ARAMAIKO
Isang sinaunang wikang Semitiko na malapit sa wikang Hebreo at orihinal na ginagamit ng mga Arameano. (Tingnan ang ARAM Blg. 5.) Gayunman, sa paglipas ng panahon, ito ay sumaklaw sa iba’t ibang diyalekto (na ang ilan ay itinuturing na hiwalay na mga wika) at malawakang ginamit, lalo na sa TK Asia. Partikular nang ginamit ang Aramaiko mula noong ikalawang milenyo B.C.E. hanggang noong mga 500 C.E. Isa ito sa tatlong wika na ginamit sa pagsulat ng Bibliya. Ang salitang Hebreo na ʼAra·mithʹ ay lumilitaw sa Kasulatan nang limang beses at isinasalin bilang “sa wikang Siryano” o “sa wikang Aramaiko.”—2Ha 18:26; Isa 36:11; Dan 2:4; Ezr 4:7 (dalawang beses).
Ang Biblikal na Aramaiko, na dating tinatawag na Chaldee, ay ginamit sa Ezra 4:8 hanggang 6:18 at sa 7:12-26; sa Jeremias 10:11; at sa Daniel 2:4b hanggang 7:28. Mayroon ding mga pananalitang Aramaiko sa iba pang mga bahagi ng Bibliya, ngunit ang marami sa mga pagsisikap ng mga iskolar na ipalagay na nanggaling sa Aramaiko ang maraming salitang Hebreo ay batay lamang sa pala-palagay.
Hindi kataka-takang gumamit ng ilang pananalitang Aramaiko ang mga Hebreo dahil nagkaroon sila ng malapít na ugnayan sa mga Arameano at sa wikang Aramaiko sa loob ng mahabang panahon. Kabilang sa mga unang salin ng Hebreong Kasulatan tungo sa ibang wika ang mga Aramaikong Targum. Ang mga piraso ng sinaunang mga Targum ng ilang aklat ay natagpuang kasama ng Dead Sea Scrolls.
Ang Wika. Ang Aramaiko at ang Hebreo ay kapuwa itinuturing na kabilang sa Semitikong pamilya ng mga wika ng hilagang-kanluran. Bagaman malaki ang pagkakaiba ng dalawang wika, ang mga ito ay magkaugnay anupat magkapareho ang kanilang mga titik sa alpabeto at ang mga pangalan ng mga iyon. Tulad ng Hebreo, ang Aramaiko ay isinusulat mula sa kanan pakaliwa, at ang orihinal na sulat Aramaiko ay puro katinig lamang. Ngunit nang maglaon, ang Aramaikong ginamit sa Bibliya ay nilagyan ng mga Masorete ng tuldok-patinig, gaya ng ginawa nila sa Hebreo. Ang Aramaiko ay naimpluwensiyahan din ng ibang mga wika. Bukod sa pagkakaroon nito ng iba’t ibang pangalang pantangi ng mga lugar at mga tao mula sa mga wikang Hebreo, Akkadiano, at Persiano, ang Biblikal na Aramaiko ay kakikitaan din ng impluwensiyang Hebreo sa mga terminong relihiyoso, ng impluwensiyang Akkadiano partikular na sa mga terminong pulitikal at pinansiyal, at ng impluwensiyang Persiano sa mga terminong nauugnay sa pulitikal at legal na mga bagay.
Bukod sa pagkakatulad ng Aramaiko sa sulat Hebreo, ang mga pagbabago ng anyo ng pandiwa, pangngalan, at panghalip sa Aramaiko ay may pagkakahawig din sa Hebreo. Ang mga pandiwa nito ay may dalawang aspekto, ang imperpektibo (nagsasaad ng kilos na di-tapos) at ang perpektibo (nagpapahiwatig ng kilos na tapos na). Gumagamit ang Aramaiko ng mga pangngalang pang-isahan, tambalan, at pangmaramihan, at mayroon itong dalawang kasarian, ang panlalaki at ang pambabae. Naiiba ito sa ibang mga wikang Semitiko sa malimit nitong paggamit ng tunog ng patinig na a, at sa iba pang mga paraan, kasama na ang mas malimit na paggamit ng ilang katinig, gaya ng d sa halip na z at ng t sa halip na sh.
