Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w25 Oktubre p. 24-29
  • Huwag Kalimutang Ipanalangin ang Iba

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Huwag Kalimutang Ipanalangin ang Iba
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • BAKIT DAPAT NATING IPANALANGIN ANG IBA?
  • KAILANGAN NILA ANG MGA PANALANGIN NATIN
  • MANALANGIN PARA SA MGA INDIBIDWAL
  • ANG TAMANG PANANAW SA PANANALANGIN
  • Lumapit sa Diyos sa Panalangin
    Masayang Buhay Magpakailanman—Isang Pag-aaral sa Bibliya
  • Ang Pribilehiyong Panalangin
    Ano ang Itinuturo sa Atin ng Bibliya?
  • Paano Natin Mas Masasabi sa Panalangin ang mga Nararamdaman Natin?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
  • “Ipanalangin Ninyo ang Isa’t Isa”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
w25 Oktubre p. 24-29

ARALING ARTIKULO 43

AWIT BLG. 41 Pakinggan Sana ang Aking Dalangin

Huwag Kalimutang Ipanalangin ang Iba

“Ipanalangin ninyo ang isa’t isa . . . Napakalaki ng nagagawa ng pagsusumamo ng taong matuwid.”—SANT. 5:16.

MATUTUTUHAN

Kung bakit mahalagang ipanalangin ang iba at kung paano natin iyan magagawa.

1. Paano natin nalaman na mahalaga kay Jehova ang mga panalangin natin?

NAPAKAGANDANG regalo mula kay Jehova ang panalangin. Pag-isipan ito: May mga atas na ibinigay na ni Jehova sa mga anghel. (Awit 91:11) Ipinagkatiwala na rin niya sa Anak niya ang ilang mabibigat na pananagutan. (Mat. 28:18) Pero hindi niya iniatas sa iba ang pakikinig sa panalangin. Gusto ni Jehova na siya mismo ang gagawa nito. Personal tayong pinapakinggan ni Jehova, ang “Dumirinig ng panalangin.”—Awit 65:2.

2. Paano naging magandang halimbawa si apostol Pablo sa pananalangin para sa iba?

2 Malaya nating maipapanalangin ang mga álalahanín natin, pero hindi rin natin dapat kalimutang ipanalangin ang iba. Ganiyan ang ginawa ni apostol Pablo. Sinabi niya sa kongregasyon sa Efeso: ‘Lagi ko kayong ipinapanalangin.’ (Efe. 1:16) Nanalangin din si Pablo para sa mga indibidwal. Halimbawa, sinabi niya kay Timoteo: “Nagpapasalamat ako sa Diyos [at] lagi kitang inaalaala sa mga pagsusumamo ko araw at gabi.” (2 Tim. 1:3) May sarili ring mga problema si Pablo na kailangan niyang ipanalangin, pero isinama pa rin niya ang iba sa panalangin niya.—2 Cor. 11:23; 12:7, 8.

3. Bakit posibleng makalimutan nating ipanalangin ang iba?

3 Kung minsan, baka makalimutan nating ipanalangin ang iba. Bakit? Binanggit ng sister na si Sabrinaa ang isang dahilan: “Napakaraming nangyayari sa buhay ngayon. At sa dami ng problema natin, baka puro sarili na lang natin ang maipanalangin natin.” Nangyayari din ba iyan sa iyo? Kung oo, makakatulong sa iyo ang artikulong ito. Tatalakayin dito (1) kung bakit mahalagang ipanalangin ang iba at (2) kung paano natin magagawa iyan.

BAKIT DAPAT NATING IPANALANGIN ANG IBA?

4-5. Bakit sinasabi sa Santiago 5:16 na “napakalaki ng nagagawa” ng pananalangin natin para sa iba?

4 “Napakalaki ng nagagawa” ng pananalangin natin para sa iba. (Basahin ang Santiago 5:16.) May epekto ba talaga ang pananalangin natin para sa iba? Oo. Alam ni Jesus na ikakaila siya ni apostol Pedro, kaya sinabi niya sa kaniya: “Nagsumamo na ako para sa iyo na huwag sanang manghina ang pananampalataya mo.” (Luc. 22:32) Alam din ni Pablo na malaki ang magagawa ng panalangin. Noong nakakulong si Pablo sa Roma dahil sa maling akusasyon, sinabi niya kay Filemon: “Umaasa akong sa tulong ng mga panalangin ninyo, makababalik ako sa inyo.” (Flm. 22; tingnan ang study note na “dahil umaasa akong sa tulong ng mga panalangin ninyo.”) At iyon nga ang nangyari. Di-nagtagal, nakalaya si Pablo at nakapangaral ulit.

