MAZAROT, KONSTELASYON NG
Iniuugnay ng Aramaikong Targum ang Mazarot sa maz·za·lohthʹ ng 2 Hari 23:5, “mga konstelasyon ng sodyako,” o “labindalawang sagisag, o, konstelasyon.” (NW; panggilid ng KJ) Naniniwala ang ilan na ang salitang ito ay hinalaw sa isang salitang-ugat na nangangahulugang “bigkisan” at na ang Mazarot ay tumutukoy sa bilog ng sodyako. Ngunit sa Job 38:32, isang pang-isahang panghalip ang ginamit sa Hebreo sa pananalitang “sa takdang panahon niyaon,” samantalang ang pagtukoy sa 2 Hari 23:5 ay nasa pangmaramihan. Kaya waring ang Mazarot ay tumutukoy sa isang partikular na konstelasyon sa halip na sa kabuuang bilog ng sodyako, ngunit sa kasalukuyan ay hindi ito posibleng matukoy nang tiyakan.
Sa Job 38:32 ay tinatanong ni Jehova si Job: “Mailalabas mo ba ang konstelasyon ng Mazarot sa takdang panahon niyaon? At kung tungkol sa konstelasyon ng Ash kasama ng mga anak nito, mapapatnubayan mo ba ang mga iyon?” Sa gayon, anuman ang tinutukoy ng partikular na mga konstelasyong ito, inihaharap ng Diyos kay Job ang tanong kung kaya ba niyang kontrolin ang nakikitang mga bagay sa kalangitan, anupat inilalabas ang isang partikular na grupo sa wastong kapanahunan nito o pinapatnubayan ang iba pang konstelasyon sa itinakdang landas nito sa langit.