Kawikaan
24 Huwag kang mainggit sa masasamang tao,+ at huwag mong hangaring makisama sa kanila.+ 2 Sapagkat pananamsam ang laging binubulay-bulay ng kanilang puso, at kaguluhan ang laging sinasalita ng kanilang mga labi.+
3 Sa karunungan ay mapatitibay ang sambahayan,+ at sa kaunawaan ay matatatag ito nang matibay.+ 4 At sa kaalaman ay mapupuno ang mga loobang silid ng lahat ng mamahalin at kaiga-igayang mga bagay na may halaga.+
5 Ang marunong sa paggamit ng lakas ay isang matipunong lalaki,+ at ang taong may kaalaman ay nagpapatibay ng kalakasan.+ 6 Sapagkat sa pamamagitan ng mahusay na patnubay ay isasagawa mo ang iyong pakikidigma,+ at sa karamihan ng mga tagapayo ay may kaligtasan.+
7 Sa mangmang ay napakataas ng tunay na karunungan;+ sa pintuang-daan ay hindi niya ibubuka ang kaniyang bibig.
8 Kung tungkol sa sinumang nagpapakanang gumawa ng masama, siya ay tatawaging dalubhasa sa balakyot na mga kaisipan.+
9 Ang mahalay na paggawi ng kamangmangan ay kasalanan,+ at ang manunuya ay kinamumuhian ng sangkatauhan.+
10 Nanghihina ba ang iyong loob sa araw ng kabagabagan?+ Ang iyong kalakasan ay magiging kaunti.
11 Iligtas mo yaong mga dinadala sa kamatayan; at yaong mga sumusuray-suray patungo sa patayan, O pigilan mo nawa sila.+ 12 Kung sasabihin mo: “Narito! Hindi namin alam iyon,”+ hindi ba ito matatalos niyaong sumusukat ng mga puso,+ at malalaman niyaong nagbabantay sa iyong kaluluwa+ at gagantihan nga niya ang makalupang tao ayon sa kaniyang gawa?+
13 Anak ko, kumain ka ng pulot-pukyutan, sapagkat ito ay mabuti; at ang matamis na pulot ng bahay-pukyutan ay mapasaiyong ngalangala.+ 14 Sa gayunding paraan, alamin mo ang karunungan para sa iyong kaluluwa.+ Kapag nasumpungan mo na ito, sa gayon ay may kinabukasan, at ang iyong pag-asa ay hindi maglalaho.+
15 Huwag kang mag-aabang, gaya ng balakyot, sa tinatahanang dako ng matuwid;+ huwag mong samsaman ang kaniyang pahingahang-dako.+ 16 Sapagkat ang matuwid ay maaaring mabuwal nang kahit pitong ulit, at tiyak na babangon siya;+ ngunit ang mga balakyot ay matitisod dahil sa kapahamakan.+
17 Kapag ang iyong kaaway ay nabuwal, huwag kang magsaya; at kapag siya ay natisod, huwag nawang magalak ang iyong puso,+ 18 upang hindi makita ni Jehova at maging masama iyon sa kaniyang paningin at pawiin nga niya ang kaniyang galit sa kaniya.+
19 Huwag kang mag-init dahil sa mga manggagawa ng kasamaan. Huwag kang mainggit sa mga taong balakyot.+ 20 Sapagkat walang kinabukasan para sa sinumang masama;+ ang lampara ng mga taong balakyot ay papatayin.+
21 Anak ko, matakot ka kay Jehova at sa hari.+ Sa kanila na pabor sa pagbabago ay huwag kang manghihimasok.+ 22 Sapagkat ang kanilang kasakunaan ay darating nang biglang-bigla,+ anupat sino ang makababatid sa pagkalipol ng mga pabor sa pagbabago?+
23 Ang mga pananalita ring ito ay para sa marurunong:+ Ang pagpapakita ng pagtatangi sa paghatol ay hindi mabuti.+
24 Siyang nagsasabi sa balakyot: “Ikaw ay matuwid,”+ susumpain siya ng mga bayan, tutuligsain siya ng mga liping pambansa. 25 Ngunit magiging kaiga-igaya nga iyon para sa mga sumasaway sa kaniya,+ at darating sa kanila ang mabuting pagpapala.+ 26 Hahalik sa mga labi yaong tumutugon nang may katapatan.+
27 Ihanda mo ang iyong gawain sa labas, at ihanda mo iyon sa bukid para sa iyo.+ Pagkatapos ay patibayin mo rin ang iyong sambahayan.
28 Huwag kang sumaksi laban sa iyong kapuwa nang walang mga saligan.+ Kung magkakagayon ay magiging mangmang ka sa iyong mga labi.+ 29 Huwag mong sabihin: “Kung ano ang ginawa niya sa akin, gayon ang gagawin ko sa kaniya.+ Igaganti ko sa bawat isa ang ayon sa kaniyang pagkilos.”+
30 Dumaan ako sa tabi ng bukid ng taong tamad+ at sa tabi ng ubasan ng taong salat sa puso.+ 31 At, narito! ang lahat ng mga iyon ay tinubuan ng mga panirang-damo.+ Tinakpan ng mga kulitis ang pinakaibabaw nito, at ang batong pader nito ay nagiba.+
32 Kaya ako ay tumingin, ako mismo; sinimulan kong isapuso+ iyon; nakita ko, tinanggap ko ang disiplina:+ 33 Kaunting tulog, kaunting idlip, kaunting paghahalukipkip ng mga kamay upang humiga,+ 34 at gaya ng tulisan ay darating nga ang iyong karalitaan at ang iyong pagdarahop na gaya ng taong nasasandatahan.+