanila sa Hebreo kabanata 11. Paano naman ang tapat na mga lingkod ni Jehova na namatay sa panahon natin? “Matuwid” din sila, kaya bubuhayin sila.

      19. Sino ang mga “di-matuwid”? Anong pagkakataon ang ibibigay sa kanila ni Jehova?

      19 Kasama sa “di-matuwid” ang bilyon-bilyong tao na hindi nagkaroon ng pagkakataong makilala si Jehova. Kahit namatay sila, hindi sila kinalimutan ni Jehova. Bubuhayin niya silang muli, at magkakaroon sila ng pagkakataong makilala siya at maglingkod sa kaniya.

      20. Bakit hindi lahat ay bubuhaying muli?

      20 Ibig bang sabihin, bubuhaying muli ang lahat ng namatay? Hindi. Sinabi ni Jesus na may ilan na hindi bubuhaying muli. (Lucas 12:5) Sino ang magdedesisyon kung bubuhaying muli ang isang tao o hindi? Si Jehova ang pangwakas na Hukom, pero binigyan din niya si Jesus ng awtoridad para “maging hukom ng mga buháy at ng mga patay.” (Gawa 10:42) Ang sinumang mahahatulang masama at ayaw magbago ay hindi na bubuhaying muli.—Tingnan ang Karagdagang Impormasyon 19.

      PAGKABUHAY-MULI SA LANGIT

      21, 22. (a) Ano ang mangyayari sa mga bubuhaying muli sa langit? (b) Sino ang unang taong binuhay-muli sa langit?

      21 Sinasabi rin ng Bibliya na may mga taong mabubuhay sa langit. Kapag ang isa ay binuhay-muli sa langit, hindi siya bubuhaying muli bilang tao na may katawang laman. Siya ay bubuhaying muli sa langit bilang espiritu.

      22 Si Jesus ang unang taong nakatanggap ng ganitong pagkabuhay-muli. (Juan 3:13) Pagkaraan ng tatlong araw pagkamatay niya, binuhay siyang muli ni Jehova. (Awit 16:10; Gawa 13:34, 35) Si Jesus ay hindi binuhay-muli na may katawang laman. Sinabi ni apostol Pedro na “pinatay [si Jesus] na laman pero binuhay bilang espiritu.” (1 Pedro 3:18) Si Jesus ay binuhay-muli bilang makapangyarihang espiritu! (1 Corinto 15:3-6) Pero sinasabi ng Bibliya na hindi lang siya ang bubuhaying muli sa ganitong paraan.

      23, 24. Sino ang “munting kawan” na tinutukoy ni Jesus, at ilan sila?

      23 Noong malapit na siyang mamatay, sinabi ni Jesus sa tapat na mga alagad niya: “Aalis ako para maghanda ng lugar para sa inyo.” (Juan 14:2) Ibig sabihin, may mga tagasunod siya na bubuhaying muli sa langit para makasama niya. Ilan sila? Sinabi ni Jesus na kaunti lang sila, isang “munting kawan.” (Lucas 12:32) Sinabi ni apostol Juan ang eksaktong bilang nang makita niya si Jesus na “nakatayo sa [makalangit na] Bundok Sion, at may kasama siyang 144,000.”—Apocalipsis 14:1.

      24 Kailan bubuhaying muli ang 144,000 Kristiyano? Sinasabi ng Bibliya na mangyayari ito kapag nagsimula nang mamahala si Kristo sa langit. (1 Corinto 15:23) Nabubuhay na tayo sa panahong iyan, at karamihan sa 144,000 ay binuhay nang muli sa langit. Ang mga nandito pa sa lupa na mamamatay sa panahon natin ay agad na bubuhaying muli sa langit. Pero ang karamihan ng tao ay bubuhaying muli sa hinaharap para tumira sa Paraiso sa lupa.

      25. Ano ang aalamin natin sa susunod na kabanata?

      25 Hindi na magtatagal, palalayain ni Jehova ang mga tao mula sa kamatayan, at mawawala na ito magpakailanman! (Basahin ang Isaias 25:8.) Pero ano ang gagawin ng mga pupunta sa langit? Sinasabi ng Bibliya na mamamahala silang kasama ni Jesus sa Kaharian. May matututuhan pa tayo tungkol sa gobyernong iyan sa susunod na kabanata.

      a May iba pang ulat sa Bibliya tungkol sa pagkabuhay-muli ng mga bata at matanda, lalaki at babae, at Israelita at di-Israelita. Mababasa mo ang mga ito sa 1 Hari 17:17-24; 2 Hari 4:32-37; 13:20, 21; Mateo 28:5-7; Lucas 7:11-17; 8:40-56; Gawa 9:36-42; 20:7-12.

      SUMARYO

      KATOTOHANAN 1: AALISIN NI JEHOVA ANG KAMATAYAN

      “Ang huling kaaway, ang kamatayan, ay mawawala na.”—1 Corinto 15:26

      Paano makakatulong sa atin ang Bibliya kapag namatayan tayo?

      • 2 Corinto 1:3, 4

        Kapag namatay ang isang kapamilya o malapít na kaibigan, baka maramdaman nating walang makakatulong sa atin. Nagbibigay ng tunay na pag-asa ang Bibliya.

      • Isaias 25:8; 26:19

        May kapangyarihan si Jehova na alisin ang kamatayan magpakailanman. Bubuhayin pa nga niya ang mga namatay.

      KATOTOHANAN 2: MAKAPAGTITIWALA TAYONG MAGKAKAROON NG PAGKABUHAY-MULI

      “Dalagita, bumangon ka!”—Marcos 5:41

      Bakit tayo makapagtitiwalang magkakaroon ng pagkabuhay-muli?

      • Juan 11:1-44

        Binuhay-muli ni Jesus si Lazaro.

      • Marcos 5:22-24, 35-42

        Binuhay-muli ni Jesus ang isang dalagita.

      • Juan 11:41, 42

        Bumuhay si Jesus ng mga patay sa tulong ng kapangyarihan ni Jehova.

      • Juan 12:9-11

        Marami ang nakasaksi nang bumuhay si Jesus ng patay. Alam din kahit ng mga kaaway ni Jesus na ginawa niya iyon.

      KATOTOHANAN 3: BUBUHAYING MULI NI JEHOVA ANG BILYON-BILYONG NAMATAY

      “Tatawag ka, at sasagot ako. Mananabik ka sa gawa ng iyong mga kamay.”—Job 14:13-15

      Sino ang mga bubuhaying muli?

      • Juan 5:28, 29

        Lahat ng nasa alaala ni Jehova ay bubuhaying muli.

      • Gawa 24:15

        Bubuhaying muli ang mga matuwid at di-matuwid.

      • Isaias 40:26

        Natatandaan ni Jehova ang pangalan ng bawat bituin, kaya madali rin niyang maaalaala ang lahat ng impormasyon tungkol sa mga bubuhaying muli.

      KATOTOHANAN 4: MAY MGA BUBUHAYING MULI SA LANGIT

      “Aalis ako para maghanda ng lugar para sa inyo.”—Juan 14:2

      Sino ang mga bubuhaying muli sa langit?

      • 1 Pedro 3:18

        Si Jesus ang unang taong binuhay-muli sa langit.

      • Lucas 12:32

        Sinabi ni Jesus na kaunti lang sa mga alagad niya ang bubuhaying muli sa langit.

      • Apocalipsis 14:1

        Pumili si Jehova ng 144,000 tao para mabuhay sa langit.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share