-
Mateo 26:69-75Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
69 Nakaupo noon si Pedro sa looban, at isang alilang babae ang lumapit sa kaniya at nagsabi: “Kasama ka rin ni Jesus na taga-Galilea!”+ 70 Pero ikinaila niya ito sa harap ng lahat: “Hindi ko alam ang sinasabi mo.” 71 Pagpunta niya sa may pintuan, isa pang babae ang nakapansin sa kaniya at nagsabi sa mga naroroon: “Ang taong ito ay kasama ni Jesus na Nazareno.”+ 72 Muli niya itong ikinaila at sumumpa siya: “Hindi ko kilala ang taong iyon!” 73 Mayamaya, ang mga nakatayo sa paligid ay lumapit kay Pedro at nagsabi: “Siguradong isa ka rin sa kanila. Halata sa pagsasalita mo.” 74 Kaya sinabi ni Pedro na sumpain nawa siya kung nagsisinungaling siya. At sumumpa siya: “Hindi ko kilala ang taong iyon!” At agad na tumilaok ang tandang. 75 At naalaala ni Pedro ang sinabi ni Jesus: “Bago tumilaok ang tandang, ikakaila mo ako nang tatlong ulit.”+ At lumabas siya at humagulgol.
-
-
Lucas 22:55-62Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
55 Nagpaningas sila ng apoy sa gitna ng looban at umupong magkakasama; si Pedro ay nakaupo ring kasama nila.+ 56 Pero nang makita ng isang alilang babae si Pedro na nakaupo sa tabi ng apoy, tiningnan niya itong mabuti at sinabi: “Kasama rin niya ang taong ito.” 57 Pero nagkaila si Pedro: “Hindi ko siya kilala.”+ 58 Mayamaya lang, may isa pang nakakita sa kaniya at nagsabi: “Kasama ka rin nila.” Pero sinabi ni Pedro: “Hindi!”+ 59 Pagkalipas ng mga isang oras, ipinilit ng isa pang lalaki: “Siguradong kasama rin niya ang lalaking ito dahil taga-Galilea siya!” 60 Pero sinabi ni Pedro: “Hindi ko alam ang sinasabi mo.” At agad na tumilaok ang tandang habang nagsasalita pa siya. 61 Nang pagkakataong iyon, lumingon ang Panginoon at tumitig kay Pedro, at naalaala ni Pedro ang sinabi sa kaniya ng Panginoon: “Bago tumilaok ang tandang sa araw na ito, ikakaila mo ako nang tatlong ulit.”+ 62 At lumabas siya at humagulgol.
-
-
Juan 18:17, 18Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
17 At sinabi kay Pedro ng alilang babae na nagbabantay sa pinto: “Hindi ba isa ka rin sa mga alagad ng taong iyon?” Sinabi niya: “Hindi.”+ 18 Malamig noon, kaya nagpaningas ng apoy ang mga alipin at mga sundalo at tumayo sa paligid nito para magpainit. Si Pedro ay nakatayo ring kasama nila at nagpapainit.
-