Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w21 Oktubre p. 14-17
  • Patibayin Mong Muli ang Pakikipagkaibigan Mo kay Jehova

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Patibayin Mong Muli ang Pakikipagkaibigan Mo kay Jehova
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2021
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • ANO ANG MGA HAMON?
  • MAGTAKDA NG MGA TUNGUHIN NA KAYA MONG ABUTIN
  • HUWAG KANG SUSUKO!
  • Tularan ang Awa ng Diyos Ngayon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Napakahalaga Mo kay Jehova!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2021
  • Mga Elder—Patuloy na Tularan si Apostol Pablo
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2022
  • Hindi Ka Nag-iisa, Kasama Mo si Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2021
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2021
w21 Oktubre p. 14-17
Isang brother na pinanghihinaan ng loob habang iniisip kung gaano kalaking panahon at trabaho ang kailangan para maitayong muli ang nasirang bahay niya.

Patibayin Mong Muli ang Pakikipagkaibigan Mo kay Jehova

TAON-TAON, maraming mahalagang tupa ni Jehova ang nanunumbalik sa kongregasyong Kristiyano. Isipin na lang kung gaano ‘kasaya sa langit’ kapag may isang nakabalik sa kongregasyon! (Luc. 15:7, 10) Kung isa ka sa kanila, makakatiyak ka na natutuwa si Jesus, ang mga anghel, at lalong-lalo na si Jehova dahil naninindigan ka na ulit sa katotohanan. Habang pinapatibay mong muli ang pakikipagkaibigan mo kay Jehova, baka may mga hamong mapaharap sa iyo. Ano ang ilan sa mga ito, at ano ang puwede mong gawin?

ANO ANG MGA HAMON?

Marami ang pinanghihinaan pa rin ng loob kahit nakabalik na sila sa kongregasyon. Baka naiintindihan mo ang naramdaman ni Haring David. Pinatawad na ang mga kasalanan niya noon, pero nasabi pa rin niya: “Natabunan na ako ng mga pagkakamali ko.” (Awit 40:12; 65:3) Kaya posibleng nakokonsensiya o nahihiya pa rin ang isa kahit maraming taon na ang lumipas mula noong manumbalik siya kay Jehova. Si Isabelle ay mahigit 20-taóng tiwalag.a Sinabi niya, “Ang hirap talagang paniwalaan na kaya akong patawarin ni Jehova.” Kung panghihinaan ka ng loob, manghihina ulit ang kaugnayan mo kay Jehova. (Kaw. 24:10) Kaya huwag na huwag mong hahayaan na mangyari iyan!

Pinanghihinaan naman ng loob ang ilan dahil iniisip nila na mahirap nang ibalik ang dati nilang kaugnayan kay Jehova. Matapos makabalik si Antoine, sinabi niya, “Parang nalimutan ko na kung paano mamuhay bilang Kristiyano.” Dahil ganito ang nararamdaman nila, nag-aalangan silang makibahagi sa espirituwal na mga gawain.

Bilang paglalarawan: Kapag nasira ng bagyo ang bahay na ipinundar ng isang tao, baka panghinaan siya ng loob kapag inisip niya kung gaano kalaking panahon at trabaho ang kailangan para maitayo itong muli. Ganiyan din kung nasira ang pakikipagkaibigan mo kay Jehova dahil sa isang malubhang pagkakasala. Baka maramdaman mo na napakahirap nang maibalik ang dati mong kaugnayan sa kaniya. Pero tandaan, may makakatulong sa iyo.

Inaanyayahan tayo ni Jehova: “Halikayo ngayon at ituwid natin ang mga bagay-bagay sa pagitan natin.” (Isa. 1:18) At nagawa mo na iyan! Siguradong nagsikap ka na ‘ituwid ang mga bagay-bagay,’ at mahal ka ni Jehova dahil diyan. Ang isipin mo, binigyan mo si Jehova ng matibay na dahilan para masagot ang mga bintang ni Satanas!—Kaw. 27:11.

Dahil nanumbalik ka, ipinakita mong lumalapit ka kay Jehova, at ipinapangako niyang lalapit siya sa iyo. (Sant. 4:8) Pero hindi sapat ang basta makita ng iba na bahagi ka na ulit ng kongregasyon. Dapat na patuloy kang magsikap na mas mapasidhi ang pag-ibig mo kay Jehova, ang iyong Ama at Kaibigan. Paano mo ito magagawa?

