INDONESIA
Ang Bibelkring
NOONG huling mga taon ng dekada ’30, isang bagong relihiyosong grupo na tinawag na Bibelkring (pangalang Dutch na nangangahulugang “grupo ng mga estudyante ng Bibliya”) ang nabuo sa palibot ng Lake Toba sa North Sumatra. Nagsimulang mabuo ang grupo nang makatanggap ng literatura ang ilang guro mula sa isang payunir na dumalaw roon, malamang na si Eric Ewins na nangaral sa Lake Toba noong 1936. Dahil sa nabasa ng mga guro, iniwan nila ang Batak Protestant Church at nagtatag ng mga grupo ng pag-aaral sa Bibliya. Dumami ang mga grupong iyon at umabot nang daan-daan ang miyembro.a
Si Dame Simbolon, dating miyembro ng Bibelkring na kapananampalataya na natin ngayon
Mula sa literaturang ibinigay ng payunir, nalaman ng unang mga miyembro ng Bibelkring ang ilang katotohanan sa Bibliya. “Hindi sila sumasaludo sa bandila at nagdiriwang ng Pasko at kaarawan. May nangangaral pa nga sa bahay-bahay,” ang sabi ni Dame Simbolon, isang dating miyembro na tumanggap ng katotohanan noong 1972. Pero dahil walang suporta mula sa organisasyon ng Diyos, di-nagtagal, naging biktima sila ng maling pangangatuwiran. “Ang mga babae ay hindi pinagagamit ng makeup, alahas, usong damit, o kahit sapatos,” ang sabi ni Limeria Nadapdap, dating miyembro na kapananampalataya na natin ngayon. “Pinagbawalan din ang mga miyembro na kumuha ng national identity card, na ikinagalit naman ng gobyerno.”
Unti-unti, nagkawatak-watak ang Bibelkring hanggang sa tuluyan nang nabuwag. Pagbalik ng mga payunir sa Lake Toba, maraming dating miyembro ng Bibelkring ang tumanggap ng katotohanan.
a Ayon sa ilang impormasyon, umabot pa nga nang libo-libo ang miyembro ng Bibelkring.