FEATURE
Ang Pananakop ng Babilonya sa Jerusalem
ANG sinaunang Jerusalem ay nagtamasa ng isang natatanging karangalan: Iyon ang tanging lunsod sa lupa na pinaglagyan ni Jehova ng kaniyang pangalan. (1Ha 11:36) Iyon din ang naging sentro ng dalisay na pagsamba kay Jehova. Doon itinayo ang kaniyang templo, at dahil dito ang Jerusalem ay matatawag na “pahingahang-dako” ng Diyos. (Aw 132:13, 14; 135:21) Karagdagan pa, ang Jerusalem ang dako kung saan umupo sa “trono ni Jehova” ang mga haring nagmula sa Davidikong linya, na kumatawan sa kaniya sa pamamagitan ng pagpapatupad sa kaniyang mga kautusan.—1Cr 29:23.
Kabaligtaran nito, ang sinaunang Babilonya ang sentro na mula roo’y lumaganap sa buong lupa ang huwad na pagsamba. Kaya naman may pantanging kahulugan ang pagpapahintulot ni Jehova na wasakin ng Babilonya ang di-tapat na Jerusalem. Noong 620 B.C.E., ang Jerusalem ay naging sakop ng Babilonya. (2Ha 24:1) Pagkaraan ng tatlong taon, noong 617 B.C.E., ipinatapon ng mga Babilonyo ang marami sa mga tumatahan sa Jerusalem—mga maharlika, makapangyarihang mga lalaki, at mga bihasang manggagawa—at sinamsam ang mga kayamanan ng lunsod. (2Cr 36:5-10) Nang dakong huli, ang lunsod, pati na ang templo, ay winasak at libu-libong Judio ang dinala sa pagkatapon.—2Cr 36:17-20.
Naganap ang pagkawasak ng Jerusalem noong 607 B.C.E., isang napakahalagang taon kung isasaalang-alang ang mga hula sa Bibliya. Bagaman ang petsang ito ay naiiba sa ginagamit ng maraming komentarista sa Bibliya, ito ang palaging ginagamit sa publikasyong ito. Bakit? Sapagkat mas pinaniniwalaan namin ang patotoo ng Bibliya kaysa sa mga konklusyon ng mga iskolar batay sa pira-pirasong ulat ng kasaysayan na nakuha sa mga tapyas na cuneiform.
Ang kronikang Babilonyo na naglalahad tungkol sa pagbihag ni Nabucodonosor sa Jerusalem, pagdakip sa hari, at pag-aatas sa isa na pinili niya mismo; 617 B.C.E.
Ayon sa ilang arkeologo, ang “Sunóg na Silid” na ito na nahukay sa Jerusalem ay mula pa noong mawasak ang Jerusalem sa panahon ng huling hari ng Juda