-
Mateo 17:1-8Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
17 Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Jesus si Pedro at si Santiago at ang kapatid nitong si Juan, at umakyat sila sa isang napakataas na bundok nang sila-sila lang.+ 2 At nagbago ang kaniyang anyo sa harap nila; suminag na gaya ng araw ang mukha niya, at nagningning* na gaya ng liwanag ang damit niya.+ 3 At nagpakita sa kanila sina Moises at Elias na nakikipag-usap kay Jesus. 4 Sinabi ni Pedro kay Jesus: “Panginoon, mabuti at narito kami. Kung gusto mo, magtatayo ako rito ng tatlong tolda, isa para sa iyo, isa para kay Moises, at isa para kay Elias.” 5 Habang nagsasalita pa siya, isang maliwanag na ulap ang lumilim sa kanila, at isang tinig mula sa ulap+ ang nagsabi: “Ito ang Anak ko, ang minamahal ko at kinalulugdan.+ Makinig kayo sa kaniya.”+ 6 Nang marinig ito ng mga alagad, sumubsob sila sa lupa sa sobrang takot. 7 Lumapit sa kanila si Jesus, hinipo sila, at sinabi: “Tumayo kayo. Huwag kayong matakot.” 8 Pagtingala nila, wala silang ibang nakita kundi si Jesus.
-
-
Lucas 9:28-36Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
28 Sa katunayan, mga walong araw pagkatapos niyang sabihin ang mga ito, isinama niya sina Pedro, Juan, at Santiago at umakyat siya sa bundok para manalangin.+ 29 Habang nananalangin siya, nagbago ang anyo ng mukha niya at kuminang sa kaputian* ang damit niya. 30 At biglang may dalawang lalaking nakikipag-usap sa kaniya, sina Moises at Elias. 31 Ang mga ito ay nagpakita taglay ang kaluwalhatian at nagsalita tungkol sa pag-alis ni Jesus, na malapit nang mangyari* sa Jerusalem.+ 32 Si Pedro at ang dalawa pang alagad ay natutulog, pero nang magising sila, nakita nila ang kaluwalhatian niya+ at ang dalawang lalaki na nakatayong kasama niya. 33 Nang iiwan na ng dalawang lalaking ito si Jesus, sinabi ni Pedro: “Guro, mabuti at narito kami. Puwede ba kaming magtayo ng tatlong tolda, isa para sa iyo, isa para kay Moises, at isa para kay Elias?” Hindi niya alam ang sinasabi niya. 34 Pero habang sinasabi niya ito, nabuo ang isang ulap at lumilim sa kanila.+ Nang mapaloob sila sa ulap, natakot sila. 35 At isang tinig+ mula sa ulap ang nagsabi: “Ito ang Anak ko, ang isa na pinili.+ Makinig kayo sa kaniya.”+ 36 Habang naririnig nila ang tinig, nakita nilang nag-iisa na si Jesus. Pero nanatili silang tahimik, at sa loob ng ilang panahon ay wala silang pinagsabihan ng mga nakita nila.+
-
-
2 Pedro 1:16-18Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
16 Ang sinabi namin sa inyo tungkol sa kapangyarihan at presensiya* ng ating Panginoong Jesu-Kristo ay hindi batay sa mga kuwentong di-totoo at inimbento nang may katusuhan, kundi batay sa nakita naming kaluwalhatian niya.+ 17 Dahil tumanggap siya ng karangalan at kaluwalhatian mula sa Diyos na Ama nang sabihin sa kaniya ang ganitong mga salita* mula sa maringal na kaluwalhatian: “Ito ang Anak ko, ang minamahal ko at kinalulugdan.”+ 18 Oo, ang mga salitang ito ay narinig namin mula sa langit habang kasama niya kami sa banal na bundok.
-