5 Hindi naman ibig sabihin nito na mapipilit natin si Jehova na ibigay ang ipinapanalangin natin. Pero nakikita niya kung gaano kahalaga sa mga lingkod niya ang ipinapanalangin nila. At kung minsan, ginagawa niya ang mga hinihiling nila. Dahil diyan, napapakilos tayong ipanalangin kay Jehova ang anumang problema at nagtitiwala tayong gagawin niya ang pinakamabuti sa sitwasyong iyon.—Awit 37:5; tingnan ang 2 Corinto 1:11 at mga study note.

6. Ano ang puwede nating maramdaman para sa iba kapag ipinapanalangin natin sila? (1 Pedro 3:8)

6 Nagiging “mahabagin at magiliw” tayo kapag ipinapanalangin natin ang iba. (Basahin ang 1 Pedro 3:8.) Kapag nakakaramdam tayo ng habag, o awa, para sa isang tao, alam natin ang pinagdadaanan niya at gusto natin siyang tulungan. (Mar. 1:40, 41) Sinabi ng elder na si Michael: “Kapag ipinapanalangin ko ang iba, mas naiintindihan ko ang mga problemang kinakaharap nila at mas napapamahal sila sa akin. Kaya pakiramdam ko tuloy, mas close na ako sa kanila.” Sinabi naman ng elder na si Richard: “Kapag ipinapanalangin natin ang isang tao, mas napapakilos tayong tulungan siya.” Idinagdag pa niya: “Kapag tinutulungan natin ang taong ipinapanalangin natin, para na rin tayong gumagawa ng paraan para masagot ang panalangin natin.”

7. Bakit nagkakaroon tayo ng tamang pananaw sa mga problema natin kapag ipinapanalangin natin ang iba? (Filipos 2:3, 4) (Tingnan din ang mga larawan.)

7 Kapag ipinapanalangin natin ang iba, magkakaroon tayo ng tamang pananaw sa mga problema natin. (Basahin ang Filipos 2:3, 4.) Lahat tayo, nagkakaroon ng mga problema dahil nabubuhay tayo sa mundong kontrolado ng Diyablo. (1 Juan 5:19; Apoc. 12:12) Kaya kapag madalas tayong nananalangin para sa iba, naipapaalala nito sa atin na “ang ganoon ding mga pagdurusa ay nararanasan ng lahat ng kapatid [natin] sa buong mundo.” (1 Ped. 5:9) Sinabi ng payunir na si Katherine: “Kapag ipinapanalangin ko ang iba, naiisip ko na hindi lang pala ako ang nagkakaproblema. Nakakatulong iyon para hindi ako masyadong magpokus sa mga problema ko.”

Collage: Mga kapatid na may sariling mga problema pero ipinapanalangin pa rin ang iba. 1. Isang batang babae na nakaupo sa kama habang nananalangin; sa larawan sa taas, isang pamilya ang lumilikas sakay ng bangka dahil binaha ang bahay nila. 2. Ang pamilya sa naunang larawan na magkakasamang nananalangin; sa larawan sa taas, isang brother na nakakulong. 3. Ang brother sa naunang larawan habang nananalangin sa loob ng selda niya; sa larawan sa taas, isang may-edad nang sister na nakahiga sa kama sa ospital. 4. Ang sister sa naunang larawan habang nananalangin; sa larawan sa taas, ang batang babae sa pinakaunang larawan na mag-isang nakaupo sa classroom habang nagse-celebrate ng birthday ang mga kaklase niya.

Kapag ipinapanalangin natin ang iba, magkakaroon tayo ng tamang pananaw sa mga problema natin (Tingnan ang parapo 7)d


KAILANGAN NILA ANG MGA PANALANGIN NATIN

8. Sino-sino ang mga puwede nating ipanalangin?

8 Sino-sino ang mga puwede nating ipanalangin? Puwede nating ipanalangin ang iba’t ibang grupo ng mga tao, gaya ng mga maysakit, mga kabataang pine-pressure sa school, at mga may-edad. Marami rin tayong kapatid na pinag-uusig ng mga kapamilya nila o ng gobyerno. (Mat. 10:18, 36; Gawa 12:5) May ilang kapatid na napilitang umalis sa lugar nila dahil sa gulo sa politika. Naapektuhan naman ang iba ng sakuna. Baka hindi natin kilala ang bawat isa sa mga kapatid na ito. Pero kapag ipinapanalangin natin sila, nasusunod natin ang utos na ito ni Jesus: “Ibigin ninyo ang isa’t isa.”—Juan 13:34.

9. Bakit dapat nating isama sa mga panalangin natin ang mga nangunguna sa organisasyon ni Jehova, pati na ang mga asawa nila?

