FEATURE
Ang Templong Itinayo ni Solomon
Nagtayo si Solomon ng isang templo para kay Jehova nang makapanirahan na ang Israel sa Lupang Pangako at maging pag-aari na nila ang lunsod na nang maglao’y pinaglagyan ni Jehova ng Kaniyang pangalan. Si Jehova mismo ang arkitekto nito. Tinanggap ng ama ni Solomon na si David ang ‘arkitektural na plano ng lahat ng bagay sa pamamagitan ng pagkasi.’ (1Cr 28:11, 12) Mahigit sa 180,000 lalaki ang nagtrabaho sa loob ng pito’t kalahating taon para maitayo ang templo, anupat natapos ito noong 1027 B.C.E. (1Ha 5:13-16; 6:1, 38) Ang templong ito, gaya ng tabernakulo na nauna rito, ay lumalarawan sa “tunay na tolda,” ang espirituwal na templo ni Jehova.—Heb 8:1-5; 9:2-10, 23.
DAYAGRAM: Ang saligang plano ng templo at ng pinakaloob na looban.
Batay sa hitsura ng loob ng templo ay magkakaideya tayo kung gaano kaganda ang maringal na istrakturang ito. Ang mga dingding sa loob ay yari sa sedro na nililukan ng inukit na mga kerubin, puno ng palma, at bulaklak; ang mga dingding at kisame ay kinalupkupan ng ginto at napapalamutian ng mga hiyas