BAKA
[sa Heb., pa·rahʹ; ʼeʹleph (Deu 7:13); ʽegh·lahʹ, batang baka].
Mahalagang papel ang ginampanan ng baka sa kabuhayan ng mga Israelita. Hindi lamang ito nagsilbing hayop na panghila kundi pinagkunan din ng gatas, na ginagamit sa paggawa ng iba pang karaniwang pagkain, kabilang na ang keso, mantikilya, at buttermilk. (Bil 19:2; Isa 7:21, 22) Ginagamit din ang balat nito sa paggawa ng iba’t ibang produktong katad.
Kung minsan, ang mga batang baka, o mga dumalagang baka, ay inihahain. (Gen 15:9; 1Sa 6:14; 16:2) Ang abo ng isang buong pulang baka, na sinunog sa labas ng kampo, ay ginamit na sangkap sa “tubig na panlinis” ng Israel. (Bil 19:2, 6, 9) Sa kaso ng isang di-nalutas na pagpaslang, ang kinatawang matatandang lalaki ng bayang pinakamalapit sa taong pinatay ay hinihilingang magpatay ng isang batang baka sa isang di-sinasakang agusang libis at pagkatapos ay maghugas ng kanilang mga kamay sa ibabaw ng bangkay nito habang nagpapatotoo sa kanilang kawalang-sala sa krimen.—Deu 21:1-9.
Sa Kasulatan, mapapansin ang maraming makatalinghagang paggamit sa baka o sa dumalagang baka. Ang pitong bakang matataba ang laman at ang pitong bakang payat ang laman sa panaginip ni Paraon ay ipinaliwanag na tumutukoy sa pitong taóng sagana na susundan ng pitong taóng taggutom. (Gen 41:26, 27) Tinukoy ni Samson ang katipan niya bilang kaniyang batang baka na ipinang-araro ng 30 abay na lalaki upang malutas ang kaniyang bugtong.—Huk 14:11, 12, 18.
Ang maluluhong babaing mananamsam na nakatira sa Samaria ay tinukoy bilang “mga baka ng Basan.” (Am 3:15; 4:1) Ang Efraim ay itinulad sa “isang sinanay na dumalagang baka na maibigin sa paggiik.” (Os 10:11) Lalong nagiging makahulugan ang paghahambing na ito kung iisipin na ang mga hayop na gumigiik ay hindi binubusalan at sa gayo’y makakakain ng mga butil, anupat tuwirang nakikinabang sa kanilang pagpapagal. (Deu 25:4) Nang ang Israel ay tumaba dahil sa pagpapala ng Diyos, siya’y “sumipa,” naghimagsik laban kay Jehova (Deu 32:12-15), at sa gayo’y wastong itinulad sa isang sutil na baka, na ayaw magpasan ng pamatok. (Os 4:16) Ang Ehipto ay inihambing sa isang magandang dumalagang baka na sasapit sa kapahamakan sa kamay ng mga Babilonyo. (Jer 46:20, 21, 26) Ang mga Babilonyo, dahil sa kanilang pandarahas sa ‘mana ng Diyos,’ ang Juda, ay inihalintulad sa isang maharot na dumalagang baka na dumadamba sa murang damo.—Jer 50:11.
Sa hula, ang mapayapang mga kalagayang iiral sa paghahari ng Mesiyas na si Kristo Jesus ay angkop na inilalarawan ng mapayapang ugnayan sa pagitan ng halos di-nananakit na baka at ng ganid na oso.—Isa 11:7; tingnan ang DUMALAGANG BAKA; GUYA; TORO.