9 Puwede rin nating isama sa mga panalangin natin ang mga nangunguna sa organisasyon ni Jehova. Kasama diyan ang Lupong Tagapamahala at mga helper, o katulong, sa mga komite nila; mga Komite ng Sangay; mga overseer sa mga sangay; mga tagapangasiwa ng sirkito; mga elder sa kongregasyon; at mga ministeryal na lingkod. Marami silang ginagawa para sa atin, pero may sarili rin silang mga problema. (2 Cor. 12:15) Halimbawa, sinabi ni Mark, isang tagapangasiwa ng sirkito: “Napakalaking hamon sa akin na malayo ako sa mga magulang ko. Tumatanda na sila, at may mga sakit na rin sila. Naaalagaan naman silang mabuti ng ate ko at ng asawa niya, pero gusto ko rin sanang nandoon ako para matulungan ko sila.” Alam man natin o hindi ang mga pinagdadaanan ng masisipag nating brother na ito, magandang isama natin sila sa mga panalangin natin. (1 Tes. 5:12, 13) Puwede rin nating ipanalangin ang mga asawa nila. Malaki ang nagagawa ng mga asawa nila para magampanan nila ang mga atas nila.

10-11. Gusto pa rin bang pakinggan ni Jehova ang panalangin natin kahit wala tayong espesipikong kapatid na binabanggit? Ipaliwanag.

10 Gaya ng natalakay natin, madalas tayong manalangin para sa iba’t ibang grupo ng mga kapatid. Halimbawa, baka ipinapanalangin natin ang mga nakakulong o mga namatayan, kahit wala tayong espesipikong kapatid na nasa isip. Ito ang sinabi ng elder na si Donald: “Napakarami nating kapatid na may mga problema. Kaya minsan, panlahatan ang panalangin natin para maisama natin ang lahat ng may pinagdadaanan.”

11 Gusto bang pakinggan ni Jehova ang ganiyang mga panalangin? Oo! Hindi rin naman kasi natin alam ang espesipikong kailangan ng bawat kapatid. Kaya walang mali kung panlahatan ang panalangin natin para sa iba’t ibang grupo ng mga kapatid. (Juan 17:20; Efe. 6:18) Ang totoo, ipinapakita ng ganiyang mga panalangin na mayroon tayong “pag-ibig sa buong samahan ng mga kapatid.”—1 Ped. 2:17.

MANALANGIN PARA SA MGA INDIBIDWAL

12. Paano makakatulong ang pagiging mapagmasid para espesipiko nating maipanalangin ang mga kapatid?

12 Maging mapagmasid. Bukod sa pananalangin para sa iba’t ibang grupo ng mga kapatid, magandang ipanalangin din natin ang espesipikong mga indibidwal. Sino-sino ang mga puwede mong ipanalangin? Baka may kakongregasyon kang may malalang sakit. Baka nakita mong nalulungkot ang isang kabataan kasi pine-pressure siya sa school. O baka may isang nagsosolong magulang na napansin mong nagsisikap na palakihin ang anak niya “ayon sa disiplina at patnubay ni Jehova.” (Efe. 6:4) Kapag nakita mo ang pinagdadaanan ng isang kapatid, mas makakaramdam ka ng pagmamahal sa kaniya at mas gugustuhin mong ipanalangin siya.b—Roma 12:15.

13. Paano natin maipapanalangin ang mga hindi natin personal na kilala?

13 Banggitin sa panalangin ang pangalan nila. Magagawa mo iyan kahit hindi mo sila personal na kilala. Halimbawa, puwede mong isama sa panalangin ang pangalan ng mga kapatid nating nakabilanggo sa Crimea, Eritrea, Russia, Singapore, at iba pang lugar. Makikita mo sa jw.org ang mga pangalan nila.c Sinabi ni Brian, isang tagapangasiwa ng sirkito: “Para maalala ko ang pangalan ng isang kapatid na nakakulong, isinusulat ko muna iyon at binabasa nang malakas. Dahil diyan, nababanggit ko ang pangalan niya sa mga panalangin ko.”

14-15. Paano natin gagawing mas espesipiko ang mga panalangin natin para sa iba?

14 Maging espesipiko sa mga hihilingin natin. Ganito ang sinabi ni Michael, na binanggit kanina: “Habang binabasa ko sa jw.org ang tungkol sa mga kapatid nating nakakulong, iniisip ko rin kung anong mararamdaman ko kung ako ang nasa sitwasyon nila. Alam kong mag-aalala ako para sa asawa ko, at gusto kong siguraduhin na hindi siya mapapabayaan. Kaya espesipiko kong binabanggit iyan kapag ipinapanalangin ko ang mga nakakulong nating kapatid na may asawa.”—Heb. 13:3, tlb.

