-
Mateo 12:9-14Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan
-
-
9 Pagkaalis sa lugar na iyon, nagpunta siya sa kanilang sinagoga, 10 at naroon ang isang lalaking may tuyot na* kamay.+ Kaya tinanong nila si Jesus, “Puwede bang magpagaling kapag Sabbath?” para maakusahan nila siya.+ 11 Sinabi niya sa kanila: “Kung mayroon kayong isang tupa at mahulog ito sa hukay sa araw ng Sabbath, hindi ba ninyo ito kukunin at iaahon?+ 12 Di-hamak na mas mahalaga ang tao kaysa sa tupa! Kaya puwedeng gumawa ng mabuti kapag Sabbath.” 13 Pagkatapos, sinabi niya sa lalaki: “Iunat mo ang kamay mo.” Iniunat niya iyon, at gumaling iyon. 14 Pero lumabas ang mga Pariseo at nagsabuwatan para mapatay siya.
-
-
Marcos 3:1-6Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan
-
-
3 Muli siyang pumasok sa isang sinagoga, at naroon ang isang lalaking may tuyot na* kamay.+ 2 Kaya inaabangan nila kung pagagalingin niya ang lalaki sa Sabbath, para maakusahan nila siya. 3 Sinabi niya sa lalaki na may tuyot na* kamay: “Tumayo ka at pumunta ka sa gitna.” 4 Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, “Ano ang tamang gawin kapag Sabbath: gumawa ng mabuti o ng masama, magligtas ng buhay* o pumatay?”+ Pero hindi sila kumibo. 5 Tiningnan niya sila nang may galit. Lungkot na lungkot siya dahil manhid ang puso nila.+ Kaya sinabi niya sa lalaki: “Iunat mo ang kamay mo.” At iniunat niya iyon, at gumaling ang kamay niya. 6 Kaya lumabas ang mga Pariseo at agad na nakipagsabuwatan sa mga tagasuporta ni Herodes+ para maipapatay si Jesus.
-