MAGTAKDA NG MGA TUNGUHIN NA KAYA MONG ABUTIN

Magtakda ng mga tunguhin na kaya mong abutin. Malamang na matatag pa rin ang espirituwal na pundasyon mo—hindi mo pa rin nakakalimutan ang mga natutuhan mo tungkol kay Jehova at sa mga pangako niya sa hinaharap. Pero baka kailangan mong bumuo ng mahusay na espirituwal na rutin, kasama na ang pangangaral ng mabuting balita at madalas na pakikisama sa mga kapatid. Puwede mong gawing tunguhin ang mga sumusunod.

Dalasan ang pakikipag-usap kay Jehova. Naiintindihan ng iyong Ama na nahihirapan kang manalangin sa kaniya kasi nakokonsensiya ka pa rin sa nagawa mo. (Roma 8:26) Pero kahit ganoon, “magmatiyaga [ka] sa pananalangin,” at sabihin mo kay Jehova na gustong-gusto mo siyang maging kaibigan. (Roma 12:12) Sinabi ni Andrej: “Hiyang-hiya ako at nakokonsensiya. Pero nababawasan iyon kapag nananalangin ako. Mas nagiging payapa ang isip ko.” Kung hindi mo alam ang sasabihin mo sa panalangin, puwede mong gayahin ang panalangin ni Haring David na nasa Awit 51 at 65.

Regular na mag-aral ng Bibliya. Palalakasin nito ang espirituwalidad mo para mas lumalim ang pag-ibig mo kay Jehova. (Awit 19:7-11) “Wala akong mahusay na espirituwal na rutin noon kaya ako nanghina at nabigo ko si Jehova,” ang sabi ni Felipe. “Ayoko nang maulit ang pagkakamaling iyon, kaya sinikap kong mag-personal study para maprotektahan ang kaugnayan ko kay Jehova.” Puwede mo ring gawin iyan. Kung kailangan mo ng tulong para makahanap ng magagandang paksa na bagay sa iyo, puwede kang magtanong sa isang kaibigan na maygulang sa espirituwal.

Makipagkaibigan ulit sa mga kapatid. Ang ilang nakabalik sa kongregasyon ay nag-aalala na baka hindi maganda ang tingin ng iba sa kanila. Inamin ni Larissa: “Hiyang-hiya ako. Pakiramdam ko, nasaktan ko ang mga kapatid. Hindi agad nawala ang nararamdaman kong ito.” Makakasiguro ka na gustong-gusto ng mga elder at ng ibang may-gulang na kapatid na tulungan ka na patibaying muli ang kaugnayan mo kay Jehova. (Tingnan ang kahong “Ano ang Puwedeng Gawin ng mga Elder?”) Masaya sila na nanumbalik ka, at gusto nila na maging masaya ka rin!—Kaw. 17:17.

Paano ka magiging malapít ulit sa mga kakongregasyon mo? Palagi kang makipagsamahan sa mga kapatid—dumalo ka sa mga pulong at regular na mangaral. Malaki ang maitutulong nito sa iyo. Sinabi ni Felix: “Hinihintay ng mga kakongregasyon ko na makabalik ako. Naramdaman kong mahalaga ako sa kanila. Nakatulong silang lahat para maramdaman kong bahagi na ulit ako ng pamilya, na napatawad na ako, at na kaya kong patuloy na paglingkuran si Jehova.”​—Tingnan ang kahong “Ano ang Puwede Mong Gawin?”

Ano ang Puwede Mong Gawin?

Ibalik ang dati mong espirituwal na rutin

Nananalangin ang isang elder kasama ang isang brother na nanumbalik kay Jehova.

DALASAN ANG PAKIKIPAG-USAP KAY JEHOVA

Sabihin mo kay Jehova na gustong-gusto mo siyang maging kaibigan. Mananalangin ang mga elder kasama mo at para sa iyo

Bina-Bible study ng elder ang brother gamit ang aklat na “Maging Malapít kay Jehova.”

REGULAR NA MAG-ARAL NG BIBLIYA

Palakasin ang espirituwalidad mo para mas lumalim ang pag-ibig mo kay Jehova

Nakikipagkuwentuhan ang brother sa mga kakongregasyon niya sa isang gathering.

