Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Turo 1: Ang Kaluluwa ay Imortal
    Ang Bantayan—2009 | Nobyembre 1
    • Turo 1: Ang Kaluluwa ay Imortal

      Saan nagmula ang turong ito?

      “Tinanggap ng unang mga pilosopong Kristiyano ang ideya ng mga Griego na imortal ang kaluluwa, at ito ay nilalang ng Diyos at ipinasok sa katawan sa panahon ng paglilihi.”​—The New Encyclopædia Britannica (1988), Tomo 11, pahina 25.

      Ano ang sinasabi ng Bibliya?

      “Ang kaluluwang magkasala ay mamamatay.”​—Ezekiel 18:4, Magandang Balita Biblia.

      Tungkol sa paglalang sa unang kaluluwang tao, sinasabi ng Bibliya: “Pinasimulang anyuan ng Diyos na Jehova ang tao mula sa alabok ng lupa at inihihip sa mga butas ng kaniyang ilong ang hininga ng buhay, at ang tao ay naging isang kaluluwang [Hebreo, neʹphesh] buháy.”​—Genesis 2:7.

      Ang salitang Hebreo na neʹphesh, na isinaling ‘kaluluwa’ ay nangangahulugang ‘isang nilalang na humihinga.’ Nang lalangin ang unang taong si Adan, hindi ipinasok ng Diyos sa kaniya ang isang imortal na kaluluwa kundi binigyan Niya ito ng puwersa ng buhay sa pamamagitan ng paghinga. Kaya sa Bibliya, ang ‘kaluluwa’ ay tumutukoy sa buháy na tao. Kung wala ang puwersa ng buhay na galing sa Diyos, ang kaluluwa ay mamamatay.​—Genesis 3:19; Ezekiel 18:20.

      Dahil sa turo tungkol sa imortal na kaluluwa, bumangon ang mga tanong: Pagkamatay ng isang tao, saan napupunta ang kaniyang kaluluwa? Ano ang nangyayari sa kaluluwa ng masasamang tao? Nang tanggapin ng mga nag-aangking Kristiyano ang turo tungkol sa imortal na kaluluwa, inakay sila nito na tanggapin ang isa pang turo​—ang tungkol sa maapoy na impiyerno.

      Ihambing ang mga talatang ito ng Bibliya: Eclesiastes 3:19; Mateo 10:28; Gawa 3:23

      ANG TOTOO:

      Kapag namatay ang isang tao, hindi na siya umiiral

  • Turo 2: Pinahihirapan sa Impiyerno ang Masasama
    Ang Bantayan—2009 | Nobyembre 1
    • Turo 2: Pinahihirapan sa Impiyerno ang Masasama

      Saan nagmula ang turong ito?

      “Sa lahat ng sinaunang pilosopong Griego, si Plato ang may pinakamalaking impluwensiya sa paniniwala tungkol sa Impiyerno.”​—Histoire des enfers (Ang Kasaysayan ng Impiyerno), ni Georges Minois, pahina 50.

      “Mula sa kalagitnaan ng ika-2 siglo AD, ang mga Kristiyano na nag-aral ng pilosopiyang Griego ay nakadama ng pangangailangang ipahayag ang kanilang pananampalataya ayon sa pilosopiyang ito . . . Ang pilosopiyang angkop na angkop sa kanila ay ang Platonismo [mga turo ni Plato].”​—The New Encyclopædia Britannica (1988), Tomo 25, pahina 890.

      “Pinaninindigan ng Simbahan ang turo tungkol sa impiyerno at ang pagkawalang-hanggan nito. Pagkamatay, ang kaluluwang may mortal na kasalanan ay napupunta sa impiyerno kung saan pinahihirapan sila sa ‘walang-hanggang apoy.’ Ang pangunahing parusa ng impiyerno ay walang-hanggang pagkawalay sa Diyos.”​—Catechism of the Catholic Church, edisyon ng 1994, pahina 270.

      Ano ang sinasabi ng Bibliya?

