“Paglaban na Nararapat sa Paggalang”
SA PANAHON ng malupit na pamamahala bilang chancellor ng Alemanya, nakatanggap si Adolf Hitler ng sampu-sampung libong liham. Noong 1945, pagkatapos masakop ng mga Ruso ang teritoryong nakapalibot sa Berlin, marami sa mga liham na ito ang dinala sa Moscow at itinago roon. Sinuri ng istoryador na si Henrik Eberle ang libu-libo sa mga liham na ito na nasa mga artsibo sa Moscow para malaman kung sino ang mga sumulat kay Hitler at kung bakit sila sumulat. Inilathala ni Eberle ang mga konklusyon niya sa kaniyang aklat na pinamagatang Briefe an Hitler (Mga Liham kay Hitler).
“Mga guro at estudyante, mga madre at pari, mga tambay at kilaláng negosyante, mga admiral at karaniwang storm trooper—lahat sila ay sumulat kay Hitler,” ang sabi ni Dr. Eberle. “Itinuring siya ng ilan bilang ang isinilang-muling Mesiyas; para naman sa iba, siya ang mismong kasamaan.” Nakatanggap din ba si Hitler ng mga liham ng protesta mula sa mga opisyal ng simbahan hinggil sa kalupitan ng mga National Socialist, o Nazi? Oo, pero iilan lang.
Gayunman, nakakita rin si Eberle ng isang file ng mga liham kay Hitler mula sa mga Saksi ni Jehova sa iba’t ibang panig ng Alemanya bilang protesta sa ginagawa ng mga Nazi. Sa katunayan, ang mga Saksi mula sa mga 50 bansa ay nagpadala kay Hitler ng mga 20,000 liham at telegrama ng pagpoprotesta laban sa pagmamalupit sa mga Saksi ni Jehova. Libu-libong Saksi ang inaresto, at daan-daan ang pinatay o namatay dahil sa pagpapahirap ng mga Nazi. Ganito ang konklusyon ni Dr. Eberle: “Kung ihahambing sa milyun-milyong biktima ng rehimeng Nazi, ang bilang na ito [ng mga biktimang Saksi] ay maliit lang. Pero pinatutunayan nito ang isang determinado at nagkakaisang paglaban na nararapat sa paggalang.”