FEATURE
Kung Paano Nakarating sa Atin ang Bibliya
MATIBAY ang ebidensiya na ang Bibliya, ang kinasihang Salita ng Diyos, ay may-katumpakang kinopya at itinawid sa atin. Ang ebidensiya ay binubuo ng sinaunang mga manuskrito na taglay natin sa ngayon—marahil ay 6,000 manuskrito ng buong Hebreong Kasulatan o ng ilang bahagi nito at mga 5,000 manuskrito ng Kristiyanong Kasulatan sa Griego.
Orihinal na mga Sulat
Ang orihinal na mga sulat ng Bibliya ay sulat-kamay at isinulat sa materyales na nasisira gaya ng papiro at vellum; wala nang orihinal na umiiral sa ngayon
Mga Kopya—Hebreo o Griego
Di-katagalan pagkaraang maisulat ang mga orihinal, sinisimulan na ang paggawa ng mga kopyang manuskrito. Lubhang nagpakaingat ang mga tagakopya upang maitawid nila nang tumpak ang teksto; binibilang pa nga ng mga Masorete ang mga titik na kinokopya nila
Maagang mga Salin
Upang ang Kasulatan ay mabasa ng iba’t ibang grupo ng mga tao, kinailangang isalin ito sa kanilang mga wika. Umiiral pa sa ngayon ang mga manuskrito ng maagang mga bersiyon na gaya ng Septuagint (isang salin ng Hebreong Kasulatan tungo sa Griego, na mula noong ikatlo at ikalawang siglo B.C.E.) at ng Vulgate ni Jerome (isang salin ng mga tekstong Hebreo at Griego tungo sa Latin, orihinal na ginawa noong mga 400 C.E.)
Mga Master Text
Sa pamamagitan ng pahambing na pagsusuri sa daan-daang manuskrito ng Bibliya na umiiral pa, ang mga iskolar ay nakapaghanda ng mga master text. Ang inimprentang mga edisyong ito ng mga teksto sa orihinal na wika ay nagmumungkahi ng pinakamahuhusay na bersiyon habang itinatawag-pansin ang mga pagkakaiba na makikita sa ilang manuskrito. Ang mga iskolar na gaya nina Ginsburg at Kittel ay naghanda ng mga teksto ng Hebreong Kasulatan lakip ang kahambing na mga bersiyon sa mga talababa. Kabilang sa mga master text ng Kristiyanong Griegong Kasulatan yaong inilathala nina Westcott at Hort at nina Nestle at Aland
Makabagong mga Salin
Sa ngayon, ang mga tagapagsalin ng Bibliya ay karaniwan nang gumagamit ng mga master text sa orihinal na wika sa paggawa ng makabagong mga salin
Hebreong Kasulatan
Mga yungib sa Qumran, malapit sa hilagang-kanlurang baybayin ng Dagat na Patay, kung saan natuklasan ang maraming sinaunang balumbon ng Bibliya
Isang bahagi ng Dead Sea Scroll of Isaiah (ipinapalagay na mula noong pagtatapos ng ikalawang siglo B.C.E.). Nang ihambing ito sa tekstong Masoretiko na ginawa pagkalipas ng mahigit isang libong taon, maliliit lamang ang nakitang pagkakaiba, karamiha’y sa pagbaybay
Isang bahagi ng Aleppo Codex. Pansinin na nakataas ang titik Hebreo na ʽaʹyin upang ipahiwatig na ito ang gitnang titik ng Mga Awit (80:13). Ang titik na ito ay pantanging itinawag-pansin sa panggilid na notang Masoretiko. Pati ang mga titik na kinokopya ng sinaunang mga eskriba ay binibilang nila. Naglalagay ang mga Masorete ng mga patinig at tuldik sa itaas at ibaba ng mga tekstong puro katinig
Kristiyanong Griegong Kasulatan
Papyrus Rylands 457 (P52)—ang magkabilang panig ng isang piraso ng Ebanghelyo ni Juan na ipinapalagay na mula noong unang bahagi ng ikalawang siglo C.E., ilang dekada lamang matapos isulat ang orihinal
Sinaitic Manuscript—isang codex na vellum na mula noong ikaapat na siglo C.E., naglalaman ng buong Kristiyanong Griegong Kasulatan at ilang bahagi ng Griegong Septuagint na salin ng Hebreong Kasulatan
Monasteryo ng St. Catherine sa Bundok Sinai, kung saan natuklasan ang Sinaitic Manuscript. Ang manuskritong ito ay iniingatan ngayon sa British Library
Ipinakikita ng masusing paghahambing-hambing sa libu-libong sinaunang manuskrito na ang Kasulatang nakarating sa atin ay mapananaligan. Gaya ng sinabi ni Sir Frederic Kenyon: “Ang pangkalahatang resulta ng lahat ng mga tuklas na ito at ng lahat ng pag-aaral na ito ay ang pagpapatibay sa ebidensiya ng autentisidad ng Kasulatan, at sa ating kombiksiyon na taglay natin sa ating mga kamay, sa dalisay na anyo nito, ang tunay na Salita ng Diyos.”—The Story of the Bible, 1937, p. 144.