      “Alam ng buhay na siya’y mamamatay ngunit ang patay ay walang anumang nalalaman. . . . Pagkat sa Sheol na kasasadlakan mo ay wala kang gagawin, ni pag-iisipan, ni pagbubuhusan ng kaalaman o karunungan.”​—Mangangaral [o, Eclesiastes] 9:5, 10, Magandang Balita Biblia.

      Ang salitang Hebreo na Sheol, na tumutukoy sa “himlayan ng mga patay,” ay isinasaling “impiyerno” sa ilang salin ng Bibliya. Ano ang itinuturo sa atin ng tekstong ito tungkol sa kalagayan ng mga patay? Pinahihirapan ba sila sa Sheol upang pagbayaran ang kanilang mga pagkakamali? Hindi, sapagkat sila ay “walang anumang nalalaman.” Kaya nang dumanas ng matinding sakit ang patriyarkang si Job, hiniling niya sa Diyos: “Ikubli mo ako sa impiyerno [Hebreo, Sheol].” (Job 14:13; Douay-Rheims Version) Makatuwiran ba ang kaniyang hinihiling kung ang Sheol ay isang lugar ng walang-hanggang pagpapahirap? Ang impiyerno na tinutukoy sa Bibliya ay ang karaniwang libingan ng mga tao, kung saan walang anumang magagawa ang sinuman.

      Hindi ba mas makatuwiran at kaayon ito ng Kasulatan? Gaano man kalubha ang krimeng nagawa ng isang tao, hindi siya magagawang pahirapan magpakailanman ng isang Diyos ng pag-ibig. (1 Juan 4:8) Kung ang turo tungkol sa maapoy na impiyerno ay mali, kumusta naman ang turo tungkol sa langit?

      Ihambing ang mga talatang ito ng Bibliya: Awit 146:3, 4; Gawa 2:25-27; Roma 6:7, 23

      ANG TOTOO:

      Hindi pinarurusahan ng Diyos ang mga tao sa impiyerno

  • Turo 3: Mapupunta sa Langit ang Mababait
    Ang Bantayan—2009 | Nobyembre 1
    • Turo 3: Mapupunta sa Langit ang Mababait

      Saan nagmula ang turong ito? Pagkamatay ng mga apostol ni Jesus, sa pasimula ng ikalawang siglo C.E., naging prominente ang unang mga Ama ng Simbahan. Ganito ang sinabi ng New Catholic Encyclopedia (2003), Tomo 6, pahina 687 may kinalaman sa kanilang turo: “Ang lubos na kaligayahan sa langit ay ipinagkakaloob sa kaluluwang humihiwalay karaka-raka pagkatapos gawin ang kinakailangang pagdadalisay pagkamatay ng isa.”

      Ano ang sinasabi ng Bibliya? “Maligaya ang mga mahinahong-loob, yamang mamanahin nila ang lupa.”​—Mateo 5:5.

      Bagaman ipinangako ni Jesus sa kaniyang mga alagad na ‘maghahanda siya ng dako’ para sa kanila sa langit, sinabi niya na hindi lahat ng matuwid ay mapupunta roon. (Juan 3:13; 14:2, 3) Hindi ba ipinanalangin niya na maganap sana ang kalooban ng Diyos “kung paano sa langit, gayundin sa lupa”? (Mateo 6:9, 10) Sa katunayan, may dalawang pag-asa para sa mga matuwid. Ilan sa kanila ay mamamahalang kasama ni Kristo sa langit, pero ang karamihan ay mabubuhay magpakailanman sa lupa.​—Apocalipsis 5:10.

      Nang maglaon, binago ng sinaunang simbahan ang paniniwala nito tungkol sa kaniyang gagampanang papel dito sa lupa. Ano ang naging resulta? “Ang itinatag na simbahan ang patuloy na humalili sa inaasahang Kaharian ng Diyos,” ang sabi ng The New Encyclopædia Britannica. Pinalakas ng simbahan ang kanilang kapangyarihan sa pamamagitan ng pakikisangkot sa pulitika, at winalang-bahala ang sinabi mismo ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na ‘hindi sila bahagi ng sanlibutan.’ (Juan 15:19; 17:14-16; 18:36) Nang mamahala ang Romanong emperador na si Constantino, ikinompromiso ng simbahan ang ilan sa paniniwala nila. Ang isa rito ay ang tungkol mismo sa Diyos.

