-
Marcos 10:46-52Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan
-
-
46 At dumating sila sa Jerico. Pero nang si Jesus at ang mga alagad niya at ang napakaraming tao ay papalabas na sa Jerico, si Bartimeo (na anak ni Timeo), isang pulubing bulag, ay nakaupo sa tabi ng daan.+ 47 Nang marinig niyang si Jesus na Nazareno ang dumadaan, nagsisigaw siya: “Anak ni David,+ Jesus, maawa ka sa akin!”+ 48 Kaya sinaway siya ng mga tao at pinagsabihan siyang tumahimik, pero lalo lang niyang isinigaw: “Anak ni David, maawa ka sa akin!” 49 Kaya huminto si Jesus, at sinabi niya: “Papuntahin ninyo siya sa akin.” Kaya tinawag nila ang lalaking bulag at sinabi sa kaniya: “Lakasan mo ang loob mo! Tumayo ka; tinatawag ka niya.” 50 Inihagis niya ang kaniyang panlabas na damit at agad na tumayo at lumapit kay Jesus. 51 Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Ano ang gusto mong gawin ko para sa iyo?” Sumagot ang lalaking bulag: “Rabboni,* gusto kong makakita uli.” 52 Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Makakauwi ka na. Pinagaling ka ng pananampalataya mo.”+ At agad siyang nakakita,+ at sumunod siya kay Jesus sa daan.
-
-
Lucas 18:35-43Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan
-
-
35 Habang papalapit si Jesus sa Jerico, may isang lalaking bulag na nakaupo sa tabi ng daan at namamalimos.+ 36 Dahil narinig niyang maraming tao ang dumadaan, nagtanong siya kung ano ang nangyayari. 37 Sinabi nila sa kaniya: “Dumadaan si Jesus na Nazareno!” 38 Kaya sumigaw siya: “Jesus, Anak ni David, maawa ka sa akin!” 39 Sinasaway siya ng mga nasa unahan at sinasabing tumahimik siya, pero lalo lang niyang isinigaw: “Anak ni David, maawa ka sa akin!” 40 Kaya huminto si Jesus at iniutos na ilapit sa kaniya ang lalaki. Nang makalapit ito, itinanong ni Jesus: 41 “Ano ang gusto mong gawin ko para sa iyo?” Sinabi niya: “Panginoon, gusto kong makakita uli.” 42 Kaya sinabi ni Jesus sa kaniya: “Makakakita ka nang muli; pinagaling ka ng pananampalataya mo.”+ 43 Agad siyang nakakita, at nagsimula siyang sumunod sa kaniya,+ na niluluwalhati ang Diyos. Gayundin, nang makita ito ng mga tao, lahat sila ay pumuri sa Diyos.+
-