Mga pangunahing dibisyon. Sa pangkalahatan, hinahati ang Aramaiko sa grupong Kanluranin at grupong Silanganin. Gayunman, kung ibabatay sa kasaysayan, kinikilala na mayroon itong apat na grupo: Matandang Aramaiko, Opisyal na Aramaiko, Aramaikong Levantine, at Silanganing Aramaiko. Ipinapalagay na malamang na iba’t ibang diyalekto ng Aramaiko ang ginagamit noon sa palibot at sa loob ng Fertile Crescent at sa Mesopotamia noong ikalawang milenyo B.C.E. Mapapansin sa Genesis 31:47 na may pagkakaiba ang sinaunang mga anyo ng Aramaiko at ng Hebreo. Matapos magkasundo sina Jacob at Laban, isang bunton ng mga bato ang itinindig bilang saksi sa pagitan nila. Tinawag ito ni Laban na “Jegar-sahaduta” sa Aramaiko (Siryano), samantalang tinawag naman ito ni Jacob na “Galeed” sa Hebreo, anupat ang mga pananalitang iyon ay kapuwa nangangahulugang “Bunton na Saksi.”
Ang Matandang Aramaiko ay isang pangalang iniugnay sa ilang inskripsiyon na natuklasan sa hilagang Sirya at sinasabing mula pa noong ikasampu hanggang ikawalong siglo B.C.E. Gayunman, isang bagong diyalekto ng Aramaiko ang unti-unting naging lingua franca o internasyonal na pangalawahing wika noong panahon ng Imperyo ng Asirya, anupat hinalinhan nito ang Akkadiano bilang ang wikang ginagamit sa korespondensya opisyal ng pamahalaan para sa malalayong bahagi ng imperyo. Dahil ginamit ito sa gayong paraan, ang karaniwang anyong ito ng Aramaiko ay tinatawag na Opisyal na Aramaiko. Patuloy itong ginamit noong panahong ang Babilonya ang Kapangyarihang Pandaigdig (625-539 B.C.E.) at kahit pagkatapos niyaon, noong panahon ng Imperyo ng Persia (538-331 B.C.E.). Mas malawakan pa itong ginamit noong panahong iyon, anupat naging opisyal na wika ng pamahalaan at kalakalan sa napakaraming lugar, gaya ng pinatutunayan ng mga tuklas sa arkeolohiya. Makikita ito sa mga dokumento sa mga tapyas na cuneiform; sa mga ostracon, mga papiro, mga pantatak, mga barya; sa mga inskripsiyon sa bato, at sa iba pa. Ang mga labíng ito ay natagpuan sa mga lupaing gaya ng Mesopotamia, Persia, Ehipto, Anatolia, hilagang Arabia; sa mga rehiyon sa H hanggang sa Kabundukan ng Ural; at sa gawing S hanggang sa Afghanistan at Kurdistan. Nagpatuloy ang paggamit sa Opisyal na Aramaiko hanggang noong panahong Helenistiko (323-30 B.C.E.).
Waring ang Opisyal na Aramaikong ito ang ginamit sa mga akda nina Ezra, Jeremias, at Daniel. Ipinahihiwatig din ng Kasulatan na ang Aramaiko ay isang lingua franca noong sinaunang mga panahong iyon. Kaya naman noong ikawalong siglo B.C.E., ang inatasang mga tagapagsalita ni Haring Hezekias ng Juda ay nakiusap kay Rabsases na kinatawan ng Asiryanong si Haring Senakerib, sa pagsasabi: “Pakisuyo, magsalita ka sa iyong mga lingkod sa wikang Siryano [Arameano, samakatuwid ay Aramaiko], sapagkat nakikinig kami; at huwag kang magsalita sa amin sa wika ng mga Judio sa pandinig ng mga taong nasa pader.” (Isa 36:11; 2Ha 18:26) Nakaiintindi ng Aramaiko, o Siryano, ang mga opisyal ng Juda, ngunit maliwanag na hindi ito naiintindihan ng karaniwang mga Hebreo sa Jerusalem noong panahong iyon.