      Ihambing ang mga talatang ito ng Bibliya: Awit 37:10, 11, 29; Juan 17:3; 2 Timoteo 2:11, 12

      ANG TOTOO:

      Ang karamihan ng mababait ay mabubuhay magpakailanman sa lupa​—hindi sa langit

      [Picture Credit Line sa pahina 6]

      Art Resource, NY

  • Turo 4: Ang Diyos ay Isang Trinidad
    Ang Bantayan—2009 | Nobyembre 1
    • Turo 4: Ang Diyos ay Isang Trinidad

      Saan nagmula ang turong ito?

      “Pagkatapos ng lahat ng pagsusuri, ang doktrina ng Trinidad ay naimbento lamang pala noong huling bahagi ng ika-4 na siglo. At totoo naman ito . . . Ang ideyang ‘tatlong Persona sa iisang Diyos’ ay walang matibay na saligan, at tiyak na hindi lubusang tinanggap ng mga Kristiyano, bago matapos ang ika-4 na siglo.”​—New Catholic Encyclopedia (1967), Tomo 14, pahina 299.

      “Nagtipon noong Mayo 20, 325 [C.E.] ang Konseho ng Nicaea. Si Constantino mismo ang nangasiwa, anupat minaniobra niya ang mga talakayan, at ipinanukala . . . ang mahalagang ideya hinggil sa kaugnayan ni Kristo sa Diyos ayon sa kredong pinalabas ng konseho, na ‘ang Ama at si Kristo ay iisa.’ . . . Dahil sa takot sa emperador, ang mga obispo, maliban sa dalawa, ay pumirma sa kredo kahit labag ito sa kanilang kalooban.”​—Encyclopædia Britannica (1970), Tomo 6, pahina 386.

      Ano ang sinasabi ng Bibliya?

      “Puspos ng Espiritu Santo, tumingin si Esteban sa langit at nakita ang kaluwalhatian ng Dios. Naroon si Jesus, nakatayo sa kanang kamay ng Dios. ‘Tingnan ninyo,’ wika niya, ‘Nakikita kong bukas ang langit at ang Anak ng Tao na nakatayo sa kanang kamay ng Dios.’”​—Gawa 7:55, 56, Ang Biblia, Bagong Salin sa Pilipino.

      Ano ang ipinahihiwatig ng pangitaing ito? Puspos ng aktibong puwersa ng Diyos, nakita ni Esteban si Jesus na “nakatayo sa kanang kamay ng Dios.” Kaya maliwanag, hindi naging Diyos si Jesus nang buhayin siyang muli bilang ibang espiritung persona. Sa ulat na ito, walang binanggit na ikatlong persona sa tabi ng Diyos. Sa kabila ng mga pagsisikap na makakita ng mga teksto na susuporta sa turo ng Trinidad, ganito ang isinulat ng paring Dominiko na si Marie-Émile Boismard sa kaniyang aklat na À l’aube du christianisme​—La naissance des dogmes (Ang Pasimula ng Kristiyanismo​—Ang Pagsilang ng mga Doktrina): “Ang pananalitang tatlong persona sa iisang Diyos . . . ay wala sa Bagong Tipan.”

      Ang turong itinaguyod ni Constantino ay nilayon para tapusin ang di-pagkakasundo sa Simbahan noong ikaapat na siglo. Pero ang totoo, nagbangon ito ng isa pang isyu: Si Maria ba, na nagsilang kay Jesus, ang “Ina ng Diyos”?

      Ihambing ang mga talatang ito ng Bibliya: Mateo 26:39; Juan 14:28; 1 Corinto 15:27, 28; Colosas 1:15, 16

      ANG TOTOO:

      Ang doktrina ng Trinidad ay naimbento lamang noong huling bahagi ng ikaapat na siglo

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share