Habakuk
1 Ang kapahayagan na nakita ni Habakuk na propeta sa pangitain: 2 O Jehova, hanggang kailan ako hihingi ng tulong, at hindi mo diringgin?+ Hanggang kailan ako hihingi sa iyo ng saklolo dahil sa karahasan, at hindi ka magliligtas?+ 3 Bakit mo ipinakikita sa akin yaong nakasasakit, at patuloy kang tumitingin sa kabagabagan? At bakit nasa harap ko ang pananamsam at karahasan, at bakit may pag-aaway, at bakit may hidwaan?+
4 Kaya ang kautusan ay nagiging manhid, at ang katarungan ay hindi lumalabas.+ Dahil pinalilibutan ng balakyot ang matuwid, kung kaya ang katarungan ay lumalabas na liko.+
5 “Magmasid kayo sa gitna ng mga bansa, at tumingin kayo, at magtitigan kayo sa isa’t isa sa pagkamangha.+ Mamangha kayo; sapagkat ang isa ay may gawaing isinasagawa sa inyong mga araw, na hindi ninyo paniniwalaan bagaman ito ay isaysay.+ 6 Sapagkat narito, ibabangon ko ang mga Caldeo,+ ang bansa na mapait at mapusok, na pumaparoon sa malalawak na dako sa lupa upang ariin ang mga tahanan na hindi nito pag-aari.+ 7 Ito ay nakatatakot at kakila-kilabot. Mula rito ay lumalabas ang sarili nitong katarungan at ang sarili nitong dangal.+ 8 At ang mga kabayo nito ay mas matulin kaysa sa mga leopardo, at mas mabangis sila kaysa sa mga lobo sa gabi.+ At dinadamba ng mga pandigmang kabayo nito ang lupa, at nanggagaling sa malayo ang mga pandigmang kabayo nito. Lumilipad silang gaya ng agila na nagtutumulin upang kumain.+ 9 Sa kabuuan ay dumarating ito ukol sa pandarahas.+ Ang pagkakatipon ng kanilang mga mukha ay gaya ng hanging silangan,+ at nagtitipon ito ng mga bihag na tulad ng buhangin. 10 At kung tungkol dito, ito ay nangungutya ng mga hari, at ang matataas na opisyal ay katawa-tawa para rito.+ Kung tungkol dito, pinagtatawanan nito maging ang bawat nakukutaang dako,+ at nagbubunton ito ng alabok at binibihag iyon. 11 Sa pagkakataong iyon ay hahayo nga ito nang pasulong na gaya ng hangin at daraan at magkakasala.+ Ang gayong kapangyarihan nito ay dahil sa kaniyang diyos.”+
12 Hindi ba ikaw ay mula pa noong sinaunang panahon, O Jehova?+ O Diyos ko, aking Banal, hindi ka namamatay.+ O Jehova, ukol sa kahatulan ay itinalaga mo iyon; at, O Bato,+ ukol sa pagsaway+ ay itinatag mo iyon.
13 Napakadalisay ng iyong mga mata upang tumingin sa kasamaan; at ang tingnan ang kabagabagan ay hindi mo magagawa.+ Bakit mo tinitingnan yaong mga nakikitungo nang may kataksilan,+ na nananahimik ka kapag nilalamon ng balakyot ang isang higit na matuwid kaysa sa kaniya?+ 14 At bakit mo ginagawang tulad ng mga isda sa dagat ang makalupang tao, tulad ng mga gumagapang na bagay na hindi pinamamahalaan ninuman?+ 15 Ang lahat ng mga ito ay iniahon niya sa pamamagitan lamang ng isang kawil;+ kinakaladkad niya sila sa kaniyang pangubkob na lambat, at tinitipon niya sila sa kaniyang pangisdang lambat.+ Kaya naman siya ay nagsasaya at nagagalak.+ 16 Kaya naman naghahandog siya ng hain para sa kaniyang pangubkob na lambat at gumagawa ng haing usok para sa kaniyang pangisdang lambat; sapagkat sa pamamagitan ng mga iyon ay nilalangisang mainam ang kaniyang takdang bahagi, at ang kaniyang pagkain ay nakapagpapalusog.+ 17 Iyan ba ang dahilan kung bakit niya aalisan ng laman ang kaniyang pangubkob na lambat, at kailangan ba niyang palaging pumatay ng mga bansa, na hindi siya nahahabag?+