ALPHA AT OMEGA
Ito ang mga pangalan ng una at huling mga titik ng alpabetong Griego at sa aklat ng Apocalipsis ay tatlong ulit na ginamit ang mga ito bilang isang titulo. Bagaman mababasa ang pariralang ito nang isa pang beses sa salin ng King James sa Apocalipsis 1:11, ang paglitaw na iyon ay hindi sinusuportahan ng ilan sa pinakamatatandang manuskritong Griego, kabilang na ang Alexandrine, Sinaitic, at ang Codex Ephraemi rescriptus. Dahil dito, hindi ito masusumpungan sa maraming makabagong salin.
Bagaman ang titulong ito ay ikinakapit ng maraming komentarista kapuwa sa Diyos at kay Kristo, makikita sa isang mas maingat na pagsusuri sa pagkakagamit nito na kumakapit lamang ito sa Diyos na Jehova. Ipinakikita sa unang talata ng Apocalipsis na ang pagsisiwalat ay ibinigay ng Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, kaya naman kung minsan ang nagsasalita (sa pamamagitan ng isang anghelikong kinatawan) ay ang Diyos mismo, at kung minsan naman ay si Kristo Jesus. (Apo 22:8) Sa gayon ay sinasabi sa Apocalipsis 1:8 (RS): “‘Ako ang Alpha at ang Omega,’ sabi ng Panginoong Diyos [“Diyos na Jehova,” NW], ang ngayon at ang nakaraan at ang darating, ang Makapangyarihan-sa-lahat.” Bagaman ang naunang talata ay tumutukoy kay Kristo Jesus, maliwanag na sa talata 8, ang titulong ito ay kumakapit sa Diyos na “Makapangyarihan-sa-lahat.” May kinalaman dito, ang Barnes’ Notes on the New Testament (1974) ay nagkomento: “Hindi lubusang matitiyak kung ang espesipikong tinutukoy ng manunulat ay ang Panginoong Jesus . . . Hindi rin naman talaga mali kung ipapalagay na ang tinutukoy rito ng manunulat ay ang Diyos.”
Ang titulong ito ay muling lumilitaw sa Apocalipsis 21:6, at ipinakikilala ng sumunod na talata kung sino ang nagsasalita rito sa pagsasabing: “Mamanahin ng sinumang nananaig ang mga bagay na ito, at ako ay magiging kaniyang Diyos at siya ay magiging aking anak.” Yamang tinukoy ni Jesus yaong mga kasama niyang tagapagmana sa kaniyang Kaharian bilang “mga kapatid,” hindi “mga anak,” tiyak na ang nagsasalita ay ang makalangit na Ama ni Jesus, ang Diyos na Jehova.—Mat 25:40; ihambing ang Heb 2:10-12.
Ang huling paglitaw ng titulong ito ay nasa Apocalipsis 22:13, na nagsasabi: “Ako ang Alpha at ang Omega, ang una at ang huli, ang pasimula at ang wakas.” Maliwanag na maraming persona ang tinutukoy na nagsasalita sa kabanatang ito ng Apocalipsis; ipinakikita ng talata 8 at 9 na ang anghel ay nagsalita kay Juan, ang talata 16 ay maliwanag na kumakapit kay Jesus, ang unang bahagi ng talata 17 ay sinalita ng ‘espiritu at ng kasintahang babae,’ at ang nagsasalita sa huling bahagi ng talata 20 ay maliwanag na si Juan mismo. Kung gayon, “ang Alpha at ang Omega” sa mga talata 12-15 ay maaaring wastong tukuyin bilang yaon ding nagtataglay ng ganitong titulo sa dalawang iba pang paglitaw nito, ang Diyos na Jehova. Ang pananalitang “Narito! Ako ay dumarating nang madali,” sa talata 12, ay hindi nangangahulugang dapat na kumapit kay Jesus ang unang binanggit na mga talata, yamang tinutukoy rin ng Diyos ang kaniyang sarili bilang “lumalabas” o “dumarating” upang maglapat ng kahatulan. (Ihambing ang Isa 26:21.) May binabanggit ang Malakias 3:1-6 na magkasamang pagdating ni Jehova at ng kaniyang “mensahero ng tipan” upang humatol.
Ang titulong “ang Alpha at ang Omega” ay singkahulugan ng “ang una at ang huli” at ng “ang pasimula at ang wakas” kapag ginagamit ang mga terminong ito upang tumukoy kay Jehova. Walang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ang umiral nang una sa kaniya, at walang ibang iiral na gayong Diyos kasunod niya. Matagumpay niyang wawakasan ang usapin tungkol sa pagka-Diyos, anupat siya’y walang-hanggang maipagbabangong-puri bilang ang kaisa-isa at tanging Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.—Ihambing ang Isa 44:6.