MAKIPAGKAIBIGAN ULIT SA MGA KAPATID

Palagi kang makipagsamahan sa mga kakongregasyon mo sa mga pulong at sa ministeryo

HUWAG KANG SUSUKO!

Siguradong magpapadala si Satanas ng marami pang “bagyo” para pahinain ka at sirain ang pakikipagkaibigan mo kay Jehova. (Luc. 4:13) Maging handa at patibayin ang kaugnayan mo kay Jehova ngayon.

May kinalaman sa mga tupa niya, ipinapangako ni Jehova: “Hahanapin ko ang nawala, ibabalik ko ang napalayo, bebendahan ko ang may bali, at palalakasin ko ang mahina.” (Ezek. 34:16) Napakarami nang nanghina sa espirituwal ang tinulungan ni Jehova. Makakatiyak ka na gusto ka rin niyang tulungan para lalo mo pang mapatibay ang kaugnayan mo sa kaniya.

Ano ang Puwedeng Gawin ng mga Elder?

Tinutulungan ng elder ang brother na itayo ulit ang nasirang bahay nito.

Mahalaga ang papel ng mga elder para mapatibay muli ng mga nanumbalik ang kaugnayan nila kay Jehova. Pansinin kung paano nila matutulungan ang mga nanumbalik.

Patibayin sila. Alam ni apostol Pablo na ang isang nagsisising nagkasala ay puwedeng “madaig ng sobrang kalungkutan.” (2 Cor. 2:7) Baka nahihiya sila at pinanghihinaan ng loob. Pinayuhan ni Pablo ang kongregasyon: “Patawarin [sila] nang buong puso at aliwin.” Dapat na tiyakin sa mga nakapanumbalik na mahal na mahal sila ni Jehova at ng mga kapatid. Kung lagi silang bibigyan ng komendasyon at tutulungan, posibleng hindi sila panghinaan ng loob.

Manalanging kasama nila. “Napakalaki ng nagagawa ng pagsusumamo ng taong matuwid.” (Sant. 5:16) Sinabi ni Larissa, na binanggit kanina: “Sinabi ko sa mga elder ang mga ikinababahala ko at kinakatakutan. Nanalangin sila para sa akin. Naramdaman ko na hindi pala sila galit sa akin. Gusto nilang tulungan ako na maibalik ang kaugnayan ko kay Jehova.” Sinabi naman ni Theo: “Nakatulong ang mga panalangin ng mga elder. Damang-dama ko na mahal talaga ako ni Jehova. Hindi lang pagkakamali ko ang nakikita niya, alam din niya pati ang magagandang katangian ko.”

Kaibiganin sila. Kailangan ng mga nanumbalik sa kongregasyon ng mga kaibigan. “Lagi natin silang yayain sa ministeryo at, mas maganda, bisitahin sila sa bahay nila. Napakahalaga na kaibiganin sila!” ang sabi ng elder na si Justin. Sinabi ng isa pang elder na si Henry, “Kapag nakita ng mga kapatid na nakikipagkaibigan ang mga elder sa mga nanumbalik sa kongregasyon, ganoon din ang gagawin nila.”

Tulungan silang mag-aral. Matutulungan ng isang may-gulang na kaibigan ang isang nanumbalik na magkaroon ng regular na personal study. Sinabi ng elder na si Darko: “Gustong-gusto kong ikuwento ang mga natutuhan ko sa personal study ko at ipakitang nag-e-enjoy talaga ako sa pag-aaral. Minsan, niyayaya ko sila na pag-aralan namin ang isang artikulo.” Sinabi ng isa pang elder na si Clayton, “Pinapasigla ko sila na basahin ang tungkol sa mga karakter sa Bibliya na kapareho nila ng pinagdadaanan.”

Pastulan sila. Nakita ng mga nanumbalik ang papel ng mga elder bilang hukom. Pero ngayon, kailangan nilang makita ang mga elder bilang mga pastol. (Jer. 23:4) Makinig nang mabuti sa kanila at bigyan sila ng komendasyon. Lagi silang kumustahin. Sinabi ng elder na si Marcus ang ginagawa niya kapag nagse-shepherding sila: “Nagbabasa kami ng teksto, binibigyan sila ng komendasyon, at sinasabing natutuwa kami at si Jehova na nagsikap silang manumbalik. Pagkatapos ng shepherding namin, sinasabi namin kung kailan ulit kami dadalaw.”

a Binago ang mga pangalan sa artikulong ito.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share