Maraming taon pagkabalik ng mga Judio mula sa pagkatapon sa Babilonya, binasa ng saserdoteng si Ezra ang aklat ng Kautusan sa mga Judiong nagkakatipon sa Jerusalem, at ipinaliwanag ito ng iba’t ibang Levita sa taong-bayan, anupat sinasabi sa Nehemias 8:8: “Patuloy silang bumabasa nang malakas mula sa aklat, mula sa kautusan ng tunay na Diyos, na ipinaliliwanag iyon, at binibigyan iyon ng kahulugan; at patuloy silang nagbibigay ng unawa sa pagbasa.” Maaaring kasama sa gayong pagpapaliwanag o pagpapakahulugan ang pagsasalin ng tekstong Hebreo tungo sa Aramaiko, yamang posibleng Aramaiko ang ginamit ng mga Hebreo noong sila’y nasa Babilonya. Walang alinlangang detalyado ang isinagawang pagpapaliwanag upang kahit naiintindihan ng mga Judio ang Hebreo, mauunawaan din nila ang malalim na kahulugan ng binabasa.
Anong Wika ang Ginamit ni Jesus? Lubhang nagkakaiba-iba ang opinyon ng mga iskolar hinggil sa tanong na ito. Gayunman, may kinalaman sa mga wikang ginagamit sa Palestina noong narito sa lupa si Jesu-Kristo, si Propesor G. Ernest Wright ay nagsabi: “Walang alinlangang iba’t ibang wika ang maririnig noon sa mga lansangan ng pangunahing mga lunsod. Maliwanag na Griego at Aramaiko ang karaniwang mga wika, at malamang na pareho itong naiintindihan ng karamihan sa mga tagalunsod maging sa ‘makabago’ o ‘kanluraning’ mga lunsod gaya ng Cesarea at Samaria kung saan mas karaniwang ginagamit ang Griego. Ang mga kawal at mga opisyal na Romano ay maaaring maririnig na nag-uusap sa wikang Latin, samantalang ang mga ortodoksong Judio naman ay maaaring nag-uusap sa isang mas bagong anyo ng Hebreo, isang wika na alam nating hindi klasikal na Hebreo ni Aramaiko, bagaman may mga pagkakatulad iyon sa dalawang ito.” Tungkol naman sa wikang ginamit ni Jesu-Kristo, sinabi ni Propesor Wright: “Matagal nang pinagtatalunan kung anong wika ang ginamit ni Jesus. Wala tayong paraan upang matiyak kung nakapagsasalita siya ng Griego o Latin, ngunit sa kaniyang ministeryo ng pagtuturo ay palagi siyang gumagamit ng alinman sa Aramaiko o sa popular na Hebreo na may halong Aramaiko. Nang kausapin ni Pablo ang mga mang-uumog sa Templo, sinasabing nagsalita siya sa Hebreo (Gaw 21:40). Ipinapalagay ng karamihan sa mga iskolar na iyon ay tumutukoy sa Aramaiko, ngunit malaki ang posibilidad na isang popular na Hebreo ang karaniwang wika noon ng mga Judio.”—Biblical Archaeology, 1962, p. 243.
Posibleng si Jesus at ang kaniyang unang mga alagad, gaya ng apostol na si Pedro, ay nagsasalita kung minsan ng Aramaiko ng Galilea, anupat may nagsabi kay Pedro noong gabing dakpin si Kristo: “Tiyak na isa ka rin sa kanila, sapagkat, sa katunayan, nahahalata ka sa iyong pananalita.” (Mat 26:73) Maaaring nasabi ito sa apostol dahil Aramaiko ng Galilea ang ginagamit niya noon, bagaman hindi ito tiyak, o maaaring nagsasalita siya ng Hebreo ng Galilea na naiiba sa diyalektong ginagamit sa Jerusalem o sa iba pang lugar sa Judea. Bago pa nito, nang dumating si Jesus sa Nazaret sa Galilea at pumasok sa sinagoga roon, bumasa siya mula sa hula ni Isaias, na maliwanag na nakasulat sa Hebreo, at pagkatapos ay sinabi niya: “Ngayon ay natutupad ang kasulatang ito na karirinig lamang ninyo.” Walang binabanggit na isinalin ni Jesus sa Aramaiko ang talatang ito. Kaya malamang na ang mga taong naroroon nang pagkakataong iyon ay nakaiintindi ng Biblikal na Hebreo. (Luc 4:16-21) Mapapansin din na sa Gawa 6:1, na tumutukoy sa isang panahon na di-katagalan pagkatapos ng Pentecostes 33 C.E., ay may binabanggit na mga Judiong nagsasalita ng Griego at mga Judiong nagsasalita ng Hebreo sa Jerusalem.