15 Makakatulong kung iisipin natin ang buhay ng mga kapatid nating nakakulong para makaisip tayo ng iba pang espesipikong ipapanalangin para sa kanila. Halimbawa, puwede nating ipanalangin na maging mabait sana sa kanila ang mga guwardiya sa bilangguan. Puwede rin nating ipanalangin na payagan sana sila ng mga nasa awtoridad na malayang makasamba. (1 Tim. 2:1, 2) Baka puwede rin nating isama sa panalangin na mapatibay sana ang mga kakongregasyon nila sa katapatan nila. O kaya naman, ipanalangin natin na mapansin sana ng mga di-Saksi ang magandang paggawi nila at mapakilos ang mga ito na makinig sa mensahe natin. (1 Ped. 2:12) Iyan din ang puwede nating gawin para maging mas espesipiko ang panalangin natin para sa mga kapatid na may ibang problema. Kapag mapagmasid tayo, binabanggit natin ang pangalan nila, at espesipiko tayo sa mga hinihiling natin, ipinapakita nating ‘masidhi ang pag-ibig natin sa isa’t isa.’—1 Tes. 3:12.

ANG TAMANG PANANAW SA PANANALANGIN

16. Ano ang dapat na maging pananaw natin sa pananalangin? (Mateo 6:8)

16 Gaya ng natalakay natin, posibleng magbago ang sitwasyon ng iba dahil sa mga panalangin natin. Pero dapat tayong magkaroon ng tamang pananaw sa pananalangin. Huwag nating isipin na nananalangin tayo para sabihin kay Jehova ang isang bagay na hindi niya alam. Hindi rin tayo nananalangin para sabihin sa kaniya kung ano ang pinakamagandang gawin sa isang sitwasyon. Alam na ni Jehova ang kailangan ng mga lingkod niya bago pa nila malaman iyon o bago pa natin ipanalangin iyon. (Basahin ang Mateo 6:8.) Kung ganoon, bakit pa natin ipapanalangin ang iba? Bukod sa mga dahilang nabanggit na sa artikulong ito, ipinapanalangin natin ang iba dahil nagmamalasakit tayo sa kanila—mahal na mahal natin sila. At kapag nakikita ni Jehova na tinutularan natin ang pagmamahal niya para sa mga lingkod niya, napapasaya natin siya.

17-18. Ano ang nararamdaman ni Jehova kapag ipinapanalangin natin ang isa’t isa? Ilarawan.

17 Kahit parang walang nagagawa ang mga panalangin natin para magbago ang sitwasyon, ipinapakita pa rin nito na mahal na mahal natin ang mga kapatid, at nakikita iyan ni Jehova. Pag-isipan ito: May magkapatid na lalaki at babae. May sakit ang batang lalaki. Kaya sinabi ng batang babae sa tatay nila: “Pa, tulungan n’yo po si Kuya. Kawawa naman po siya!” May ginagawa naman na ang tatay nila. Inaalagaan niya ang anak niyang may sakit kasi mahal na mahal niya ito. Pero hindi ba, magiging masaya rin ang tatay nila dahil nakita niyang mahal na mahal din ng anak niyang babae ang kapatid nito?

18 Ganiyan din ang gusto ni Jehova na gawin natin—magpakita ng malasakit sa mga kapatid at ipanalangin sila. Kapag ginagawa natin iyan, ipinapakita nating mahal natin sila at hindi lang sarili natin ang iniisip natin. Kitang-kita iyan ni Jehova. (2 Tes. 1:3; Heb. 6:10) At gaya ng natalakay natin, posibleng magbago ang sitwasyon dahil sa mga panalangin natin. Kaya huwag na huwag nating kalimutang ipanalangin ang iba.

ANO ANG SAGOT MO?

  • Bakit masasabing “napakalaki ng nagagawa” ng mga panalangin natin?

  • Bakit dapat nating ipanalangin ang iba’t ibang grupo ng mga kapatid?

  • Ano ang mga puwede nating gawin para maipanalangin natin ang mga indibidwal?

AWIT BLG. 101 Naglilingkod Nang May Pagkakaisa

a Binago ang ilang pangalan.

b Panoorin sa jw.org ang video na Takeshi Shimizu: Si Jehova ang “Dumirinig ng Panalangin.”

c Para makita ang pangalan ng mga kapatid nating nakabilanggo, i-search sa jw.org ang “Mga Saksi ni Jehova na Nakabilanggo Dahil sa Kanilang Pananampalataya—Ayon sa Lokasyon.”

d LARAWAN: Kahit may sariling mga problema ang mga kapatid, ipinapanalangin pa rin nila ang iba.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share