-
Mateo 26:69-75Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
69 Nakaupo noon si Pedro sa looban, at isang alilang babae ang lumapit sa kaniya at nagsabi: “Kasama ka rin ni Jesus na taga-Galilea!”+ 70 Pero ikinaila niya ito sa harap ng lahat: “Hindi ko alam ang sinasabi mo.” 71 Pagpunta niya sa may pintuan, isa pang babae ang nakapansin sa kaniya at nagsabi sa mga naroroon: “Ang taong ito ay kasama ni Jesus na Nazareno.”+ 72 Muli niya itong ikinaila at sumumpa siya: “Hindi ko kilala ang taong iyon!” 73 Mayamaya, ang mga nakatayo sa paligid ay lumapit kay Pedro at nagsabi: “Siguradong isa ka rin sa kanila. Halata sa pagsasalita mo.” 74 Kaya sinabi ni Pedro na sumpain nawa siya kung nagsisinungaling siya. At sumumpa siya: “Hindi ko kilala ang taong iyon!” At agad na tumilaok ang tandang. 75 At naalaala ni Pedro ang sinabi ni Jesus: “Bago tumilaok ang tandang, ikakaila mo ako nang tatlong ulit.”+ At lumabas siya at humagulgol.
-
-
Marcos 14:66-72Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
66 Habang si Pedro ay nasa ibaba sa looban, dumating ang isa sa mga alilang babae ng mataas na saserdote.+ 67 Pagkakita kay Pedro na nagpapainit, tumitig ang babae sa kaniya at nagsabi: “Kasama ka rin ng Nazareno, ng Jesus na iyon.” 68 Pero ikinaila niya ito: “Hindi ko siya kilala at hindi ko alam* ang sinasabi mo.” At pumunta siya sa may labasan. 69 Nakita siya roon ng alilang babae at sinabi nito sa mga nakatayo roon: “Isa siya sa kanila.”+ 70 Muli niya itong ikinaila. Mayamaya, ang mga nakatayo roon ay muling nagsabi kay Pedro: “Siguradong isa ka sa kanila, dahil taga-Galilea ka.” 71 Pero sinabi ni Pedro na sumpain nawa siya kung nagsisinungaling siya. At sumumpa siya: “Hindi ko kilala ang taong sinasabi ninyo!” 72 Agad na tumilaok ang tandang sa ikalawang pagkakataon,+ at naalaala ni Pedro ang sinabi ni Jesus sa kaniya: “Bago tumilaok ang tandang nang dalawang beses, ikakaila mo ako nang tatlong ulit.”+ At nanlupaypay siya at humagulgol.
-
-
Juan 18:18Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
18 Malamig noon, kaya nagpaningas ng apoy ang mga alipin at mga sundalo at tumayo sa paligid nito para magpainit. Si Pedro ay nakatayo ring kasama nila at nagpapainit.
-