Itinatawag-pansin ni Propesor Harris Birkeland (The Language of Jesus, Oslo, 1954, p. 10, 11) na bagaman Aramaiko ang nasusulat na wika ng Palestina noong narito sa lupa si Jesus, hindi ito nangangahulugan na iyon ang ginagamit ng masa. Gayundin, bagaman ang Elephantine Papyri na nagmula sa isang kolonya ng mga Judio sa Ehipto ay nakasulat sa Aramaiko, hindi ito katibayan na iyon ang pangunahin o karaniwang wika sa kanilang sariling lupain, sapagkat ang Aramaiko noon ay isang internasyonal na wikang pampanitikan. Sabihin pa, maraming makikitang salitang Aramaiko sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, anupat si Jesus mismo ay gumamit ng ilang salitang Aramaiko. Gayunpaman, gaya ng ipinaliliwanag ni Birkeland, marahil ay popular na Hebreo ang karaniwang ginagamit ni Jesus noon, kahit paminsan-minsan ay gumagamit din siya ng mga pananalitang Aramaiko.
Bagaman maaaring hindi mapatutunayan, gaya ng sinasabi ni Birkeland, na hindi nakaiintindi ng Aramaiko ang karaniwang mga tao noon, waring nang iulat ng edukadong manggagamot na si Lucas na si Pablo ay nagsalita sa mga Judio ‘sa Hebreo’ at nang sabihin ng apostol na ang tinig mula sa langit ay nagsalita sa kaniya ‘sa Hebreo,’ isang anyo ng Hebreo ang talagang tinutukoy (bagaman marahil ay hindi ang sinaunang Hebreo) at hindi Aramaiko.—Gaw 22:2; 26:14.
Bilang suporta na isang anyo ng Hebreo ang ginagamit sa Palestina noong narito sa lupa si Jesu-Kristo, ipinakikita ng mga katibayan na sa wikang Hebreo unang isinulat ng apostol na si Mateo ang kaniyang ulat ng Ebanghelyo. Halimbawa, sinabi ni Eusebius (na nabuhay noong ikatlo at ikaapat na siglo C.E.) na “inilahad ng ebanghelistang si Mateo ang kaniyang Ebanghelyo sa wikang Hebreo.” (Patrologia Graeca, Tomo XXII, tud. 941) At sinabi ni Jerome (na nabuhay noong ikaapat at ikalimang siglo C.E.) sa kaniyang akdang De viris inlustribus (Hinggil sa Tanyag na mga Tao), kabanata III: “Si Mateo, na siya ring si Levi, at na mula sa pagiging maniningil ng buwis ay naging isang apostol, ay bumuo muna ng isang Ebanghelyo ni Kristo sa Judea sa wika at mga titik na Hebreo para sa kapakinabangan niyaong mga mula sa pagtutuli na nanampalataya. . . . Bukod diyan, ang tekstong Hebreo mismo ay naingatan hanggang sa panahong ito sa aklatan sa Cesarea, na masikap na tinipon ng martir na si Pamphilus.” (Salin mula sa tekstong Latin na inedit ni E. C. Richardson at inilathala sa seryeng “Texte und Untersuchungen zur Geschichte der altchristlichen Literatur,” Leipzig, 1896, Tomo 14, p. 8, 9.) Samakatuwid, noong narito sa lupa si Jesu-Kristo bilang tao, malamang na gumamit siya ng isang anyo ng wikang Hebreo at isang diyalekto ng Aramaiko.—Tingnan ang HEBREO, II.